Posted in critical essay, literary theory, Marxist Aesthetics, nationalist artists, non-fiction, review, short story, social realism

Si Rogelio L. Ordoñez at ang Panitikan ng Uring Anakpawis

Sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng Palitang-Kuro sa Yenan Hinggil sa Panitikan at Sining noong Mayo 23, 1942, ganito ang winika ng lider-rebolusyonaryo ng Tsina, ideologong Marxista-Leninista, at makatang si Mao Zedong hinggil sa mga katangian ng tinawag niyang “rebolusyonaryong panitikan at sining”:

Bagama’t ang panlipunang buhay ng tao ang siyang tanging bukal ng panitikan at sining at ito’y walang kapantay sa kasiglahan at nilalaman, ang sambayanan ay hindi nagkakasya sa buhay na lamang at humihiling pa ng panitikan at sining. Bakit? Sapagkat bagama’t kapwa maganda ang mga ito, ang buhay na nasasalamin sa mga obra ng panitikan at sining ay maaari at kinakailangang nasa mas mataas na antas, maging mas maigting, mas masidhi, mas tipiko, mas malapit sa uliran, at sa gayon ay mas unibersal kaysa talagang pang-araw-araw na buhay. Kailangang lumikha ang rebolusyonaryong panitikan at sining ng samu’t saring tauhan mula sa tunay na buhay at tumulong sa masa sa pagpapasulong ng kasaysayan. Halimbawa, may paghihirap na bunga ng gutom, lamig ng panahon, at pang-aapi sa isang dako, at may pagsasamantala at pang-aapi naman ng tao sa tao sa kabilang dako. Ang katotohanang ito ay matatagpuan sa lahat ng lugar at sa tingin ng tao ay karaniwan na lamang ito. Kinukuha ng mga manunulat at artista ang katas ng ganitong pang-araw-araw na mga pangyayari, ginagawang tipiko ang pagsasalungatan at pagtutunggalian sa mga ito at lumilikha ng mga obrang pumupukaw sa masa, nagbibigay-sigla sa kanila at nagpapakilos sa kanila upang sila’y magkaisa at makibaka tungo sa pagbabago ng kanilang kapaligiran.

Kung susukatin sa ganitong pamantayan, masasabing natupad ng mga kuwento ni Rogelio L. Ordoñez sa Mga Agos sa Disyerto – pati na ng iba pa niyang mga akda – ang mga hinihingi ng panitikang para sa sambayanan. Sinulat noong dekada 1960, ang mga kuwento ni Ordoñez sa Agos ay malinaw na sumasalamin sa mga kaapihan ng sambayanang Pilipino – lalo na ng mga manggagawa’t magbubukid.

Salamin ng Sinasalot na Lipunan

a) Imperyalismo at Piyudalismo

Sa kanyang aklat na Imperyalismo: Ang Pinakamataas na Yugto ng Kapitalismo, na sinulat noong 1916, binanggit ni V. I. Lenin ang pagsaklot ng Estados Unidos sa Pilipinas noong huling taon ng Siglo XIX bilang isa sa mga halimbawang pangyayaring nagpapakita ng noo’y panimulang mga pananalasa ng modernong imperyalismo.

Magpahanggang ngayo’y nananatiling saklot ng imperyalismong Estados Unidos ang Pilipinas. Walang naging saysay ang pagkakaloob ng Estados Unidos ng “kasarinlan” sa Pilipinas noong 1946. Sa pamamagitan ng iba’t ibang “kasunduan”, nanatiling tali ang kabuhayan ng Pilipinas sa dikta ng Estados Unidos, na pumipigil sa ating industriyalisasyon upang walang makalaban ang mga empresa nito sa ating lupain. Sa loob ng mga empresa nito sa ating bansa ay binubusabos ang malaking bilang ng manggagawang Pilipino.

Samantala, nananatili sa malawak na kanayunan ng Pilipinas ang piyudalismo, na pamana pa ng panahon ng mga Kastila. Karamihan sa mga magsasaka – na bumubuo ng may 75 porsiyento ng ating populasyon – ang nagsasaka ng lupang hindi kanila at dahil dito’y hindi silang pangunahing nakikinabang sa mga bunga ng kanilang pagpapawis sa kabukiran, kaya’t madalas ay kumain-dili.

Hindi magkahiwalay ang imperyalismong Estados Unidos at ang piyudalismo sa kanayunan ng Pilipinas. Mahusay itong naipakita sa isa sa mga kuwento ni Ordoñez sa Agos, ang “Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya”.

Sa isang di-pinangalanang bayang malapit sa lunsod, at sa bukiring malapit sa perokaril, ginulantang ang mga magbubukid – kabilang na ang pangunahing tauhang si Lino Fajardo – ng mapait na katotohanang wala na silang lupang masasaka:

Maagang tumakas ang ulan sa mga ulap at ang mga bitak ng bukiring iyon na nasa makalabas lamang ng lungsod at malapit sa daangbakal ay unti-unting nagsitikom. Tumingala sa langit ang nanginginaing mga kalabaw at ang mga kuhol na nagbaon sa buong panahon ng tag-araw sa gilid ng nangagdipang mga pilapil ay nagsimulang umahon at gumapang patungong sa mga pinitak. Naglundagan ang mga palaka, nagsipagsayaw at umawit. Nagkagulo ang mga ibon, nagliparan patungong kanluran, sapagkat sa bukiring iyon, wala ni isa mang punongkahoy. Nag-utlawan ang mga damo sa dibdib ng lupa at sa loob lamang ng ilang araw, ang dating naninilaw na bukiring iyon ay naging luntian..

Sa mga dampa na halos nakikipagtanawan lamang sa nagsisiksikang mga barungbarong na nasa magkabilang gilid ng daangbakal, ang nalalabing mangilan-ngilang magsasaka’y nagsipaglinis na agad ng mga yugo at araro at suyod, lumubid ng mga pamitik, at ng mumunting mga pangarap…

Umulan nang umulan, hanggang ang kabukirang iyon ay nagmistulang isang munting karagatang hindi umaalon. Inayos ng mga magsasaka ang kanilang mga salaam at punlaan, inihanda ang mga binhi at pinasan ang mga araro, isiningkaw ang mga kalabaw, at sinumulan na nilang sugatan ang malambot at hindi na tumututol na dibdib ng lupa hanggang isang araw, bigla na lamang sumulpot sa kabukirang iyon ang katiwala ng may-ari ng mayamang lupang iyon.

“H’wag na kayong mag-araro pa,” sabi nito. “H’wag na kayong magtanim ngayon.”

“Ba’t po, Kabesa? Nakapagpunla na po kami.”

“Wala tayong magagawa. Pinalalayas na kayo rito ng me-ari.”

Pinalayas ng may-ari ng lupa ang mga nakikisaka sa “kanyang” lupa upang maipagbili ito sa isang negosyanteng Amerikano, isang Mr. White.

Mula sa bintana ng nagsisiksikang mga barungbarong, kapag parang dugo nang kumukupas ang mapupulang latay ng liwanag sa kanluran at nagsisimula nang umindak-indak ang malamlam at malungkot na ningas ng mga gasera sa pusod ng mga barungbarong, malimit nakapangalumbaba ang mga babae, matagal na tititig sa gusaling iyon na parang malaking kabaong na batbat ng ilaw kung gabi, saka nila manaka-nakang sinusulyapan ang mga lalaki. Malimit ding manaog, pagkahapunan, ang mga lalaki at umpuk-umpok na magsisiupo sa gilid ng daangbakal, tititig sa gusaling iyon at sa kadiliman ng daangbakal na tinatanglawan lamang ng naggalaw-galaw, tumaas-bumaba, pumikit-dumilat na baga ng kanilang sigarilyo, halos paanas silang mag-uusap.

“Pabrika daw ng tela ‘yan, at Kano ang me-ari.”

“Senga?”

“Oo, Pare. Malapit na raw buksan.”

“Totoo?”

“Oo! Tiyak na maraming trabahador ang tatanggapin.”

“Matanggap sana tayo kahit kargador, kahit diyanitor, basta’t trabaho!”

At sila nga – kabilang si Lino Fajardo – ay natanggap upang magtrabaho sa pabrika ni Mr. White. Humaling sa inaakalang “kabaitan” ng mga negosyanteng Amerikano, umasa silang pagiginhawahin ni Mr. White ang kanilang mga buhay at sa kanilang mga isip, nagkaroon ng makukulay na larawan ang kanilang mga pangarap.

Ngunit hindi gayon ang nangyari:

“Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nilang kapwa trabahador sa dapithapong magkasabay silang lumalabas sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man lang tayo inuumentuhan. Alam niyang pambili lang ng pandesal ang suweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrikang ito…”

Kung paano karaniwang nakukuha ng mga nagiging panginoong-maylupa ang malalawak na lupaing inaari nilang kanila, na sa di-iilang kaso’y naipagbibili nga nila o kaya nama’y nagagamit nila sa negosyo bilang mga kasosyo ng mga Amerikanong kapitalista, ay naisalaysay naman sa isang bahagi ng kuwentong “Si Anto”:

“Nakikita mo ga ang niyugang ‘yon?” at itinuro ni Mando ang isang karatig na niyugang dinaanan kangina ni Anto. “Dati, manong, kanila ‘yon. Ala’y may kagandahan din ang bahay nila noon…doon,” at muling itinuro ni mando ang niyugan na nakukumutan na ngayon ng manipis na karimlan.

“E, nasaan ngayon ang bahay?”

Dumahak si Mando.

“Ala’y di giniba na ng bagong may-ari. Alam mo ga, Manong,” patuloy ni mando, “nagisnan ko nang sa ama ni Anto ang niyugang iyon. Ano ga’t isang araw, mga sampung taon na siguro noon si Anto, may dumating ditto na taga-bayan, nakakotse pa at pinaaalis doon sina Anto. Kanya raw ang lupang ‘yon. Ala’y di nagalit si Ka Basilio’ yong ama ni Anto. Kumuha ng gulok. Ay putang ina, Manong…kung hindi agad nakatakbo at nakasakay sa kotse ‘yong taga-bayan, malamang na naundayan ng taga ni Ka Basilio.”

“Pagkatapos?” Sinaid ko ang tubing laman ng aking baso.

“Ay ano pa ga?” patuloy ni Mando. “Ala’y di nagdemandahan. Natalo si Ka Basilio dahil wala raw titulo. Mga ilang araw, muling dumating dito ‘yong taga-bayan, may kasama pang mga pulis. Tinaningan sina Anto para umalis doon. Ay, Manong, nag-iiyak si Ka Benita, ‘yong ina ni Anto, at sa sama ng loob ay biglang inatake sa puso…namatay noon din. Ala’y pagkalibing naman ni Ka Benita,” muling lumagok ng tuba si Mando, “ay muling dumating, isang araw, ‘yong taga-bayan, may kasama na namang mga pulis, at gigibain iyong bahay nina Anto. Ala’y di sa galit ni Ka Basilio ay binunot ang kanyang gulok. Ay, Manong, nanghabol ng taga. Bago siya nabaril ng mga pulis ay dalawa ang napatay niya…”

b. Burukrata-Kapitalismo

Sa pulitikang Pilipino, uso ang padrinismo o “palakasan”. Kapag malakas ang kapit sa “itaas,” may pagpapala. Ang mahina ang kapit, malalalaglag.

Ganito ang ipinakikita sa nangyari kay Andong sa kuwentong “Buhawi”:

“Bakit daw?” Tumalungko si Andong sa gilid ng kanal. Tumalungko rin si Pentong…

“Aywan natin,” mulung dumura at lumunuk-lunok si Pentong. “Pero may balita ako na ang tatanggalin lamang ay ang lahat ng hindi bumoto sa nanalong kongresista.”

Kinabahan si Andong. Ngayon niya nadama ang nadadarang na sikat ng araw. Ngayon siya nakaramdam ng hapo. Ngayon niya narinig ang dagundong ng pisnon, ang bahaw na lagapak ng mga piko, ang sigaw ng kanilang kapatas at ang pagkakaingay ng kanyang mga kasamahan.

Hindi siya bumoto sa nanalong kongresista!

Mahusay itong pangkathang paglalarawan ng totoong penomenong kung tawagin ay burukrata-kapitalismo: ang paggamit ng mga naghaharing uri, ang burgesyang kumprador at ang malalaking panginoong-maylupa, sa pampulitikang kapangyarihan upang ipagsanggalang ang kanilang mga ekonomikong interes.

Sa partikular na kaso ng nangyari sa “Buhawi”, tahasang tinangkilik ng may-ari ng pabrika ang isang kandidato sa pagkakongresista. Sa kuwento naman ni Anto, ginamit ang hukuman para gipitin ang pamilya ni Anto na matagal nang naninirahan sa lupaing ipinamana pa sa kanila ng kanilang mga ninuno.

c. Pasismo

Gumagamit ng dahas ang mga naghahari-harian sa lipunan upang papanatilihin ang kanilang paghahari at sikilin ang mga mamamayan. Dito’y ginagamit nila ang militar at ang pulisya laban sa mga mamamayang nagpapasahod sa mga ito.

Pansining ang mga sundalo at pulis ang kasama ng mga mangagamkam ng lupa upang palayasin ang mga magbubukid sa mga kuwentong “Inuuod…” at “Si Anto”.

“Sa Piling ng mga Bituin”

Sa limang kuwento ni Ordoñez sa Agos, ang “Sa Piling ng mga Bituin” ang masasabing may tunguhing naiiba sa direksiyong tinatahak niyong apat pang iba. Habang ang apat na ibang kuwento’y lantad na naglalarawan ng tunggalian ng mga uri, ang “Sa Piling…” ay isang sikolohikal na kuwentong pumapaksa sa mga bagay na nagpapagulo sa isip ng pintor na si Ismael.

Ang buhay ba ay katulad ng gabi na lagging may umaga? Ng umaga na laging may gabi? Ng gabi na laging may umaga? Na waring walang simula at wakas? Na waring isang kawalang-hanggan?

Parang hinahaplit ng mga katanungang iyon ang kanyang utak; uminog ang kanyang diwa, uminog nang uminog, sumuling-suling sa kalawakan, nag-apuhap sa kawalan, bumulusok sa kalaliman, sumisid, sumisid nang sumisid hanggang sa maarok; ngunit malalim ang kalaliman at hindi niya maarok.

Isinilang ba ang tao upang mabuhay, mamatay, at muling mabuhay? May kabilang-buhay daw, sapagkat may impiyerno at paraiso. Ang impiyerno raw ay para sa mga makasalanan, at ang paraiso raw ay para sa mga nakasusunod s autos ng Diyos. Ang impiyerno raw ay walang hanggang paghihirap sa kumukulong putik, sa nagbabagang bato, sa nakasusukang amoy ng asupre, at ang paraiso raw ay walang hanggang buhay, walang uhaw, walang gutom, pulos ng kaligayahan.

Ang mga eksistensiyal na katanungang ito ang unang gagambala kay Ismael, ngunit sa dakong katapusan ng kanyang paghahanap ng mga sagot ay itatanong niya kung bakit kailangang maghirap nang walang hanggan ang sangkatauhan. At ang huling tanong na ito ang magpapabalikwas kay Ismael upang simulang buuin ang isang kahindik-hindik na larawan ng buhay ng tao.

Taglay ng “Sa Piling…” ang pagkiling sa napakaraming dukha at inaapi sa mundo, bagay na makikita naman sa lahat ng sinulat ni Ordoñez mula’t mula pa at sa mga sinusulat pa niya – dahil nagsusulat pa rin siya – ngunit ang mga naghahanap ng higit na “rebolusyonaryong” nilalaman sa kuwentong ito ay mabibgo.

Si Ordoñez at ang Panitikang para sa Sambayanan

Wika ni Mao:

Tunay na may panitikan at sining na para sa mga nagsasamantala at nang-aapi. Ag panitikan at sining na para sa uring panginoong-maylupa ay piyudal na panitikan at sining. Ganito ang panitikan at sining ng naghaharing uri noong panahong piyudal sa Tsina. Hanggang ngayon ay malaki pa rin ang impluwensiya ng ganitong panitikan at sining sa Tsina. Ang panitikan at sining para sa burgesya ay burges na panitikan at sining. Ang mga taong tulad ni Liang Shih-chiu, na pinuna ni Lu Hsun, ay nagsasabing nangingibabaw sa mga uri ang panitikan at sining, ngunit sa katotohanan ay itinataguyod nila ang burges na panitikan at sining at sinasalungat nila ang proletaryong panitikan at sining. Mayroon ding panitikan at sining na naglilingkod sa mga imperyalista – halimbawa’y ang mga obra nina Chou Tso-jen, Chang Tzu-ping at mga katulad nila – na tinatawag nating mga taksil sa panitikan at sining. Sa atin, ang panitikan at sining ay para sa sambayanan, hindi para sa alinman sa mga nabanggit na pangkat…

Kung pagbabatayan ang kanyang mga kuwento sa Agos at lahat na ng iba pa niyang sinulat, malinaw na si Ordoñez ay isang manunulat na nakatugon nang lubos sa mga kahingian ng panitikang para sa sambayanan. (Isinulat nina Noel Sales Barcelona at Alexander Martin Remollino, para sa muling paglilimbag ng Mga Agos sa Disyerto; Agosto 30, 2009)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s