Posted in essay, journalism issues, opinion

Talaga bang Masama ang Pamahayagang Pilipino?

Talaga bang Masama ang Pamahayagang Pilipino?[1]

Sa totoo lang, hindi ko alam talaga kung ano pamantayan ko ng mabuti at masama. Hindi naman kasi ako ganoong kanegatibong tumingin sa mga bagay-bagay. Pinipilit ko kasing bigyang katuwiran ang lahat ng bagay sa paligid ko. Dala na rin siguro ng aking hindi rin pagiging perpekto at pagbibigay-daan sa tinatawag na “rasyonal” na pag-iisip.

Matagal na rin naman akong nagbabasa ng peryodiko—mula sa pinakasikat na broadsheet tulad ng Manila Bulletin hanggang sa punum-puno ng kalibugang Tiktik (na Bandera noon). Ako ba iyong tang nagbabasa at nagbubulatlat ng pahayagan sa bawat dahon nito. Sa totoo lang, naging bisyo ko na ang maglaro ang isip sa bawat erotikong kolum ng mga tabloid na nababasa ko. Kunsabagay, hindi naman masama dahil doon naman bumebenta sa paglalagay ng dumi, este, ng kaalamang seksuwal sa isip ng kanilang mga mambabasa.

Hindi lamang ako ang nagbabasa ng tabloid. Sa totoo lang, kapag bumibiyahe ako papuntang Recto, may mga ehekutibo ring nagbubulatlat ng ilang pahina ng Bulgar, Toro, o Remate. Pero mayroon ilan din namang Tempo o People’s Journal ang dala at nagkakandaduling sa pagbabasa ng isports kolumn na hindi ko naman napanood.

Ngunit, bago ko sagutin ang katanungang nasa pamagat ng lathalaing ito, ibig ko munang limiin kung ano ang tunay na ibig ipakahulugan ng salitamg “masama.”

Dalawa ang kategorya ng sinasabing pang-uri (adjective) na “masama.” Ang una, yaong hindi angkop para sa kapakanan ng iba o maging sa iyong sarili; alalaong baga, iyong hindi makapagdudulot sa iyo ng benepisyong makatutulong para maging maayos ang kalagayan mo. Halimbawa, masama ang paninigarilyo. Ang dahilan? Mapupuno ng nakalalasong kemikal ang mga baga mo na maaari mong ipagkasakit at ikamatay.

Ikalawang naman sa kategorya ay iyong gawaing tunay ngang masasabi nating lihis sa landas ng moral na pamantayan (moral standards) o dili naman kaya’y irasyunal o lihis naman sa kaayusang panlipunan (social norms). Halimbawa, ang pagpatay ay isang masamang gawain. Kapanyayaan (evilness) ang katumbas nito.

Kung gayon, maaaring mahati sa dalawang pamantayan ng pagsusuri ang pagiging masama: ang pansariling pamantayan at ang panlipunang pamantayan. Sa anong pamantayan naman kaya natin masusuri ang “kasamaang” nasa mga pahayagan natin ngayon?

Dito ngayon magsisimula ang suliranin (conflict) sa pamimili ng desisyon kung maituturing nga bang masama o hindi ang pamahayagang Pilipino. Dahil minsan, kung ano ang masama para sa iba, mabuti naman sa ating paningin; o kabaligtaran ng naunang pahayag.

Pero hindi iyan ang tunay na isyu. Ang isyu ay ang pansariling opinyon mo tungkol sa nilalaman ng diyaryong Pinoy.

Sa totoo lamang, umuubos nang halos dalawang pahina ngayon ang kolumn na ukol lamang sa tinatawag nating “erotic tales.” Mayroong ilang pahayagan na nakapokus lamang ang isang buong pahina sa pagtatanim ng libog sa utak at puson ng kanilang mga mambabasa. Tapos, may ilang bahagi ng balitang kung hihinuhain mo’y sa sampung sinabi ay labing-isa ang mali! Iyan, kung ang pagbabatayan mo ay ang salasalabat na demanda ng bawat kolumnistang sumusulat sa publikasyong tulad ng nabanggit.

Isang pahina naman ang umuubos sa tsismis at sa pagkalkal ng buhay nang may buhay sa showbiz at pulitika.

Sobra sa retorika at pagkaminsan, mali pa ang gramatikang ginagamit ng mga kolumnistang ito na sumusulat ng mga walang kalatuy-latoy na mga istorya (na karamihan ay ginaya lamang sa ibang naisulat nang mga kolumn). Buti sana kung pakikinabangan sa negosyo o sa pagpapakain ng mga anak ng mga bumabasa ang mga kolum na ito. Pero hindi! Bagkus, ito pa nga ang nagiging sanhi ng mga bangayan ng dalawang maka-Kristine Hermosa at maka-Jolina Magdangal.

Okey naman kung isports ang pinag-uusapan dahil makikita mo sa isa o minsa’y dalawang pahinang sports page ang ending na tinamaan mo kagabi—na minsa’y hindi ibinibigay ng kubrador.

Gitna at likod pa lamang ‘yan. Wala pa ang una, ikalawa at ikatlong pahina ng pahayagang tinaguriang “smut publication” ng mga moralista.

Sa balita naman, wala nang laman kundi ang pirapirasong rape, patayan ng dalawang nag-inuman kagabi, pinsang dinaliri ng pinsan, o kaya naman, ang hindi mo maintindihang balitang pampulitika dahil iba-iba ang datos na nakalagay. Marahil, puyat o talagang hindi lamang narinig ng field reporter ang tuany na pangyayari. O baka tulog lang siya.

Hindi rin miminsang nangyari na may tinatanggal na balita. May mga impormasyong ipinormalin at may ilan namang balitang ginahasa. Ibig ko bang sabihin, nawala na ang esensiya dahil sa kakaibang sensurang ginagawa ng mga publisher. Kung kaya nga, minsan, hindi na tumatagal ang mga diyaryong ito dahil sa kanila ring kagagawan. Tulad ng Bulldog na hindi ko na nakita pa.

Bumabandera naman ang mga larawang hubad sa kanilang cover page. Para bang ibig nilang ipangalandakan na marmaing bold star dito sa atin na ibinubugaw naman ng mga manedyer sa mga pulitikong walang alam kundi magkamot lamang ng kanilang mga bayag sa Kongreso o sa Munisipyo (hindi ko mabanggit ang Senado, dahil wala pa akong alam tungkol doon). Kaya nga, umuulwa pa ang mga mata ng bumibili. Hindi lamang ang matatanda ang tinatamnan ng libog sa isip, kundi pati na rin itong si Utoy at pagkaminsa’y si Nene na papasok pa lamang sa kalapit na elementary school.

Opinyon ang siyang pinakamatatag at pinakamakapangyarihang karapatan ng sinumang tao. Sa katunayan, ibinabandera ito ng Konstitusyon natin na kung ilang ulit na ring tinangkang i-Chacha ng ilan.

Pero, medyo hindi yata nag-iisip ang nagbibigay ng opinyon sa mga diyaryong ito. Walang mga analisis at puro kayabangan lamang. Umaasa sa mga impormer na hindi naman alam ang tunay nilang responsibilidad. Sa totoo lang, binabayaran sila nang malaki sa kanilang opinyon pero bobo naman ang dating kung magpahayag. Hindi ko alam kung tunay na mamamahayag ang mga ito o hindi. Kung nagsipagtapos ba sa larangang ito (journalism) o grumadweyt lamang sa University of Recto (Gilid).

Sumusulak din sa mga pahayagang ito ang mga editoryal na wala namang katururan. Ang alam ko sa cartooning eh, iyong paksa ng editoryal o ng tudling, pero ang layo ng krokis! Biruin mo, ang pinag-uusapan e, problemang panlipunan o pang-ekonomiya, ang nakalagay e, ang papatakas na Abu Sayyaf! Ang bobo naman ng kartunista ng mga tabloid na ito!

Hindi ko alam kung ang mga tumatangkilik ng mga publikasyong ito ay nag-iisip o hindi. Hindi naman sa nagmamalinis ako, na tipong hindi ako nagbabasa ng tabloid, pero talagang nagcha-chacha ang kabalintunaan ng mga pahayagang ito.

Alam ko kasi, sang-ayon sa sinusunod na “Canons of Journalism” na inampon mula sa imprenta ni Uncle Sam, e unang-una ang Responsibilidad. Pero hindi yata makiktia iyon sa mga publikasyong naglipana sa mga bangketa na anim na piso ang isa (pambili na rin iyon ng isang bolpen na magagamit na pansagot sa eksam).

Ikalawa e, nasusunod naman dahil nasasaad doon, Kalayaan sa pamamahayag. Pero, hindi ba karugtong iyon ng una?

Ikatlo naman ay ang pagiging Independiyente. Kunsabagay, malaya naman sila sa pagbibilad ng mga katawan nina Ilonah Marquez, Pamela Ortiz, at iba pang mga bold star na nagiging tatak na ng ating lipunan.

Pang-apat naman e, Sinseridad, Pagiging Totoo at Tumpak. Pero, kung ipinormalin, ginahasa at tinadtad ang mga balita: paano ito masusunod?

Paglima ay ang Kawalang kinikilingan. Pero, kapag may masasangkot na kasama nila o dili naman kaya’y may padulas, tumataob ang barko ng kanilang pamamahayag.

Patas na laban. Patas? Pero kung tirahin nila ang isang pigurang hindi pa naman napatutunayan kung totoo ang mga akusasyon (hear-say lang kasi ang ilan sa balita) ay ganun-ganoon na lamang! Hindi nag-iisip!

At ang panghuli ay ang pagiging Disente. Disente na hindi naman iyong parang pilit. Pero ang mga ito, hindi. Kunsabagay, sa libog naman sila kumikita, e di pulos kalibugan din ang dapat ilathala!

Opinyon ko ang mga bagay na ito at aaminin kong tila baga nagiging magaspang na ako. Pero hindi ba’t ang liha ang siyang pinangkikinis sa isang bagay na baku-bako at hind patag? Gayundin naman ako. Kailangang makinis ang lahat. Dahil ang gusto ko (at marahil nang nakararaming Pilipino), maayos ang lipunan ko. Dahil mahal ko ang Pilipinas.

At ang sagot ko sa katanungang “Masama bang talaga ang pamahayagang Pilipino?”, itanong mo na lang sa morge dahil sa abang palagay, matigas na at wala nang dugong dumadaloy, sa ugat ng diyaryong Pinoy.

WASAK! Este, WAKAS.


[1] Naisulat bilang rekisito sa Journalism 101, taong 2000 o 2001, sa klase ng yumaong makata, peryodista, at mananaysay na si Bayani S. Abadilla. May ilang binago sa sansysay na ito. At siya nga pala, Batu-bato sa langit, ang matamaan, sapul!

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

One thought on “Talaga bang Masama ang Pamahayagang Pilipino?

  1. Sino ang nagsabing masama ito?

    Kung susuriin ang mga pangalan ng manunulat ng mga kuwento sa tabloid, mapapansin mo na ilan sa mga nagsusulat dito ay mga magaling na kwentistang Pinoy tulad ni Leonardo Buluran. Dala marahil ng pangangailangan?

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s