Posted in short story, social realism

Bote, Dyaryo, Bakal

Umalog ang bahay nila sa pagdaan ng “ahas na bakal”. Weee! Weee! Tsug-tsug-tsug! Hiyaw nito papalayo samantalang mulagat na nakamata sa kanilang sira-sirang kisame si Tino. Wala ang kanyang itay. Alam niya, maagang umalis patungong konstruksiyon doon sa may Punta. Kung saan man ‘yon, ‘di niya alam. Bagaman Sabado.

“Inay! Ano’ng almusal?” kinusut-kusot ang mata habang pababa sa tatlong baitang na hagdan. Naglalaba si Marta, ang kanyang ina. Parang sorbetes ang tingin niya sa puting-puting bulang nag-uumpaw mula sa kanyang batya.

“Ay! Gising na pala ang bunso ko,” anang kanyang ina. Nakangiti. Ang butuhang-mukha, hagyang nabanat sa pagkakangiti sa anak na magpipitong taong gulang. Sa kanyang bulto, akala mong limang taon lamang siya. Maliit. Payat. Hagyang malaki ang tiyan. Halatang kulang sa nutrisyon.

“E ‘di ang paborito mo, pandesal at keso. O siya, malaki na naman ang bunso ko eh. Ikaw na lamang ang magtimpla ng gatas mo ha? Mag-ingat lamang at baka mabanlian,” sabi sa anak habang patuloy ang pagkusot sa santambak na labada.

Ingat na ingat siya sa pagsasalin ng mainit na tubig sa basong mula sa naubos na kapeng binili noong Pasko. Tinimpla ang gatas na halos paubos na. Kaunting asukal ang inihalo. Ayaw niya ang masyadong matamis. Saka nagpalaman ng keso sa malamig nang pandesal.

Hinawakan niya ang bibig ng baso. Hindi kaya ng kanyang mumunting kamay ang init na isinisingaw ng baso. Kagat sa bibig ang pandesal, nagtungo siya sa pinto para doon kumain. Gustung-gusto niyang pinapanood ang paglalaba ng kanyang ina. Sa pagitan ng kagat-subo-lagok, nulas sa bibig niya ang tanong:

“Inay, kailan ako papasok sa eskuwela?”

Napamulagat sa kanya ang ina.

“Malapit na anak. Kailangan lang eh, makaipon ng kaunti para makabili ka ng bag, sapatos, uniporme, lapis at papel. Saka notbuk,” sabi ng ina, tumungo para muling kusutin ang binubunong labada kanina.

“Kailan po ‘yon? Sabi ninyo ni tatay, noong isang taon, mag-aaral na ako. Marunong na naman akong bumasa ng abakada ah! Saka magbilang hanggang sampu. Tinuruan ako ni ate Marie,” inosenteng komento ng paslit. Kagat-nguya-lagok sa pagitan ng batang pagmumuni-muni.

“Eh, wala pa kasi tayong pera. Ha’mo, itatanong ko ke tatay kung may pera siya para makabili ka ng gagamitin mo at saka kita ipapasok diyan, sa may elementari iskul,” sabi ng ina. Parang may bikig sa lalamunan. Patuloy lamang ang kusot at piga. Pilit na itinatago sa anak ang bugtong sa kanyang mga mata.

“Nanay, punta lamang po ako kina Len-len ha? Laro lang kami,” sabi niya.

“Nailagay mo ba sa lababo ang pinagkanan mo, ha?” sabi ng ina. Tango ang nakamit mula kay Tino.

“Mag-iingat ka… ang tren!” sabi ng ina, sa tinig, bakas ang mahigpit ang habilin.

“Opo! Tumatabi naman kami kapag dumaraan ‘yun,” sabi ni Tinong parang nagmamalaking kaya niyang iwasan ang tren.

“Sinasabi ko lang. ‘Di ako lagay na naglalaro kayo sa gitna ng riles. Naku! Kapag nakita kita! May pingol,” sabi niya kay Tino na anyong nanggigil subalit biglang bawi sa ngiti. Napangiti si Tino. Sabay takbo sa labas.

Binaybay ni Tino ang gilid ng riles ng tren. Panglimang bahay ang bahay nina Len-len. Pagtapat pa lamang sa may bintana, isinigaw ang pangalan ng kalaro. Walang sumagot liban sa ina ng kalaro.

“Naku, Tino! Wala si Len-len. Sumama sa ama niya para manguha ng dyaryo at bote. Pero baka pabalik na sila. Kanina pang madaling-araw ‘yon eh,” sabi ni Aling Laring.

“Ganoon po ba? Sige po, intayin ko na lang ho siya rito,” sabi niya.

“O sige. Pero baka mainip ka? O ayan na pala sila, eh!” ani Aling Laring nang makita ang mag-amang nagbibiruan pang nagtutulak ng wala nang laman ng kariton liban sa ilang kilong bigas, ilang itlog, at instant mami.

“Tino! Ang aga mo ha?” sabi ni Len-len sa kalaro. Ni hindi man lamang natulungan ang ama sa pagbababa ng laman ng kariton. Tuwang sinalubong ang kalaro.

“Tay, laro lang kami,” sabi kay Mang Ador, habang papasok sa pinto ng kanilang barung-barong.

“O siya, at mag-iingat kayo!” sabi nito na hinabol ng tanaw ang papalayo nang mga paslit.

“Malaki ba ang kita sa bakal-bote?” tanong ni Tino habang sinisipat ang tansang nakakulong sa parisukat. Pagbato ng pato, apat na tansan ang tumilapon papalabas ng kuwadrado.

“Medyo, lalo na kung pinitpit na lata ng softdrink ang ibebenta mo saka iyon bang kawad ng kuryente… tanso! Yun nga, mas mahal ang dilaw kaysa sa pula. Sa dyaryo, mura lang eh,” pakli ng kalaro habang tinitingnan ang pagsipat ni Tino sa nalalabing anim na tansang nakakulong sa kuwadrado.

“Ahh… sumama kaya ako sa inyo, ano? Kasi kailangan daw ng pera para makabili ako ng gamit sa eskuwela… Ikaw ba, papasok ka na ba sa eskuwela?” tanong niya kay Len-len sabay iling nang hindi man lamang nakapagpalabas ng isa sa natitirang anim na tansan.

“Oo raw. Hindi ko alam kina Inay at Itay eh. Gusto mong sumama puwede naman. Kaso papayag ba ang tatay at nanay mo?” sabi ni Len-len na nakapaglabas ng tatlo sa natitirang anim.

“Papayag naman siguro ang mga ‘yon. Saka gustung-gusto ko na talagang pumasok sa eskuwela,” aniya. Pinagmasdan niya ang pagtilapon mula sa kuwadrado ang tatlo pang tansan.

“Lalabas ba ulit kayo mamamaya?”

“Oo,” sabi ng kalarong muling inaayos ang mga tansan para muling sipatin at tirahin.

“Sama ako. Kahit sandali lang para maranasan ko ang ginagawa n’yo. Puwede ba?” sabi niya, himig nakikiusap sa kalaro.

“Sige. Pero dapat magpaalam ka ha? Iyong maayos,” bilin ng kalaro.

Tanghalian. Sa pagitan ng pagsubo, sinabi niya sa ina ang gustong mangyari. Sasama siyang magtulak ng kariton at maghalukay ng basura para magkaroon ng kaunting barya.

“Hindi mo naman kailangang gawin iyon. Saka, maliit ka pa,” sabi ng ina.

“Pero bakit po si Len-Len, sumasama?” sabi ni Tino. Tila maiiyak.

Nahabag ang ina. Sa kanyang puso, alam niya ang pagnanasa ng kanyang anak na makapag-aaral. Matagal na niyang napupuna ang inggit sa munting mga mata ng anak sa mga nagsisipasok na mga bata doon sa kalapit na eskuwelahan. Minsan, nakikita niyang nakatanghod ang anak sa mga ito. Ang lumang abakadang napulot ng ama sa basurahan ang pinagtitiyagaang basahin. Kabisado na niya ang mga nakasulat doon–mula sa puso.

“O siya. Kunsabagay, hindi naman siguro masamang sumama ka. Pero ngayon lang ha? Hindi papayag tiyak si Tatay na lagi kang sasama sa pagbabasura at baka magkasakit ka.”

Kumislap ang mga mata ng paslit. Maya-maya pa, kasama siya ng kalaro at ng ama nito sa pagtutulak ng kariton.

Dahil nasa munting puso ang pag-asam sa biyayang dulot ng dyaryo, bote, bakal at iba pang basura, tila walang pagod ang munti niyang mga bisig. Basyo ng hinyebra, toyo, patis ang nakita sa basura. Ang mga papel, na kahit matagal niya bago maisalansan dahil sa binabasa ang laman, masinop na inilalagay sa kanilang kariton.

“Ang sipag naman ni Tino ah!” sabi ni Mang Ador. Binibilang ang nakikitang basura ng paslit.

“Gusto ko po kasing pumasok sa eskuwela,” sabi niya, nakangiti.

“Naku, talagang mana ka sa tatay mo! Ha-ha-ha! Basta’t may gusto, ginagawa ang lahat. O siya, tama na ‘yan at marami na tayong nakuha,” sabi ni Mang Ador sa paslit.

“Mayroon pa po, banda roon. Kukunin ko lang,” sabi ni Tino.

“O siya, sige. Mag-iingat ka ha? Puntahan ka namin ni Len-len maya-maya.

Masigla ang katawan niya, patalun-talon pa habang papunta sa kinakitaan ng maraming basurang pinapag-asang makatutulong sa kanya para makapasok sa munting eskuwelahang malapit sa kanila.

Mga boteng nagkalat sa tabi ng riles at ilang bakal sa mismong gitna nito ang nakita ni Tino. May ilang karton din na mula sa mga bahay-bahay na ibinagna na lamang sa tabi.

Nasinop na niya sa dalang sako ang ilang boteng nasa tabi ng riles. Nalibang naman siya sa pagkuha ng ilang pirasong bakal na nasa gitna ng perokaril. May ilang bote rin ng hinyebra at piraso ng garapa ang nasa gitna ng dinadaaanan ng tren na gumigising sa kanya tuwing umaga. May ilang dyaryo rin siyang nakita. Binasa ang ilang nakalaman saka isinilid sa sako. Makadaragdag din, sabi ng kanyang munting puso. Nalilibang siya habang sinasabi sa sarili na baka makabili siya ng bag at ilang gamit pang-eskuwela kapag napuno niya ang sako.

Samantalang nagmumuni-muni, patuloy ang silid ng paslit ng mga nakikitang bote sa kanyang sako. Linga… linga… linga… Kapag may nakitang maaring pakinabangan, silid sa sakong nangangalahati na rin. Mabigat. Halos hila na niya subalit walang pagod ang katawan niya.

“Gusto kong pumasok sa eskuwela,” sabi ng munting isip niya.

Karalitaan ay malaganap. Paano na ang aming mga anak? (Larawan mula sa http://images.google.com.ph/imgres?imgurl=http://upload.wikimedia.org/wikipedia/commons/6/6e/Philippine_National_Railways_Manila_squatter.jpg&imgrefurl=http://commons.wikimedia.org/wiki/File:Philippine_National_Railways_Manila_squatter.jpg&usg=__DfgOiG1xmsttjU4K0eBiukiNins=&h=1080&w=1440&sz=430&hl=tl&start=3&tbnid=Id1HqUF81BPyGM:&tbnh=113&tbnw=150&prev=/images%3Fq%3Dphilippine%2Bnational%2Brailways%26gbv%3D2%26hl%3Dtl%26sa%3DG)
Karalitaan ay malaganap. Paano na ang aming mga anak? (Larawan mula sa Wikipedia)

Nalunod ng mga pangitain ng eskuwela ang isip ni Tino. Linga. Kapag may nakita, kuha, silid sa sako. Napatili ang kaibigan niyang si Len-len. Lunod ang isip ni Tino sa pangitain ng eskuwelahan, ng mga bata. Hindi niya naririnig ang tili ni Len-len at ang sigaw ng ama nito. Hindi niya naririnig ang huni ng tren… (Unang nalathala, Hulyo 26, 2007 sa Tinig.com; muling nalathala sa Filipino-Australians in Brisbane, para sa kanilang Filipino Radio Show, Tuesdays 9:15-10:15AM through 4EB 98.1FM, Brisbane, Australia, na ngayon ay wala na sa ere. Ginawaran ng Certificate of Literary Achievement ng Filipino-Australian Community sa Brisbane, 2008).

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s