Posted in essay

Alex

Isa lang ang napagtanto ko na dapat kong gawin sa pagpanaw ng mabuting kaibigan at kasama na si Alexander Martin Remollino (AMR) – ang lalo pang pasinupin ang pagsusulat at pagtula, ang pagsasalaysay at pagsasanaysay – para sa sambayang patuloy na inaapi’t pinagsasamantalahan, inaapi’t binubusabos.

***

Nagkakilala kami AMR nang maging kasapi ako ng Kilometer 64 poetry collective noong 2003 o 2004. Isang mabulas na mama, matangkad, mahaba ang buhok. Nagkalapit kami dahil mahiligin kami kapwa sa tula at sa panitikan, at siyempre pa, pareho kaming aktibista.

At siya rin ang naging dahilan kung bakit ako nakapagsulat sa Bulatlat ng mahaba-haba rin namang panahon, bago ako tuluyang nagpahinga sa parlamentaryong panlasangan, dalawang taon na ang nakararaan.

***

Natutuwa ako sa tuwing napupuri niya ang tula ko. Tuwang-tuwa rin siya kapag napupuri ang kanyang mga tula. Pero wala kaming mutual admiration club. Pareho lang siguro ang likaw ng utak at bituka namin.

***

Mahusay na makata si AMR at nakasungkit ng ilang parangal dahil sa kaniyang mga tula. Pero hindi niya sinubukang mag-Palanca (na pinanalunan ngayong taon ng katoto at kasama rin sa pakikibakang si Mark Anthony S. Angeles, ikatlong gantimpala). Marahil, hindi siya naniniwala sa mga patimpalak, maliban sa isang di na ngayon aktibo. Mas naniniwala siya na ang parangal ng masa – hindi ng kung sinupaman – ang mas mahalaga. At naniniwala rin ako doon bagaman nananalangin akong makasungkit, kahit karangalang banggit sa ilang prestihiyosong patimpalak pampanitikan sa bansa.

***

Mainitin ang ulo ni AMR; at iyon ang ayaw ko sa kanya. Pero natutuwa ako at nagmamalaki-sa-sarili sa tuwing “maaamo” ko ang nag-aalimpuyong dibdib niya. Mahilig kumain si AMR, gaya ko. At doon ko siya napakalma.

***

Nagimbal ako nang mabalitaan ko na nag-collapse siya at naospital dahil sa diabetes. Sampung ulit na tumaas ang kanyang sugar level; delikado sa loob-loob ko dahil ang umampon sa akin, si Tatay Ba ay diabetic din. Pero hindi ako kinabahan. Alam kong malakas ang loob at pag-iisip ni AMR. Hindi siya basta bibigay.

Kaya natuwa ako nang sabihin nila noong isang araw, okay na raw si AMR. Wala na ang tubong nakaupaop sa kanyang bunganga. Nakakain na rin kahit papaano, pagbabalita ng kanyang kasintahan na si Becca (Rebecca Lawson), na ipinasa naman sa akin ni Mau (Maureen Gaddi de la Cruz), isa sa mga musa namin sa KM 64 at matalik ding kaibigan at kasama, sa pamamagitan ng text at tawag.

Gayundin ang pagbabalita sa akin ni Tom (Rustum Gil Casia), ang pundador ng KM 64 at ni Pia Montalban (ng Kariton Literary and Arts Collective, na kasama rin si AMR na nagpundar). Nabunot ang tinik sa dibdib ko.

***

Kagabi kausap ko si Roma (Ma. Roma E. Tarranza, R.N., U.S.R.N) matalik na kaibigan at nobya ni Tom; PATAY NA SI ALEX, aniya.

Napanganga ako. Hindi kami makakibo ni misis. Balak naming dalawin siya sa Lunes o Miyerkoles, kung kailan man kami maaari.

Napaiyak ako sa sakit na naramdaman ko noong mga oras na iyon. Ni hindi ko man lamang siya nakausap o nahawakan.

***

Mayroon kaming librong binubuo nina Alex, Pia at Rom (Romeo A. Factolerin) para sa Kariton: Pagtahak sa Aspaltong Gubat. Si AMR sana ang editor.

Bilang parangal sa kanya, itutuloy namin ang libro, na halos buo na rin naman. Kailangan lamang nang kaunting pagkikinis. Hindi na siya ang editor. Ako na. At marami akong tula at sanaysay niya na isasama sa libro. Dahil para sa kanya rin ang libro. Dahil siya ay dapat pag-alayan ng libro. Dahil ang kanyang buhay ay isang makapal na libro – libro ng pakikibaka at pagtatanggol para sa karapatan at kapakanan ng sambayanang Pilipino.

***

Dadalaw ako sa kanya anumang araw. Hindi na sa ospital kundi sa isang kapilyang pinaglalagakan ng kanyang katawan. Patay na si AMR, oo, pero ang diwa niya’y mananatiling buhay. At hindi iyon mamamatay kailanman… hanggang mayroong pinagsasamantalahan at hanggang mayroong lumalaban para sa bayan.

***

Magbi-birthday nga pala ang isa ko pang tatay, si Ka Bay (Bayani S. Abadilla). Patay na rin si Ka Bay, dalawang taon na siyang nakalibing sa isang sementeryo sa Maynila subalit hindi ko pa nasisilip. Parang hindi ko pa kaya.

Bagaman patay na siya, buhay pa rin siya. At katulad ni AMR, sa sabana ng tagumpay ng demokratikong pakikibaka, yayapusin ko sila – sa anyo ng malayang balana.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “Alex

  1. Sumalangit nawa… Hindi man lang po ako nagkaroon ng pagkakataong makilala siya… Sana po ay mabasa ko ang kanyang mga katha upang doon ko buhayin ang kanyang mga alaala…

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s