Posted in critical essay, non-fiction, social realism, women and children's issues, women and poverty, youth issues

Sila sa isang sulok ng baryo

Sa hirap ng buhay, maging ang kanayunang dati-rati’y tila hindi nahihipo ng anumang “dumi” ng lungsod, naroon sila at nabubuhay—parang mga ibon, nakahawla subalit nangangarap na makaalpas at guminhawa ang kanilang buhay nang hindi kinakalakal ang mga sarili.

Calatagan, Batangas—Kasing kayumanggi ng lupaing iyon ang kanilang balat, bagama’t bahagyang pumusyaw ang isa. Kakulay ng lupaing kakabit-pusod ng mga magbubukid na ang isang kahig, isang tuka. Subalit, kadalasan kahit anong kahig, wala pa ring matuka.

Sa lupaing iyon na nagtataasan ang mga tanim na tubo sa nag-iisang asyendang pag-aari ng maimpluwensiyang angkan at lahi ng mga pulitiko, nakita namin silang nagpupumilit na mabuhay bilang mga babae.

Sa lupaing iyon nakausap namin sila at naisalaysay nila sa amin ang ilang kubling bahagi ng kanilang buhay na hindi namin alam kung talagang kubli pa. Kung tutuusin, napaka-ordinaryo ng kanilang kuwento. Ngunit sa kabilang banda, masasabi mong paulit-ulit mo itong maikukuwento.

Hindi dahil maganda ang kanilang kuwento kundi naroroon ang isang pilas ng katotohanan ng buhay—may mga dambuhalang lumalapa sa mga maliliit at may mga maliliit na kumakapit sa mga dambuhala, kahit pa sabihin na nating ikasawi nila.

Sina Julie Anne at Lovely

Nagpakilala siya bilang si Julie Anne. Lovely naman ang ibinigay na pangalan ng isa na napiling teybulan ang kasama ko.

Agad siyang humingi ng dispensa dahil nagbabalat daw ang kanyang mukha.

“Dahil sa astringent,” ang sabi niya. Tinanggap ko naman ang dispensa niya samantalang narinig kong humingi rin ng dispensa si Lovely. Iyon naman, dahil sa kanyang hitsura. Puyat na puyat daw sila kagabi dahil sa dami ng kostumer. Alas-kuwatro [ng madaling-araw], anila, nang dalawin sila ng antok.

Umorder sila ng beer at sumabay sa amin sa pag-inom. Doon nagsimula silang magsalaysay ng kanilang mga buhay.

Anak ng magsasaka mula sa Lucena, Quezon si Julie Anne.

Kadidisiotso pa lamang niya noong Hulyo, bida niya sa akin at dalawang linggo pa lamang siyang nananatili sa lugar na iyon.

“Napakahirap ang buhay namin doon. Wala naman kaming sariling bukid na sinasaka. Nakikisaka lamang kami at iyong bunga ng maisan ng kapitbahay namin ang ipinagbibili ng mga magulang ko para may makain kami,” kuwento niya sabay lagok ng serbesang nagsisilbi na ring lady’s drink.

“Sa bawat sakong naipagbibili namin, kumikita kami ng kaunti. Mura lamang kasi ang isang sako. Kapag naipagbili na naming lahat, kumikita lamang kami ng P250 na hindi pa magkasya sa amin,” aniya.

“Kaya napagpasyahan kong umalis na lamang at maghanap ng trabaho. Noong una, napasok akong yaya. Nagkayayaan kami ng kaibigan kong namamasukan din at nabalitaan naming malaki rin ang kita sa ganitong trabaho kaya dumayo kami rito sa probinsya dahil walang kumpetensiya,” aniya.

Iba naman ang kuwento ni Lovely. Aniya, maalwan naman ang kanilang pamilya subalit hindi niya matiis ang ugali ng kanyang amain—ang bagong asawa ng kanyang ina—kaya naglayas siya at natagpuan ang sarili sa lugar na iyon.

“Seaman ang tatay ko. Lumayas ako sa amin dahil hindi ko makasundo ang stepfather ko,” sabi naman ni Lovely. “Tapos, gaya rin ni Julie, pinasok ko ang trabahong ito kasi malaki nga ang kita kaysa sa iba[ng trabaho],” sabi pa niya.

“Payag kaming mag-all the way (puwedeng makipagtalik) sa halagang P1,500. O kahit P1,000 ayos na iyon. Pero hindi lahat ‘yon, napupunta sa amin,” sabi ni Julie Anne.

Kalakhan nito, sabi naman ni Lovely, napupunta sa bar bukod pa sa bayad sa bar fine kapag inilalabas sila. Tanging P700 lamang ang napupunta sa kanila gabi-gabi, mula sa P1,500 na bayad na iyon. At para kumita ng malaki, kailangan nilang “makarami” sa bawat gabi gayundin sa lady’s drink na ilang piso lamang (P130 ang kada bote) ang napupunta sa kanila.

“O kung gusto nila, diyan na lamang kami sa mga kuwarto namin. P130 lang,” ani Julie Anne.

Kung titingnan, mas malaki nga naman kaysa sa karaniwang kita ng isang pamilyang magsasaka na katulad ng kanya (pamilya ni Julie Anne) ang kanyang kinikita sa pagbebenta ng laman. Gayundin, si Lovely na aniya’y “hindi na niya kailangan pang umasa sa kaninuman dahil sa kinikita niya, marami na siyang mabibili.”

Pagbebenta ng laman sa kanayunan

Dalawa lamang sila kung tutuusin sa dumaraming bilang ng mga kababaihan mula sa kanayunan na isinasangkot ang sarili sa pagbebenta ng laman.

Sa estadistikang ipinalabas ng Amihan, ang Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid ng Pilipinas, nasa 800,000 kababaihan ang nasa ganitong uri ng trabaho; 200,000 nito ang nasa kanayunan. Isang magaspang na pagtaya (rough estimate) pa lamang ang bilang na ito, ayon sa Amihan.

“May ilan sa mga kababaihang ito ang tumatanggap ng de-lata at ilang kilong bigas bilang kapalit ng pakikipagtalik nila sa kanilang mga parukyano,” anang Amihan sa isang pahayag.

Nakumpirma ito ng ilang nakausap namin sa Calatagan. Anila, may ilang pumapayag nang makipagtalik sa isang kustomer kapalit ang ilang kilong bigas—may maisaing lamang at mapakain ang kanilang mga anak.

“May isang bahay nga riyan,” anang nakausap namin, “na karga ang anak tapos kapag may tumuktok sa pinto’t makilalang kustomer agad na sisigaw ‘Hawakan mo ireng bata at maliligo lamang ako. May kustomer.’”

Sa pahayag na ito, lumilitaw na pikit-mata ring tinanggap ng kanilang asawa (at nakikisangkot pa) ang kanilang itinuturing na hanapbuhay dahil na rin sa matinding kahirapan at kawalang oportunidad.

Sinabi naman ng ulat ng National Commission on the Role of the Filipino Women (NCRFW), na nailathala sa Report on the State of Filipino Women 2001-2003, na kahit na marami sa mga kababaihan ang nakikisangkot sa produksiyon (agrikultura), nananatili pa rin ang kahirapan sa kanilang hanay dahil na rin sa hindi patas na pagtingin sa kanila, bukod pa sa wala rin silang lupang sinasaka.

Ito ay sa kabila ng isinasaad ng batas Republic Act No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law, na dapat ay pantay ang karapatan sa pagmamay-ari ng lupa ang kapwa babae at lalaking magbubukid.

Isinisi rin ng NCRFW sa “hindi balanseng pagpapaunlad ng mga lugar, ang pagtuon lamang sa lugar na urban (o kalungsuran) ang ganitong paghihirap ng mga nasa kanayunan” na kalauna’y bumibiktima sa kababaihang tulad ni Julie Anne.

Bukod dito, nakakatakot ding isipin na sa kanayunan, kung saan hindi masyadong malaganap ang kaalaman tungkol sa sakit na dulot ng pakikipagtalik, gaya ng HIV (human immuno-deficiency virus) at AIDS (acquired immune-deficiency syndrome), malaki rin ang posibilidad na magkaroon sila ng ganitong uri ng karamdaman.

Sa estadistikang ipinalabas ng Department of Health noong 2001, lumilitaw na napakaraming Pilipino, partikular sa mga kanayunan ang walang kaalaman tungkol sa AIDS.

Mababa ng halos 4% (74.9%) kumpara sa 78.8% ng mga kalalakihang nasa lungsod, ang mga kalalakihang nasa kanayunan na nakakaalam na ang paggamit ng condom ay pamamaraan para makaiwas sa HIV at AIDS; samantalang nasa 84.8% ng mga kababaihang nasa kanayunan, gaya ni Julie Anne, ang nakakaalam na maaring maiwasan ang AIDS at anumang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Mababa ito kumpara sa 90.8% ng mga babaing nasa kalungsuran (urban).

“Gusto rin naman naming umalis dito pero hindi namin alam kung paano. Wala naman kasing mahanap na trabaho,” ani Julie Anne at Lovely.

Nakakalungkot isipin na dahil sa kawalang oportunidad, maraming kababaihan—kabataang kababaihan—tulad nila ang nasasadlak sa ganitong uri ng kabuhayan.

Kung magkakaroon lamang sana ng patas ng pang-ekonomikong patakaran para sa babae at lalaki ang gobyerno at gayundin, pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng kanayunan, marahil mawawala na sina Julie Anne at Lovely sa mga kubling sulok, hindi lamang ng mga baryo kundi ng buong kapuluan.

* Ang artikulong ito ay finalist sa ika-14 Lopez Jaena Journalism Workshop na ginanap noong Oktubre 23-29 sa College of Mass Communications, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Quezon City. Unang nalathala sa Pinoy Weekly Vol. 4 No. 42, Nobyembre 9 -15, 2005.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s