Posted in migrants, migrants and itinerant people, poem, social realism

SA SIPING NG KATAHIMIKAN, NAGSUSUMIGAW ANG MGA ALAALANG INUKIT SA BUHANGIN…

(Kay Joyce Alon-Alon, ilang talata sa lihim na suminta sa tatag ng loob mo…)[1]

Noel Sales Barcelona

1

Hindi mo man sabihin

Subalit alam ko—

Hindi na kailangan, buk’hin ang bibig:

Nagsasalitang kusa ang katahimikan…

2

Hindi man buk’hin, dama ko sa dibdib

ang hirap na iyong tiniis—

Ilihim mo man,

Nungaw sa mata ang mga alaalang

Naiwan sa lupain ng buhangin at langis:

Lupaing umaaso tuwing araw,

Samantalang nanginginig

Tuwing sasapit ang gabi.

3

Mga alaalang nagpapakirot

Sa diwang pinagal ng mga isipin;

Humihiwa sa kalul’wang

Sinugatan ng mga alalahanin;

At bumubusabos sa pagod mong espiritu.

4

Bakit nga kaya, Joyce

Kahit banal ang ibig mo,

Ang maiahon ang sarili sa kahirapan,

Pilit ka nilang inilublob?

Dahil sa kahirapan, itinaboy ka

sa lupaing dayuhan sa iyo …

(Ni hindi mo maunawaan ang buka ng bibig;

nataho, lihim na dasal sa kanilang mga moske;

ni nakadaupang palad man ang kanilang propeta…)

5

Sa lupaing iyon, nalasap ang kapaitang

Hindi kayang lasahin ng kaluluwa,

Dumayukdok sa espiritu, at nagpawala sa sariling bait…

6

Dinanas ang kahayupan sa kamay nilang dayo

dahil nga sa mahirap ka at di kababayan—

Dahil alipin ka’t busabos sa kanilang lupain,

Tingi’y isang pag-aaring hawak sa palad

Kaya’t walang karapatang sumigaw, dumaing!

7

Ay! Di man kumibo, noot sa tainga ang impit na daing!

Ang sigok habang daloy ang luha sa pisngi—

Luhang lalong nagpapaulol

Sa apoy sa aming dibdib;

Nagpapabaga sa tanang kaluluwa,

At lalong nagpapangalit sa aming espiritu:

8

Sa pagtaliba ng Bagong Araw, sa araw ng paniningil—

ng mga aliping iginapos sa kadustaan

bagaman sa lakas nila buhat ang yaman ng lipunan—

Hindi sila makakikibo, lulunurin

ang kanilang tinig ng mga sigaw ng katwiran!

Sa araw na iyon tutuyuin ang luha sa pisngi;

Aaliwin ng awit mula sa tagapagtanggol;

Kakalasin ang lumang tanikala;

Palalayain ka sa isiping inukit sa lupain ng langis,

ng pagkaalipin at huwad na pag-asa:

Sa pagsikat ng pulang araw sa Silangan,

Sa pagngiti ng mapulang bukas sa iyo—

Hindi na luluha kailanman,

Maghihilom ang sugat sa kaluluwa,

At tuluyang maglalaho ang alapaap,

Ang bantayog ng mapang-aliping alaala.

Malapit na Joyce… malapit na…

Huwag kainipan… sasapit na… sasapit na…


[1] Si Joyce Alon-alon ay nagtrabaho nang kauntaing panahon sa Gitnang Silangan pero nilapastangan ng kanyang amo. Nagtapos siya nang may mataas ng karangalan sa PUP (Polytechnic University of the Philippines) at ginawaran pa ng Presidential Medal of Recognition nang magtapos. Pero hindi rin siya nakaligtas sa pagpapabaya ng pamahalaan nang tanggihan siya ng OWWA (Overseas Workers Welfare Administration) na tulungang magpagamot nang pansamantala siyang mawala sa sariling bait. – ed.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s