Posted in counter-culture, critical essay, essay, non-fiction, Other, women and children's issues

PAGTATAGPO: Ako, si B. at ang drama sa labas ng telon (Unang Bahagi)

Larawan mula sa http://agreenliving.org/tag/modern/

Hinahanap ko siya at natagpuan ko.

Muli kaming nagkasalagway, sa social networking site na Facebook. Kaytagal ko siyang hinanap, inaamin ko. Hindi dahil nahuhumaling ako sa kanyang alindog, kundi hinahanap ko ang kanyang ginintuang puso.

Haiskul nang magkrus ang mga landas namin ni B. Mahusay siyang kumanta’t sumayaw. Maganda siya at balingkinitan ang katawan. Marami ang humahanga sa kanya. At dama ko, sa kaibuturan ng dibdib ko, marami ring nagnanasa sa kanya.

Bigla siyang nawala sa paaralan namin. Hindi ko matandaan kung nasa ikatlo o ikaapat na taon ako ng haiskul.

Mayroong nakapagbalita sa akin na mag-aartista siya. Iyon ang gusto niya, ang makilala at ibigin ng buong mundo bilang bituin sa pinilakang tabing. Lihim akong nagdasal noon, umaasa akong magtatagumpay siya.

♦♦♦

Larawan mula sa http://commons.wikimedia.org/wiki/File:Film_projector6.jpg

Sa aandap-andap na projector ng isang lumang sinehan sa Maynila ko natagpuan ulit si B.

Noon pa man, sexy nang manamit at pumorma si B. Ligawin siya, oo. Mabait kasi. Sobrang magmahal. Pero nang makatagpo ko siya—ako bilang manonood at siya bilang artistang iniluluwa ng malamlam na ilaw ng projector—hindi na siya ang dating B.

Mas maharot na siya ngayon. Mas magaslaw. Mas kaakit-akit. Walang damit. Nakabilad ang iniingatang alindog. Pinaknit niya ang kainosentehan dahil sa pangarap na sumikat.

Ang huling mga taon ng Dekada ’90 at unang bugso ng taong 2000 ay panahon ng mga artistang naghuhubo at nakikipagtalik—disimulado—sa kamera para sumikat. Isa si B., ang aking mabuting kaibigan si B., ang sumubok na tahakin ang landas ng sensuwalidad para abutin ang kanyang pangarap na bituin.

Larawan mula sa http://blogs.smh.com.au/lifestyle/asksam/archives/2008/01/

Pero hindi na ako gaanong nabigla dahil nasabi na rin ng isa sa malalapit kong kaibigan sa sekundaryang si K. ang tungkol kay B. Iba na ang pangalan niya. Iba na rin ang pagkatao niya sa mata ng tao. Pero para sa akin, siya pa rin si B.—ang aking si B.

♦♦♦

Naging starlet si B. Nabilang siya sa pinakamagagandang mukha sa balat ng pinilakang-tabing na walang takot na maghubad sa mga pelikulang kung tawagin ay pitu-pito—kahawig ng dekoksiyon ng mga halamang gamot na kontra-diabetes at altapresyon, na ibinibenta katabi ng gamot na pampaagas (abortifacient) sa Quiapo.

Sabi ng peryodistang pampelikula at independent filmmaker na si Julianito Villegas Villasanta sa kanyang aklat na Seksinema na inilathala ng The World Publishing noong 2009, naging pingkian ng kapangyarihan—ng estado at manggagawang pangkultura—ang pelikulang katulad ng pinagbibidahan ni B. ng aking si B.

Pagsipi niya kay Joel David, “ang sensura… ay hindi kailangan sa isang bansang nagnanais na lumaya bagama’t para sa kanya, masalimuot ang ugnayan ng sensura at mga bagay-bagay sa lipunan” (151).

♦♦♦

Maging sa tunay na buhay, censored ang ilang bagay para kay B. Maraming bawal. Maraming bakod. Maraming barbed wire na nagsisilbing hangganan ng kanyang buhay at pagkatao. Hindi ko ito natitiyak pero gayon ang nararamdaman ko kay B. Intuition. Isang malalim na pakiramdam.

Ang haiskul na pinasukan nami’y hunyango, hybrid na uri ng eskuwelahan.

Sabi ng mga may-ari, na kapuwa sumakabilang-buhay na, sekular o non-sectarian ang paaralan namin. Pero tuwing Biyernes, araw ng kombokasyon, mga pastor ng Iglesya Metodista ang nangangaral sa amin.

Mahigpit ang katuruan ng Iglesya Metodista, pagdating sa moralidad. Sabi nga ni Rev. Paul T. Stallwart, sa kanyang sermon na pinamagatang Salvation and Sexuality What the United Methodist Church Teaches, ipinahayag niya ang pagkaunawa ng Iglesya Metodista sa kayarian (structure) ng pagsasama o relasyong seksuwal sa pagitan ng babae’t lalaki—eksklusibo ito o nararapat lamang para sa mag-asawang ikinasal (Life Watch.org).

Kaya nga, ang pangunahing motto ng paaralan namin: “Where character is developed with intellect.” Pag-uugali ang unang hinuhubog sa pamamagitan ng samu’t saring mga batas at patakaran, bago ang aming katalinuhan.

Marahil ito rin ang nag-udyok sa iba, tulad ko na umiba ng landas, pagdating sa kung paano bibigyang kahulugan at kabuluhan ang salitang moralidad, relasyon, seksuwalidad, sensuwalidad, at pagkatao.

Hindi ito masasabing rebelyon o marahas na paglaban sa mga patakaran. Pag-iiba lamang ng pag-iisip. Hindi pagkomporme sa sinasabi ng ilang banal na aso at santong kabayong nangangaral ng mabuti subalit taliwas ang kanilang mga ginagawa.

Kaya marahil, ninais ni B. na kumawala sa kumbensiyon. At para maiba marahil ang kanyang landas, tinahak niya ang landas ng pag-aartista, ang paghuhubo sa pelikula. Natupad naman ang kanyang nais: ang mabago ang kanyang landas; at sa pakiwal-kiwal, paliku-likong landas na iyon, nabago ang ilang bahagi ng kanyang pagkatao.

♦♦♦

Larawan mula sa http://www.un-loaded.com/2009/05/parallel-life.html

Sa pagpapalit niya ng pangalan bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa showbiz, nabihisan din siya ng ibang pagkatao. Ibang-iba na si B. na naging pokus na rin ng naglalaway na kalalakihang nagbabasa ng bastos na mga tabloid.

Hindi na siya ang dating si B. na pa-tweetums na mag-aaral sa haiskul na kumakanta sa ibabaw ng entablado ng mga awiting sikat na sikat noon at sumasayaw ng Pizza at Short, Short Man. Palaban na siya ngayon.

Sa mga larawan niya sa tabloid, bihira siyang may saplot, kung paanon hubad din siya sa bawat pelikulang ginagawa niya.

Batay sa nasaliksik ko, nagkaroon siya ng siyam na pelikula, mula 1999 hanggang 2008. Lahat ng naging papel niya, nakahubo—puta, haliparot, kerengkeng, sabi nga ni Mr. Fu ng isang sikat na estasyong FM sa Maynila.

♦♦♦

Marahil, hindi lingid sa kaalaman ng marami, noong panahong 1997 hanggang 1999, dumanas nang matinding krisis pang-ekonomiya ang buong rehiyon ng Asya. Labis na naapektuhan noon ang Pilipinas at ang bigat ay napunta sa balikat ng kababaihan pagdating sa isyu ng hanapbuhay, pananalapi at panlipuang serbisyo (Tuaño 8; Guina 3; Illo, as cited in Chavez & Cordero 2001).

At noong panahon ding iyon, namayagpag ang pelikulang bold. Ang unang pasabog ng katas ng kalibugan sa pelikula, gaya ng mga pelikulang pinagbidahan ni B., ay ang film outfit ng kontra-sensurang si Armida Siguion-Reyna, ang Reyna Films (Villasanta 82).

Hindi na bago ang pamamayagpag ng pelikulang may temang sex, kagaya ng mga pelikula ni B., sa tuwing magkakaroon ng pang-ekonomikong krisis o depresyon.

Sa Estados Unidos, naging malaganap noong dekada ’70 ang pelikulang umiikot ang kasaysayan sa kalibugan at karahasan.

“Although the 1970s opened with Hollywood experiencing a financial and artistic depression, the decade became a creative high point in the US film industry. Restrictions on language, adult content and sexuality, and violence had loosened up, and these elements became more widespread. The hippie movement, the civil rights movement, free love, the growth of rock and roll, changing gender roles and drug use certainly had an impact. And Hollywood was renewed and reborn with the earlier collapse of the studio system, and the works of many new and experimental film-makers (nicknamed “Movie Brats”) during a Hollywood New Wave,” pahayag ni Tim Dirks, isang mahusay na istoryador na pampelikula (filmography).

Kung sabi ni Karl Marx na relihiyon ang opyo ng masa noong una (Marxists.org), tila ang pelikulang mayroong temang pantasya, karahasan at kalibugan ang nagiging instrumento ng tao para makatakas siya pasumandali sa reyalidad na kanyang kinahaharap. Sa madaling-sabi, eskapismo.

Binigyang-depinisyon ng Random House Webster’s Dictionary (4th Edition) ang salitang escapism bilang “the avoidance of reality by absorption of the mind in entertainment or fantasy (241).

Iisang pelikula lamang ang napanood ko kay B. na hindi ko maaaring banggitin ang pamagat. Subalit sa pelikulang iyon ni B., napatunayan nakalulunod ng isipan ang gayong mga panoorin. Nakapagpapalimot ng sarili. Sa loob ng sinehan ay wala kang makikita o maamoy maliban sa libog na hatid ng pelikulang ibinubuga sa telon ng pupugak-pugak na film projector, ang mga anino ng nagpaparaos at pinagpaparausan, ang mga impit na buntung-hininga at halinghing, at ang mga pangalang itinatago rin sa dilim ng sinehan sa takot nilang mahusgahan ng lipunan.

♦♦♦

Sabi ng kritiko at blogger ng Huffington Post na si Scott Mendelson, gamit ang analisis sa pelikulang Sex and the City 2:

“Women (stereotypically) spend their lives doing for others, neglecting themselves often at the cost of their own mental and physical health. Thus their fantasy films will often revolve around either someone taking care of them (hence the peril sub-genre that appeals to both sexes equally and occasionally leaches into pornography), them taking care of themselves when no one else can (woman in danger movies like When A Stranger Calls or Red Eye), or being so wealthy or set that the world just takes of you by happenstance (this is where Sex and the City comes in)” (Mendelson’s Memo).

Nang mag-usap kami online, naipagtapat sa akin ni B. na battered GF siya sa una niyang naging kasintaha.

Sa isang basketbolista siya naugnay noon. Hindi ko na matandaan ang pangalan, o baka naman hindi ko rin nalaman talaga ang pangalan niya? Hindi ko na rin ninais na itanong pa kay B. ang kanyang pangalan.

Masakit isipin na ang isang babaing tulad ni B. ay pagmamalupitan ng isang lalaki.

Pero, sabi ni B., extremes siya kung magmahal. Masyadong mahigpit sa umpisa, masyadong maluwag sa pangalawa. Sa ganitong sitwasyon, nalilito na siya. Hindi na niya maunawaang ang sarili, hindi niya mapagtanto kung saan siya lulugar sa mundong ito. Ako man ay naguguluhan na rin.

Sa puntong iyon ng pag-uusap namin, umiinit ang dibdib at sulok ng mga mata ko. Pero hindi ko mayayakap at maaalô si B. Malayo ako sa kanya. Pinaglalapit lamang kami ng cursor na kikindat-kindat, parang siyang nanunukso sa kanyang mga pelikula, sa isang sulok na iyon ng pop-up window para sa chat sa Facebook.

♦♦♦

Larawan mula sa http://www.writespirit.net/blog

Naghahanap ng totoong pagibig si B., gaya nang sitwasyon niya sa pelikulang napanood ko noon sa isang mabaho’t malansang sinehan sa may kahabaan ng Avenida, Rizal sa Maynila. Naroroon, ramdam na ramdam ko sa puso ko, ang pangamba niyang magkamaling muli, ang takot na baka muli siyang ma-misinterpret, at makalampas muli sa “linyang” iginuhit ng kasalukuyang lipunan para sa mga babae at lalaki.

Nasabi ko sa kanya, bago siya humanap ng pag-ibig mula sa iba’y sana ay matutunan muna niya ang ibigin nang tunay ang kanyang sarili.

“That’s what I am doing, Noel,” parang naglalambing, subalit mayroong himig ng sakit at pait, ang tinig niya na kahit hindi ko man naririnig ay nauulinig ko; isinisigaw iyon ng cursor ng aking PC.

Biglang nagbalik sa diwa ko ang mga alaala ng nakaraan: ang matamis na ngiti ni B., ang magandang mukha niya, ang kainosentehan niyang mayroong habid na rin ng sensuwalidad, ang biloy sa kanyang pisngi, ang lahat sa kanya—ang B. na nakilala ko noong haiskul pa lamang ako.

Ngayon, kausap ko si B. na katulad ng iba pang “nawawalang kaibigan” ay hinanap ko at inasam-asam kong makatagpong muli.

Hindi lamang dahil sa nostalgia kundi dahil na rin siguro sa pagiging manunulat ko, sa naturalesa ko na pagiging mausisa, matanong, mahiligin sa buhay-buhay at kasaysayan. O baka naman dahil sa minahal at pinahalagahan ko sila nang husto kung kaya ‘di ako mapakali’t gusto kong malaman kung ano ang nangyari sa kanila?

Aaminin ko, nang makita kong naroroon si B., ang kaibigan kong si B. sa Facebook, kumabog ang dibdib ko sa kaba, sa pagkasabik, sa takot. Baka hindi niya ako kausapin dahil hindi na niya ako kilala.

Noong unang sabak sa usapan, hindi niya ako matandaan. Mabuti na lamang at mayroong akong isang pangungusap na nasambit na nagpakilala ng pagkatao ko sa kanya.

♦♦♦

Alam kong hindi pa tapos ang aming pag-uusap. Masusundan at masusundan pa ito. Masarap ang magkaroon muli ng konesksiyon sa isang malayu-layo na ring nakaraan. (Taong 1996 o 1997 kami huling nagkaharap o nagkita ni B., mahigit nang isang dekada.)

Inaamin kong sabik akong muling makausap siya. Makadaupang-palad siya. Hindi lamang dahil mayroon siyang mga kuwento. Kundi dahil kilala ko si B., ang aking si B., na isang mabuting babae, isang matapat at mapagmahal na kaibigan, at isang kaluluwang busilak—parang lotus na kahit anumang dumi ng tubig ay hindi kayang talunin ng alingasaw ang taglay nitong kabanguhan.

Nabanggit na mga Akda:

Chavez, Jenina Joy and Rowena D. Cordero. “The Asian Financial Crisis And Filipino Households: Impact On Women And Children,” Focus on the Global South and Save the Children-UK, 2001. PDF.

Dirks, Tim. The History of Film:  The 1970s The Last Golden Age of American Cinema (the American “New Wave”) and the Advent of the Blockbuster Film, part 1., American Movie Classics Company LLC, 2010. Web. 7 August 2010. <http://www.filmsite.org/70sintro.html&gt;

“Escapism.” Randon House Webster’s Dictionary. New York: Ballantine Books, 2001. Print.

Guina, Carolina S. “Making Economic Stimulus Packages Work for Women and Gender Equality,” United Nations’ Development Fund for Women Working Paper, 2009. PDF

Marx, Karl. “Introduction to A Contribution to the Critique of Hegel’s Philosophy of Right,” first published in Deutsch-Französische Jahrbücher, 7 & 10 February 1844 in Paris; 2005, 2009. Web.  7 August 2010. <http://www.marxists.org/archive/marx/works/1843/critique-hpr/intro.htm&gt;

Mendelson, Scott. “Sex and the City and the Misunderstandings Concerning Female Escapist Fantasy,” The Huffington Post Online. 27 May 2010. Web. 7 August 2010. <http://www.huffingtonpost.com/&gt;; “Mendelson’s Memos Flashback – As Sex and the City 2 opens, a look at female escapist fantasy and how it differs from male escapist fantasy”. Mendelso’s Memos. 26 May 2010. Web. 7 August 2010 <http://scottalanmendelson.blogspot.com/2010/05/flashback-as-sex-and-city-2-opens-look.html&gt;

Stallwart, Paul T. Salvation and Sexuality: What the United Methodist Church Teaches. Lifewatch, December 1999. Web. 7 August 2010. <http://www.lifewatch.org/&gt;

Tuaño, Philip Arnold. “The Effects of the Asian Financial Crisis on the Philippines Labour Markets,” EADN Regional Project on the Social Impact of the Asian Financial Crisis East (working paper), Asian Development Network, 2002. PDF

Villasanta, Boy V. Seksinema. San Pedro, Laguna, Philippines, 2009. Print.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “PAGTATAGPO: Ako, si B. at ang drama sa labas ng telon (Unang Bahagi)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s