Posted in migrants and itinerant people, poem, social realism

Dugo sa Ibayo (Dalamhati ng mga Pusong Inanod sa Pampang ng Pulot at Lason, Lupa at Langis, at Guhit ng Kasawiampalad)[i]

citadel_mosque_minaretOda ito para sa inyo

Kayong nahimlay…

Bagaman buhay

Ay malaon nang nakalibing…

Ginto man ang silahis ng Araw

Subalit madilim pa rin ang kalsada

Sa mga sulukan ng bayan ni Mohammed.

Hindi kayang ipagtanggol

ng dasal sa Katedral

at daing ng nasa Minaret

ang kaluluwang pinabanguhan

ng langis at kalawang.

Gugulong ang ulong nakakabit sa leeg,

Habang nakahanda na ang likod

Sa hindi mabilang na hampas ng suplina:

Bagong Kristong iriripa

Bagong Magdalenang luluha.

Bagong Maryang inaba.

Bagong batang isisilang

Taglay ang kawalang-pangalan dahil

dala lamang ng semilya nang di-mapigilang kalibugan.

Walang kinang ang star-spangled banner;

Walang silahis ang pulang bilog sa watawat

ng mga taga-gawa ng transistor na JVC;

Walang samyo ang alak na Martini;

Walang halimuyak ang Poison at Benetton

Sa salasalabat na halinghing at hinaing,

Sa salasalabat na luha at halakhak,

Habang naglalakad sa Lion’s Park,

Kabitkabit na kuwintas ng dusang

Hindi man lamang makanti

ng mga palad nilang mga diyos at panginoon:

dahil sila man ay nagpakasasa

sa katas ng inyong dugo…

Ay! Kailan kaya maampat ang luhang kaulayaw tuwing gabi?

Ay! Kailan kaya muling mahehele si bunsong malaon nang di nakatabi?

Ay! Mga pusong wasak dahil pinagtaksilan ng kanilang asawa!

Ay! Mga kaluluwang nalublob sa pusali dahil sa amoy ng yen!

Ay! Mga anak na naulila ng magulang!

Ay! Bakit tila walang katapusan ang dusang taglay

Ninyong inanod sa iba’t ibang pampang?

Bakit nga ba ang inyong mga laman,

Pang-agdong buhay sa kanilang

Walang katapusan ang gutom?

Ay, kasawian sa lahat ng kasawian…!

Subalit ngayo, magbangon kayo,

Kayong api at busabos!

Magbangon kayo, kayong anod sa lupa ng pulot at lason!

Magbangon kayo, kayong alipin ng sahod!

Magbangon kayo, kayong inanakan ng mga libog na dayo

Kapalit ang kaunting ginhawa sa buhay!

Itinding ang puri’t itaas ang inyong mga noo!

Magbagong bihis kayo ng lakas at unti-unti,

Igaod ang bangka pabalik sa sariling pampang

At ihanda ang sarili sa Araw ng Paghuhukom!

Panahon na upang kayo’y lumasap

ng katas ng sariling pagod!

Singilin silang nagtaboy sa inyo!

Singilin sila sa inyong salakhati!

Ngayon na ang araw! Ngayon na!


[i] Naisulat ito, bandang 2005. Hindi na matandaan ang eksaktong petsa. – Ed.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s