Posted in Other, poem

paalam

hindi ko na nanaisin pang pigilan
ang iyong napipintong paglisan
sapagkat nalalaman kong
wala ring saysay ang mga pangungusap
sapagkat ang kapasiyahan mo
ay parang bundok na kaytatag
na matapyas man
ay hinding-hindi agad matitibag.

hindi ko na rin uusalin pa
ang pangungusap ng hinaing
ng kirot ng puso at sugat sa damdamin
sapagkat nalalaman kong
may likas na tamis at pait
ang bawat ala-ala ng mga paglisan.
oo, mananatiling pinid ang aking bibig
at sarado ang aking puso
sa bawat katok ng kirot ng pangungulila’t pag-iisa
at sa pagsalamisim sa anino
ng iniwan mong mga ala-ala.

oo papatak ang mga luha
subalit miminsan lamang silang mag-uunahan
sa pagtakbo sa aking mga pisngi
at mapapalis din agad sila ng malamig na hangin
na naghahatid sa iyo sa daan
na pinili mong landasin at tahakin
oo parang alapaap lamang sila
sa saglit na pag-ambon
at agad ding hahawiin ng ihip ng hangin
upang bigyang-laya ang sinag
ng nagkukubling araw sa maghapon.

gayunman aaminin ko
may mga pagkakataong hahanapin kita
sa bawat gulong ng sasakyan
ng nanlilimahid na tsuper sa kalsada;
sa humpak na pisngi ng manggagawang
nalalason na’t nangangayayat sa pabrikat’ empresa;
sa karit na nangagalawang at sudsod na mapurol
ng busabos na magsasaka;
sa butas na lambat at bunging salakab
ng maralitang magdaragat;
sa pudpod na lapis at kuwadernong manipis
ng estudyanteng ang pangarap na makatapos
ay nagsisimula nang mapanis dahil sa hirap na tinitiis;
sa matris ng kababaihang kinakalakal na ang puri
upang kaunting bigas at ulam ay makabili;
sa kahon na pinaglalagyan ng migranteng nasawi
sa pambubugbog o sa pang-uurak ng among walang silbi.

kaya nga, hahayaan kita
pababayaan kitang lumipad katulad ng ibon
at ikampay ang pakpak sa dako pa roon

at hindi ipahahalata ang aking pangungulila
ni hindi ipadarama ang kapaitan
dahil nalalaman ko, nababatid ko
na darating din ang araw
na muli kang magbabalik
sa anyo ng malamig na bukang-liwayway
na hahawi sa kadilimang hatid
ng hatinggabi sa aking bayan
at sa pagsapit ng dakilang araw
sa pagbitak ng mapulang umaga
ang luhang pumatak ay magiging butil ng hiyas
ng kagalakan at katuwaan
na buong kasiyahang ikukuwintas sa iyong leeg
at muli, mayayakap ka sa aking bisig
at hinding-hindi ka na muli pang lilisan. hindi na.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s