Posted in interview, literary theory

Interbyu kay Noel Sales Barcelona by Diana Hofilena

Pasakalye:

Unang-una, gustong magpasalamat dahil sa pagkakataon na ibinigay mo sa akin para makapaglahad ng kaunti kong nalalaman sa pagsusulat. Pero aaminin ko, hanggang ngayon, patuloy ang ginagawa kong pag-aaral para mapag-igi at mapakinis ang aking pagsusulat. Isa kasing dinamikong sining ang pagsusulat; dinamiko dahil gumagalaw siya gaya ng mga tauhan sa mga isinusulat ko na karamihan ay bahagi ng aking reyalidad at ilusyon.

Sinipi ko ang mga tanong mo at kasunod ng bawat katanungan ang kasagutan ko naman (bagaman may ilan akong iwinasto sa mga tanong mo; para sa kalinawan na rin ng babasa ng talatanungang ito).

Diana M. Hofileña (DMH): Paano ka pumipili ng paksa sa gagawin mong kuwento?

Noel Sales Barcelona (NSB): Ilang beses pa lamang ako gumawa ng short fiction o tinatawag na maikling kuwento. Karamihan nga rito, hindi pa na nailalathala pero, sa trabaho ko sa Pinoy Weekly bilang isang investigative reporter at mananaliksik, karaniwang ibinibigay ang paksang susulatin o kaya naman, sa ilang pagkakataon, nagmumungkahi ako ng gusto kong isulat.

Hindi ako naniniwala na kailangan na ang isusulat mo ay alam na alam mo na. Pero, makatutulong para sa isang manunulat na magsimula ka sa mga bagay na alam mo. Halimbawa, ang alam mo, tungkol sa pagibig, e di magsulat ka ng tungkol sa pagibig. Pero hindi rin naman pupuwedeng ikahon mo ang sarili mo sa ganoong paksa.

Mabalik tayo sa pinag-uusapan natin, iyong tungkol sa paano ako namimili ng paksa sa mga kuwentong isusulat ko.

Gaya nang nabanggit ko na, pinipili ko hangga’t maari iyong mga kuwentong hindi de-kahon o iyong sinasabi nating ‘stereotyped’ o kaya naman ‘trivialized’. Marami kasing manunulat ang gumagawa ng ganyan. Gaya halimbawa ng mga kuwento sa pocket books—foreign publication man o lokal na laging umiikot ang istorya sa pagtatagpo ng isang lalaki at isang babae, tapos ay mauuwi sa pakikipag-sex, magkakatampuhan sila, magkakatagpong muli, mararamdamang umiibig pa sila sa isa’t isa at sa bandang huli, magsasama sila. And then, they will live happily ever after.

O kaya naman, fantasized stories. Bagaman aaminin ko na naaaliw pa rin ako sa mga paksang ganoon, pero hindi lamang naman labanan ng good and evil ang nangyayari sa mundo na ang tunggaliang ito ay malulutas sa pamamagitan ng isang kumpas ng magic wand.

Ang kailangan natin, maugat ang pinagmumulan ng kapanyayaan o evilness (halimbawa, iyong inhustisya, pang-aabuso, atbp). Gusto ko masagot iyong tanong na iyon—saan nagmumula ang mga ito?

Kaya, sa pagpili ko ng paksa, gusto ko iyong mga hindi pa gaanong nadadalirot ng kapwa kong manunulat o kaya naman, kung ‘naikuwento’ na, iyong mga paksang mabibigyan mo pa ng bagong anyo at lasa para sa mga mambabasa mo.

Gaya halimbawa ng karalitaan ng kalakhan ng mamamayan. Gustung-gusto kong dalirutin sa mga istorya ko iyan. Kasi, iyon ang totoo at iyon talaga ang nagaganap sa paligid ko. Sa kuwento ng karalitaan, marami kang malilikhang kuwento o balita o artikulo. Marami kasing anyo ang karalitaan: iyong mga magsasakang inagawan ng lupa o nakapaloob sa sistemang kasamá (tenant-landlord relationship), maralita sila dahil hindi nila pag-aari iyong kasangkapan sa produksiyon, kasi wala nga silang lupa. Iyong mga manggagawa na arawan (daily-wage workers), maralita sila dahil wala naman silang ibang pag-aari. Mga tipong ganoon.

Sa madaling-sabi, pinipili ko iyong mga paksang naglalarawan sa tunay na kalagayan ng mga tao sa paligid ko. At ito ang pamantayan ko ng pagpili ng senaryo ng aking ikukuwento.

DMH: Saan mo ibinabatay ang katangian ng mga tauhan mo sa ginagawa mong kuwento?

NSB: Ibinabatay ko iyong mga tauhan ko sa kuwento ko sa mga taong nasa paligid ko—mga babaing napilitang magputá para lamang kumita at makakain siya at ang kanyang mga anak; mga manggagawang natatanggal sa kanilang trabaho; mga magsasaka na inagawan ng lupa; mga kapatid ko at mga magulang ko… minsan ang sarili ko…

Kaya may ilan kang mababasang kuwento ko sa diyaryo man o sa magasin, o kaya maging sa mga tula ko na, pamilyar sa iyo ang tauhan.

DMH: Ano ang batayan mo sa pagpili ng tagpuan o setting ng ginagawa mong kuwento?

NSB: Eh di ang paligid ko. Mga lugar na napuntahan ko. Ganoon.

DMH: Papaano mo binubuo ang banghay o mga kaganapan sa ginagawa mong kuwento?

NSB: Nakabatay ito sa buhay o karanasan ko o ng mga tauhang ginagamit ko sa kuwento ko. Kung paano nila ito inilahad. Pero minsan, ibinabatay ko ito sa kung paano tatakbo sa loob ng isip ko ang kuwento.

DMH: Papaano mo nahuhulma ang wakas ng mga kuwento mo?

NSB: Laging open-ended ang mga kuwento ko. Bahala na ang mga mambabasa na magbigay ng wakas. Pero nagbibigay rin ako ng mga hint o mga pananda kung paano dapat magtapos ang kuwento. Pero madalas, halimbawa sa isang suring-balitang isinusulat ko, ang nagtatapos ng kuwento ko, iyon mismong taong nagkukuwento.

DMH: Ano ang mga teorya na ginagamit mo sa mga kuwento mo?

NSB: Social realism o realismong panlipunan. Iyon ang teoryang ginagamit ko bilang gabay sa pagsulat ng isang kuwento.

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s