Posted in essay, Other

Anumang sarap man ng pagkain, hindi ka rin makakakain

MINSAN, naiisip ko kung paano’ng nagagawa ng gobyernong ipagkibit-balikat ang lahat ng kasamaa’t kasakunaang nangyayari sa bayang ito na binubuo ng 7, 107 pulo at humigit-kumulang 94 milyong populasyon.

Nakapangingilabot ang karalitaan, ang talamak na pagnanakaw sa kaban ng yaman, at huwag nang banggitin pa ang patayan at iba pang krimeng laman ng balita – sa peryodiko man, o sa telebisyon, sa radyo man o sa tsismisan ng mga usisero’t usisera sa mga kanto’t sulok ng iba’t ibang lungsod dito sa Kamaynilaan, o maging sa ututang-dila ng mga barberong nanlabo na ang mga mata sa kagugupit ng buhok ng iba samantalang ang gunting, silya’t labaha’y hindi naman sa kanila.

***

Natapos ang state of the nation address (SONA) ng mamang ang kulay ay dilaw, namamag-asa sa kulay ng dilaw, dahil ito raw ang kulay ng papasikat na araw. Ibinunyag ang diumano’y katiwalian ng nakaraang administrasyong Arroyo: ang mga proyektong hindi pa man nauumpisaha’y nalimas na ang perang ipampopondo, ang saku-sakong bigas na nabubulok sa mga bodega ng NFA, at maging ang murang serbisyo sa MRT at LRT na diumano’y nagdudulot ng pagkabutas ng bulsa ng gobyerno.

Walang bago. Lahat ng nabanggit niya, liban sa murang pamasahe sa MRT at LRT na diumano’y ikinululugi ng Light Rail Transit Authority o LRTA, ay pawang alam na ng taumbayan. Naibunyag na kasi ito sa siyam sa taong pamamayagpag ng nagdaang rehimen. Inimbestigahan subalit walang nangyari. Nagsayang lamang ng kung ilang milyong piso para lamang sa pagsisiyasat na kung mayroon mang magandang resulta’y hindi rin naman naipakulong at napanagot ang mga maysala. Marahil, ganoon nga yata ang hustisya sa bansang may 7,107 pulo at mayroong populasyong kulang-kulang 94 milyon. Hesus, Maria y Josef, patawarin mo sila’t wala silang alam kundi ang magpalaki ng bayag, magpalapad ng puwit at magpalawlaw ng tiyan! Haysus!

***

Nagtatampo ang mga overseas Filipino workers (OFWs). Hindi sila nabanggit sa SONA samantalang ang perang naipadala nila noong Mayo ay tumataginting na Us$1.6 bilyon; at patuloy pa itong tataas habang papasapit ang katapusan ng taon.

Marahil, hindi ito nabanggit ni Pang. Benigno Simeon C. Aquino III sa dalawang maaaring kadahilanan: (1) Hindi ito naisulat ng kanyang speech writer; o (2) Talagang wala pang balak ang gobyerno na itigil ang pagluluwas, bilang kalakal, sa lakas-paggawa ng mga Pilipino. Eh, paano ba naman? Hindi biru-biro ang halagang ipinapasok nila sa kabang yaman, na ayon sa estadistika’y 12 porsiyento ng kabuuang produktong likha (gross domestic product) ng Pilipinas.

At saka, hindi pa rin naman sapat ang trabaho rito sa Pilipinas. Katunayan, napakarami pa ring walang trabaho, kapos sa trabaho, at naghahanap ng trabaho sa Pilipinas. Saka na natin himayin ito. Sa susunod na lamang at nakatatamad nang maglitanya ng pagkahaba-haba.

***

Marami sanang dapat ipunto sa nagdaang SONA subalit, marahil dahil sa laki, lawak at tindi ng sulirani’y hindi magkakasya sa 39 na minuto. Pero, gaya nga ng nasabi na, sa susunod na lamang natin talakayin ang mga ito. In tranche, ‘ika nga sa Ingles.

Pero mayroong isang bugtong lamang ang kumakati sa bumbunan ko sa mga oras na ito, na kailangang maibulalas at baka maging bukol pang malaki’t totoo: Kahit ano’ng sarap pala ng pagkain, ay hindi mo rin tatangkaing galawin, kung ang pinggang pinaglalagyan, mayroong tae sa ibabaw.

Pero, sana – namamag-asa pa rin ako, na mali ang ating orakulo… ###

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s