Posted in critical essay, literary theory, non-fiction, social realism

Salubungin ang (bagong) daluyong ng mga Agos sa Disyerto

Pabalat ng Mga Agos sa Disyerto, 1993
Pabalat ng Mga Agos sa Disyerto, 1993

SA PANAHONG tila natutuyuan ang mga linang ng panitikan noong gitnang bahagi ng dekada ’60, dumaloy ang mga akda nina Efren R. Abueg, Dominador B. Mirasol, Rogelio L. Ordo­ñez, Edgardo M. Reyes at Rogelio R. Sikat, sa aklat katipunang Mga Agos sa Disyerto.

Unang buhos ng daluyong ay noong 1964 at isang dekada ang lumipas, muling umalon at binasa ang namimitak na lupain ng panitikang Filipino nang mailimbag ang ikalawang edisyon ng Mga Agos sa Disyerto noong 1974.

Huling sargo ng daluyong ng Agos ay 16 na taon ang nakararaan, nang lumabas ang ikatlong edisyon nito noong 1993.

Ngayon, sa panahong sampu isang pera ang patakbuhing literaturang patuloy na lumuluoy sa diwa at kaluluwa ng mga Pilipino, muling nagbabanta ang pagbugso ng mga Agos sa Disyerto.

Mga akdang bumasag sa ilusyon at mga kumbensiyon ng panitikang Tagalog

HINDI maitatatwang isa ang Mga Agos sa Disyerto sa mahahalagang aklat-katipunan ng mga akdang nasusulat sa sariling wika dahil ito ang nangahas na bumangga, hindi lamang sa kumbensiyon sa umiiral na panulatan, kundi pinatunayang kaya nitong makipagsabayan sa sinasabing maiinam na akdang nasusulat sa wikang Amerikano.

Bumangga sa kumbensiyon, dahil ang mga manunulat na bumuo sa Agos ay hindi kailanmang nagtimpi, sa paggamit nila ng wikang sarili (magalang at “santo” ang mga akdang nasusulat noon sa Filipino o Tagalog; kimi, hindi nagmumura at lalo’t higit sa lahat, dumalirot man sa isyu ng libog, nananatiling “nakadamit” ang pagnanasa), at maging sa pagtalakay sa mga paksang iniiwasang talakayin noon ng mga manunulat sa wikang Tagalog (na magiging Filipino noon 1987).

Inasinta rin at pilit na pinaguho ng mga alon ng Agos ang umiiral na komersiyalismo, o ang mga pangiliting akdang pampanitikang inilalako sa mga magasing lingguhan na karaniwang naglalaro sa pantasya, malalagkit na mga pagtitinginan at makapanindig-balahibong mga pag-iibigan, at mga katatakutan.

Ayon nga kay Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at tumanggap ng Gawad Ramon Magsaysay sa Pamahayagan at Panitikan, sa isinulat niyang introduksiyon para sa libro noong 1993,

Sa Mga Agos sa Disyerto, hinarap din ng mga manunulat ang mga diyos ng komersiyalismo na nangakaluklok sa patnugutan ng mga lingguhan. Sa pamamagitan ng kanilang mga akdang pinarangalan sa Carls Palanca Memorial Awards, ipinamalas nilang dapat nang iligpit ang mga pormula sa pagsusulat ng popular na kwento…[1]

Pananalamin sa tubig ng katotohanang panlipunan

Sinalamin ng 25 akdang isinama sa Agos (na 20 lamang noong ika-2 edisyon) katotohanang umiiral sa lipunan. Binigyang mukha ng mga ito ang kalagayan ng karaniwang tao, maging ang pingkian ng kapangyarihan at karumaldumal na karalitaan at kawalanghiyaang umiiral sa ating lipunan.

Nilaro ng mga akda ang emosyon at kaisipan, na bagaman ginagawa na noon, hindi ganoong kahantad.

Mga Ariel at Cleofe sa Pilipinas sa kuwento ni Abueg

Amor vincit omnia, sabi ng matandang kasabihang Latin—hahamakin ang lahat, maging ang umiiral na mga patakarang panlipunan, sa ngalan ng pagibig at ito ang tila ibig patunayan ng akda ni Abueg na Sa Bagong Paraiso.

Magkalangkap, at hindi mapaghihiwalay, ang laman at ang puso, ang libog at ang pagibig; ito ang nalaman nina Cleofe at Ariel nang pangahasan nilang lasapin ang bawal na bunga at magsupling ito, sa kuwento ni Abueg na Sa Bagong Paraiso.

Sabi ng pamosong sikoanalistang si Sigmund Freud, ang pagnanasa ang isa sa pinakamalakas na emosyong maaaring maramdaman ng isang tao.

Aniya pa, ang seksuwal na pagnanasa’y nararanasan ng isang tao mula sa kanyang pagkabata hanggang sa kanyang pagtanda. Tila ito ang binaybay ng istorya ni Abueg.

Sa ngayon, maraming Cleofe at Ariel sa mga kabataang Pilipino. Dahil ayon nga saYoung Adult Fertility and Sexuality Survey (2003) 23 porsiyento ng kabataang Pinoy, ang tumitikim ng ipinagbabawal na bunga, gaya nang sinasabi sa istorya ni Abueg.

Karalitaan at ang mga Clemenia, Carina, at iba pang babae sa dampang may ilaw-dagitab sa lipunang Pilipino

Prostitusyon, anila, ang pinakamatandang propesyon sa daigdig. Sa Bibliya, maraming puta. Karamihan sa kanila, nasa templo mismo ni Yahweh.

Sa kasalukuyan, pagtantiya ng Amihan (Pambansang Kalipunan ng Kababaihang Magbubukid), nasa 800,000 noong 2005, ang mga kababaihang nasadlak sa prostitusyon bunga ng kahirapan.

Sa mga kuwentong Mapanglaw ang Mukha ng Buwan at Ang Lungsod ay Isang Dagat ni Abueg at Di Maabot ng Kawalang Malay ni Edgardo M. Reyes, tinalakay ang isyu ng prostitusyon.

Batay sa pagtaya ng Amihan, 200,000 kababaihang napilitang magputa para lamang may maipakain sa kanilang mga pamilya, ang nasa kanayunang giyagis pa rin ng karalitaan. At karamihan sa kanila, ang puri ang bayad para sa ilang kilong bigas.

Saglit na nag-atubili si Clemenia. Subalit nang manlalim sa kanyang paningin ang mga guhit sa mukha ni Aling Maring ay maliksi niyang dinampot ang isang panyuwelong itim sa sandalan ng silya at ipinugong iyon sa kanyang buhok…

Ngunit hindi lamang si Clemenia ang nagputa sa kuwento ni Abueg, maging si Mang Itoy. Isinuong niya ang dangal at buhay para lamang mailigtas ang buhay ng naghihingalong asawa.

Karalitaan din ang nagbunsod sa ina ni Ida, kung bakit naging kalapati itong mababa ang lipad, sa kuwento ni Reyes (Di Maabot…).

“M-magugulat si… si Emy,” ang sabi ni Ida. “’Kala siguro n’ya, di tayo… di tayo nagkakaro’n ng pansit! ‘Kala siguro n’ya, panay lu…lugaw ang kinakain natin!”

Sa puntong ito, hindi na kagulat-gulat kung bakit marami ang babaing nagsasangla ng kanilang puri at parang pansit na sumabulat, gaya nang dala ni Ida na ibibigay sana sa kalaro, at humagis pakalat, hanggang sa makutim na na labak sa kanal: dahil maraming pamilya pa rin ang lublob sa kahirapan.

Napakabangis pa rin ng lungsod sa kakaning-itik

Hindi nagliliwat ang isyu ng karalitaan sa Pilipinas, sa kabila ng sinasabing pag-unlad na ipinamamalita ng gobyerno.

Sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS), 9.3 milyong pamilyang Pinoy ang lublob sa karalitaan; 7.2 milyon naman ang nasasalat sa pagkain; at sumirit ang bilang ng nagugutom: mulang 2.9 milyong pamilya, patungong 3.7 milyon sa ikalawang kuwarto ng 2009.

Si Adong, maralita at gutom, sa kuwentong Mabangis na Lungsod (Abueg). Maraming tulad niya sa Pilipinas—40.8 porsiyento ng populasyon ng mga batang tulad ni Adong, maralita—ayon sa National Statistical Coordination Board.

Iniluluwal nang labis na karalitaan, ang karahasan (Eli, Eli Lama Sabachtani?; Ang Biktima Ni Dominador B. Mirasol). At karaniwan ang maralita’y pinagkakaitan ng katarungan (Isang Ina sa Panahon ng Trahedya, Mirasol).

Bulok kasi ang sistema ng katarungan sa Pilipinas. Ang timbangang hawak ng babaing nakapiring, laging nakasandig sa may mga kuwarta, karamihan sa mga abugado de kampanilya (kuno) ay mga mukhang pera, at sa pulitiko, nananaig ang padronismo.

“Tulad ng naipangako ko sa inyo, lumapit ako sa Presidente kahapon din,” simula ng Diputado. “At komo nga magkasalungat kami ng paniniwala at magkaibang partido, medyo pinaringgan ako. Puwede raw hong pagbigyan niya ako sa gusto ko, pero por pabor naman daw, pagbigyan ko raw siya sa hihilingin niya sa akin…” – sipi mula sa Eli, Eli…, Mirasol

Sa lipunang ito, kung sino ang gumagawa at nagpapagod, siya ang hindi umaani ng bunga ng kanyang pinagpawisan.

Sina Rogelio L. Ordoñez at Mirasol ang nagpakita ng napakarawal na kalagayan ng uring manggagawa sa kanilang mga kuwentong Dugo ni Juan Lazaro, Buhawi, Inuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya, Mga Aso sa Lagarian at Makina.

Bagaman ang mga manggagawa at magsasaka ang pinakagulugod ng pambansang ekonomiya, sila ang umaamot sa kaunting mumong nalalaglag sa dulang ng namamanginoon:

“Putang ‘nang White ‘yan,” sabi minsan ng isa nilang kapwa trabahador sa dapithapong magkasabay silang lumalabas sa dambuhalang pabrikang iyon. “Wala yatang kaluluwa! Matagal na tayo rito, di man lang tayo inuumentuhan. Alam niyang pambili lang ng pandesal ang suweldo natin. Malaki naman ang kinikita ng pabrikang ito. (Inuuod…, Ordoñez)

Ipinagmamaramot pa sa kanilang mga kakaning-itik, kadalasan, itong mumong ito, kadalasan:

Basta, sasabihin niya: “Meron ho ‘kong kar’patan! T’yak hong meron ‘kong karapatan! (Isang sipi mula sa Makina, Mirasol).

Dahil sa kaapihang dinaranas, natututong lumaban ang mga manggagawa. Pagkaminsa’y marahas na uri ng paglaban ang ginagamit ng mga obrero para igiit ang kanilang mga karapatan sa disenteng sahod at pamumuhay.

Bigla ang hindi magkamayaw na mga hugong na pumuno sa diwa ni Andong. Iglap niyang sinunggaban ang nakasandal na piko sa sulok ng bodega. Itinaas. At hinabol niya ang nakatalikod at papalayong kapatas.

Iniwan ni Andong na nakabaon ang matulis na dulo ng piko sa kaliwang mata ng nakabulagtang kapatas. (Buhawi, Ordoñez)

Sa mundo ng paggawa, gaya halimbawa ng call center, ipinalalaganap ang espiritu ng indibiduwalismo. Ang cubicle ang nagsisilbing hadlang para malayang makapagtalakayan ukol sa karapatan ang mga manggagawa.

Ginamit ng kapitalista ang pangangailangan ng manggagawa upang banggain ang kapwa niya obrero, gaya nang isang senaryo sa Dugo ni Juan Lazaro:

“Basta magpatuloy ka lang sa pagtatrabaho, daragadan ko ng limampung piso ang sahod mo,” sabi ng tagapamahala. “At kahit matapos ang welga, mananatiling gayon ang iyong sahod.”

Patuloy na nalulugmok ang mga nayon at naghihimagsik ang mga Anto

Ayon pa rin sa NSCB, nasa kanayunan pa rin ang napakaraming bilang ng maralita sa Pilipinas. Karamihan sa kanila, mangingisda at magsasaka.

Itinuturong dahilan ng karalitaan sa kanayunan ang kawalang lupa ng mga magsasaka. Malaking bahagdan pa rin ng mga magsasaka ang walang lupa.

Isyu ng kawalan ng lupa ang kuwentong Tata Selo ni Rogelio R. Sikat at Si Anto ni Ordoñez.

Sabi ng mga palamasid, ang naglalagablab na digmang bayang inilulunsad ng New People’s Army (NPA), ang naaarmasang sektor ng Partido Komunista ng Pilipinas (1968), ay dahil sa isyu ng lupa.

Hindi lamang ngayon nagsimula ang paglaban ng mga magsasaka para sa karapatan sa lupa. Mula panahon ng pananakop ng mga Kastila, ang himagsikan ay nag-ugat sa pangangamkam ng mga lupain ng mga prayle at mga nasa gobyernong Espanyol.

Hindi iilang buhay ang nabuwis sa ngalan ng lupa. Ang pinakatanyag, ang naganap na pagbubuwis ng buhay ng mga magsasakang nagmartsa pa-Mendiola noong Enero 22, 1987 at ang pagpatay sa mga nagaklas sa Asyenda Luisita noong Nobyembre 16, 2004.

Pawang mga biktima ng pangangamkam ng kanilang mga lupain—mga lupaing karugtong ng kanilang buhay at pagkatao—ang mga tauhan sa mga kuwento nina Ordoñez at Sikat.

Marahas ang kanilang naging paghihiganti sa mga kasiki. Tinaga ni Tata Selo sa bunganga ang kabesa samantalang si Anto, nilaslas ang lalamunan at winakwak ang tiyan, ni Ka Mamerto.

Ipinakita naman ni Reyes, ang kabalintunaan sa kanyang kuwentong Lugmok na ang Nayon.

Nakangingilo ang ingit ng gulong ng kariton. Malayo na kami. Sa tingin ko’y tila madilim na dawag na lamang ang Sapang-Putol. Pinagmasdan ko ang laman ng kariton. Ito’y isa nang napakalaking kayamanan ng nagsasalat na nayon, naisip ko. At sa Sabado, ito’y pagpapasasaan at sasandat sa maraming tagalunsod.

Totoo, ito, sa abang palagay. Totoong mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang maraming Pilipino.

Ibang pang mga tálâ

Gaya nang katubigan, husto Ang Mga Agos sa Disyerto, sa lalim at babaw; sa lapad at kitid; sa pagiging maingay at tahimik.

May mga kuwentong nakapagngingitngit, gaya nang nabanggit na sa itaas. May humihipo sa puso. May sumusugat at may nagpapahilom.

Kuwento ng sakripisyo at pagibig ng mga ina ang kuwentong Isang Ina sa Panahon ng Trahedya (Mirasol); Eli, Eli, Lama Sabachtni? (Mirasol); at Gilingang Bato (Sikat).

Paghahanap ng kahulugan sa buhay at pagkatao, ang ibig iparating sa mambabasa ng mga kuwentong Sa Piling ng mga Bituin (Ordoñez) at Emmanuel.

Pagibig at kasawian naman ang tumining sa kuwento ni Sikat na Quentin (ala-Hunchback of Notre Dame ni Victor Hugo), samantalang pagbabagong-loob ang kuwentong Ang Kura at ang Agwador (na dahil sa kasimplehan, parang kuwentong pambatang naligaw sa isang katipunan ng akdang “pangmatanda”).

Kung totoo man ang pamahiin, ang tinatawag na balisa, ang Dugo sa Ulo ni Corbo (Abueg) at Lupain sa Sariling Bayan (Sikat) ang mabisang naglarawan sa mga ito; ang una’y ukol sa sundalong malapit nang mamamatay at ang huli, ukol sa abugadong ayaw bumalik sa lupang tinubuan, gayunman, doon din magbabalik sa araw ng kanyang libing.

Katapatan at korupsiyon ang ibig namang ipamarali ng kuwentong Daang-bakal ni Reyes.

Panahon na muling padaluyin ang Agos

Sa panahong muling nararanasan ang katuyuan sa linang ng panitikang Pilipino, dahil na rin sa pamamanginoon sa diyos ng komersiyalismo, gaya nang sinabi ni Lumbera noong 1993, umaasam ang maraming mulat at uhaw ang pag-iisip sa muling pagdaloy ng Mga Agos sa Disyerto.

Hindi himod sa pundilyo, ang pahayag; isa itong katotohanan, sa abang palagay, nalalaman ng lahat bagaman patuloy na itinatanggi ng karamihan.

Patuloy na nararahuyo ngayon sa panitikang nagkakandili nang hindi malulunok na mga ilusyon, nakasentro sa libog at pagkamakasarili, ang maraming mambabasa.

Panahon na para muling padaluyin—hindi—dapat pasarguhin ang agos. At hayaang paglawain nito ang uhaw at namimitak na linang ng panitikang Pilipino at nang sa gayon, hindi ito maging disyertong katatagpuan ng mga kalansay, mga siit, ng damong tuyo at naghihingalong Oasis na hindi man lamang makatighaw ng pagkauhaw ng puso, isip at kaluluwa ng isang Juan de la Cruz.

Antipulo, Rizal | Agosto 20, 2009


[1] Mga Agos sa Disyerto, Ikatlong Edisyon, pahina v, 1993

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

4 thoughts on “Salubungin ang (bagong) daluyong ng mga Agos sa Disyerto

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s