Posted in essay, non-fiction, women and children's issues

Ambon at mga alaala

mahinang ambon ng mga ala-ala, pagbabalik ng mga kamay ng orasan sa loob ng isipan

MARAHIL, ang tag-ulan ay isang panahon ng pagbulwak ng mga ala-ala. Pagtatagpo ito ng mga puso’t isip — parang sa langit, ang maalab na pagtatagpo ng malamig at mainit na hangin na magiging kulog at sagitsit ng kidlat; bumibingi sa puso sa panahong katahimikan at ng pag-iisa.

***

Hindi ko masyadong gusto ang haiskul. Maraming mapapait na pangyayaring nangyari sa akin sa panahong inilagi ko sa isang pribadong paaralan sa isang bayan ng patis, bagoong at toyo. Hindi ko na babanggitin pa kung anu-ano ang mga iyon subalit aaminin kong marami akong gustong balikan sa paaralang iyon na mayroong nabubulok na mga kasilyas, maruming mga pasilyo, at isang basketball court na mabuhangin.

Gusto kong balikan ang ilang mga pangalang isinulat sa ilang pahina ng libro ng aking mga ala-ala.

***

Lagi siyang umiiyak noon sa panahon ng algebra at accounting subjects. Isang payat na babae si M. Nakasalamin. Naka-retainers. Isang average school kid na gustong makatapos ng pag-aaral, makapagtrabaho’t makabuo ng isang maayos na pamilya.

Bagaman nagkasama kami nang matagal-tagal, hindi ko siya ganoong kakilala. Maliban lamang sa ilang hibla ng kanyang hagikhik, ngiti at anag-ag ng kanyang anino sa tuwing sumasapit ang hapon.

***

Nagkatagpo kaming muli sa makulay at masalimuot na mga pahina ng Facebook. Parang si B., malungkot ang ilang bahagi ng kanyang buhay pagdating sa relasyon at pag-aasawa.

Bagaman maraming tanggap ang pagiging hiwalay sa asawa, marami pa rin namang iba na humuhusga sa kanila.

“Ang pinagsama ng Diyos ay huwag papaghiwalayin ng tao*,” ang agad nilang sasabihin. Paano kung malademonyo na ang pagsasama ng mag-asawa dahil sa pangangalunya o pakikiapid?

Ang tugon ng ating Panginoong Hesukristo tungkol diyan:

At sinasabi ko sa inyo, Sinomang ihiwalay ang kaniyang asawang babae, liban na kung sa pakikiapid, at magasawa sa iba, ay nagkakasala ng pangangalunya: at ang magasawa sa babaing yaon na hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya.**

Dahil masakit para sa isang babae o isang lalaki na matuklasan na ang kanyang asawa’y nakikiapid — masisisi mo ba silang magpasyang makipaghiwalay sa kanilang mga asawa? Masisisi mo ba si M.? Sapagkat ang puso’y nagmamahal kung kaya’t nasasaktan at mayroong kirot na mawawala lamang sa pagbubusbos.

At muli, naalala ko si M. na isang simpleng babaing nasa haiskul. Umiiyak kapag nakakagalitan ng titser at ngayon ay lumuluha siya, hindi bilang isang estudyante sa paaralang iyon sa isang bayan sa Kamaynilaan na kilala sa kanilang isda, patis, toyo’t bagoong — kundi bilang isang ina’t mag-aaral ng buhay.

Sa pagpatak ng ambon sa aking bubungan (ulan na bumubunghalit ngayon), nakikiiyak ang aking kaluluwa sa kanya at umaasang sa takdang panahon, sisikat din ang kanyang araw at ngingiti siya kagaya ni Pebo sa dakong silangan.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “Ambon at mga alaala

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s