Singkaw

Paano nga masasabing malaya ka, o Bayan ko? Paanong masasabing hindi nakasingkaw ang pagkatao’t kaluluwa mo?

Oh, alipin ka
ng dayuhang kultura
singkaw ang dila
oh, hindi makapalag
oh, hindi makawala!

Sino baga ang maysala sa gayong lagay mo, oh Bayan ko? Sino ang dapat gumulong ang mga ulo sa kaabahang sinapit mo?

Silang gahaman
Nagpatutot sa iyo
Mga hunyango
lahi niyong bayakan
Diyablong nagsalaman
Nasa estado poder!

 

 

Ang Hula

Manangis ka, o bayan ko
Sa kasakunaang nakaamba
Sa sinapupunan mo.
Paknitin mo ang iyong damit
Gaya ng pagluluksa nang una
Buhusan mo ng abo ng iyong mga ninuno
Ang iyong ulo, at manangis ka nang buong kapaitan
Sapagkat may kasakunaang nakaamba sa iyong sinapupunan…

Nakaagpang na pangil ng halimaw
Sa iyong leeg, sa iyong magandang leeg
O inang bayang sininta ng araw
Ipinagpapatutot ka iyong mga pinuno
Ipinalamas sa kanila ang iyong dibdib
Binayaang gahasain ka nila
Sa ngalan ng ginto at pilak
Sa ngalan ng tsokolate at gayak
Sa ngalan ng kapangyarihang ‘di rin magtatagal.

Manangis ka, o bayan ko
At simulang gahakin ang gayak
Na kaloob ng multo at anino.
Anong sakit na ikaw mismo,
Ikaw mismo ang magtitirik
Ng kandilang tatanglaw sa burol mo
At ikaw rin ang yayari ng ataul
Na paglalagakan ng iyong katawang
Karumaldumal na kinatay.

Ano, bayan ko? Hindi mo ba ihahanda
Ang iyong pamandong at sariling pangluksa
Na gayak mo rin sa gabi ng iyong kamatayan?
Hindi mo ba ipaghahanda ang iyong mga bisita
Ng biskotso, kapeng matabang, at tagulaylay
Sa gabi ng iyong walang hanggang paglalamay?
O bayan ko, malibang imulat mo mga mata,
At talasan mo ang iyong pakiramdam
Ay hindi mo malalaman
Hindi mo mababatid kung paano ililigtas sarili
Sa hula, sa propesiyang ito na nailagda na,
Naisulat na noon pa mang una,
Niyaong hindi kinulaba ang mata’t
Hindi kinalyo ang espiritu’t kaluluwa…

Lungsod ng Antipolo, ika-30 ng Hulyo 2012.

Imortal

singkawan man
yaring aking dila
katawan ma’y
balutin ng tanikala
hindi nila maikukulong
malaya kong diwa
diwang naititik na
sa sanaysay ko’t tula.

kahit pa nila ako ay patayin
hinding-hindi nila
tuluyang maililibing
pagkat yaring aking tula
na itinitik sa panginorin
gumagalaw, kumikilos
may sariling buhay mandin.

GISING NA KA ANDRES, GISING NA!

Iwasiwas mong muli
Ang tabak mo, Andres
Kitlin damong makamandag
Putulin, mga punongkahoy
Na walang bunga’t lilim
Sa Bayan mong liyag.

Kargahan mo ng punglo
Pistolang nasa baywang
At iputok upang basagin
Katahimikan ng karimlan
Muli mong iwagayway
Bandilang pula.

Ihanda mo kaming muli, o Gat Andres
Sa isang digmaan
Muling akayin kami
Sa landas ng kalayaan!

Lungsod ng Antipolo, Lalawigan ng Rizal
Hulyo 8, 2011 (Isang araw matapos ipagdiwang ang ika-115 taong pagkakatatag ng Katipunan)