Posted in bureacraticism, critical essay, elitist elections

KARAMBOLA de pataranta, narito na! Eleksiyon na!!!

Hindi mahulugang karayom ang mga presinto sa Concecpion, Malabon. Mananalo kaya ang sambayanan ngayong halalan? (larawan kuha ng awtor)

PARANG pila sa kawalang hanggan. Mula Antipolo, bumiyahe ako nang halos dalawang oras at kalahati para lamang mailagak sa PCOS machine ang aking pinakamamahal na boto. Kauna-unahang semi-automated (hindi natin masasabing fully-automated dahil manu-mano pa rin ang pagsulat sa balota at pagpapalamon nito sa machine na likha ng mga kalahi ni Presidente Hugo Chavez) elections sa bansa. Marami ang masaya. Marami ang nadismaya. Marami ang nangangamba.

Halos dalawang oras sa pila, walang tanghalian, nanlalabo na ang paningin dahil sa pagod at gutom. Kasi ba naman, bakit ‘di pa nagpalipat ng rehistro sa Antipolo e doon ka na naman mananatili sa matagal na panahon ng buhay mo? Hindi ko alam ang sagot. Basta ang alam ko, gusto kong sa Malabon—sa lugar na kinalakhan ko—gusto kong iehersisyo ang aking karapatan bilang Pilipino.

***

BAGO ANG TEKNOLOHIYA. LUMA PA RIN ANG SISTEMA. HALOS magkapikunan sa pila. Mayroong mga sagot sa katanungan na sablay. “Ilang oras lang naman tayong nakapila rito di ba? Hindi mo naman naranasan na nakapila mula alas-otso ng umaga hanggang alas-dose ng tanghali? Kawawa rin naman ‘yong taga-umaga.”

Hindi magkakaganito kung mayroong maayos na sistema. Kaya nga may presinto para mapabilis ang pagboto. Hindi ko na lamang pinatulan at baka magkarambola pa. Mahirap na. Ayaw kong maging madugo ang unang karanasan ko sa pagboto. Saka ‘di ako basagulero. Kilala ko sa mukha ‘yong tao. Kilala ko ring may toyo sa ulo. Huwag na. Ayaw ko nang makigulo pa. Magulo na nga ang lahat. Ayaw ko na.

***

Flashback 2004. “Hello, Garci? Are you sure that you can have our one million?” Sagot ng tinanong, sigurado ang isang milyon. Sino ang makalilimot sa dalawang CD na isa ay “orig” at ang isa “spliced.”

FAST FORWARD Mayo 10, 2010—Parang nagbabalik ang mga senaryo. May mga post sa Facebook na nag-uulat: may mga balota nang nakahanda para iaabante ang pinapaborang kandidato.

Marahas, magulo at madaya ang eleksiyon sa Pilipinas. Papatay at papatayin sa ngalan ng puwesto. Lahat sa ngalan ng kapangyarihan. Lahat sa ngalan ng salaping kalakip ng puwesto sa munisipyo, Kamara, Senado at Malakanyang.

Ayon kay Bukaneg Villanueva ng Kodao, binihisan ng karahasan ang botohan sa Lanao del Sur sa Mindanao. Kagaya nang naunang mga eleksiyon sa Pilipinas, hindi maaaring walang dugo ang hindi maibububo sa ngalan ng puwesto.

***

Mapayapa naman ang naging kondukta ng eleksiyon sa lugar namin. Hindi naman kasi ganoong kagulo ang lugar ng Concepcion, sa Malabon. Pero hindi pa rin maiwasang mangamba. Dahil hanggang hindi naidedeklara ang nanalo sa sabong ng mga pangalan sa arena ng eleksiyon, hindi mo masasabing nairaos na ang buong proseso.

Marami pa ring maaaring mangyari sa loob nang susunod na dalawang oras. Marami pang maaaring dugo ang dumanak. Marami pang maaaring PCOS machine ang pumalpak (extended ang eleksiyon hanggang alas-siyete ngayong gabi). Ano na kaya bukas? Sabagay, sanay (pero hindi naman dapat nahihirati o nasasanay) ang mga Pinoy na mangarap para sa isang magandang bukas. Huwag lamang sanang bangungutin. At saka, mayroon pa namang ibang pag-asa maliban sa botong nilalamon ngayon ng mga PCOS machine. Kung ano ito? Saka ko na tatalakayin sa sanaysay, script at iba ang tulain… (30)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “KARAMBOLA de pataranta, narito na! Eleksiyon na!!!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s