Posted in exploitation of labor force, short story

Sinulid

Maingay ang tunog ng makinang kanina pa kain-subo ng kemikal at iniluluwa naman sa isang mahabang pisi ang sinulid na isisilid naman sa isa pa para naman maging telang mabibigat na balumbon, sarikulay at nakakadalok ang amoy dahil nga sa kemikal na kumulay sa kanila.

Parang walang kapaguran si Ernesto habang minamasid ang ikot ng granaheng walang lubay sa pag-ikot. Akinse. Araw ng suweldo na labis niyang pinakahihintay dangan nga kasi’y kailangan ng pambayad ni Nene sa kanyang eskuwelahan. May ilang proyektong ibinigay ang kanyang guro na kailangang ipasa ni Nene sa katapusan ng buwan at kailangang-kailangang iyon para makapasa’t makasampa sa entablado at abutin ang diplomang katibayan ng kanyang pagtatapos sa haiskul.

Malapit na rin iyon. Ilang paglilipat-linggo na lamang at makapagtatapos na rin si Nene–Nerissa Camia ang tunay na pangalan–ng kanyang haiskul at kung kakayanin pa, dahil matalino nama’t may katiyagaan–ay igagapang para makapagtapos ng kolehiyo sa isang pampublikong pamantasang isang sakay lamang mula sa kanila.

Habang walang lubay din namang nagluluwa ng sinulid, sarisaring kulay at kahit pa nakakasulasok ang amoy ay pilit pa ring tinitiis kahit pa nakasisikip sa paghinga–dahil nga akinse ngayon at kailangan niya ang salaping iyon hindi lamang para sa kanyang si Nene–ang tanging iniwang alaala ng kanyang yumaong asawa na kasama rin niya sa pabrikang iyon, ilang taon na rin ang nakararaan–kundi maging sa iba pang gastusin tulad na lamang ng halos singhaba na rin ng sinulid na iniluluwa ng mga butas ng makinang iyon na listahan ng kanyang mga utang–sardinas, kape, bigas, gaas at iba pa sa tindahan ni Aling Mameng na halos murahin siya mula ulo hanggang paa dahil nga sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay kailangan niyang mangutang para lamang makakain.

Ilang araw din kasi siyang nagkasakit at naratay. Ang kaunting nakuha noong nakaraang buwan, akinse ring tulad nang panahong ito ay halos maubos din sa pagbili ng gamot na hinahati rin niya, inuunti-unti gaya na lamang ng kanyang gamot sa lagnat para tumagal at hindi agad bumili; kailangan din kasi ng kanyang si Nene ang pambaon at pambili ng ilang gamit sa eskuwela. Pasalamat na lamang at gayon lamang ang kanilang pinagkakagastusan at salamat din at agad na bumuti ang pakiramdam. Nakakukuha rin siya ng libreng ilang tableta sa health center dahil kakilala niya, kabarkada ng yumaong asawa ang health worker doon at doon din madalas na patingnan ang kanyang si Nene kapag nakakaramdam ito ng kung ano. Natatakot na siya, baka matulad sa kanyang asawang hindi naagapan at tuluyan nang iginupo ng sakit sa baga.

Salamat na lamang din at sa pamamagitan ng jumper at panakaw na pagsususo ng isang tubo ng tubig ay nagkaroon sila ng ilaw at tubig at hindi pa sila gumagastos. Subalit kailangang tanggalin din nila dahil kapag nahuli’y tiyak na multa bukod pa sa mangangapa sila sa dilim at muling magpapagod sa pagpila nang pagkahaba-haba sa pampublikong igiban doon sa barangay. Madalas na ring maglibot ngayon ang Meralco at maging ang Maynilad. Hindi pinatatawad maging sino, liban nga lamang at kung mayroong perang panlagay para kahit paano, mabalam ang gagawing pagputol sa ilaw at tubig.

Iyon nga, nang manumbalik ang lakas nagbalik sa pabrika para magtrabaho at kailangan din gawing labis ang oras para mabawi ang hindi kinita noong mga nakaraang araw na hindi siya makabangon dahil sa lagnat at ubong ininda rin naman niya.

Muling bumalik sa isip niya ang pangangailangan na makapagbigay ng pera sa kanyang Nene para sa kanyang proyektong huling hirit na raw ng kanilang eskuwelahan.

Patuloy ang paggiling ng makina at patuloy sa pagluwa, pagrolyo ng sinulid na maya-maya lamang ay isusubo sa isang makinang hahabi naman dito para maging telang balubalumbon.

Hindi niya nararamdaman ang pagod. Parang walang pagpanaw ang kanyang lakas bagaman nitong nakaraang mga araw, parang basang sisiw siyang lulugu-lugo at halos hindi makabangon dahil sa lagnat. Hindi rin niya napuna ang paglapit sa kanya ng isang kasamahang nasa packing division.”

“Mukhang ganado ka yatang magtrabaho ngayon, ah? Parang di ka matinag diyan eh!” puna ni Arthur habang ibinababa ang isang rolyo ng telang reject. Pumangit ang timpla ng kulay kaya kailangang muling ibalik sa seksiyong nagtitina ng mga tela.

“Ah, eh…” hagyang natawa at napakamot sa ulo, “kailangan kasi. Kailangan ni Nene ko.”

“Oo nga pala, gradweyting na pala si Nene mo. Tiyak eh, aakyat kang abot-tainga ang ngiti dahil may medalya raw na isasabit sa leeg ng anak mo. Matalinong bata kasi,” sabi ni Arthur habang inaayos ang balumbon at maingat na nilalagyan ng tarheta para hindi malimutan kung kailan ibinalik sa mga nagtitina.

“Mana sa ama,” pabirong sambit ni Ernesto habang sinisipat muli ang makinang parang walang kapaguran sa paggiling.

“Naku! Sabihin mong mana kay Mareng Rita,” patawang sambit ng kaibigan.

Sabay silang nagkatawanan kasabay ng mga makinang parang nakikipaghalakhakan din sa kanila.

“Hoy! Magtrabaho kayo riyan, hindi iyang puro pagbibiruan ang ginagawa ninyo!” singhal ni Mr. Rodriguez, ang kanilang bisor. Hindi nila napuna na matagal na palang nakatanghod sa kanila ang bisor.

Natigil ang pagtatawanan nila. Parang nilamon ng tunog ng makina ang malulutong na halakhak nilang parang napakatagal na ring ipinagdamot sa kanila ng mga kalugkog at huni ng makinang buga-lamon ng sinulid at kemikal.

Lumipas ang ilan pang sandaling subo at lamon ng makina, buga nito ng sinulid subalit walang kibuan ang kaninang nagtatawanan. Nahalinhinan na nang kalugkog ng makina, tulad ng dati.

Ilang sandali pa, tumunog na ang bel. Tanda nang natapos na ang ilang oras ng paggawa. Ilang oras na walang naririnig kundi ang huni ng maraming makina, makinang buga-lamon ng sinulid na maya-maya’y sapin-saping telang titinaan at ibabalumbon, ipapasan sa mga balikat patungong trak at ibibiyahe at magiging tubo para sa mga hindi man lamang masayaran ng kahit isang kulay ng tina ang mga kamay. Silang nasa loob ng malalamig na silid at nakikipagtawaran lamang sa telepono at nakikipaglandian sa kanilang magaganda, mapuputing sekretaryang handa namang ibigay ang lahat para sa ilang pirasong alahas at ilang bungkos ng salapi. Hindi kaila sa kanila ang ganoong kalakaran sa pabrikang iyong halos doon na rin nahabi ang kanilang munting pangarap. Tulad nang sa kanya–ang makitang umakyat ang kanyang si Nene sa entablado, magsalita at magpasalamat dahil sa medalyang isasabit sa kanyang magandang leeg at tatanggaping buong galak ang diplomang katibayan ng kanyang pagtatapos. At siya naman, tuwang-tuwang hahagkan ang anak at yayakapin. Matapos noon, pagsusumikapan naman niyang makita ng kanyang anak ang unibersidad at tanggapin ang diplomang anting-anting kontra sa kanilang kahirapan.

Ilang sandali pa, sabay-sabay na tumigil ang makina at agad na umalerto ang mga manggagawa. Nag-isang hanay, inihahanda ang sarili para tanggapin ang kulay-kayumangging sobreng naglalaman ng kanilang pinaghirapan.

Ilang gabi ring pinagpuyatan dahil sa mga obertaym. May kota, kailangang maipadala agad sa Hong Kong ang mga tela, kailangang ganito, kailangang ganoon.

Karamihan sa kanila, halos doon na rin sa pabrika natutulog. Sa mga munting kubol na ginawa, sa mismong trak ng pagkakargahan ng mga telang makulay, o kahit saang sulok ng pabrika para kahit ilang oras man lang mapawi ang antok, maglulunoy sa maputlang kape na halos wala ring asukal.

Marami nang may taglay ang ngiti sa kanilang mga labi. Sa wakas, labinglimang araw na pagtatrabahong kahit Sabado at Linggo, matatanggap na rin nila ang kanilang pinagpawisan, pinagpuyatan at pinagsikipan ng baga dahil sa amoy ng matatapag na kemikal na ginagamit para mabuo ang sinulid na kare-karete na hahabihin naman para maging telang balu-balumbon.

Nagbubulungan, nagpapayabangan ang ilan dahil alam nilang malaki-laki ang halagang makukubra dahil sa labis ng walong oras ang ipinagtrabaho. Mayroon namang halos hindi makangiti dahil sa alam nilang hindi makukubra ang nais dahil sa mga baleng nagawa nila. May ilan naman na dahil sa dami ng pagliban, halos wala na ring makukuha.

Isa-isa ang lapit sa mesa ng bisor para kunin ang sahod na pinagpaguran, pinagpuyatan. Marami ang nagbubulung-bulungan at parang tinatantiya kung magkano ang sasahurin nila bilang kabayaran sa kanilang pinagpaguran.

Ilang empleyado bago siya. Ilang taong lalagda sa papel na iyon at tatanggap ng sobreng kinalalamnan ng kanilang sahod na hindi nila mapintahan dahil sa sobreng nagtatabing doon. Siya na ang pipirma, siya na ang tatanggap ng ilang araw din niyang pinagpuyatan at pinagpaguran.

Tinanggap niya ang sobreng iniabot sa kanyang nagtataglay ng kanyang apelyido at inisyal ng kanyang unang at panggitnang pangalan. Nilagdaan niya ang papel na nagsasabing tinanggap niya ang ganoong sahod. P1,850.75. Kasama na roon ang mga kaltas. Ayos lang, ang sabi niya sa sarili.

Pagkapirma, hindi na niya napagkaabalahang halungkatin ang sobre. Kailangan niyang umuwi agad dahil baka mapagsarhan siya ng groseryang bibilhan niya ng ilang gamit sa bahay at gayundin, para maibigay niya kay Nene ang perang kailangan nito para sa kanyang huling kahingian sa eskuwela.

Papabalas na siya ng tarangkahan nang mapagsiyahang bilangin ang nasa loob ng sobre. P1,500 lamang! Wala ang P350.75 na siyang kabuuang sahod na pinirmahan niya kanina. Bakit nagkaganoon, bulong niya sa sarili. Malinaw na nakasulat sa papel na pinirmahan niyang papel na P1,850.75 ang kanyang sinahod dahil nga sa ilang araw na liban siya sa pabrika. Baka naman, mali ang bilang niya, sabi niya sa sarili. Subalit hindi! P1,500 lamang talaga ang laman ng sobre!

“Baka naman nagkamali lang si Mr. Rodriguez sa paglalagay ng pera. Baka naman nagkamali lang,” sabi niya pilit kinukumbinsi ang sarili. Sabagay, wala naman sa hinagap niyang maaring kupitan ang kanyang pera. Kahit na sabihin pang medyo hindi sila nagkakasundo ni Mr. Rodriguez sa ilang pagkakataon–tulad na lamang kanina na nakikipagkuwentuhan siya habang nagtatrabaho sa kanyang pareng Arthur.

Muli siyang bumalik sa pabrika subalit wala na ang bisor sa kanyang mesa sa ibaba. Marahil, umakyat na ito sa kanyang kuwartong airconditioned.

Bukas pa nga ang ilaw. May tao pa, sa loob-loob niya. Nabuhayan siya ng loob. Kakausapin niya si Mr. Rodriguez. Itatanong niya kung nagkamali ito sa paglalagay ng pera sa kanyang sobre.

“Baka nagkamali nga lang siya,” ibinubulong ng kanyang utak habang papaakyat sa hagdan patungo sa opisina ng kanyang bisor.

Kumakabog ang kanyang dibdib na lumapit siya sa pinto at akmang kakatok nang marinig niya ang hagikhik ng isang babae sa loob. Boses ng kanyang sekretarya. Pinangimihan siya subalit kailangan niyang tanungin ang kanyang bisor ngayon.

Kailangan ng kanyang si Nene ang pera dahil nga magtatapos ito at kailangang ipaghanda kahit papaano. At kailangan ding maabutan niya para sa kanyang proyektong huling kahingian ng kanyang paaralan.

Kumatok siya, marahan–tatlong beses saka pinihit ang seradura. Pagbukas niya ng pintuan ay nakita niyang nakakalong ang sekretarya ni Mr. Rodriguez sa kanya. Nilalaro ang kurbata nito.

Tila nagulat ang dalawa. Napatayo ang babae at inayos ang sarili. Parang napahiyang inayos ang buhok at ang nalilis, nalukot na miniskirt. Habang si Mr. Rodriguez naman ay inayos ang nalukot na long-sleeves.

“Ano’ng kailangan mo, ha, Chavez?” pagalit na tanong sa kanya ng bisor na namumula pa rin sa kahihiyan. Sila ba naman ang makita ng isang hamak na makinista sa isang nakakahiyang sitwasyon!

“May itatanong lang po, sana…” nahihiya niyang sabi sa bisor.

“Maari bang bukas na ‘yan? Hindi ba’t uwian n’yo na?!” singhal sa kanya ng bisor habang ang sekretarya naman ay tumalilis patungong kasilyas na naroroon din naman sa kuwartong iyon na kumpleto sa gamit–telebisyong de-kolor, refrigerator, komponent, at iba pang gamit na sa palagay niya ay libu-libong piso ang halaga.

“Eh, sir…kasi…” halos malunok niya ang kanyang dila.

“Bukas na iyan, Chavez. Nakakaabala ka!” sabi ng bisor na pilit siyang itinataboy sa pamamagitan ng pagkumpas ng kanyang kamay.

“Kulang po kasi iyong perang nailagay ninyo sa pay envelope ko…” bantulot niyang sabi, parang paanas dahil sa nakita niyang talagang galit na ang kanyang bisor.

“Ano’ng kulang? Kumpleto iyan nang ibigay ko!” singhal ng kanyang bisor na napatayo na sa kanyang upuan.

“Hindi ser, P1,500 lang ito. Samantalang ang nasa pay slip po ay P1,850.75,” halos pabulong niyang sabi.

Nilapitan siya nito, mukha-sa-mukhang kinompronta dahil sa kanyang inusal.

“Niloloko mo ba ako, ha Chavez? Sinasabi mo bang nagkamali ako nang lagay sa sobre mo? Na kinupitan ko ang sahod mo?” singhal nito, sabay pitsera sa kanya.

“Hindi naman po. Kulang po kasi talaga…” pangangatuwiran niya.

How dare you to accuse me that I am looting your pay envelopes? Hindi ako pumapatol sa barya lang!” sabi nito.

“Sandali lang po, ser! Nasasaktan po ako!” sabi niya na hagyang napangiwi dahil sa halos ipagdikdikan na siya ng bisor sa dingding.

“Chavez, ngayon pa lang sinasabi ko sa iyo! You’re fired! Sa iyo na ang sahod mo ngayong araw at huwag ka nang papasok dito!” sabi sa kanya ng bisor na parang torong sumisingasing sa galit.

“Pero sir… talagang kulang po… P1,500 lang…” pilit pa rin niyang pinakakalma ang sarili. Naalala niya si Nene dahil kailangan nito ang butal ng kanyang sahod para sa kanyang panghanda at maging sa kanyang proyektong ipapasa sa kanyang titser.

Tila nagpanting ang tainga ng kanyang bisor at sinikmuraan siya nito! Napaigik siya sa sakit na naramdaman.

“Hayup ka! Pinagbibintangan mo akong kinukupitan ang sahod mo! Bakit, ano ba yang sahod mo ha?” sabi ni Mr. Rodriguez na sumisingasing dahil sa galit. Napatili ang kanyang sekretarya dahil nasaksihan nito ang ginawang pagsikmura kay Ernesto.

Agad na pinindot nito ang intercon at halos pasigaw na sinabi nito sa guwardiya sa baba na umakyat at ilabas siya mula sa opisina nito.

Lumalagudog ang hagdanang bakal habang salit-salit ang paang nag-uunahan papaakyat sa kuwartong de-aircon. Iniluwa ng pinto ang dalawang guwardiyang nakaasul at agad na sinunggaban siya para ilabas sa kuwartong iyon.

Nagmamakaawa siya. Iginigiit na kulang talaga ang nasa kanyang sobre na bunga ng kanyang pagod sa pagpapaandar at pagtingin sa makinang lumalamon, naglalabas ng kemikal at sinulid.

“Sir… iyon lang naman… sir, maawa po kayo!” sabi niya habang pilit siyang pumipiglas sa pagkakahawak sa kanya ng dalawang guwardiyang tulad ng kanyang amo ay sumisingasing din.

“Ilabas ninyo ang putang-inang iyan! Ilabas ninyo,” sabi ni Mr. Rodriguez na halos mabulunan sa galit.

Nanlalaban siya. Hindi siya papayag na hindi makuha ang sinasabi niyang kulang sa kanyang sahod. Ang mahigit sa P300 piso na maipambibili na niya ng pangangailangan ng kanyang si Nene sa kanyang pagtatapos.

Sumigaw siya, habang patuloy na pilit na inilalabas, kinakaladkad palabas ng pinto. Halos suntukin na rin siya ng mga guwardiya subalit parang walang sakit na nararamdaman dahil sa ang tanging nasa isip niya ang P300 wala sa kanyang sahod na pinagpaguran niya sa pagsubo ng kemikal sa kanyang makina para mailuwa ang mga sinulid.

Nagsalitan ang pagmumura at mga sigaw, parang hindi siya pinapanawan ng lakas habang nakikipambuno sa dalawang guwardiyang kanina pang ibig siyang ilabas at halos ihagis nga siya palabas ng pintuan.

Ilang sandali pa, parang namamanhid na ang kanyang pakiramdam. Parang ibig na ring pagdimlan ang kanyang paningin dahil sa hirap na kanyang dinaranas dahil sa pakikipagbuno sa dalawang guwardiya at gayundin, sa pakikitungayaw sa kanyang bisor na alam niyang nagkamali sa paglalagay ng salaping kapalit ng kanyang pagod sa gabi-gabi, araw-araw na pagsubo ng kemikal na halos magpasikip sa kanyang baga sa mga makinang iyon.

Naaalala niya si Nene. Kailangan niyang makuha ang P300 iyon na siyang ipambabayad sa proyekto ni Nene sa kanyang eskuwelahan.

Inipon niya ang kanyang lakas. Namamanhid na rin ang kanyang utak dahil sa pag-iisip habang dinarama ang sakit ng katawan. Itinulak niya ang mga guwardiya na halos nagtagumpay nang ilabas siya at kaladkarin patungong ibaba.

Nakita niya ang sariling nakipambuno, pilit na kinuha ang paltik na baril na nakasuksok sa tagiliran ng guwardiyang naka-asul. Tabig, tabig. Muli siyang tumakbo papaloob sa kuwartong iyon dala ang naagaw na baril.

Mura, tungayaw, tili ang maririnig–kay Ernesto, kay Mr. Rodriguez, sa sekretaryang nang makitang sumusugod siyang may hawak na paltik na inagaw sa isang guwardiyang humahabol na rin sa kanya habang hinuhugot ng isa ang baril na nasa kanyang tagiliran. Umalingawngaw ang sunud-sunod na putok. Muling narinig ang tili ng sekretaryang nilalambutsing ni Mr. Rodriguez. (Unang nalathala sa Tinig.com)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s