Posted in desaparecidos, enforced disappearances, short story, social realism, state terrorism and/or fascism

Tasa ng Kape

Walang ibang kapiling ngayong umaga kundi ang tasa ng malamig na kape. Mapait sa lasa kahit pa nga, halos tatlong kutsarang asukal na puti ang nailagay. “Pampa-diabetes,” sabi ng isang sulok ng namamanhid nang isip.

Nakatanaw sa bintana, abot-tanaw ang esterong halos hindi gumagalaw samantalang ang mga batang nakatuwaang manghuli ng kulikak, nagsisigawan, naghahalakhakan. Gusto mang mahawa sa hagikhikan habang ang isang paslit, na nakatuwaang manghuli ng kulikak, madulas at tuluyang magpalublob sa maitim at mabahong tubig, ngunit hindi magawang mangiti dahil…”

Nagpaalam siya papunta lamang sa isang kaibigan. Puting-puti ang kamiseta na tinirnuhan ng kupas na pantalong maong. Suot niya ang paboritong sandalyas na balat. Hindi na siya nagmedyas gawa nang basa pa, kasama ng sandamakmak na labadang kamiseta, karsonsilyo, panty, bra. Kanina lamang natapos banlawan ang nakababad.

“Huwag kang mag-alala, hindi naman ako magtatagal. Kailangan lamang naming mag-usap ni Martin, sa demolisyon,” sabi niya. Halos ayaw lumingon sa akin. Nakatalungko nakatanaw sa maruming tubig ng estero.

“Sabi ko sa’yo, huwag ka nang makisawsaw. Hinahanap ka ng ilang maton noong isang araw. Hindi ko sila kilala. Mabuti na lamang at hindi tumuloy dito. Natatakot ako,” ani ko. Gayunman, patuloy ang kanyang pag-aayos para umalis.

“Kung patatakot ka sa kanila, talagang tatakutin ka,” sabi niya. Lumapit. Hinaplos ang aking buhok na sabug-sabog dahil sa kanina pa sabunot, higit at hatak ng sariling kamay. Ayaw ko nang sinasabi niyang hindi dapat matakot dahil may bagay na dapat ikatakot. Hindi ko maintindihan kung ano ang gusto niyang iparating o gusto niyang maabot. Basta ang alam ko lamang, kung maisisingit niya sa oras ang pagbabasa sa mga libro niyang nababalutan ng kung hindi asul ay pula, ng mga dokumentong iniipit pa niya sa damitan, at ilang sulat na nagmumula sa kung saan na nakaselyo lamang ng scotch tape at wala man lamang adres. O kaya naman, ang pakikipag-usap din niya sa ilang mga tao na nakilala lamang sa mga palayaw. May Ka Osang, Manay Inday, kung anu-anong pangalan. Pagkaminsan, dumadalaw sila sa barung-barong. Pabulong kung mag-usap sila. Halos ayaw iparinig. At pagkaminsan, hindi, kadalasan, nakikitulog sila, nakikiamot sa tuyo at kaunting kanin. Matapos ay aalis muli. Patungo kung saan, hindi man lamang ipaalam sa akin.

Ngunit minsan, naringgan ko sila, sa isang pagpupulong: “Lahat ay dapat magbigkis at lumaban! Ito ay sa pangunguna ng mga manggagawa, sa tulong ng mga magsasaka!”

Hindi ko maintindihan, ang salitang magbigkis; ano ang tungkol sa mga manggagawa? Ano ang tungkol sa mga magsasaka? Ano ang tungkol sa kung anong sinasabi nilang sektor, saray ng lipunan?

Alam ko… Hindi siya taal na taga-amin. Dayo lamang siya roon. Nagsimulang makipag-usap sa kung kanikanino. Matamis siyang mangusap at magaling magpaliwanag. Sa inuman, siya ang tanungan… umiinom siya pero hindi naglalasing. Nakikituloy siya sa isang entresuwelo malapit sa amin.

Nagkita kami, minsan nang nakatambay ako malapit diyan sa may Avenida. Nag-aabang ako ng magbibigay ng laman para sa tiyan. Mag-isa lamang ako. Wala na sina inay at itay dahil matagal nang patay. Nang minsan kasing maggibaan, ang dalawang matanda, natutulog. Wala ako noong oras na iyon, nasa kalsada para maghanap ng ikabubuhay. Ayon sa mga saksi, itinuluy-tuloy ang mga pagbubuldoser. Nadamay ang matanda. Kaya nga, sa gitna ng tag-araw, walang tigil ang ulan sa aking mga mata.

Iniakyat niya ako sa motel. Nagkausap kahit pasumandali. Hindi niya ako ginalaw. At nalaman kong matagal na pala niya akong tinitingnan. Gusto raw niya ako. Napatitig ako sa kanya. May kung anong humaplos sa puso ko. At doon nga nagsimula ang lahat.

Kaaway raw siya ng estado, kung sino man o kung ano man ang tinatawag nilang estado. Basta ang alam ko lang, may dumating na kung sino: mga mukhang hindi mapagkakatiwalaan. May hinahanap silang pangalan: Marcelo Madlangsakay. Napatapat sila sa bahay. Itinanong kung may kakilala akong ganoon ang pangalan. Ang sabi ko’y wala. Inilarawan nila ang mukha, ang tindig at lalim ng hugot ng boses mula sa lalamunan. Siya iyon. Pero bakit iba ang pangalan? Hindi Marcelo Madlangsakay ang ibinigay niyang pangalan kundi Alejandro Mananquil. Hindi ako kumibo. May sumikdo sa dibdib ko. Basta ang sabi lamang sa akin ng mga maton, mag-iingat lamang kami sa kanya. Kaaway siya. Hindi dapat ipagkatiwala sa kanya ang buhay ninuman. Lason siya sa isip. Tibo siya sa puso ng sinumang maaring magmahal sa kanya.

“Babalik ka kaagad, ha? sabi ko sa kanya. Hinagkan niya ako sa labi. Sa mga mata niya, kakaiba ang nakita ko… pero hindi ko maipaliwanag.

“Maghintay ka lang,” aniya.

Parang may kung anong sumikdo sa dibdib ko nang mabalitaan ko ang isang komosyon. May lalaking dinukot ng anim na lalaki. Katulad ng suot niya. May mga nakasaksi, isinalarawan ang nakita nila. Nakapanghihilakbot dahil parang baboy daw na inihagis sa loob ng sasakyan. Hindi raw siya nag-iisa. Tinanong ang mga taong nasa paligid subalit ayaw nilang magsalita.

Ilang araw na rin siyang hindi dumarating. Manhid na ang isip ko sa pag-aalala. Ayaw niyang bumalik ako sa mga kalsada. Subalit hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi gumala. Pinipili ko talagang makatalik ang alam ko o mukhang pulis. Baka naman nalalaman nila. Kailangan ko siyang makita at makausap. Nanginginig ang mga kamay ko habang pilit na itinataas ang tasa ng lumamig na kape. Kumpirmadong siya nga ang parang baboy na pilit na isinakay sa sasakyan na walang plaka at madilim ang salamin. Siya nga ‘yon. Sinabi na sa akin ng mga kasamahan niya nang minsang dumalaw sa akin.

“Sumama ka na lamang sa akin,” sabi ni Manay Inday. “Delikado ka rito!”

Hindi ako kumibo. Matagal ang pananahimik. Hanggang nulas sa dibdib ko: “ag-iisipan ko. Baka kasi bigla siyang umuwi wala ako.” Hindi rin kumibo si Manay Inday. Hinaplos niya ang braso ko. Niyakap bago siya tuluyang umalis.

Sinimsim ko at hagya lamang na dumaan sa lalamunan ko. May nakaharang na kung ano. Nasa isip ko ang hitsura niya bago siya umalis: maging ang mga alaala nang araw-araw na kasama ko siya. Maging ang mga panahong kasiping ko siya. Ang bawat haplos ng palad niya sa aking balat. Ang mga halik niya… Nasaan na nga kaya siya?

Nakatingin pa rin ako sa estero, sa mga batang nanghuhuli ng kulikak na inilalagay nila sa isang bote ng coke. Tuloy ang laro.

Inilagay ko na lamang sa lababo ang tasa ng kape. Ni hindi nga nangahalati ang laman.

Maliligo ako. Kailangan kong lumabas. Baka makita ko siyang muli sa Avenida, kung saan niya ako nakilala nang husto. At kung hindi ko siya makita, baka bukas! Baka bukas, makita ko na siya. Kung hindi? Paano kung hindi? Ipinilig ko ang ulo ko. Inalis ang kung anong agiw. Sa puso ko, nararamdaman ko ang kabog. Pero hindi ko iniisip na may masamang nangyari sa kanya. Inisip ko na lamang, dulot ng ininom kong kape kanina ang kabog na nararamdaman ko sa dibdib ko. (Nalathala sa Trinity Observer at Tinig.com)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s