Posted in flash fiction, short story, social realism

Headline

Naalimpungatan siya. Hindi, nagulantang.

“Baaaaaangggg!!!”

Bigla siyang sinalakab nang matinding takot. Naririyan na naman sila. Sinulyapan niya ang nawala sa ayos na relo sa dingding: alas-dos ng madaling-araw.

Sinundan ang pagsabog ng rapido ng armalite. “Bratatatatat!”

Tiplag siya. Unti-unti siyang gumapang at sumilip sa siwang ng sawali. Nagpupulasan ang ilang kalalakihang naka-khaki.

Blag! May sumipa sa pintuan, nakakita siya ng kisap, biglang nagdilim ang buo niyang paningin.

GUMIGITI ang pawis sa kanyang noo samantalang kumikirot pa rin ang noong kinulata ng puluhan ng armalite.

“Aminin mong ikaw si Ka Lando,” sabi ng anino. Nalalambungan ng dilim ang mga mukha nilang paikut-ikot sa kanyang kinauupuan. Nakatali siya sa silyang narra.

“H-h-hindi ko ho alam ang sinasabi n’yo. Wala akong, uunnggh!” tanging ang kirot sa kanyang dibdib ang naramdaman niya nang hampasin ng yantok. Hindi siya makahinga. Buwisit! Mga putang ina n’yo! Hindi mausal dahil sa tindi ng kirot ng kalamnan, mga kasukasuan.

Kssst! Sabi ng kawad ng pinagdikit. Binasa siya. Hindi, binuhusan siya ng tubig na pakiramdam niya’y sinalok lamang sa kung saang pusali. Saka idinaiti sa balikat niya, sa dibdib, sa bayag, sa utin. Kzzztt! Napapatiplag siya sa pagdaan ng daan-daang boltaheng dumadaloy sa kayang laman at ugat.

MANHID na siya nang tantanan ng mga anino. Nanghihina siya. Hindi na siya makapanlaban, hindi makagulapay. Naramdaman na lamang niyang kinalagan siya, kinaladkad na parang patay na hayop at saka ibinalibag sa mapanghing karsel.

Nakatulog siya dala na rin marahil ng pagod. O talagang nagdilim na ang isip niya dahil sa matinding kirot at hirap na naramdaman kanina?

NAKATANGHOD sa kanya ang hindi kilalang lalaking naka-fatigue nang magising siya.

“Alberto Dimasalang y Cunanan ba ang buo mong pangalan?” anito. Nasa harap sila ng makinilya. Amoy niya ang lansa ng sariling dugong natuyo sa kanyang punit-punit nang damit—mula pantalon hanggang kamiseta.

“Hindi. Alfredo Collantes po.”

Tiningnan siya nang masama ng nagtatanong.

“Ikaw si Alberto Dimasalang y Cunanan, ‘di ba?” angil nito. Para niyang nakikita ang musang na handang sumagpang sa manok.

“Hindi nga po…” mahina niyang sagot. Wala na siyang lakas para makipagtagisan pa.

“Titingnan natin ang totoo,” anito. Gumapang muli ang kilabot sa buo niyang katawan. Mauulit ba?

ILANG ARAW na rin siyang nakakarsel nang magpunta ang kanyang ina.

Nang makita siya, pumalahaw ng iyak. Awang-awa ang matanda sa kanyang bunso.

“Ano’ng kasalanan mo sa kanila?” tanong ni Aling Matilde. Hindi siya kumibo. Nakatulala siya.

Nagpaalam ang ina. Pasumandali lamang siyang aalis at sa pagbabalik, may dalang pagkain at damit para sa anak. Nakatulala pa rin siya.

Napatangis muli ang ina. Takipsilim na nang umalis ang matanda. Umiiyak pa rin. Tumutulo na rin ang luha niya subalit walang rehistro nang anumang emosyon ang mga mata niyang nakatuon sa kawalan.

Parang muli niyang narinig ang mga yabag, ang pagsabog, ang mga putok at naramdaman ang kirot ng kanyang buong katawan.

Nakita niyang muli ang dalawang lalaking dumukot sa kanya sa kanyang kubo noong nakaraang linggo. Papalapit sa kanya. Hahawakan siya sa dalawang bisig ngunit manlalaban siya, aagawin ang kalibre .45 na nakasukbit sa baiwang nang isa. May putok na aalingawngaw.

MALAKING-MALAKI ang salitang iginuhit sa mukha ng diyaryo:

Napatay ng mga sundalo sa isang engkuwentro si Alfredo Collantes, 31, tubong Tobog, Oas, Albay na kilala rin sa alyas na Ka Lando, Ka Waway, at isang mataas ng opisyal ng New People’s Army (NPA) sa Timog Katagalugan… Matindi naman ang pagpapabulaan ng kanyang inang si Matilde. Aniya’y magbubukid lamang ang kanyang anak na dinukot ng mga sundalo noong gabi ng Mayo 13, sa bahay nito sa Legaspi… Inilathala ng Bulatlat

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s