Posted in counter-culture, critical essay

Tula at lipunan

Amado V. Hernandez

MINSANG nasabi ng namapayapang makata, peryodista, manunudling, at lider obrerong si Amado V. Hernandez (Setyembre 13, 1903 – Marso 24, 1970), “Ang tula ay hindi pulos pangarap at salamisim. ‘Di pawang halimuyak, silahis, aliw-iw, taginting at alingayngay. May kagandahan din sa kapangitan, kung paanong ang brilyante’y nabuo sa sinapupunan ng maitim na karbon.”

Ibig sabihin, ang tula ay nararapat na tumalakay hindi lamang sa tamis ng pagmamahalan, kagandahan ng kalikasan, kirot ng kabiguan sa pagibig, at init ng katawan kundi dapat din nitong lamanin ang mapapait na karanasan ng mga tao sa isang lipunan.

Hindi sapat ang tulang “salita” lamang

Kagaya ng sinabi ni Jesus Manuel Santiago,

Kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita,
nanaisin ko pang ako’y bigyan
ng isang taling kangkong
dili kaya’y isang bungkos
ng mga talbos ng kamote
na pinupol sa kung aling pusalian
o inumit sa bilao
ng kung sinong maggugulay,
pagkat ako’y nagugutom
at ang bituka’y walang ilong
Malaon nang pinamanhid
ng dalita ang panlasa
kaya huwag,
mga pinagpipitaganang makata
ng bayan ko,
huwag ninyo akong alukin
ng mga taludtod
kung ang tula ay isa lamang
pumpon ng mga salita. (Kung ang Tula ay Isa Lamang, 1976).

Lahat ng sumikat na akda ay panlipunan: hindi pagibig sa pagibig lamang

Ang halos lahat ng tulang nakintal sa isip ng mga mambabasa, noon at ngayon, ay hindi naman tula ng pagibig, pagsinta, kalibugan, takot—kundi mga tulang mabagsik na tumatalakay sa mga katotohanang umiiral sa lipunang Pilipino at nagpapaalala sa mga pagpapahalagang unti-unti nating nalilimot dahil na rin sa ating pagkalulong sa kaisipang maka-dayuhan.
Sino ang hindi makaalaala sa tula ni Dr. Jose P. Rizal (Hunyo 19, 1861 – Disyembre 30, 1896) na sa “Aking mga Kabata,” na nagbigay-diin sa pagmamahal sa sariling wika na unti-unting pinapatay ng lengua Castellana?
“Ang hindi magmahal sa kanyang salita
Mahigit sa hayop at malansang isda,
Kaya ang marapat pagyamaning kusa
Na tulad sa inang tunay na nagpala.” (1869)

Pinaalalahanan naman tayo ni Gat Andres De Castro Bonifacio (Nobyembre 30, 1863 – Mayo 10, 1897) na ang mawalay sa bayan ay isa sa pinakamasaklap na maaring maganap sa isang Pilipino:

Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
Gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala’t inaasa-asam
Kundi ang makita’y lupang tinubuan (1896).

Sa panahon ng mga Amerikano, at magpahanggang ngayon, hindi maaaring sumagi sa isip ng bawat Pilipinong nakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya, ang madamdaming tula ni Jose Corazon de Jesus (Nobyembre 22, 1896-Mayo 26, 1927):

“Ibon mang may layang lumipad
Kulungin mo at umiiyak
Bayan pa kayang sakdal dilag
Ang di magnasang makaalpas!
Pilipinas kong minumutya
Pugad ng luha ko’t dalita
Aking adhika,
Makita kang sakdal laya!” (1929)

Pagkamakatang nakakawing sa lipunan—hindi hiwalay rito

Pagsipi ni Rogelio Lunasco Ordoñez, isang makata, peryodista, kritiko at nobelista, na ngayon ay propesor sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), kay Nadine Gordimer, isang Aprikang nobelista, sa sanaysay na Literatura ng Uring Anakpawis, na nai-antolohiya pa sa Unibersidad ng Pilipinas, sinabi niya:

“Hindi puwedeng sabihin kong ako’y isang manunulat lamang,” pahayag niya, “at mga paksang tungkol lamang sa manunulat ang tatalakayin ko. Isa rin akong tao at kung basta na lamang inaagawan ng karapatan ang isang tao, basta na lamang ikinukulong, binibimbin sa kulungan nang walang kaukulang paglilitis at hindi pinalalaya ni ipinagsasakdal, dapat na mahigpit na tutulan ng sinuman ang bagay na ito.”

Kaya nga, hindi sapat na salita lamang ang tula; dapat itong sandatang babago sa lipunang bulok at mapagsamantala; dahil kung hindi mas mainam pang kumain na lamang tayo ng nilupakan kaysa tumula… (durugtungan pa, subalit nailathala na sa PINAS: The Filipino’s Global Newspaper)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s