Posted in counter-culture, critical essay, imperialism

Sa Duyan Ng Rebolusyon

Apolinario Mabini y Maranan (Hulyo 23, 1864—Mayo 13, 1903)

(Sulyap kay Apolinario Maranan Mabini)

Samakatuwid, habang nananatili ang hanggahan ng mga kabansaan, na inaalagaan at pinapapanatili ng pagkamaimbot ng lahi at pamilya, sa kababayan mo lamang makikiisa ka sa lubos na kabukluran ng layunin at kapakanan, upang magkaroon ng lakas, hindi lamang upang lumaban sa iisang kaaway kundi pati upang matamo ang lahat ng mga adhikain ng buhay ng tao.

-Apolinario Mabini, El Verdadero Decalogo

Marahil, si Apolinario Mabini ang isa sa pinakalimot na bayani ng bayang ito. Marahil si Apolinario Mabini rin ang masasabing isa sa pinakamatamis na alaala ng isang rebolusyong hindi maitatatwang nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Si Mabini rin siguro ang masasabing larawan ng kalakasang wala sa katawan kundi nasa isip, nasa puso at nasa kaluluwa upang maipagtagumpay ang adhikang lumaya ang bayan mula sa pagkamaimbot ng iilan. Sabi nga nila, ang tao ang siyang magpapasya-at para kay Mabini, ang tao nga ang magpapasya.

Mabini: Ang Kanyang Henesis

Kumita ng unang liwanag sa Barrio Talaga, Tanawan Batangas si Apolinario Mabini noong Hulyo 23, 1864 sa kanyang mga magulang na sina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan.

Mula sa maralitang angkan, pinangarap ng kanyang ina na maging pari si Apolinario. Kaya’t nang bigyan ng pagkakataong mag-aral sa isang paaralan sa Tanawan, labis ang naging kagalakan ng kanyang ina. Pinagsumikapan ng kanyang ina, na siyang nagpagal nang husto, na makatuntong si Apolinario sa paaralan at makatapos ng kurso sa teolohiya at maging isang ganap na pari.

Noon nga, nakapag-aral si Apolinario sa pamamatnugot ng isang Avelino Simplicio, at kalaunan, ay lumipat sa isang paaralang pinamumunuan at pinagtuturuan ng sinasabing noon ay isa sa pinakamagaling na guro, si Padre Valerio Malabanan.

Lubhang marubdob ang pagnanais ng kanyang inang makapagtapos ang anak, kaya nga buong pagsusumikap na iginapang ng mga magulang ang kanyang edukasyon.

Paggunita ni Mabini,

Nang ako ay musmos pa, sinabi ko sa iyo na nais kong makapag-aral, at ikaw ay nalugod sapagkat iyong naipuso na magkaroon ng anak na pari. Ang maging ministro ng Diyos, para sa iyo, ay ang pinakamalaking karangalang maaabot ng tao sa lupa. Ngunit alam mo na ikaw ay napakadukha upang matustusan ang aking pag-aaral, kaya nagsikap ka sa abot ng iyong kaya, hindi mo ininda ang init ng araw, ni ang ginaw ng ulan, hanggang ikay ay nagkasakit na siya mong ikinamatay.

Pagkatapos ng kanyang edukasyon intermedya at primarya, pumunta siya ng Maynila noong 1881 upang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Subalit noong 1882-1883, bumalik siya ng Bauan at kalauna’y nagpatuloy ng kanyang pag-aaral sa Maynila noong 1884-Batsilyer ng Sining sa Pilosopiya.

Sa Lipa naman niya kinuha ang kanyang kurso sa Edukasyon, taong 1886-1887 at nagturo sa mataas na paaralan sa lalawigan ng Batangas.

Datapwa, sa pagnanais na ipagtanggol ang tulad niyang aba at api, ipinagpatuloy niya ang pag-aaral sa dalawang paaralan ng Batas sa Maynila: ang Colegio de San Juan de Letran at Unibersidad ng Sto. Tomas, 1888 at naging ganap na abogado noong 1894. Nakuha ni Mabini ang kanyang lisensiya noong 1895 at naging notario publico.

Dahil sa hinagap na tila binigo niya ang kanyang ina, paggunita ni Mabini:

Hindi ako nakatadhanang maging isang pari ngunit panindigan ko na ang tunay na ministro ng Diyos ay hindi ang nakasutana kundi ang sinumang magtanghal ng luwalhati ng Diyos sa paggawa ng mabuti at pagsilbi sa pinakaraming nilalang na kaya niyang paglingkuran, at sisikapin kong maging tapat sa iyong mga hangarin hanggang abot ng aking lakas.

Si Mabini at ang Rebolusyong Pilipino

Bago takasan ng lakas ang kanyang mga binti noong Enero 1896, ilang buwan bago ang takdang araw ng Rebolusyon, nakisangkot si Apolinario sa pagpaplano ng pagbabagong bihis ng lipunang Pilipino.

Isa siya sa naging kasapi ng La Liga Filipina na pinangunahan ni Rizal noong 1892, nang magbalik ito sa bansa buhat sa matagal na paglalagi sa Espanya at iba pang bansa sa Europa.

Binanggit ni Mabini sa kanyang akda, La Revolucion Filipina, ang makasaysayang pagbubuo ng La Liga:

Nang matanto ni Rizal na ang mga munti at sali-salibat na panawagang nagawa na ay walang kinahihinatnan, nagpasiya siyang magbuo ng isang lipunan, tinawag niyang Liga Filipina, itinanghal ilang araw lamang bago siya ipinatapon ng mga maykapangyarihan sa liblib ng Dapitan, sa Mindanao. Ang batas ng lipunan ay abot lamang sa pagtatag, sa pamamagitan ng halalan ng mga kasapi sa Liga, ng mga consejo o pulong ng mga kinatawan sa bawat kabayanan, sa bawat lalawigan, at isang punong pulong na sasaklaw sa buong kapuluan. Hindi binanggit ng batas ng lipunan ang mga hangarin ng Liga. Kung pinag-usapan at tinukoy ang mga hangarin sa unang pagkikita ng mga kasapi sa Liga, pinangunahan ni Rizal mismo, hindi ko nabatid sapagkat hindi ako naanyayahan, hindi ako kailan man naging malapit sa dakilang manggagamot.

Layunin ng Liga na humiling ng kompletong pagbabago para sa Pilipinas. Subalit, nang ipatapon si Rizal sa Dapitan at bago tuluyang binitay, naglahong tila bula ang La Liga Filipina at pinilit namang organisahing muli ni Andres Bonifacio, na tuluy-tuloy rin ang kampanyan upang buuin ang “Katipunan nang manga Anak ng Bayan” o mas nakilala bilang Katipunan.

Ayon kay Mabini, hinangad ng Liga na gawing isang probinsiya ang Pilipinas ng Espanya at magkaroon ng pantay na representasyon sa Cortes o Kongreso ng Espanya. Ngunit, dahil na rin sa papapalang kalagayan ng bansa, napalitan ito ng konseptong dapat nang magrebolusyon ang mga Pilipino.

Ani Mabini, “…si Andres Bonifacio, ang pinakamasugid sa mga nagtatag ng mga consejo at nakapag-amuki ng pinakamaraming kasapi, ay naniniwalang walang silbi ang anumang mapayapang adhika.”

Dagdag pa ni Mabini:

Sa kauna-unahang panahon, nakita ng mga taga-pangunahing konseho na ang mga tao, sa halip na walang muwang at sunud-sunuran lamang gaya ng paniwala ng mga Español, ay siyang nangunguna sa pag-adhika ng pulitika ng bayan.

Dahil paghihinalang kasangkot sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong diwa, dinakip ng mga Kastila si Mabini noong 1896. Pinawalan din siya dahil sa kanyang paralisis at ipingamot sa ospital ng San Juan de Dios.

Masigasig na nakisangkot si Mabini sa Rebolusyon at naging utak ng pagtatatag ng Unang Rebolusyonaryong Republikang hinangad ng patay nang si Andres Bonifacio. Dahil dito, noong Hunyo, 1897 ay muli siyang ipiniit.

Sa panahon ng digmaang Pilipino-Amerikano, naging tagagapayo si Mabini ni Aguinaldo. Dahil sa kanyang patuloy na paghingi ng kalayaan at mga pagbabagong lipunan, dinakip siya noong Setyembre 10, 1899 kung saan masinsinan din siyang kinausap ng bagong mananakop.

Subalit dahil sa kanyang diwang mapaghimagsik, hindi siya pumayag sa ilang reglamento at kasunduang ibig ipagtupad ng mga bagong mananakop. Sa loob ng malungkot at nakapanlulumong selda, naisulat niya ang “Ang Pagsilang at Pagbagsak ng Republika ng Pilipinas” at “El Semil de Alejandro,” na nailathala sa El Liberal. Ang huling akdang ito ang siyang naging sanhi ng kanyang pagkakatapon sa Guam noong Enero 5, 1901.

Sa pagbabalik sa Pilipinas, at dahil sa tila wala nang mapagpilian, nanumpa siya upang makipag-isa sa Amerika noong Pebrero 26, 1903. Matapos nito, namatay si Mabini noong Mayo 13, 1903 dahil sa kolera.

Datapwa, sa kanyang huling mga araw, isang makislap na diwa ang kanyang ibinigay hinggil sa bagong mananakop, ang Imperyalismong US:

Ang katotohanan ay ito: Walang may ibig sa America na maisapi ang Pilipinas, at walang Amerkano na naniniwalang maaaring maging mga Amerkano ang mga Pilipino. Paniwala ng mga nakikiapid na walang muwang ang mga tao tungkol sa mga bagay na ito, kaya sinabi ko nang may kabastusan, na nangangarap sila nang gising, na kung nais nilang magkamit ng tunay, hiyakatin nila ang pamahalaan sa Manila at sa America na magpatawad nang kaunti, at ipangako ang kalayaan ng Pilipinas sa mga darating na araw. At tutulungan ko sila, pangako ko, na tanggapin ng mga tao ang ganitong kasunduan, at kalimutan na muna ang kalayaan hanggang sa kahit matagal na panahon.

Hanggang sa huli, nanatiling rebolusyonaryo si Mabini.

N.B.: Naisulat, ngunit hindi nailathala, noong 2005. Ang larawan ni Gat Mabini ay mula sa Wikipedia, the online free encyclopedia. Taos puso ang pasasalamat ng awtor sa malayang pagpapasipi sa larawan. Ang mga sanggunian  ng mga siniping pahayag ni Gat Mabini sa sanaysay ay di na matandaan ng may-akda. Paumanhin.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s