Posted in environment and environmental issues, poem

Liham ng Gunita ng Kahapong Lunti: Mula sa Ama sa kanyang anak

Anak, tandang-tanda ko pa
Noong hindi pa maputi ang aking buhok
Ang halimuyak ng mabining hanging
Umiihip sa Dewey Boulevard.
Kaygandang pagmasdan ang paglubog ng araw—
Na tila namumulang pisngi ng mahinhing dalagang
Natutong umibig sa unang pagsilay.

Kung maririnig mo lamang, Anak ko,
Ang himig ng lagaslas ng tubig
Na dumadaloy sa ilog Pasig—
Para bagang musikang ipaghehele ka
Sa isang pag-idlip na puno nang matatamis
At masasayang panagimpan—
Kaysarap gunitain, bunso ko, ang mga araw na iyon!

Parang kailan lamang,
ang lungsod ng Maynila’t karatig-lalawigan
ay ginintuan, asulan  at luntian
Samantalang ang langit, kaysarap pagmasdan
Sapagkat nakahahalina ang kanyang kaasulan—
Parang topasyong nasisinagan ng araw
Na sumasalamin sa dagat at mga lawang bughaw.

Tandang-tanda ko pa, Bunso ko,
Ang masaganang tanghalian ng talimusak,
Matabang hito, tilapya at dalag
Ay isang panalok lamang ang katapat.
Manggang manibalang, hinog na papaya’t mapulang rambutan
Mula sa gintong bukid ang siyang panghimagas.

Kaysarap ngang gunitain, o Bunso ko
Ang matatamis na araw ng paghahabulan
Sa luntiang parang na nakukumutan ng mga damong ligaw
Mga halaman, mga puno at mga bulaklak na makulay
Bulaklak na hindi naman namin alam
Kung ano ang mga pangalan
Subalit agad ikukuwintas sa leeg ng katipan.

Ay! Gunitang kaysarap balikan!
Ang kahapong nagdaan.
Ngunit bakit ganoon anak?
Ang gunita’y gunita na lamang.
Ang tubig ng Pasig ay ‘di na kristal
Ang dumadaloy sa kanya’y lason
At burak na makapal!

Bakit ang dating masamyong hangin sa Maynila
At Dewey Boulevard ngayon ay usok
Na nakakasulasok, nakababahin, nakamamatay!
At bakit ganoon na ang kulay ng langit?
Nawala na ang salaming bughaw
At napalitan ng abuhing panginoring
Nakahihindik na tingnan?

Ay! Bakit gayon, Bunso?
Hindi na maramdaman
ang marahang dapyo
Ng hanging mabining may halimuyak,
Na may hatid na samyo
At may magiliw na tawag
Sa umiibig na puso?

Ay! Bakit gayon, Bunso?
Kung hindi man bagyo, ipuipo
Ang siyang pasalubong sa iyo
Ni Amihan man o ni Habagat?
Bakit wala nang pagsuyo
Ang kanilang pagdalaw
Sa atin, o aking Anak?

Bakit ang dagat, ilog at sapa
Nagtatampo na’t wala nang isda?
Bakit ang parang ay mausok
Samantalang ang bukid
Kung hindi man tambakan
Ay mga pinitak na tuyo?
Bakit gayon, anak ko? Bakit gayon?

Ay! Bakit gayon, Bunso,
O, anak akong iniirog?
Bakit patuloy ang pag-init nitong mundo?
Nasa impiyerno na ba tayo?
Parusa ba ito, Anak ko
Sa bawat pagsalang ginawa ng tao?

Subalit, hindi nawawala ang aking pag-asa—
Sapagkat ang bawat sugat
Kung lalanggasing sapat
May paghilom, kahit pa may naknak.
Naniniwala ako, Anak
Muling magiging totoo,
At hindi gunita na lamang ang lahat.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s