Posted in economic crisis, exploitation of labor force, international trade/World Trade Organization, labor export and globalization, migrants, migrants and itinerant people, Other, poem

Awit ng Lahing Kayumangging nasa Diyaspora

Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
Doo’y nangaupo tayo, oo, nag-iyak tayo,
Nang ating maalaala ang Sion.
Sa mga punong sauce sa gitna niyaon
Ating ibinitin ang ating mga alpa.
Sapagka’t doo’y silang nagsibihag sa atin ay nagsihiling sa atin ng mga awit,
At silang magpapahamak sa atin ay nagsihiling sa atin ng kasayahan, na nangagsasabi:
Awitin ninyo sa amin ang mga awit ng Sion.
Paanong aawitin namin ang awit ng Panginoon
sa ibang lupain?

Mga Awit 137: 1 – 4

Kagaya ng mga anak ni Jacob
Itinaboy kami sa aming mga lungsod
bayan at nayon na nansa 7,000 pulo
na iniiwi ng bughaw na alon –

Bunga ng kahirapan at mga digmaan
Bunga ng kasiphayuang dulot
ng mga paghahati-hati at kapanyayaan
ng mga hari at nagbabanal-banalan

Kaya nangapadpad kami sa lupain ng niyebe at damo
ng tuyong mga lungsod at mga disyerto
sa mga pulong kinanlong ng Dagat Tsina’t Pasipiko
Sa mga kagubatan at kabundukan ng mga bansang Aprikano.

Tila mga kalakal kaming
Ititinda sa palengke ng mundo
Mura ang halaga – ilang kalansing ng denaryo
at dolyar na iilang piraso.

Nangungulila man kami, gaya ng mga anak ni Israel
Sa lingap ng aming mapagpalang bayan
Na tinaguriang Perlas ng Dagat Silangan
Ngunit, ano ang aming magagawa?

Mga magulang kami, anak at kapatid
Na hindi makakayanang ang mahal
Makitang magutom, maigupo ng sakit
at nalulungkot sa pagtanaw sa hapay na bahay-kubo.

Kung hindi ipagsasapalaran
ang aming lakas, talino at buhay –
Ano pa ang pakikinabangin namin
at ilalaman sa aming mga tiyan?

Kahit pa sabihing maari kaming lamunin ng alon
Masunog sa dukalan ng langis at matabunan sa mga minahan
Magahasa, gilitan ng leeg na parang tupa
Maiuwing nakakahon gaya ng tsokolate at damit na pabaon –

Isusugal pa rin namin ang aming buhay
Ang aming lakas at panahon.
Sapagkat hindi namin maiiasa sa lupang panginoon
ang aming pang-agdong buhay at pantawid-gutom.

Gayunman, patuloy ang aming pagdarasal,
pakikibaka’t pakikipagbalaban
upang balang araw – sa panahong di magtatagal
Ay makauwi kami sa bayang tinubuan
At doon maligayang mamuhay!

Oh, anak na babae ng Babilonia na sira;
Magiging mapalad siya, na gumaganti sa iyo
Na gaya ng iyong ginawa sa amin.
Magiging mapalad siya, na kukuha at maghahagis sa iyong mga bata
sa malaking bato. (Siya nawa).[1]


[1] Mga Awit 137: 8 – 9

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s