Posted in review

Tinig mula sa kayumangging lupa

Si Danny Fabella ng Sining Bulosan at Musikang Bayan

Si Danny Fabella at ang kaniyang makabuluhang mga awit

Nag-iiba ang ihip ng hangin/Nag-iiba, kulay ng paligid/Tuwing halala’y nalalapit/ Marami ang nababaliw/Sa kapangyariha’y nababaliw,” saad ng liriko ng bagong awitin ni Danilo “Danny” Fabella ng Musikang Bayan at ng grupong pangkultura ng Migrante, ang Sining Bulosan.

Sa kanyang mga awitin, makikita ang pagiging kritiko ni Fabella sa mga isyung panlipunang pinaniniwalaang ang mga nasa estado poder, kasabwat ang ilang naghahari-harian sa ating lipunan, ang may kagagawan.

Paghahantad sa kabalintunaan ng lipunang Pilipino

Kung ang sisipat sa mga awitin ni Fabella ay nasa gobyerno, mapaparatangan siyang subersibo dahil sa kawalang takot niyang paghahantad sa pinaniniwalaan niyang katiwalian at inhustisya sa lipunang kanyang ginagalawan.

Sa kanyang kantang “Baligtad na ang Mundo,” (2009) dinalirot niya ang sensitibong isyu ng inhustisya sa lipunan at ang tila pagpapalaganap ng kultura ng kawalang pakialam ng gobyerno ukol sa nagaganap na kasamaang ito sa lipunan.

Album cover ng Baligtad na ang Mundo (2009)

Aniya, ang mga sinungaling, magnanakaw, at mamamatay-tao ang nagiging “santo at santa” sa lipunang ito; ang kanilang mga biktima, sila ang inaakusahan, kinakasuhan at ikinakalaboso.

Kabilang sa itinuturing na inhustisya ni Fabella ang patuloy na paglaganap ng karalitaan, kawalang kapayapaan dahil sa militarisasyon sa lipunan, at higit sa lahat—ang komodipikasyon o pagtatransporma ng lakas-paggawa bilang produkto o kalakal na panluwas ng gobyerno. (Panoorin si Fabella sa YouTube video na nasa ibaba.)

Sa kanyang “Anong Klaseng Bayani,” sinasabi niyang ang katulad niyang overseas Filipino worker (naging migrante rin si Fabella), ang kailangan nila ang respeto bilang tao. Tahasan niyang sinabing, nagbubulag-bulagan ang mga nasa pamahalaan sa kanilang abang kalagayan.

Serbisyo o pagkakamal ng piso?

Matalisik ang kanyang kritisismo laban sa mga nagkukunwaring serbidor ng bayan. Sa kanyang pinakabagong komposisyon ngayong eleksiyon, sinabi niya:

Kung anong ganda ng kanyang suot

S’ya namang pangit ng kanyang loob

Kung anong aliwalas ng ngiti

S’ya namang itim ng budhi (Pakitang Tao Lang, 2010)

Patungkol sa mga pulitikong ang naisin sa pagtakbo ay ang magkamal ng salapi at kapangyarihan, kahit pa maisakripisyo ang kapakanan at karapatan ng mga mamamayan.

Samantala, hindi rin nakaligtas sa kanyang paningin ang sinasabing “paruparong pulitiko,” o yaong mga kandidatong palipat-lipat ng partido upang makatiyak na mabubuslo nila ang pondo at ang boto:

Kung saan malakas doon aangkas

Kung saan ang sikat doon lilipat

Kahit na isinuka’y muling kakainin

Panahon na naman ng mga balimbing (Nababaliw, 2010)

Pagibig at naglalahong paraiso

Bukod sa kalagayan ng mga tao, hindi rin nakawala sa kritikal na pagninilay-nilay ni Fabella, kasama ang mahusay ring musiko at lirisistang si Levy Abad Jr., ang kalikasan. Sa kanilang “Naglahong Paraiso,” isang panalangin at wagas na pangangarap, ang pagpapanumbalik ng pagiging lunti ng daigdig.

Pero hindi naman sa lahat ng pagkakataon, puro kritisismo ang mga awitin ni Fabella. Mayroon din namang ukol sa pag-ibig, pagmamahal. ‘Ika nga, ang pulitikal ay umiibig din naman, gaya ng kanyang magandang awiting “Isang Bulaklak,” at “Rosas ng Digma.”

Paniniwala sa lakas ng sambayanan

Katulad ng iba pang nasyonalista, naniniwala si Fabella sa kakayahan ng sambayanang Pilipino na iangat, iahon ang kanyang sarili mula sa kadusta-dusta at napakarawal na kalagayan.

Dahil alam na alam niya ang kahunyanguan ng sistemang panlipunan sa bansa, matatag ang paniniwala ni Fabella na tanging sa pagkamulat, pagkilos at pagkakabigkis lamang ng sambayanang Pilipino, makakamit ang tunay at makabuluhang pagbabago sa lipunang ito.

N. B.: Hindi inilabas ng pahayagang pinanglilingkuran ng inyong lingkod, na hindi na natin babanggitin ang pangalan, ang lathalaing ito. Kung anuman ang dahilan, hindi na natin inalam. Maraming salamat kay G. Danny Fabella sa pagpapaunlak na dalirutin ng may-akda ang kaniyang mga awitin.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s