Posted in buhat bangko

Sino ka nga ba, Utoy?*

Isinilang tatlong taon bago mapawalambisa ang Proklamasyon 1081 ni Marcos sa isang ospital sa Sta. Cruz, Maynila (1980), lumaki si Noel Sáles Barcelona sa pook na kabahagi ng pang-araw-araw na pamumuhay ng mga mamamayan ang baha.

Hinalaw ang pangalan niya sa pagdiriwang, dalawang araw bago siya isilang, na ayon kay Aling Rosie, kanyang ina, ay bigay sa kanya ng tiyahin sa bahagi ng kanyang ama (na nagkataon din, bida pa ni Aling Rosie, ang siyang nagbigay din ng pangalan sa iba pa niyang mga anak—kay Barbara (Bambie sa popular na tawag at panganay; nag-iisang rosas sa piling ng tatlong tinik); kay Ariel (na ayon kay Aling Rosie pa rin, Aries kasi ang kanyang simbolong bituin o zodiac sign); at Leo (dahil sa ganoon ding kadahilanan, Leo ang kanyang zodiac sign).

Noong siyam na buwan pa lamang siya, napunta siya sa piling ng kanyang tiyahing si Aling Virgie, panganay na kapatid ng kanyang ina at sa asawa nitong si Mang Abeling, na matiyagang nagpalaki at nagpaaral sa kanya.

Maraming nagsasabing bibong bata. Matalino at kalahi (raw) ni Einstein sa pagiging weirdo.

Noong Grade 1 siya, nailathala ang kanyang unang tula—ang ‘Apoy’ (1987) sa pahayagan ng pinagtapusan niyang elementarya na Salamisim (sayang at hindi naitabi ang kopya).

Naakit sa kinang ng teatro at naging bahagi ng Theater Guild ng Concepcion Elementary School at naging panlaban sa Chamber Theater noong nasa Grade 4 siya. Grade 6 naman nang mailathala ang ikalawa niyang mahabang tula na “Ano ang Diwa ng Pasko?” na sa kasamaang-palad, hindi rin naitabi ang kopya.

Noon pa mang elementarya, mahilig na siyang tumambay sa kanilang aklatan at doon natutong kausapin ang sarili. Nabasa niya roon ang ilang librong Kastila at nasulyapan ang unang kopya ng librong Ingles na hindi rin naman niya natapos basahin, ang “The Last of the Mohicans”.

Grumadweyt siya nang valedictorian noong elementarya at ikalawa sa tumanggap ng Teresa Aquino Achievement Award (Huwarang Mag-aaral ng Taon), bukod pa sa mga medalyang katumbas ng kanyang napalunan sa samu’t saring paligsahang kanyang sinalihan.

Kinakitaan siya ng potensiyal na maging pari noong siya ay mag-haiskul—hindi manunulat—kung saan niya naging guro ang kapatid niyang panganay, si Bambie.

Nagtapos siya nang may karangalan, subalit hindi naabot ang pangarap na maging valedictorian. Nauna kasi ang bulakbol, kaya nauwi sa 2nd honorable mention. Kung mababasa ninyo ang kanilang yearbook, makikita mo siyang walang ambisyon pero hinulaang magiging pari.

Nang mag-eksamen siya sa PUP (Polytechnic University of the Philippines) noong 1998, mag-isa siyang lumakad. (Ayaw kasi ng mga kaklase niyang isama siya dahil nga weirdo siya). Nagkataong nakapasa at nakapasok sa kursong Bachelor of Science in Information Technology na hindi rin niya naituloy dahil nagkasakit siya ng tipus at napilitang huminto ng pag-aaral nang isang taon (1998-1999). Nang muling magbalik sa dating kurso, kinasawaan niya ang programming at nalipat sa College of Languages and Mass Communications – na kalaunan, naging College of Languages and Linguistics (humina raw kasi ang ulo niya sa Mathematics at naging bulok ang utak niya sa programming).

Doon kumuha siya ng kursong Bachelor of Arts in Filipino, minor in Mass Communications. Napasok siya sa Kagawaran bilang kawaksing mag-aaral (student assistant) at doon siya tinuruang tumula, hindi lamang ni Bayani Abadilla kundi maging ni Gandhi Cardenas samantalang tinuruang maging kritikal nina Ave Perez Jacob, Rogelio Ordoñez at Dominador Mirasol (S.L.N.).

Naging aktibista, saka naging dyarista sa The Catalyst. Doon, naging literary editor siya ng dalawang taon (2002-2004). Mula noon, naging bahagi na ng buhay niya at pagkatao ang pasusulat.

Noong 2002, napagwagian niya ang Gawad Pandayan ng mga Literaturang Pilipino (Pandaylipi), isang pambansang gawad, ang ikalawang puwesto dahil sa kanyang tulang sa “Burol ng Bayan.” Dahil dito, ginawaran siya ng PUP ng karangalang “Makatang Mag-aaral ng Taon”, isang gawad na hanggang sa kasalukuyan, siya lamang ang nakakuha.

Halos isang taon din siyang naging komentarista sa Saksi ng Bayan radio program (block timer sa DWDD Armed Forces Radio sa Kampo Aguinaldo) at natapos ang kanyang career sa radyo nang magsara ang programa dahil sa kawalan ng pondo.

Doon din niya natutunan kung paano maging adik sa pananaliksik at nagamit niya ito hanggang pumasok siya sa midya noong 2002, sa Pinoy Weekly kung saan siya hanggang ngayon ay nagtatrabaho. Bukod sa Pinoy Weekly, nagsusulat din siya para sa Pinas (The Filipinos Newspaper) at entertainment columnist at cultural critic ng Punto!, isa ring tabloid.

Kasapi siya ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Society of Environmental Journalists of the Philippines, International, Kilometer 64—isang organisasyon ng makatang makabayan, Young Men’s Christian Association, at National People’s Media and Press Center of the Philippines, Inc., isang non-governmental organization (NGO) na nagtataguyod ng demokrasya at kalayaan sa pamamahayag at nangunguna sa pagsusulong ng mga karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa radyo, telebisyon, radyo at maging online media.

Sa ngayon, marami siyang pinagkakaabalahan at umaasang maimprenta ang una niyang chap book na “Mga Tilamsik ng Apoy, Mga Basbas ng Dugo”—isang kalipunan ng mga tula.

Masaya siya sa piling ni Blesilda Kho Dimzon, ang babaing kanyang pakakasalan. (Sigliwa.tk)

————-

* Isang sanaysay na awtobayograpikal ng awtor. May ilang pagbabago na sa tala sa sanaysay na ito:

  1. Patay na si Bayani Abadilla. Sumuko ang katawan niya sa lymphoma, isang uri ng kanser. Mayo 14, 2008 siya pumanaw. Tingnan ang artikulo sa Pinoy Weekly. Patay na rin ang kanyang kinikilalang ama na si Mang Abeling. Inilibing siya sa bayang sinilangan sa Looc, Occidental Mindoro. Naunang namatay ang tunay niyang ama, si Mang Rene na inilibing naman ng kanyang ikalawang pamilya sa Tanay, Rizal.
  2. Sarado na ang pahayagang Punto! Masaklap na hindi siya napasuweldo ng lintik niyang mga amo.
  3. Wala na rin siya sa NCPM. Hindi na rin siya reporter ng Pinoy Weekly, bagaman naging editor siya nang anim na buwan, mula Disyembre 2007 hanggang Hunyo 2008. Hindi na rin siya nagsusulat sa pahayagang ito, liban na lamang kapag nauulanan ang kanyang bumbunan, panakanakang nag-aambag ng mga balita.
  4. Tinatapos pa rin niya ang kanyang libro.
  5. Asawa na niya si Blesilda. Nobyembre 17, 2008 sila ikinasal sa isang seremonyang sibil sa Lungsod Quezon.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s