Posted in Uncategorized

Nakauwi na ang bayani

Maalinsangan, bagaman makulimlim ang hapong iyon nang Hunyo 12, Araw ng Kalayaan. Sa tanggapan ng Migrante, naroroon ang hindi maipaliwanag na pakiramdam. Susunduin na si Eugenia, 24. Tatlong buwan ding hinintay-hintay ng kanyang ate, si Beth (Lilibeth Garcia, 33) at iba pang kamag-anak ang kanyang pagdating.

Ngunit hindi isang masiglang dalaga ang makikita nila sa gabing iyon kundi isang malamig na bangkay na nakakahon.

Tubong Tagbilaran, Bohol si Eugenia. Gaya nang iba pang kababayang nangingibang-bansa, kahirapan din ang nagtulak sa dalaga para pumunta ng Saudi Arabia.

“Gusto niyang makabili ng kalabaw para magamit ng tatay namin sa pagsasaka sa Bohol,” kuwento ni Beth, pinipigilan ang pagpatak ng luha.

Sa pamamagitan ng Aisis International Manpower Agency, narating ni Eugenia ang Saudi. Subalit hindi naging napakadali para sa kanya ang buhay roon. Naiba ang kontrata, anim na buwang hindi pinasusuweldo, at sa hinagap ni Beth, minamaltrato at inaabuso ang kanyang kapatid doon.

“Major Abdulasis Alhusim, daw ang pangalan ng amo niya, sa pagkakatanda namin. Pulis yata iyon,” sabi ni Beth.

Enero 2008 nang magsimulang mag-text nang pakikiusap na makauwi si Eugenia, ani Beth na labis nilang ipinag-alala.

“Nagpunta ako sa agency. Hinanap ko ang manedyer at pinakiusapang tawagan ang kapatid ko. Ang lagi nilang sinasabi, naho-homesick lamang daw ang kapatid ko. Pero sa loob-loob ko, homesick pa rin samantalang anim na buwan siya roon? Tinanong pa nila ako kung nandito ang nobyo niya. Ang sabi ko, oo. ‘Iyon naman pala, eh,’ ang sabi nila sa akin. ‘Andito naman pala ang boyfriend kaya naho-homesick,’” ani Beth, sa mata niya masasalamin ang hindi pagtanggap sa ganoong katuwiran.

Noong Pebrero 24, parang pinagsukluban siya ng langit at lupa nang matanggap ang balita: patay na si Eugenia. Unang ulat ng DFA (Department of Foreign Affairs), namatay si Eugenia sa sakit; pangalawa, nagpakamatay sa pamamagitan ng pagpukpok ng tiles sa sariling ulo.

“Paano magpapakamatay ang isang batang maraming pangarap?” naitanong sa akin ni Beth.

Sa tulong ng Migrante at relihiyosong grupong 700 Club Asia (na tatlong buwang tinrabaho ang lahat), nakauwi rin ang mga labi ni Eugenia. Alas-7:30 ng gabi, lumapag ang eroplanong kinalululanan ng bangkay.

Ilang sandali pa, sa pagitan ng ingay ng paroo’t paritong forklift, maririnig ang mga hagulgol. Palatandaang dumating na ang bayaning maraming pangarap. At sa kanyang pag-uwi sa Bohol, maraming tatangis at magsasabing: “Sayang, at mananatiling pangarap na lamang ang lahat…”

Samantala, nanawagan sa gobyerno ang grupong Gabriela na bigyang-pansin ang misteryosong pagkamatay ni Eugenia.

Ani Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan, kailangang imbestigahan ang pagkamatay ni Baja para makamit niya ang katarungan.

“Sana, makipag-kooperasyon ang gobyerno para malaman natin ang totoo,” ang sabi ng kongresista. (May ulat sina Mary Rose Retrita, Jean Campos at Rodalyn Capilo)

(Unang nalathala sa http://www.pagmumunimuni.tk/; ang buong istorya ay nailathala rin sa Pinoy Weekly noong Hunyo 18, 2008).

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s