Posted in flash fiction, short story

Fried Chicken

Nakangiti ang estatwa ni Jollibee sa harap ng nakasaradong pintuang salamin. Madilim sa loob ng tindahan liban sa isang bahaging may ilaw na kinatatalungkuan ng guwardiyang nakayuko. Tulog.

“Tay, gusto ko po ng Chicken Joy,” sabi ni Totoy, nakaupo sa isang kahon ng mansanas na walang laman sa tabi ng basurahan. Natigil si Iking sa ginagawang pagkalkal sa basura para hanapin ang kanilang pagkakabuhayan.

“Sige, kapag nagkapera, ibibili kita… ayaw mo ba ‘yung nabibili na lang diyan, sa may kanto? Kahit isang pakpak lang,” sinabi sa anak, sabay yuko muli at kalkal ng basura. Kumapit na sa mag-ama ang amoy ng basurang mula sa iba’t ibang sulok ng kalyeng iyon sa Maynila.

“Ayaw ko noon. Gusto ko iyong nandiyan,” sabay nguso sa harap. Kay Jollibee.

Napabuntung-hininga siya. Tumuyag at nilapitan ang anak. Yakap ng butuhang bisig ang yayat na katawan ng mag-aanim na taong gulang na anak.

“Pangako, gagawa tayo ng paraan para mapakain kita diyan. Pero dapat magtrabaho muna tayo,” sabi niya, ginugulo ang buhok ng anak na nagsimulang kuminang ang mata dahil sa pangakong binitawan ng minamahal na ama.

Tumalikod na siya kay Jollibee. Hinarap ang santambak na dumi. Nakihalukay sa basurang isinuka ng naglalakihang establisimyento sa lugar na iyon ng lungsod.

“Otsenta,” sabi ni Okoy, ang Intsik na may-ari ng Junk Shop.

“Walang dagdag?” sabi ni Iking.

“Wala nga kuwenta ‘yan. Kita mo, kaunti iyo uwi lata. Dapat pasalamat ka pa. Saka mula talaka aluminyo ngayon,” sabi ni Okoy, sabay lista sa kuwaderno ang tantos ng timbang at presyo. Sa paligid, ang basura, ginto kay Okoy kapag naibentang lahat sa tunawan ng plastik at lata sa may Pampanga.

“Naku, anak! Kulang ang pera nating pambili nung sinasabi mo. Puwede bang isaw na lang kay Poleng ang bilhin natin ngayong tanghalian? Tapos kanin at maraming sabaw,” pangungumbinsi ni Iking sa anak.

Nagmamaktol ang paslit. Sa munting dibdib, ang sikdo ng kirot dahil sa pagpako sa ipinangako ng tuyot nang ama.

“Sabi mo… sabi mo,” maluha-luha si Totoy.

Lason sa puso ni Iking ang luhang iyon ng anak.

“Sige, gagawa tayo nang paraan.” Aniya.

Siksikan ang tao sa overpass. Nakisiksik si Iking. Siksik. Sa unahan, babaing nakapantalon nang hapit. Nakautlaw ang wallet. Namumutok. Sa tantiya niya, puno iyon. Namataan niyang nagpunta sa isang ATM outlet ang babae. Siksik. Siksik. Dinaitihan ang babae.

Nagmamadali siyang tumalilis. Parang nakikita na niya ang ngiti ni Totoy habang kinakain ang pinangarap na manok na hindi binili, diyan sa may kanto.

Nakatunog ang babae, wala ang kanyang pitaka!

“Magnanakaw!” tili ng babae. Itinuturo siya. Alam ng babae.

Hinabol siya ng gustong sumaklolo. Kaykay si Iking. Subalit hinanapo na siya. Matagal na siyang nanghihina. Ramdam niyang manipis na ang kanyang baga dahil sa puyat, lamig ng gabi at amoy ng basura.

“Hayop ka! Kawatan!” sabi ng malaking lalaki. Sinikmuraan siya, aringking sa sakit si Iking. Sipa tadyak ang tinanggap ng yayat na katawan. Iniabot sa babae ang nakuhang pitaka sa kanyang bulsa.

Tadyak, suntok at kadyot. Manhid na ang katawan ni Iking. Sa nagkukulay na dugo na niyang paningin, malinaw na nairehistro ang nakangiting estatwa ni Jollibee. Inilathala ng Bulatlat

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s