Posted in Other, poem

Paano nga ba sasabihin ang paalam?

Larawan mula sa http://www.irishviews.com/autumn-forest6.jpg

Paano nga ba sasabihing hindi na kita mahal?
Parang kayhirap namang usalin ang mga salita.
Samantalang kaydaling sabihing “Patawad”
at ang mga pangungusap na “Mahal na mahal kita
at hindi kailanman magbabago ang tibok ng dibdib.”
Subalit, tuald ng mga luha
Unti-unti ring napapagod ang mga mata
at sa katagala’y unti-unti ring matutuyo,
Mawawala rin ang pamumugto.
Gaya ng damo sa umaga at hamog kapag madaling-araw:
Magbabagong bihis. Sasama sa hangin.

Bakit nga kaya sa kabila ng katamisan
Naroroon at nagbabanta ang isang unos?
Marahil, kasama ito sa mga hiwaga ng buhay.
Kasama ng sanglaksang palaisipang
Dapat sagutin, bigyang-katuturan.

Napakaraming tanong subalit kayramot ng kasagutan.
Dahil sa kakaunti ang sagot, malawak ang katahimikan.

At dahil sa pananahimik, buong pag-aakala’y
Laging “Oo” ang sagot. Laging pag-amin.

Datapwa, iba pala ang sinasabi ng isip.
Iba rin ang ibinubuka ng bibig.

Ngayon ko lamang napatunayang
Sa napakaraming pagkakataon
Sa napakahabang panahon ng paghihintay
at pagpapakarahuyo sa pagsuyo:
Darating din ang panahong mauupos,
tila isang kandila ang damdamin.
Wala na roon ang tamis.
Wala na roon ang sigla.
Wala na roon ang lambing.
Gaya nang panahon ng taglagas,
Susundan ang pagkalugas ng mga dahon
nang pagpatak ng niyebe
At tutunawin iyon ng mga patak ng ulan.

Subalit huwag mo sanang hinalaing
Ni minsa’y hindi nag-ukol sa iyo
nang kahit iisang hibla ng pagpapakatotoo.
Pagpapakatotoong minsa’y hinibang ang sarili;
na minsa’y nagkulay bahaghari ang paligid
Dahil kaulayaw ka sa mga dapithapong
malayang umiihip ang hanging amihan;
na ang mga yakap ay katumbas din
ng mga panahon ng tag-araw
na kaysarap magtampisaw sa sapa
habang hinahabol ang mga isdang
nagkikisawkisaw sa makinang na tubig.

Huwag mo rin sanang sabihing
Ipinagsinungaling ang bawat parirala:
Pagmamahal, pagsinta, pag-irog,
Paghanga, pagsamba, pag-asam.
Marahil, talaga lamang napapagod ang puso
Napapagal din ang diwa, at nanghihina ang kalul’wa
Sa paghihintay sa isang sandaling
Bukhin mo ang iyong magagandang mga labi
At sabihin mong ako’y mahal mo rin…

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s