Posted in critical essay, homeland security and anti-terrorism, interview, militarism, state terrorism and/or fascism, youth and children under conflict

Hiling ngayong Pasko: Kapayapaan

TUMATAKAS sa tinig ni Aileen, 15, ang hibla ng hilakbot sa tuwing sumasagi sa isip ang armadong mga sundalo sa bulubunduking bayan ng San Narciso, Quezon.

Naghahanap daw ng mga miyembro ng NPA (New People’s Army) ang mga militar. Pinaghinalaan ang mga nakatatanda, silang mga ama, tiyuhin, pinsan. Pinaratangan kahit mismong mga batang nasa pagitan ng anim hanggang 15 taong gulang.

Minsan, nabagot ang mga sundalo. Sa iniistambayang karinderya kung saan mayroong videoke, tinawag mula sa bahay si Aileen.  “Pilit akong pinakakanta,” aniya. Nangatog ang kanyang mga tuhod habang kumakanta sa harap ng nagtatawanang mga sundalo. Sabad ni Aling Macarya, ina ni Aileen, sinusubok ng mga sundalo ang mga bata kung alam ang kanta. At kung hindi, ito ang patunay na impluwensiyado sila ng mga NPA.

Sa sumunod na mga araw, lumisan si Aileen, ang kanyang pamilya, at 15 iba pa, mula sa San Narciso at karatig na bayang General Luna. Naglakbay sila sa tulong ng mga grupong pangkarapatang pantao, hanggang makarating sa Freedom Partk sa Quezon City Hall.

Pangungulila ngayong Kapaskuhan

Inuugoy ng mabining hangin ang mumunting parol na nakasabit sa nalalapit na kubo, ngunit di nito maampat ang kalungkulan ni Aileen. Dalawang linggo pa lamang ang nakararaan magmula nang lisanin niya at ng kanyang mga kaanak ang kanilang tahanan.

Ang iba ring batang nasa kampo ngayon, di pa makalimutan ang pagbabanta ng mga sundalo.

“Pilit nila kaming tinatanong kung ang mga tatay namin ay NPA. Hindi namin alam kung bakit nila nasabing NPA ang tatay namin eh, simpleng magbubukid lamang siya,” sabi ni Jay-ar, 12, na hindi maitago ang takot, lungkot at taka.

Anila, tanging pagtatanim lamang ng gugulayin at pagpapastol ng mga hayop, ang nakikita nilang ginagawa ng kanilang ama.

“Marahil kasi, ang bahay namin, nasa bundok kung kaya ang tingin nila sa amin, NPA o tagasuporta ng NPA,” sabi naman ni Aling Pacita, 42. “Kung hindi naman kami aalis sa bahay, baka patay na kami.”

Napakalungkot naman si Aling Nizza na posibleng sa Freedom Park na sila magpapasko. “Ni wala kaming nadala kahit man lamang damit. Iyong mga anak ko, nag-aaral ang mga iyan, napilitang tumigil dahil kung hindi naman kami aalis, mamamatay naman sa pambubugbog ng mga sundalo ang asawa ko.”

Pitong buwang buntis si Aling Nizza. Ang kanyang anim na anak, gigitaw-gitaw at naglalaro sa palibot ng kubu-kubuhang iyon na may nakasabit na parol na kulay puti, pula, asul, at berde.

“Hindi naman kami tutol na mag-operasyon silang mga sundalo sa amin, pero huwag naman nilang saktan ang mga sibilyan,” umiiyak nang sabi ni Aling Nizza.

Hirap sa kampo

Pangunahing abala ang mga kawani ng Karapatan sa Timog Katagalugan sa pagtulong sa mga bakwit mula Quezon. Pero inamin ni Dorris Cuario, pangkalahatang kalihim ng grupo, na hindi rin niya maiwasang maiyak nang isinasalaysay ang ilang pangyayaring hindi na mabanggit ng mga nakausap kong mga bata at mga ginang.

“Nagtitiis sila ngayon sa lamig dahil sa tolda lamang sila natutulog diyan sa may munisipyo ng Quezon City, sa Freedom Park. Walang dingding, nagsisiksikan sila doon. Malamok. Kaawa-awa naman iyong mga bata. Mayroon nga iyong isa, buntis, nagkasakit na siya roon,” paliwanag ni Dorris.

Salaysay niya, may isang buntis na bakwit ang hindi pinaligtas ng mga sundalo, sinaktan at pilit na pinaaamin kung nasaan ang kanyang asawa na kasapi raw ng NPA.

“Pinupuwersa nila ang kalalakihan na magreport sa kanila at pinapipirma sa isang kasulatan na nagsasabing nangangako silang hindi na susuporta sa mga komunista at kapalit naman noon, isang kabang bigas, ilandaang piso at maraming takot dahil kailangan mong mag-report nang paulit-ulit at kung hindi, tutugisin ka nila,” sabi pa ni Dorris na namumugto na ang mga mata dahil sa pagluha dala nang habag sa mga bakwit.

Karamihan sa mga bahay na iniwan ng mga bakwet, ayon kay Aling Nizza, pinamahayan ng mga sundalo at ang kanilang mga alagang hayop at tanim, nagsisilbi nang pinakapagkain nila.

May balita pang ang ilan din sa mga kabahayan, napagnakawan na rin ng mga sundalong sumumpa, sa ngalan ng Konstitusyon, na magiging tagapagtanggol ng mga mamamayan, lalo na niyong maliliit at mahihina.

“Sila pa ngayon ang nananakit sa mga sibilyan dahil hindi nila mapag-iba kung sino ang kaaway at kung sino ang hindi,” pakli ni Dorris.

Pinilit ng mga biktima na makipagdiyalogo sa matataas na opisyal ng AFP (Armed Forces of the Philippines) sa unang araw ng pagtuntong nila sa Maynila, ani Dorris. Subalit tila may pang-uuyam na sa gitna ng kanilang pag-uusap, pinatugtog ang ilang masasayang awiting pamasko.

Hindi maiaalis sa mga biktima na magalit sa mga sundalo at maging sa gobyerno mismo. Subalit dahil Pasko, nananawagan sila: Pagpapalayas sa mga sundalo na lang sana ang regalo sa kanila ni Pangulong Arroyo. (Unang nalathala sa Pinoy Weekly.)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s