Posted in desaparecidos, Marxist Aesthetics, militarism, poem, protest poetry

Saan Ko Ipadadala ang mga Bulaklak?

Saan ko ipadadala ang puting-puting rosal?
Ang sampagitang ang bango’y pawid ng hanging amihan?
Kanino ipagbibilin ang tinipong ilang-ilang
Gayong hindi mapagtanto ang iyong likmuan?

Saan ko ipadadala ang pulang mga rosas
Na aking pinitas habang nangangarap?
Saan iaabsang ang marikit na liwanag
Na aking tinipon sa bagwis-alitaptap?

Kanino ko sasabihin ang mga habilin
Gayong ang iyong tainga’y malayo sa akin?
Paano ipadarama ang ligaya’t dimdim
Samantalang ang palad ay hindi masaling?

Nasaan ka na nga ba, kabiyak nitong buhay?
Saan ka dinala nilang tampalasan?
Sa ilalim ng lupa o lalim ng karagatan?
O basta’t ibinagna sa gitna ng sukalan?

Nang ikaw’y ilayo niyong sukaban
Na nagkukunwang anghel ng kalangitan
Gayong ang bitbit ay sundang ng kapaitan
At tabak na kikitil sa iyong abang buhay!

Tanging gunita ang suot mong damit
Ang samyo ng katawang huling nadikit
Ang ngiti mong walang singtamis
Na biglang pinalis nang sikwatin ng lintik!

Ay! Ay! Nasaan ka na nga ba?
Bakit sa tawag, sagot ay wala ka…
Iniabsang sa hangin ang hibik ng pag-asa
Ngunit ang tugon ay lamig ng umaga…

Maging ang hatinggabi ay walang kibo
Maging ang bitui’y hindi mapaghulo
Kung saan ka isinubi, saan ka itinago
Bakit ang ala-ala’y laging sugat sa puso?

Ngunit hindi tutugot, hindi mapapagod
Hahanapin ka, buhay ma’y malagot!
Kahit na kalansay ang sa aki’y yumapos
Mamatamisin na’t kaysa di ka matuos!

Gayunman, ang pag-asa’y nag-uumulol
Ibig ang mayakap ay buhay na pinuon
Subalit kung bangkay na ang aking kinaon,
Sumpang sisingilin ang sa iyo’y lumuoy!

Lungsod ng Malabon
Oktubre 13, 2008; Alas-9:50 n.g; inilathala ng Bulatlat.com.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s