Posted in critical essay, issue of the national language

Buwan ng Wika: Kabalintunaan nga ba o Katotohanan?*

Emilio_Aguinaldo_and_Manuel_QuezonNgayong buwan ng Agosto, ipinagdiriwang sa halos ng lahat ng panig Pilipinas ang Buwan ng Wikang Pambansa (dating Linggo ng Wikang Pambansa na ang huling araw ay nakadeboto kay dating Pang. Manuel Quezon, ang tinaguriang Ama ng Wikang Pambansa).

Dito ginugunita ang masalimuot na ebolusyon ng wikang siyang magpapakilala sa mga Pilipino bilang mga mamamayang may kalayaan at may sariling pagkakakilanlan.

Subalit lingid sa marami, mas masalimuot pa ito kaysa ibig palabasin ng ilang mga iskolar na dapat magtaguyod ng mapagpalaya at kritikal na kilusan sa pagpapagitaw ng Wikang Filipino.

Ang masalimuot na kasaysayan

Marami ang nakaaalam na ang tanging batas na nagpasulong ng kaisipang dapat magkaroon ng isang wikang pambansa ang Pilipinas ay ang Commonwealth Act No. 184 na batay sa probisyon ng Konstitusyong Commonwealth ng 1935 (Artikulo XIV, Sek. 3).

Ito ang pinakapopular na batas na naisulat kasaysayan na umugit sa kilusang pangwika, bagaman sa mga naunang mga Republika (kay Emilio Aguinaldo) ay nagkaroon din ng pagnanasang magkaroon ng isang wikang magiging batayan ng lahat ng komunikasyong pampahalaan at panlipunan.

Ang naturang batas ang siyang nagbigay-tikas kay Manuel Quezon upang kilalanin bilang isang bayani at makabayang pangulo ng isang pamahalaang naghahanda upang lumaya—o isang pamahalaang sanayan ng susunod na republikang Pilipino.

Bagaman masasabing isang batas na pumapanig sa pagkabansa ng Pilipinas at pagka-Pilipino ng mga mamamayan, mayroong inilingid sa kasaysayang tila ayaw ipaalam ng mga lumuluwalhati kay Quezon at sa iba pang itinuring na bayaning pangwika.

Bago pa man ang nasabing batas, nakilala si Quezon bilang isang taal na komunikador sa wikang Ingles at Espanyol. Sa Saligang Batas na naretipikahan noong Mayo 14, 1935—na mas kilala bilang Saligang Batas ng 1935 (Commonwealth Constitution), makikitang malinaw ang probisyong “Ang Kongreso ay gagawa ng hakbang tungo sa pagpapatibay at pagpapaunlad ng isang wikang pambansa na ibabatay sa isa sa mga umiiral na katutubong wika sa kapuluan. Hangga’t ang batas ay hind nagtatakda ng iba, ang mga wikang Ingles at Kastila ay mananatiling mga wikang opisyal.”

Nakabatay ang probisyong ito sa naunang Saligang Batas na isinulong nina Emilio Aguinaldo noong 1899, Artikulo 93—na nagsasabing ang paggamit ng wikang katutubo ay opsyonal, ibig sabihin maaring gamitin at hindi gamitin.

Ayon kay Prop. Ma. Victoria Rio-Apigo, isang eksperto sa pagpaplanong pangwika sa PUP (Polytechnic University of the Philippines), maraming hindi nakaalam sa mismong butas ng mga batas.

Pinatunayan ito sa isang sitas ng aklat na The Philippines Through the Centuries ni Antonio Molina, pah. 320, sa ilalim ng pamagat na A Third Official Language:

“Noong ika-1 ng Abril, 1940, pinayagang opisyal ni Pang. Quezon ang paglilimbag at pagpapalaganap ng isang balarila at diksiyunaryong inihanda ng Surian ng Wikang Pambansa (SWP).

“Sa bahagi, pinagtibay ng Pambansang Kapulungan ang Batas Blg. 570 na nagtataas sa kalagayan ng wikang ipinanukala ng SWP na isang wikang opisyal ng Pilipinas, kapantay ng Ingles at Kastila, may kabisaan buhat sa ika-4 ng Hulyo, 1946 sa pagtatalaga ng Republika Pilipina.”

Kung titingnang mabuti, bagaman masasabing may isang batas na nag-akto o nagtakda ng pag-aaral ng wikain sa Pilipinas, hindi nito lubusang isinulong ang nasa ng sambayanang magkaroon ng isang wikang sarili.

Bago pa rito, may ilan pang mga batas na ipinalabas ang gobyernong Commonwealth na nagsusulong din umano sa sinasabing paglikha sa isang pambansang wika.

  • Noong Disyembre 30, 1937 ipinalabas ang Kautusang Tagapagpaganap (Executive Order) Blg. 134 na lumilikha sa isang institusyong mag-aaral sa mga umiiral na wikain sa Pilipinas: ang SWP na sa kasalukuyan ay mas kilala bilang Komisyon sa Wikang Filipino. Subalit, ang batas na ito ay natagalan bago naipatupad, dalawang taon matapos lagdaan ni Quezon.
  • Mula noong 1935, matapos mapagtibay ang Konstitusyong Commonwealth, limang taon pa mula noon bago pa nagkaroon ng isang wikang pambansang batay sa wikang Tagalog. Noong panahong 1900-1935, patuloy ang paninikil sa wikang Filipino—katulong ang mga kasapi ng Pilipinong Asambleya: kasama roon sina naging Pangulong Manuel Roxas, Sergio Osmeña at Manuel Quezon, na naging tagapangulo pa ng Senado.
  • Sirkular Blg. 26, s. 1940: Sa kautusang ito saka pa lamang nagkaroon ang puwang sa mga paaralan ang wikang pambansa. Kasabay nito ang Bulitin Blg. 26 na nag-uutos naman sa mga pahayagang gamitin o maglaan ng isang pitak para sa mga akdang nasusulat sa wikang Filipino (Pilipino bago ang 1973 at 1987 Konstitusyon).

Ilan pang kasalimuotan

Hindi lamang sa panahon ng Commonwealth nahirapang makakita ng liwanag ang wikang pambansa. Sa panahon ng diktadurya ni dating Pang. Ferdinand Marcos, nakadama rin ng sinasabing kawalang-pagpapahalaga ang wika. Narito ang isang sitas mula sa Saligang Batas 1973:

Section 3. (1) This Constitution shall be officially promulgated in English and in Pilipino, and translated into each dialect spoken by over fifty thousand people, and into Spanish and Arabic. In case of conflict, the English text shall prevail.

Kung isasalin, makikita ang malaking pagkiling ng pamahalaang Marcos (na parliyamentaryo na noon) sa wikang Ingles at sa iba pang dayuhang wika. Pakonsuwelo lamang ang salitang “libang itakda ng batas, ang Pilipino at Ingles ang magiging mga opisyal na wika.”

‘Nakahinga’ nang kaunti ang wikang Filipino nang maipatupad ang bagong Konstitusyong 1986.

Subalit, nito lamang nakaraan, nagkaroon ng isang kautusan ang Malakanyang, sa pangunguna ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo—na dapat pag-ibayuhin ang paggamit ng Ingles alang-alang sa sinasabing globalisasyon at internasyunalisasyon ng mga Pilipino.

Isang balita rin ang napalathala tungkol sa hakbang ng pamahalaang lungsod ng Maynila na gawing Ingles ang midyum ng komunikasyon sa lahat ng mga unibersidad at kolehiyong pinamamahalaan ng Maynila.

Dahil dito, masasabing napakalayo pa nang tatakbuhin ng ating wikang pambansa upang makagitaw, tulad ng sabi ni Jose Arciwals, ang kaawa-awang wikang ayaw pagitawin.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s