Posted in flash fiction, short story, social realism

Balutan

1.

Hindi siya mapakali. Para siyang sinisilihan.

“Bakit kaya wala pa s’ya?” sabay tingin sa lumang orasang nakasabit sa dingding ng kanilang kubo. Alas-10:30 ng gabi ang rehistro ng orasan.

Tanging ang huni ng kuliglig ang kaniyang naririnig. Tulog na tulog si Manuel, ang bunso nilang anak. Wala sa loob niyang napagmasdan ang kanyang munting anghel. Wala ang kanyang Ate Minda. Nasa Maynila. Doon naisipang makipagsapalaran kasabay ng planong mag-aral ng kolehiyo. Sa huling sulat niya, sinabi nitong nakapasok siya sa call center – kung ano man iyon. Nakapag-aabot ng padala-dalawang libo samantalang patuloy ang ginagawang pag-iipon.

“Kamukhang-kamukha pala ni Rolando ang bunso namin,” nasabi niya. Mula sa pagkakauklo sa upuang halos lumundo na sa tagal ng kanyang pagkakasalampak, sa harap ng kanilang bintana, lumapit siya sa kanyang siyete anyos na anak.

“Nasaan na kaya ang tatay mo, bunso,” aniya sa kanyang isip. Napakislot ang anak.

Tinabihan niya. Tinapik-tapik habang ang lagabog sa dibdib, lalong lumalakas.

“Andong!” sigaw niya sa isip. Nakatulugan na niya ang pag-aalala.

“Pareng Caloy, hindi pa napapadaan dini si Pareng Andong mo, ha?” sigaw niya sa isang patpating lalaking nagsasalansan ng kumpay sa tabi ng kanyang kubo.

“Hindi, mare. Bakit? Hindi baga umuwi?” sagot-tanong ng kausap.

“Hindi,” nasabi niya. Parang may bikig ang lalamunan.

“Hindi?” gitlang tanong ng kanyang kausap. “Baka naman doon na sa opisina ng kooperatiba natulog. Pero hindi eh, alam ko’y uuwi siya.” Halos paanas na sabi ni Caloy kay Saling.

“Baka nga, baka nga nasa opisina siya. Pupuntahan ko.” Tumalikod na siya.

Habang daan, hindi pa rin mawala sa puso niya ang kakaibang kaba.

“Bakit kaya ganito? Nasaan na kaya si Andong ko?” sabi niya.

Kinatok niya ang pinto ng opisinang iyon na halos nasa bungad ng kanilang baryo. Hagyang nabuksan at sumilip si Marcial, ang binatilyong nagsisilbing katiwala ng edipisyo.

“Ay, Aling Saling! Bakit ho kayo napasugod?” sabi ng binatilyong halatang naalimpungatan. “Tuloy po muna.”

“Hindi na. Itatanong ko lamang kung nandiyan si Kuya Andong mo.”

“Wala ho. Hindi ho ba umuwi?” takang tanong ng binatilyo.

“Hindi nga, e,” sabi niya. Nangingilid ang luha.

“Pagkatapos ho ng pulong namin kahapon ng gabi, bandang alas-siyete eh, nagpaalam na ho’ng uuwi. At sa pagkakalaam ko, nakasabay pa ho niya si Manong Kanor,” sabi ni Marcial.

May naramdaman silang paparating. Humahangos din. Si Marya, ang asawa ni Kanor. Halata ang puyat at pag-alaala sa butuhang mukhang pinatanda ng hirap ng buhay. Gaya ni Saling, gayong hindi pa lalampas sa 30 ang kanilang mga edad.

“Saling! Wala si Kanor! Wala pa siya! Ang huling sabi’y magkasama sila ng asawa mo,” sabi ni Marya. Nangangatal na ang kanyang tinig.

“Wala rin si Andong ko! Wala rin siya!” ganting sigaw sa kapwa-babaing nagdadalamhati dahil sa kauna-unahang pagkakataon, nawalay ang kanilang mga kabiyak.

2.

“Sa atin ang lupang ito. Walang makaangkin kung sinumang Poncio Pilato. Tayo ang naglinang, tayo ang nagpakapagod magtanim, tayo ang dapat mag-ani!” sabi ni Andong sa kapwa magsasaka.

“Tayo rin ang nagugutom kapag pinipiste. Kaya sino silang mangangangkin sa lupang matagal nang dinukal ng ating mga magulang?”

Dumadagundong ang tinig niyang parang kulog at sa mga mata ng kapwa anak ng lupa, kidlat na sumungaw ang sukat na umaalab na dibdib.

“Hihilingin natin sa gobyernong pabilisin ang paglalabas ng mga papeles. Atin ang lupa, hindi kay Don Lorenzo.”

Sa mansiyon ng panginoon, parang nilulunod sa alak ang kanina pang nararamdamang yamot.

“Mga hayop na pesanteng ‘yan! Pagkatatapang!” Humahagok na parang baboy si Don Lorenzo. Nakamasid lamang ang mga badigard niyang umiinom din. Sa usok ng sigarilyo, iginuguhit ang mga larawang sila lamang ang nakaaalam.

3.

Nilalangaw ang dram na nakatambak sa isang bahagi ng gubat na iyon sa dulo ng bayan. Nagpipista ang mga langgam, pabalik-balik sa bunganga ng dram na hagyang sinemento ang ibabaw. Umaalingasaw ang amoy ng nabubulok na kung ano.

Sa isang bahagi ng gubat na iyon, isang dinispatsang balutang naglalaman ng isang laruang dyip-dyipan, ilang baro ng mga bata – panlalaki at pambabae… Inilathala ng Bulatlat

Author:

Isa lamang ordinaryong miron at mapangarapin si Noel Sales Barcelona na nagnanais magsulat ng hinggil sa kaniyang nadarama.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s