Posted in exploitation of labor force, graft and corruption, militarism, peasant and fisher-folks issue, poem, protest poetry, state terrorism and/or fascism, youth and children under conflict

Pista Doon sa Bahay na Puti

(Larawan mula sa Filipinasoul.com)

1

Samantalang bungguang-siko
Silang mga diputado
At mga nagmamagaling
Na mga serbidor (daw) ng bayan doon—
Doon sa Bahay na Puti na
Animo’y kabaong sa baybay-Pasig—

Mga lango sa ragbing dalagita
Ang kasalukuyang kinakasta
Sa giray-giray na motel
Diyan sa Quiapo’t Avenida
Tulala sila – bagaman ang utin
Ng kustomer ay ilang tabo na
Ng semilya ang tumapon
Sa ilang ulit na ulos-ulaol.

Bayd sa puri’y iilang baryang limos
Kapalit ng ilang ulos
Ilang araw ring dusa, pagkatapos
Dahil matris nila’y anay na ang loob—
Kailangang kumain kahit mumo
Halos malusaw na ang sikmura
Samantalang steak na imported
Ang nginangata ng mga diputado’t
Bastadong pulitiko’t embahador:

Walang puknat ang usap
Walang habas ang palakpak
Doon, sa Bahay na Puti.

2

Habang hindi naman
Mahapayang-gatang
Ang mga usap—
Nang ganitong nagawa’t
Ganitong natapos
Mga proyektong dolyares pa
Mula sa Washington,
IMF, World Bank at ADB
Ang salaping itinustos:

Agaw-buhay naman
Ang isang kantero
Na halos magkadurug-durog
Ang buto at bungo dahil
Sa pagkakahulog sa ikalimang
Palapag ng dayuhang bangko sa Makati
Nang dahil sa pagmamadali sa trabaho’y
Nadupilas sa tinutuntungan
at nawalan nang panimbang.

Walang paki naman ang amo
Kahit manggagawa niya’y
Naghihingalo’t nauubusan ng dugo.
Kandong kasi ang sekretaryang
Halos lumawlaw na ang suso
Dahil sa damit na bigay ng amo
At puki’y namusarga sa pagdaliri
Kapalit ang iilang libong dagdag sa suweldo”

Walang puknat ang usap
Walang habas ang palakpak
Doon, sa Bahay na Puti.

3

Habang inuusal ng diyos
Sa kanyang talumpati ang repormang agraryo
At tulong daw mula
Sa mga among dayo—
Isang magsasaka ang inilibing
Nang buhay sa linang
Dahil nagtangkang lumaban
Sa bayarang mga eskirol
Nang ang lua niyang
Piangyama’t binungkal,
Lupang minahal dahil
Mula sa mga nuno’t magulang
Ay pilit angkinin
Ng isang pamilyang mayaman.

Sa isang kubo naman
Isang pamilya ang luhaan
Dahil ang pagsasaluhan
Nang pitong sikmura’y
Isang mangkok na lugaw.
Dahil ang palay, hindi namunga’t
Piniste na naman
Samantalang intindihin pa
Ang ilang libong utang
Dahil sa abono’t pestisidyong pagkamamahal:

Walang puknat ang usap
Walang habas ang palakpak
Doon, sa Bahay na Puti.

4

Habang binanagtas ng talumpati
Ang isang bungkos ng pangangarap—
Pabahay raw na naipatayo
Para sa mga maralita’t walang matirhan—

Parang daga naman nagsipulasan
Ang mga residente sa isang lungsod
Nang sunugi’t gibain
Ang kanilang mga barungbarong
Habang ang nakabarikada’y
Pinaputukan ng M16 at nagkikisay
Na bumulagta sa esterong umaalingasaw.

Habang umaalulong ang makina
Ng buldoser, isang ina ang tumatangis
Dahil nakita niyang ang kanyang paslit,
Ang kanyang bunso’y supok ng apoy
At parang kahoy na nagdikit:

Walang puknat ang usap
Walang habas ang palakpak
Doon, sa Bahay na Puti.

5

Kasagsagan ng pagpuputak
Sa kung ilang bilyong iniangat
Ng kuwartang pinaghati-hatian
Naman nilang lahat—

Isang Pilipina ang kinakaladkad
Ng kanyang among Arabo
Para pagparausan sa Gitnang Silangan
Samantalang isang Japayuki
Ang iniuwing nakakahon
Matapos patayin ng Yakuzang
Umasawa sa kanya ng kung ilang buwan.

Dito naman sa Kamaynilaan
Isang babae ang napilitang
Patayin ang kargang sanggol
Nang dahil sa gutom,
Dahil sa gutom ay parang nabaliw
Nang ginilitan ang kanyang sariling sanggol.

Samantalang ipinamamarali
Ng panginoon ang mabuting balita—
Sapat na pagkain sa bawat mesa
Pailaw sa mga madidilim na kalsada
Sapat na edukasyon para sa masa.

Datapwa, sa isang probinsiya
Sa dakong Timog, nagtitiis silang
Basahain ang diyaryong napulot
Sa ilaw ng aandap-andap na gasera.

Ilang dakot din ang marunong
Isulat ang kanilang pangalan
Sa kapirasong papel
Samantalang hangang sampu lamang
Ang bilang na alam.

Sa isang silid ng pampublikong haiskul—
Isang guro ang mangilid-ngilid ang luha
Dahil ang mga estudyante’y iiwanan
Para sa Amerika, magpaalipin, mamasukan
Doon ang kulay kayumanggi’y
Tampol ng pag-alimura’t paglibak.

Walang puknat ang usap
Walang habas ang palakpak
Doon, sa Bahay na Puti.

6

Pagpapaigi ng kalusugan
Ang laman ng ikalawang
Bahagi ng talumpating
Pangagarap lamang.

Doon sa gilid ng Malakanyang
Isang pulubi ang nanginginig, nangangatal
Dahil sa lagnat na halos taltong araw
Ni hindi man lamang pansin
Ng pulitikong nagdaan, papasok
Sa bulwagan ng mararangal.

Isang babaing nanganak naman
Ang hindi mailabas sa ospital
Ang munting sanggol na iniluwal.
Dahil ang singil, abot-langit ang mahal
Samantalang ang nasa bulsa—
Ilang dadaanin lamang.

Lapit sa charity na ang tanging
Maibibigay ay kaunting salapi
Pra sa tatlong araw na gamot
At pagkatapos noon, ikaw ang bahalang
Maghanap nang ipantutustos.

Walang puknat ang usap
Walang habas ang palakpak
Doon, sa Bahay na Puti.

7

Habang kapayapaan
At kung anu-anong kalayaan
Ang inginangawngaw ng lupang panginoon—

Ilang katawa ang bumulagta
Binistay ng bala ng mga halimaw
Ng mga kwalang kinikilalang
Militar at Kapulisan.
Habang walang habas ding
Tinotortyur, ginagahasa ng kung ilang
Sunalong hayok sa laman
Ang isang babain napagbintangang NPA,
Sa kung saang lupalop na kampo-militar
Habang isang lalaki naman
Ang dinurog ang bayag
At saka ang sariling aring pinutol, isinalaksak sa bibig.

Habang nagaganap ang pagpapahirap
Isang ananwnser naman ang pinasok
Sa kanyang radio booth
At binaunan ng tingga
Sa pagitan ng kanyang noo—

Walang puknat ang usap
Walang habas ang palakpak
Doon, sa Bahay na Puti.

8

Habang walang habas
Ang palakpak na ikinakamanyang
Sa sangkaterbang boladas—
Nagpipista’t nagpapakabundat
Sa ilang hiwa ng steak
At kung anomang haing masara—

Gutom ang Bayan!
Naghihingalo ang Bayan!—
Sa mga ospital, sa pagawaan,
Sa mga kabukira’t mga minahan,
Sa mga dukalan ng langis sa ibang bayan!

Ginagahasa ang Bayan!
Ginagawang puta
Sa mga bansang Hapon, Korea
At kung saanpaman!

Subalit…
Nagpipista sila…
Wala silang pakialam…
Wala silang alam…

Basta’t doon sa Bahay na Puti:
Walang puknat ang usap,
Walang habas ang palakpak…

Wala…

Unang nalathala sa chapbook na Bulkan sa Dibdib (2005) ng KM 64 Poetry Collective.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s