Posted in short story

Ang Ina

Sapagka’t ako’y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama at ang anak na babae laban sa kaniyang ina… – Mateo 10:34-35

I. Prologo sa isang mahabang tag-araw

UNA ko siyang nakita, isang tag-araw, na nakatindig sa harap ng pintuan namin. Nakaakbay sa kanya si Papa. Sa unang tingin ko pa lamang, alam kong magiging masalimuot ang darating pang mga tag-araw at tag-ulan.

“Si Tita Leny mo. Siya ang magiging asawa ko.” Patungkol sa babaing halos, sa tantiya ko, ay hindi lalampas sa 25 edad. Siya, isang babaing balingkinitan, may taas na higit sa limang talampakan at anim na pulgada, may mayamang dibdib, may mapupungay na mga mata at may mapupulang labi ang siyang papalit sa babaing halos naging karamay ko sa mga bata kong pangarap.

“Kumusta ka?” sabi niya sa akin na alangang iabot-dili ang kanyang malambot na kamay.

“Mabuti.” Ibig kong magpakahinahon bagaman sa hindi maunawaang dahilan, kakaiba ang kabog ng aking dibdib. Hindi ko mawari kung tututol o tutugon ang isip ko. Iniabot ko ang aking kamay. Sa pagsalikop niyon sa kanyang palad, halos lumuwa ang puso ko dahil sa lakas ng tibok.

Hindi ko maunawaan kung ano ang dapat kong maramdaman. Tatanggihan ko ba, itatakwil sa isip ang magandang babaing ito para maging bagong ina ko? Pero hindi na ako makatatakas sa katotohanang siya na ang kapalit ni Mama sa puso ng aking ama.

“Lalabas po lamang ako. Kailangang may kuning libro sa isang kaibigan.” Pagpaapaalam ko.

“Ni hindi mo man lang nasabing aalis ka. Kanina lang magkausap tayo sa telepono,” tugon ni Papa habang nasok silang dalawa sa sala ng aming bahay. May himig ng pagdaramdam ang kanyang tinig. Bakit nga naman kailangan kong umalis gayong bago lang sila dumating?

“Hindi rin ninyo nasabi sa akin na sa pagdating ninyo, may kasama kayo,” usal ko. Hindi ko alam ang himig ng tinig ko noon—panunumbat ba, o paghihihinanakit dahil pinalitan na ni Papa ang Mama sa kanyang tabi?

“Nahiya akong sabihin…” sabi ni Papa habang pisil-pisil ang palad ni Leny. Sa kanyang mga mata, nasaksihan ko ang ibig magpakaawa. Sinulyapan niya ang kanyang magiging asawa, ang aking magiging ina.

“Ayaw yata Joaquin ng anak mo. Hindi na lang sana ako sumama,” sabi ni Leny. “Maari pa naman akong umuwi sa amin. Saka na lang kapag handa na siya.” Halos paanas, subalit dinig ko pa rin ang sinabi niyang iyon. Kapag handa na siya.

“Kasal na tayo. Hindi ka na maaring umuwi pa,” sabi naman ni Papa. Nulas sa kanyang bibig ang katotohanan.

Pero sa hagap ng aking gunita, hindi ko maalalang ko maalalang ikinagulat ko ang sinabing iyon ni Papa. Parang alam ko na. Mula nang makita ko sila sa harap ng pinto, halos magkadikit ang balikat. Halos ayaw maghiwalay. Waring sa oras na iyon, tila iisa ang singaw ng kanilang katawan. Alam kong tali na sila sa isa’t isa. Walang atrasan.

“Tutuloy na ako. Alam n’yo naman si Ruel, may pakpak sa paa iyon. Baka hindi ko maabutan.” Tuluy-tuloy ako sa paglabas. Mula sa garahe hanggang sa labas ng tarangkahang napipintahan ng puti. Parang may pakpak ang mga paa ko. Kailangan kong makalayo agad.

II. Hugos ng mga ala-ala

Wala naman talaga akong kukuning kahit ano kay Ruel. Gusto ko lang tumakas sa tagpong iyon. May bago na akong ina: si Leny.

Hindi ko alam kung ano na ang nangyayari sa mga naiwan ko sa sala ng aming bahay. Siya—siyang may taas na higit sa limang talampakan at anim na pulgada, may mayamang dibdib, may mapupungay na mga mata at may mapupulang labi. Si Tita Leny. Siya ang aking magiging ina sa ilang tag-araw ng aking buhay. Siya ang papalit kay Carmen, ang aking ina.

Halos dalawang taon na ring patay si Mama. Tag-araw din nang lamunin ng dilim ang kanyang paningin at ipikit ang kanyang mga mata matapos ng ilang araw na pakikipagbuno sa ospital.

Kanser ang kumitil sa kanyang buhay na halos hindi man lamang umabot sa 47 taon. Mas matanda sa kanya ng halos pitong taon si Papa.

Napakaikli kung tutuusin ang itinagal ng kanyang buhay. Halos 17 taon din silang nagkasama ni Papa.

“Huwag mong isiping iiwan kita nang walang dahilan,” ulinig ko minsang nag-uusap sila ni Papa. Isang gabi. Nakaratay na rin noon si Mama dahil hinang-hina sa epekto ng cobalt therapy.

Wala na ang kanyang malugay, hanggang balikat, makintab na buhok. Wala na rin ang ningning sa kanyang matang halintulad sa mga napapanood na palabas na Tsinong madalas na kinagigiliwan niyang panoorin. May dugong Tsino si Mama.

“Pagod na rin ako, Joaquin. Alam mo namang hindi ko rin kayang makitang nahihirapan ka. Lalo na sa usapin ng pagpapagamot kong alam kong hindi rin naman nakatutulong. Alam mo, Joaquin ang sabi ng doktor… alam mo,” sabi ni Mama sa malumanay subalit mariing sambit ng mapapait na salita.

Gustong mabiyak ng puso ko. Halos sumakit ang ulo ko nang marinig gusto nang sumuko ni Mama.

“Gagaling ka. Sabi ng doktor, may pag-asa pa. Kung sakaling magtutuluy-tuloy ang gamot mo,” sa pagitan ng sigok, pilit niyang inaalo si Mama.

“Huwag kang malungkot, Joaquin. Huwag kang umiyak dahil hindi naman ako umiiyak.”

Tila napakahaba ng gabing iyon. Pabiling-biling ako sa higaan. Pilit kong hinahamon ang antok. Subalit ayaw makipaghamok sa akin. Madaling araw na nang maramdaman ko ang pamimigat ng talukap ng aking mata. Pagod na rin siguro ako sa pag-iyak Alas-tres ang rehistro sa aking nakasabit na orasan nang mahulog ako sa tulog na walang panaginip.

Ginulantang ako nang sigaw buhat sa kuwarto nina Papa.

“Aahhhhh! Ang sakit! Hindi ko na kaya,” sabing hirap-na-hirap.

Halos magkagulo sa aming bahay. Wala ang mga katulong dahil araw ng Linggo.

“Ihahatid kita sa ospital,” sabi naman ni Papa. Alam kong pilit siyang nagpapakahinahon. Nakikita ko ang takot sa mga mata niya.

Sa gayong ayos ni Mama, tila may mabigat na bagay na dumagan sa dibdib ko. Hindi ko alam. Parang dumaan sa pangitain kong hindi ko na siya ulit makikita—ang kanyang ngiti; hindi na maririnig ang kanyang mga halakhak. Hindi na rin makikita ang kagandahang una kong minahal at iningatan sa puso habang nilalandas ang lansangan ng pagbabagong-tao.

Pilit kong inaalis sa isipan ko ang mga larawan. Tinulungan ko si Papang buhatin si Mama para isakay sa aming sasakyan. Namumutla si Mama, alumpihit sa sobrang sakit na nararamdaman.

Bago umusad ang aming sinasakyan, may ibig ibulong si Mama pero hindi ko mahiwatigan. Abala ang isip ko sa pag-iisip kung paano ko iibsan kahit sandali ang sakit ng nadarama niya.

Abala si Papa sa pagpuwesto sa harap ng manibela. Parang nababasa ko ang iniisip niya. Kailangang umabot si Mama sa ospital para maibsan ang sakit at madugtungan ang kanyang buhay. Ilang sandali pa nang pagharurot ng kotse, narating namin ang ospital. Nagkagulo ang mga narses para salubungin kami.

Hindi na rin siya nagtagal. Ilang oras lang at hinugot na niya ang kanyang huling hininga. Noon ko lang nakitang humagulgol si Papa. Noon ko rin lang napansing bumalik na ang kapayapaan sa mukha ng aking ina. Nakita kong muling bumalik ang ganda ng kanyang mukha bagaman halos ilang pulgada lang ang tubo ng kanyang buhok.

Niyakap ko siya sa kanyang kinahihigaan. Dama ko ang papatakas na init sa kanyang katawan. Saka lang ako bumunghalit ng iyak.

Maraming magagandang bagay ang tila naalis mula sa isip ko. Sa burol ni Mama halos hindi ko rin napansin ang dami ng taong yao’t rito para kalamayin ang loob naming mag-ama. Noon ko rin nakita na buo ang angkan namin—magkabila—sa partido ng Mama at Papa.

Parang nag-iisa ako. Parang walang kulay ang buong paligid samantalang narooon at humahalimuyak ang mga orkidyang  nakakabit sa mamahaling koronang buhat sa mga kaibigan sa negosyo ng aming pamilya. Marahil gayundin ang nararamdaman ni Papa.

Tumagal din ang pagkakahimlay ni Mama sa Funeraria Paz nang ilang gabi. Pero para sa amin, tigil ang ikot ng orasan. Hindi namin naramdaman na papatapos na pala ang lamay. Natauhan lamang kami nang matapos ang basbas ng pari sa kabaong ni Mama at kailangang magsalita ni Papa para magpasalamat sa lahat na nakidalamhati sa amin.

Sa huling pagkakataon, muli kong sinulyapan ang mukha ni Mama sa salamin ng kanyang ataul. Larawan siya ng katahimikan at kapanatagan ng loob. May ilang patak ng luhang bumasa sa aking magkabilang pisngi subalit agad ding tumigil. Nang ipasok si Mama sa kanyang nitso, parang isinama na rin ang emosyon ko. Singlamig na rin ng mga pader sa mausoleo ang pakiramdam ko. Napansin kong hapon na pala. Wala na ang mga kamag-anakan, kaibigan at kakilala namin. Kami na lamang ni Papa ang naiiwan, nakatanghod sa nalalapidahan nang puntod.

Tinapik ako sa balikat ni Papa. “Kailangan na nating umuwi. Wala ka ring pahinga.” Saka lang ako natauhan. Naramdaman ko na lang ang sariling kabuntot ni Papa, naglalakad patungong kotse para umuwi.

III. Mga sulat sa pader

Ilang tag-araw na rin pala ang nakalilipas mula nang isubo ang malamig nang katawan ng aking ina sa loob ng kahong iyon at ipaloob pa sa isang mas malamig na kahon.

Pitong tag-araw. At sa ikapito, narito siya—isang dayuhan. Subalit siya ang aking magiging ina sa kung ilang tag-araw pang darating at ilan ding tag-ulan.

Muli akong bumalik sa reyalidad. Nakita ko ang sarili kong naglalakad, papunta kina Ruel. Ilang sandali pa, nasa harap na ako ng kanilang gate, pinipindot ang buzzer.

Hindi rin kung iilang ulit na pilit niyang inabot ang loob ko. Hindi ko alam kung ibig kong magmaramot at hindi ko bigyang halaga ang pagmamagandang loob niya sa akin.

“Kumain ka na ba?” masiglang bati niya sa akin isang tanghali.

“Oo. Sa eskuwela.” Ibig kong iparamdam ang pagbabalewala. Kahit pilit. Kahit may bahagyang bikig sa lalamunan ko.

“Sayang naghanda pa naman ako nang husto. Akala ko may makakasabay ako sa pagkain.” Malungkot ang tinig niya.

“Wala ba ang papa?”

“Hindi ba’t nasa opisina pa siya.”

Oo nga pala. Nasabi ko sa sarili ko. Parang nakalimutan ko na ang nakagisnang iskedyul.

Nag-aalmusal ako nang mas maaga kaysa sa kanilang dalawa. Nilulunod ko ang sarili sa pagbabasa, pagliliwaliw sa kung saan-saan kahit na mag-isa. Ang pagpababad sa mga lugar na dating madalas kami nina Mama at Papa, nang nabubuhay pa ang magandang babaing kabahagi ng buhay ko.

Biglang sumagi sa isip ko ang ilang salitang sinabi ko noon kay Mama minsang tumabi siya sa akin, isang gabing nasa isang business trip si Papa.

“Ma, hindi ako magnonobya o mag-aasawa kung hindi katulad ninyo. Mahusay sa bahay. Maganda. Mabait. Malambing. Kailangan, katulad ninyo siya… katulad.”

“Iisa lang ako. Baka hindi ka makatagpo niyan, hala ka! Tatanda kang binata. Walang mag-aalaga sa iyo.

“Eh kung ang Papa mo lang. Kapag nawala ako—paniguradong maghahanap agad ng kapalit ‘yon. Mas maganda at mas maraming magandang katangian kaysa sa akin,” himig biro ni Mama. Sabay yakap sa akin. Ilang sandali pa, nakatulog kami. Magkayakap pa rin kahit pa sabihing ilang tag-araw na rin ang lumipas at ganap na binata na ako.

“Kakain na lang ako mamamaya.” Pakli niya. Inililigpit na niya ang pinggan. Pinigilan ko siya.

“Sige. Kakain na rin ako.”

Pabiling-biling ako sa higaan ko noong gabing iyon. May kakaibang kiliti ang hatid ng kanyang mga ngiti habang nananghalian kami.

Pilit kong iniiwasan ang bawat salitang namumutawi sa kanyang bibig na umalingawngaw sa utak ko.

“Ngayon ko lang napagmasdan. Ang haba pala ng pilik-mata mo. Parang sa babae. Kamukha ka nang iyong Mama. Lalaking bersiyon.”

Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin sa pagsasabi niya ng mga salitang iyon.

Marahil totoo nga. Marami ring nagsasabing kasingganda ko si Mama. Kung magiging babae ako. Isa lang ang naman ko sa aking papa—ang kasarian niya. Maliban doon wala nang iba.

O baka naman mayroon pa. Pilit kong inaapuhap sa isip ko. Ah! Ang takad niya. Ang kisig niya. Ang talino niya.

“Literature pala ang kinukuha mo ano? Sabi sa akin ng Papa mo. Bakit hindi may kinalaman sa pagnenegosyo?”

Hindi ako kumikibo. Nakatutok ang buong atensiyon ko sa pagkain.

“Akala ko ba nananghalian ka na? Eh, halos maubos mo rin iyang mechado,” pangiti niyang sabi. Parang palagay ang loob.

Parang napahiya ako. Oo. Napahiya nga ako noong mga oras na iyon. Marahil naramdaman niyang nitong nakaraang araw mula nang dumating siya, pilit akong umiiwas sa kanya.

Bagay namang hindi pinapansin ng aking Papa. Marahil, alam niyang nagdaramdam ako sa hindi man lang pagsasabing ikakasal na siya o ikinasal na siya o may nililigawan siya.

“Alam kong galit ka sa amin ng Papa mo. Alam ko kung gaano mo kamahal ang Mama mo. Pero hindi ko rin talaga matanggihan si Joaquin. Mahal na mahal niya ako at halos dalawang taon na rin kaming magnobyo.” Iyan ang panimula niya sa akin.

“Hindi lang siguro masabi-sabi ng Papa mo dahil sa… dahil sa… nahihiya siyang malaman mong may nakapalit na ang Mama mo sa puso niya… at ako nga ‘yon.”

“Hindi rin nga naman biro ang halos 17 taon na pagsasama ng iyong Mama at Papa. Pero hindi naman ako pinakasalan ng Papa mo para maging kapalit niya. Hindi ko inaasahang mahalin mo rin akong tulad ni Carmen. Pero sana, tanggapin mo ako bilang iyong tita Leny.”

Malumanay at nanonoot sa kaluluwa ang tinig niya.

Pero sana, tanggapin mo ako bilang iyong tita Leny.

May nasaling sa puso ko pero hindi ko ipinahalata. Hindi ko na matandaan kung paano natapos ang pag-uusap naming iyon.

Ang naalala ko lang, pumanhik na ako sa silid ko at pabiling-biling sa higaan para hamunin ang antok at bigyan ako ng panghapong tulog.

IV. Ang Dayuhan

Ekstranghera pa rin siya sa akin. Sa totoo lang, kahit ilang linggo na ang ipinagsasama namin sa iisang bubong—ako bilang anak niya at siya bilang bagong ina ko—hindi ko pa rin mahuli ang totoong damdamin ko para sa kanya.

Aaminin kong nahuli na niya ang paggalang ko. Paggalang kong kay Mama ko lang naibigay. Maging sa aking mga abuwela.

Masipag siya. Mahusay sa bahay. Maganda. Mabait. Tulad ni Mama. Isa lang ang hindi niya nakuha—ang kulay at ang tsinitang mata ni Mama na lagi na lang kababanaagan  ng kakaibang hiwaga. Parang kuwentong-Ada  na madalas niyang ikuwento sa akin nang paslit pa ako.

Napansin ni Papa ang pagbabagong tungo ko sa kanyang bagong asawa. Hindi na malamig tulad ng dati.

Ramdam ko ang kasiyahan ni Papa. Kasiyahang hindi ko nakita noon sa kanya nang ipasok sa ospital at ilabas sa ospital si Mama para iburol sa Funeraria Paz.

“Mabuti naman, nagkakasundo na kayo.” Minsang nag-usap kami. Wala si Tita Leny noon. Nagpaalam na may pupuntahang kaibigan.

Nagkataong Sabado noon at walang pasok sa eskuwela. Hindi ko alam kung bakit hindi siya pumasok sa opisina samantalang noon pa man, pumapasok siya kahit na Sabado.

“Panahon na rin namang intindihin ang kalagayan ninyo. Matagal na ring patay ang Mama.” Kaswal ang pagkakasabi ko sa kanya.

Tinapik niya ako sa balikat. Sabay pasok sa loob ng bahay. Naiwan ako sa terasa.  Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng tapik niya. Pero may isang haplos sa puso kong nakapagpabilis ng tibok nito. Hindi ko maitindihan.

V. Henesis ng isang tag-ulan

Magtatag-ulan nang magpaalam si Papa na kailangan niyang lumipad patungong Hong Kong para daluhan ang isang kumperensiya doon.

Kabilang si Papa sa mga dapat magsalita bilang kinatawan ng kanilang sektor sa negosyo—sa bahagi ng lumilikha at umaaangkat  ng mga produktong kailangan sa produksiyong agrikultural.

Dalawang linggo ang kumperensiya. Dalawang linggo siyang mawawala. Dalawang linggong halos kami lamang ni Tita Leny ang maiiwan sa bahay at ilang mga katulong.

“Kailangan kong maging maaga roon.” Paglilinaw ni Papa nang masabi niyang kailangan niyang mauna roon ng isang linggo hindi tulad nang nakasaad sa kanyang imbitasyon.

“I need to be there earlier for I am a part of the preparatory committee for the convention.” May pagdidiin ang kanyang paliwanag. Para bang paslit ang pinagsasabihan ng aking papa na noon ko lang napansing halos iilang hibla na lamang ng itim na buhok ang nasa kanyang ulo.

“Ganoon ba?” parang nalungkot si Tita Leny nang makita na niyang bitbit ni Papa ang kanyang maleta kasama ang isang attache case.

Nakita kong lahat iyon. Muling nagbalik ang kakaibang sikdo ng aking dibdib tulad nang una kong nadama noong makita ko siyang kasama ni Papa at papasok sa may pintuan.

Pilit kong pinakalma ang sarili. Marahil, hindi pansin nang dalawang nagpapalaman ang pananahimik ko.

“Mag-iingat ka doon ha?” sabi ni Tita Leny habang papasakay si Papa sa kanyang kotse. Bago siya umalis, tinapunan niya ako nang sulyap.

Hindi na kami sumama sa paliparan . Sa hindi malamang dahilan, hindi kami sumama ni Tita. Parang ayaw naming makitang lumilipad ang eroplano.

Mahaba-haba rin ang tatlong linggo. Sa loob-loob ko. At tuluyan nang nakalabas ng gate ang kotseng sinasakyan ng aking Papa.

VI. Homo sum: humani nil alienum a me puto (Tao ako: at hindi ko inaamalang lahat nang nauukol sa pagiging tao ay hindi ko alam).

Maaga akong nagising nang umagang yon kahit walang pasok. Kakaiba ang simoy ng hangin. Kakaiba ang dampi sa aking balat ang mamasamasang simoy nang habagat. Umaambon-ambon pala.

Sa pagbaba ko, nakahain na, tulad ng mga naunang umaga. Tulad nang ilang linggong bago pa lamang siyang nanunuyo siya para tanggapin ko siya—si Tita Leny.

Dumulog ako sa mesa. Wala siya katulad ng inaasahan ko. Hindi pa siya nakaupo sa paborito niyang panig ng dulang.

Napansin kong wala ang mga katulong bagaman hindi naman araw ng Linggo. Nakapagtataka tulad ng nakapagtatakang lamig ng hanging habagat na sumalubong sa akin sa terasa kaninang umaga.

Tulad din ng kakaibang huni ng ibong maya sa sanga ng ilang-ilang na nakatanim, sadyang ipinatanim sa malapit sa bintana ng aking silid ng namayapa kong ina.

Nagsisimula na akong kumain nang marinig ko ang isang himig na halos pabulong na inihuhuni ng pamilyar na boses sa akin.

Nakayuko pa rin ako habang ninanamnam  ang nasa aking pinggan. Parang kakaiba rin ang lasa ng almusal. Mas masarap siya sa panlasa ko.

Papalapit nang papalapit ang tinig ni Tita Leny. Papalapit nang papalapit na parang gustong manindig ng balahibo ko bagaman wala ni anumang dapat maging ibang kahulugan ng himig na iyon na hinuhuni-huni ng aking tiya, ng asawa ng aking ama.

Umupo si Tita Leny sa kanyang paboritong upuan. Isa lang ang ikinagulat ko—dumulog siya sa hapag-kainan na ang suot ay ang kanyang manipis na pantulog!

Pilit kong iwinaksi ang pangitain nang nanganganinag na magandang katawang pilit tinatabingan ng manipis na pantulog na lace.

Ibig panginigan ang tuhod ko ng mga panahong iyon. Parang ibig gumiti ng pawis ko sa aking leeg, kilikili at maging sa alinmang bahagi ng aking katawang natatabingan ng damit.

Para mapagaan ang pakiramdam, tinanong ko siya kung nasaan ang mga katulong.

“Pinauwi ko. Tutal wala namang gaanong gagawin dito. Pero huwag kang mag-alala, nakalinis na sila at nakapamili ng mga kailangan nating bago sila bumalik sa makalawa.” Masayang sambit niya. Iba ang naging dating ng kanyang ngiti. Hindi tulad nang ihatid niya ng tanaw ang papalayong kotse ng aking ama—ng kanyang asawa.

Muli kong pinawi ang kakaibang isiping gustong mag-agiw sa aking isipan.

“Ah! Parang masaya kayo ngayon ah?” sabi ko.

“Wala lang.”

Simple ang kanyang tugon. Pero ang tugong iyon ay lalong nagbigay sa akin ng kakaibang pakiramdam; parang lalo siyang naging dayuhan sa akin, parang noong unang tumuntong siya sa bahay namin.

Parang ang init ng singaw bagaman malamig ang hanging nagmumula sa airconditioner na banayad ding humuhuni—tulad ng kanyang paghuni mula sa aking likuran.

“Bakit, dapat bang maging malungkot ang araw na ito para sa akin… para sa ating dalawa?” Tanong niya sa akin habang sumusubo ng kapirasong ham.

Tumingin siya sa akin, napansin ko, habang umiinom siya ng juice. Sa isang sulok ng aking mata, lihim kong pinagmamasdan ang bawat kilos ng kanyang kamay, ang bawat galaw ng kanyang daliring napuna kong napalitan ng kulay ng kuko.

Dating kulay rosas ito, ngayon ay napakatapang na pula.

“Tahimik ka,” untag niya sa akin nang mapansin niyang hindi na ako kumibo at nakatuon na lang sa pagkaing halos ayaw na ring dumaan sa aking lalamunan.

Nagtaas ako ng aking ulo mula sa aking pagkakayuko. Noon ko lang napansing napakatamis pala ng ngiti niya.

“Wala lang. May naisip lang ako, tita,” pakli ko.

Paano ko sasabihing kakaiba sa akin ang mga ikinikilos niya? Na para lalo siyang naging dayuhan sa akin? Na, katulad-na-katulad ang sasal ng aking dibdib ngayon ng sasal ng aking dibdib nang una ko siyang makita sa harap ng aming pintuan, kaakbay si papa, kadikit-balikat halos isang taon na rin ang nakararaan?

Ah! Isang taon na rin palang kasama ko si Tita Leny. Tatlong taon na rin palang patay si Carmen, ang aking ina—ang unang inibig ng aking amang si Joaquin—ang negosyante, ang ama.

Isang taon na rin pala. Halos isang tag-araw at tag-ulan na rin ang lumipas buhat nang dumating siya.

“Puwede bang malaman ang naiisip mo?” untag niya sa aking muli.

“Wala. Malapit na rin kasi ang enrollment. Isang taon na lang at magtatapos na ako. Naisip ko na kumuha agad ng Master’s degree para makatulong kay Papa,” may ngiti akong sumagot sa tanong niya.

Muli siyang ngumiti, mas matamis kaysa sa ngiti niya habang sinisimsim  ang juice at habang isinusubo niya ang piraso ng ham.

Yumuko ako para muling ituloy ang pagkain. Hindi ko napansing nawala siya sa kanyang kinauupuan.

Naramdaman ko ang kanyang presensiya buhat sa aking likuran. Masuyong humaplos ang palad niya sa aking balikat. Pababa sa aking dibdib. Nakapangingilabot. Subalit dumadarang  sa kaibuturan.

Kakaiba ang pakiramdam. Kakaiba ang simoy ng airconditioner na humuhuni pa rin ng kakaibang tinig na bumubulong sa aking tainga.

“Tita…” sambit ko, may pagpigil, may babala. Subalit sumalit ang himig ng pagpaparaya.

“Bakit, ayaw mo ba sa akin? Pangit ba ako?” tanong niya. Nanunukso ang kanyang tinig.

“Maari…”

“Maaaring makita tayo ng kung sino … maari tayong akusahan ng sinuman… pero, iyon ang gusto ko… iyon ang gusto kong mangyari… Ang madama kung paano mahalin nang lihim kong pinagnanasaang mahalin ako.”

Nakakatulig ang kanyang sinabi. Para bang lalo siyang naging dayuhan. Hindi ko maintindihan, biglang nagulo ang isip ko bagaman umaayon ang pagkakataon para gawing totoo ang lihim kong nararamdaman para sa kanya. Ang mapagbigyang mahagkan siya, ang mahalin siya subalit hindi maari.

“Si Papa…”

“Wala si Joaquin, nasa Hong Kong siya, hindi ba? Tayong dalawa lamang dito, Eros. Tayong dalawa lang.” Higit na nanunukso ang tinig niya. Ni Leny.

“Mali ito. Maling-mali…” pagsaway ko sa kanya. Subalit nagpatuloy ang paghaplos niya sa aking balikat, sa aking dibdib, sa aking sikmura.

Tila pinanawan  ako ng lakas. Wala na akong lakas lumaban. Alipin ako ng pagkakataon.

“Mali ba ang humanap ng kaligayahan sa panahong nalulungkot ka?” tanong niya.

“Mali ito!” Pumiksi ako. Bagaman nagsisimula nang maging manhid ang puso at isip ko. Nagsisimula na ring gumapang ang kilabot sa kaliit-liitang himaymay ng aking laman, sa kaliliit-liitang tangkay ng aking ugat.

Hindi siya nakinig sa pagsaway ko. Hindi ko na ring nagawang tumindig. Iniharap niya ang mukha ko sa kanya. Hinagkan niya ko. Matagal. Naglaro ang dila niya sa dila ko. Halos mapugto ang aming hininga.

Mapangahas, mapangahas ang bago kong ina! Pangahas ang kagandahang iyon na lihim kong sinamba sa kabila ng mga pagbabawal na naririnig ko mula sa aking espiritu!

Siya ay iyong ina… siya ang kapalit ni Carmen, ang iyong ina! Siya ang babaing idinadambana ng iyong Papa!

“Hindi mo maitatanggi…” hingal na sabi niya matapos ang kapangahasang iyon, “matagal mo na akong gusto. Subalit hindi mo magawang angkinin man lang ako ni sa iyong panaginip dahil nangingimi ka sa Papa mo.” Nakatitig siya sa akin. Mata-sa-mata. Nag-usap ang aming mga kaluluwa.

Hindi ako nakaimik. Natulala ako. Ano’t parang naririnig niya ang ibinubulong ng isip ko? Ng kaluluwa ko? Ng puso ko? Ng kalamnan ko?

Muli niya akong hinagkan. Muling nagsalubong ang mga dila namin. Espadahang tila walang katapusan. Waring mga kabalyero kaming hindi magpatalo sa isa’t isa.

Tumindig akong dahan-dahan, magkahinang pa rin ang mga labi. Kailangang tulungan ko siyang namnamin ang mga sandaling iyong parang ipinagkaloob sa amin ng tadhana.

Hinawakan ko ang kanyang ulo at lalong inulaol ng halik ang kanyang labi. Sa sandaling panahon, natutunan ko kaagad yakapin ang apoy na naglalagablab sa kaibuturan ng aming mga kalamnan.

Lalo ring nag-umulol ang kanyang pagnanasang ibig umalpas mula kanina pa. Hindi lang siya humahalik, tumutugon—naninibasib!

Hindi lang kami basta naghalikan, dinama namin ang isa’t isa—braso, balikat, puwitan, dibdib, sa mga bahaging nagpapakilala ng aming uri—lalaki at babae. Tulad ng unang mga tao sa Paraiso, naroroon din kami, kumakain nang bunga ng katampalasanan. Ni hindi man lang sumagi sa isip namin—madrasta ko siya at ako’y anak niya!

Walang pakialam, waring tumigil ang ikot ng mundo dahil sa init ng bawat dama sa mga bahaging ikinukubli ng amin-aming mga damit. Parang isang mahabang panaginip.

Ah! Kakaiba ang bungad ng tag-ulan. Umaambon-ambon sa labas.

Mula sa hapagkainan, humantong kami sa lugar na kung saan malaya naming mahuhubad ang aming mga kahihiyan.

Wala na rin sa aming kamalayan ang paggalang sa isa’t isa. Sa pagkakataong iyon, waring magkapantay kami—ako bilang si Eros, siya bilang si Leny. Ako, siya, siya, ako.

Napakagat-labi ako nang makita ko ang kanyang kahubdan. Mas maganda pala siya kung walang tabing. Mas maganda pa kaysa sa una ko siyang nakita—unang tag-araw ng kanyang pagpanhik sa aming bahay, kasama ni Joaquin, ang aking ama.

Walang nagawa ang lamig ng aircon sa nagbabagang kalamnang maya-maya’y maghihinang—magiging isa.

At sinabi ng lalake, Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya’y tatawaging Babae, sapagka’t sa Lalake siya kinuha.

Walang patid ang pagdama—halik, ulaol. Parang adbenturerong ginalugad ang lihim ng isa’t isa—hagod, halik.

Pinagpala ng aking labi ang kanyang mga labi. Pinagpala naman ng kanyang palad ang isang lihim na bahagi kong naghuhumindig, at bilang ganti, tila isang mandaragat na sinisid ang isang butil ng perlas sa pagitan ng kanyang dalawang hita.

Daing at daing, ungol. Nagkokoro ang bawat hingal, hingasing. Patuloy ang pagdukal, pagdama, paglasap—labi sa labi, balat sa balat—parang walang katapusang pagdama, pagsungkal, pagsibasib.

Maya-maya lang, hinila niya ako paitaas. Handa na siyang tanggapin ako. Binigyang-daan ang ibig na humawan ng landas na bisita.

Madali akong nakapasok sa kaloob-looban niya, ilang mariing ulos—ilang mabilis, ilang mabagal. Hingal, singasing, habang magkahinang ang mga labi—patuloy din ang galaw ng katawan.

Tumutugon ang bawat himaymay, ang bawat ugat. Walang kapaguran. Walang kapahingahan. Ulos, ulos, ulos, mariin at marahan.

Ilang sandali pa, naramdaman na namin ang kailangan sa pag-iisa. Ilang ulos pa, mariin, mabilis, nagsanib ang nektar ng pagnanasa. Nabigyang daan ang ilang saglit ng pagtigil

Subalit, muling naulit nang muling dumampi ang labi ko sa labi niya. Ilan pang ulos muli, ulos, ulos… Tila walang katapusan ang rituwal ng una; Sinaunang pakikipagkilala ng isang lalaki sa isang babae.

Muli, naramdaman ang pangangailangan—kailangan muling maging isa. Ilang indayog pa, parang sayaw subalit walang marinig na tugtog. Ilang mariing ulos. Ilang palitan ng hingal. Luwalhati.

Waring natauhan kami. Kapwa hubad, humilata kami sa kamang dapat sana’y sa kanilang dalawa lamang ni Papa. Subalit naroon ako, sa puwesto ng aking papa. Tanda ng aking pakikipag-alit, dahil sa mapusok at nakasusupok na damdamin ng pagnanasa at pagibig.

“Ma, hindi ako magnonobya o mag-aasawa kung hindi katulad ninyo. Mahusay sa bahay. Maganda. Mabait. Malambing. Kailangan, katulad ninyo siya… katulad.”

Katulad nga siya ni Mama. Subalit sa pagkakataong iyon, walang dugong nag-uugnay sa amin. Ina ko siya dahil asawa siya ng aking Papa.

“Hindi ko napigilan ang sarili ko…. Ikaw kasi eh,” may himig nang paninisi ang sarili ko. Nausal ko iyon habang nakahilig siya sa akin at ako naman, nakatitig sa puting-puting kisame.

“Wala kang dapat ipagsisi. Ako ang nanukso sa iyo. Bumigay ka naman. Nasiyahan ako. Nasiyahan ka. Ang mahalaga ngayon, ang mga damdamin natin. Kahit tapos na ang apoy.” Nilalaro-laro niya ang pingol ng aking tainga.

Mahiwaga ang sinabi niya. Hindi matalos ng isip kong kanina pa rin hinihiwa ng alalahanin. Nawala na kasi ang pamamanhid na dulot ng apoy sa puson. Subalit nananatili ang baga na maaring paypayang muli para maging apoy.

“Bakit?” tanong ko sa kanya.

Tumingin siya sa akin. Naunawaan niya ang gusto kong sabihin.

“Huwag mo sanang isiping hindi ko mahal ang iyong Papa. Subalit may pangangailangan din naman ako. Babae ako. Babae…

“Pero huwag mo rin sanang isiping naging parausan kita ngayon. Sa totoo lang, may puwang ka rito—sa unang pagkakita ko pa lamang sa larawan mo sa pitaka ng Papa mo, nabighani na ako sa iyo.” Napangiti siya, sabay salat sa labi ko at dinama ng hintuturo ang kabuuan niyon.

“Nakakatawa nga eh. Mag-ama ang lalaking parehong lalaking gusto kong umangkin sa akin. Pareho sila ng apelyido at pareho ang dugong nananalaytay sa kanilang mga ugat.”

Hindi ako umiimik. Naguguluhan ako. Marahil dahil naiisip ko noong mali ang nagawa ko. Maling-mali dahil asawa siya ni Papa. Ina ko siya, pangalawang ina, kapalit ni Carmen.

“Pero aaminin ko, at alam ito ni Joaquin—pinakasalan ko siya dahil malaki ang pangangailangan ko… Malaki ang pangangailangan ng kapatid ko.”

Malungkot ang tinig niya. Sumisigid sa kaibuturan ng puso ko. Naisip ko, baka kasinungalingan lang ang lahat at hindi ko dapat pakinggan na ang bawat sinasabi niya.

Ibig kong itulak siya, pagbihisin at gayundin ang gagawin ko. Pero kung anong bagay ang pumipigil sa akin. Parang sinasabi ng kaluluwa kong pakinggan siya. Umuugong pa rin ang aircon. Humuhuni pa rin. Parang ang tinig niya, sumisigid sa laman ang nararamdaman kong lamig.

“Sana, huwag mo akong sumbatan. Hindi ko ginagamit ang Papa mo. Maniwala ka at sa hindi. Alam ni Joaquin ang lahat ng pinagdaanan ko. Alam na alam niya dahil sinabi ko sa kanya nang buo.

“Sa kanya lang ako nagpakilala. Sa kanya lang ako naging totoo. Hindi tulad sa ibang naging kasintahan ko, sa kanya lang ako hindi nakapagsinungaling.

“Marahil nga, alam niyang gusto kita pero hindi lang siya umiimik. Napakabait na tao ng Papa mo.”

Ninanamnam ko ang kanyang sinasabi niya nang maramdaman ko ang mainit na likidong bumasa sa aking dibdib. Umiiyak siya!

“Ang drama ko ‘no? Pasensiya na, ha?” sabi niya nang nakangiti habang pinapahid ang luhang naglandas sa namumuro niyang pisngi.

“Halika, tikman ulit natin ang langit…” hinagkan niya akong muli. Matagal sabay dama sa pagitan ng aking hita. Tumugon akong muli…

VII. Simula nang paghunos

Muli naming pinagsaluhan nang ilang ulit ang kasalanang singtamis ng nektar ng nababasa nang mga bulaklak ng rosas sa labas. Mula sa ambon, naging ulan—malalaki ang patak.

Ilang ulit muli ang ritwal ng pagsasanib, nang pag-ulos nang mariin at marahan. May pagkakataong ginagapi niya ako, siya ang nasa ibabaw at ako ang nasa ilalim.

Parang si Samson akong pinanawan ng lakas dahil sa magandang si Delilah. Parang si Adan nang alukin ng bawal na prutas ni Eva.

Ilang saglit pa, natapos kaming muli. Matapos ng pagniniig, sa panahon ng pagbibihis, sinabi niya sa akin:

“Tatlong linggo din tayong magiging ganito.”

Hindi ako kumibo sa tinuran niya.

“Huwag mo sanang ipagsantabi na kahit ngayon lang ako nagpakilala sa iyo—sinabi at ipinakita ko sa iyo kung sino ako—nang buo, walang labis at walang kulang.”

“Tulad din ng iyong ama, ayaw kong uhawin ka sa mga sagot sa mga katanungang naglalaro sa iyong isip—tungkol sa akin, tungkol sa kung sino ba ang babaing katabi ng iyong ama nang umuwi siya sa bahay na ito, minsang isang tag-araw.”

Nagbibihis kami nang kumiriring ang telepono. Si Papa ang nasa kabilang linya.

Si Tita Leny ang sumagot. Magiliw pa rin. Parang walang nangyari. Samantalang halos kalahating araw kaming naglunoy sa tamis ng kamandag ng aming kamunduhan.

Sinulyapan niya ako. Parang nagtatanong kung ibig kong makipag-usap kay Papa.

Kinuha ko ang awditibo. Masigla si Papa sa kabila.

“Hijo, kumusta? Alagaan mong mabuti ang sarili mo ha? Idamay mo rin si Tita Leny mo. Pagbigyan mo siya sa kung anoman ang ibig niya habang wala ako… samahan mo siya. Hindi siya sanay na mag-isa.”

Parang may bikig sa lalamunang tumugon ako: “Opo.”

Muli kong ibinigay sa kanya ang telepono. Muli, ang hagikhik, narinig ko.

Parang nakadama ako ng paninibugho. Pero hindi dapat. Siya ay aking ina. Kausap niya ang aking ama.

Ako ay anak niya. Siya ay ina ko.

Paulit-ulit na parang dasal ang mga pananalitang iyon na umaalingawngaw sa aking isip. Parang ibig mamanhid ng buong pagkatao ko. Nasukol ako ng aking damdamin na malaya naman niyang tinugunan.

Sinulyapan ko siya parang nagpapaalam na lalabas na ako sa silid na dapat sila lamang dalawa—ng aking ama—ang dapat na magkasiping. Subalit isa na ako sa nakatuklas ng hiwaga ng silid na nalalaman ko, piping saksi sa karnal na bahagi ng pag-ibig.

Papalabas na ako nang pigilan niya ako. Tapos na silang mag-usap ni Papa.Hinagkan niya ako. Mariin. Gaya nang kanina. Muli kong nakita ang mga pangitain nang nasa hapag kainan.

Kumalas siya sa pagkakahalik sa akin.

“Magpapahinga lang muna ako. Mamaya na ulit.” Pilya ang kanyang naging ngiti.

Sa panahong wala si Papa, hindi siya si Tita Leny. Siya ay si Leny lamang para sa akin. Ilang gabi nang pagdama, pagsibasib, pag-ulos.

Huling gabi nang aming pagniniig, parang isang gabi rin ng paalaman. Iyon na ang huling pagpapakilala namin sa isa’t isa, nararamdaman ko. Tapos na ang ritwal. Papalabas na ako nang sabihin niya, paanas: “Tanggapin mo sana akong muli, bilang iyong Tita Leny.” Himig niyang parang nagbibilin. Tumango ako. Sabay labas sa silid… (30)

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s