Posted in critical essay, non-fiction

Tamis-pakla ng buhay sa pabrika ng softdrink

Wala na ang pamilyar na huni ng mga trak na payao’t parito sa mga bodega. Tanging ang natira na lamang, ang katahimikan at umaalong sama ng loob ng mga manggagawang nakapulong sa isang gilid ng bodega ng Pepsi Cola sa Taguig.

A-kinse ng Abril, tuluyang nagsara ang mga bodega ng Pepsi sa FTI (Food Terminal, Inc.) sa Taguig at sa may Panghulo, Malabon. Bahagi ito ng sinasabing programa ng pagtitipid ng Pepsi Cola Products Philippines, Inc. o PCPPI, bungad ni Armando Arroyo, pangulo ng unyon ng mga manggagawa sa naturang dambuhalang pabrika ng softdrink.

“Hindi kami naniniwalang nalulugi ang kompanya,” sabi ng isang manggagawang ayaw magpabanggit ng pangalan. Anila, bahagi lamang ng pagdurog ng unyon at paghahangad ng mas malaking ganansiya kaya gusto nilang “isapribado” o ipahawak sa ibang kompanya ang mga bodegang nag-iimbak ng mga produkto ng PCPPI.

Proyektong Genesis

Hindi na bago ang mga senaryong iyon, ayon sa mga manggagawa at ilang opisyal ng unyon. Taong 2000, natunton ng kompanya na tila nadadaig na sila ng tuwirang kakumpetensiya ng kompanyang pag-aari ng isang sikat na taong kilala rin bilang “Pacman.” Kung kaya napasimulan ng PCPPI ang ‘Proyektong Genesis’ upang muling makasabay sa kompetisyon ng paglikha ng mga pamatid-uhaw gaya ng softdrinks at non-carbonated drinks. (Tingnan ang timeline)

At sa pagsisimula ng Proyektong Genesis, dumami – tulad ng mga basyo ng bote ng Pepsi Cola – ang mga manggagawang natatanggal sa kanilang trabaho o napipilitang magbitiw dahil sa malayo sila sa lugar ng kanilang panirahan o dili naman kaya, hindi gamay ang bagong trabahong ibinigay ng kompanya.

“Constructive dismissal” ang taguri sa naging patakarang ipinatutupad ng manedsment. Constructive dahil hindi naman daw uuwing walang bayad ang mga manggagawang magbibitiw sa kanilang trabaho.

Katunayan, babayaran ang isang manggagawa, bilang separation pay, ng halagang katumbas ng isa’t kalahating buwang suweldo niya, na pinarami sa bilang ng taon na inilagi niya sa kompanya.

Malaki-laki rin kung iisipin, subalit paano naman kung maubos ang ibinayad at hindi pa makahanap ng ibang mapapasukan ang kaawa-awang obrero? Malaking problema, sabi ni Armando, manggagawa sa kompanya. “Lalo na ngayon, kayhirap maghanap ng trabaho at papahirap nang papahirap ang buhay.”

‘Style mo bulok’
Isang mukha pa lamang ang constructive dismissal, bilang pamamaraan para bawasan ng kompanya ang kanyang regular na mga trabahador. Naririyan din ang tinatawag nilang ERP o early retirement program at ang compulsory retrenchment o sapilitang pagpapabitiw ng kompanya sa walang kalaban-labang obrero.

Kagaya ng constructive dismissal, aalukin ang isang obrerong “nahihirapan” sa kanyang trabaho na maagang magretiro ng katulad na benepisyo. Samantalang sa compulsary retrenchment, palalabasing paulit-ulit na ang trabahong ginagawa ng isang obrero kaya kailangan siyang sibakin sa kanyang trabaho.

Dahil laganap ang kontrak­tuwalisasyon ngayon, o pagawang nakabatay sa kontrata, nakikiuso rin ang PCPPI, ani Armando. Subalit dahil ilegal ang “labor-only-contracting,” ipapasok ng kompanya ang sinasabing “kooperatibisasyon ng lakas-paggawa.”

Palalabasing nakipag-ayos ang mga trabahador sa kompanya para gawing isang malaking kooperatiba ang Pepsi. At dahil nasa anyo ng kooperatiba, at ang mga manggagawa, nakapirma na sa kontrata, malulusaw ang relasyong manedsment-manggagawa at mapapalitan na ng isang mas “maayos” na sistema ang paraan ng pagpapatakbo ng kompanya.

“Dahil kooperatiba na ang Pepsi, wala nang pangangailangan pang mag-unyon. Kapag wala nang unyon, napakadali para sa kompanya na ipasok ang anumang mapaniil na patakaran nito sa mga manggagawa. At dahil nakapirma na sa kontrata dahil nga sa kooperatiba, siyempre, hindi na makaangal ang kaawa-awang mga obrero,” pagpapalawig ni Armando.

Ito ang pinakatugatog ng ipinagmamalaking Proyektong Genesis ng Pepsi Cola Philippines, halos magkoro ang mga manggagawang nakausap ng Pinoy Weekly, nang maalinsangang hapong iyon.

Nilalabanan
Gayunman, hindi natigatig ang unyon maging ang mga manggagawa. Anila, sa planta nila sa Laguna, patuloy ang ginagawang protesta dahil sa anila’y ilegal na pagpapasara sa mga bodega at patuloy na pagdami ng kontraktuwal na mga manggagawa kumpara sa regular.

“Natalo man kami sa pakikipag-usap sa National Conciliation and Mediation Board kaninang umaga, hindi naman kami magpapatalo sa laban, lalo na’t kabuhayan at karapatan namin ang nakataya,” matatag na sabi ni Armando.

Ngunit talaga nga bang nalulugi ang Pepsi dahil natatalo na ito sa kompetisyon?
Anim na bagong linya sa produksiyon ang itinayo, may bago pang mga makinang darating para lalong bumilis ang paggawa, pagsasabote, at pagsasalansan ng mga inuming pampalamig.

Noong Disyembre 2007, nagpahayag ang Pepsi na magbebenta ito ng shares sa merkado na nagkakahalaga ng mahigit sa isang bilyong piso. Ang layunin: makakalap ng dagdag na pondo para sa pagpapalawak ng operasyon nito, sa darating na mga taon.

Parang mahirap tuloy paniwalaang nalulugi talaga ang kompanya. Nakakauhaw tuloy. Kaysarap uminom ng tubig na galing sa gripo.

Sarahan ng bodega ng Pepsi Cola


2000
• Tayuman, Maynila
• Binangonan, Rizal
• Pila, Laguna
2002
• Marilao, Bulakan
2003
• Balayan, Batangas
2006
• Sta. Mesa, Maynila
• Lungsod ng Pasig
• Noveleta, Cavite
2007

• Deparo, Lungsod ng Kalookan
2008
• FTI, Taguig
• Lungsod ng Malabon

*Unang nalathala sa Pinoy Weekly, Abril 24, 2008.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s