Posted in protest poetry, social realism

Sapagkat ang mga lansanga’t kabukira’y larangang digmaan

Wala ka mang tangang armas
hindi mo maiiwasan ang pagsama sa agos ng digma —
pagkat ang mga lansanga’t kabukira’y
mga larangan nang mabalasik, madugo
at matinding mga Digmaan.

Sa uhay ng palay at dahon ng mga gulay
Maging sa mga troso at halaman sa kagubatan
Sa likaw ng lambat at kisaw ng mga isda
nakalarawan ang pingkian ng mga kapangyarihan –
ang namamanginoon at ang diumano’y pinapanginoonan.

Sa mga lungsod at bayan mauulinig
ang kanyang sigaw
sa bawat bayo ng maso
at sa bawat ikid ng granahe
sa mga konstruksiyon, pagawaan at pabrika.

Maging sa mga nagtatayugang gusali
naroroon ang kanyang di maitagong anino:
Sa anino ng screen ng computer
sa ingit ng printer, langitngit ng scanner
at maging sa sinusulatang papel.

Naririyan din siya, sa tabi ng estero
sa mga basurahan at mga bentahan ng kalakal
sa mga palengke, groserya at mall
sa kusina ng mga otel at barko
nasa tabi ng perokaril at mga paliparan.

Naroroon siya, nakatunghay
sa mga ospital at mga edipisyo ng gobyerno
sa arsenal at kampo ng mga militar
sa kuta ng mga rebeldeng Pulahan
naroron siya! Nakatunghay!

Ibig ka niyang yapusin at bulungan,
Ikaw na pusong lantay at busilak!
Ikaw na ordinaryo’t walang maningning na pangalan
subalit ang araw-araw na pag-iral mo’y
siyang umuugit ng kasaysayan!

(Sapagkat ang hindi pumapatak ang pawis
at halos tumulo ang dugo sa hanapbuhay
at nahihiga sa banig ng salapi,
umiinom sa kopitang ginto at may pilak sa labi
hindi pa nakaaahon sa kanilang pagkamatsing…

Kaya nga di sila maituturing
na pangunahing tagaugit
tagapanday ng sibilisasyon!
May bahagi man sila sa kasaysayan
nasa bulok na pahina natititik ang mga iyon!)

Sapagkat dahil sa hilahil mo,
sa gibik mo, sa luha mo
kaya siya nailuwal!
Kaya nga sa pagtawag niya,
huwag kang tumanggi! Yapusin mo siya!
At kakamtin nating sabay-sabay ang malayang umaga!

Unang nalathala bilang isang kalatas (note) sa Facebook.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s