Maliban nang makita mo ang digma’y hindi mo hahanapin ang katuturan ng kapayapaan

Malibang malasahan mo
Ang angi ng pulbura
At dumalok sa iyong mata
Ang usok na dulot ng
Ng sumabog na bomba
At pinaputok na kanyon—
Ay hindi mo kasasabikan
Ang kapayapaan.

Sapagkat ang puso’y
Pinatutulog, pinahihimbing
Ng kawalang-malay
Samantalang patuloy
Namang ipinaghehele ng ilusyon
Ng pag-ibig at kagandahang loob
Ng nagbabalat-kayong pilantropo’t pilosopo
Ang ating mga malay at bait
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Maliban na makita mo
Ang sumabog na bungo
At kumalat na dugo ng mga walang malay
Sa sahig ng Luson, Bisaya at Mindanaw
Ay mananatili kang walang kibo’t hindi nanghihilakbot
sa mga nagaganap sa iyong bayan
At baka sabihin pa sa sarili na
Ang lahat ng nangyayari’y pangkaraiwan.

Totoo.

Dahil sa bawat paraan ay patuloy
Tayong nililinlang na
Ang hinahabol na banal
Ay mga kriminal:

Mga paring naghangad ng lupa para sa magsasaka
Mga manggagawang pangkulturang nagnais na lumaya
Mga lumad na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno
Mga kabataang naghangad ng mabuting buhay para sa sarili’t para sa iba
Mga babaing nagtanggol sa puri at dangal nila
Mga magbubukid na umaamot lamang nang makaratungang hati sa kanilang saka
Mga mamamahayag na naghantad ng kabulukan ng umiiral na sistema
At marami pang iba…

Kagaya sila ni Kristo
Nang tangkain niyang baguhin
Ang kalooban at diwa ng tao
Ipinako sa krus ng mga lilo.
Inalimura. Sinaktan. Hinubdan ng dangal.

Malibang masaksihan mo ang mga pulasan
Ng mga lumad, Kristiyano at Muslim
Sa winawasak ng digmang Mindanaw—
Ay hindi mo hahanapin ang kapayapaan.
At mananatili ka lamang sa iyong sariling mundo
Sa malamig na silid ng iyong opisina
O sa pag-aturga sa kumakalam na sikmura ng iyong bunso at asawa

Malibang makita ng sariling mata
Ang dinaranas na karalitaan ng iyong mga kababayan
At kabusabusan ng iyong Inang Bayan
Na nagsilbing pataba sa sumisiklab ngayong mga Digmaan—
Ay hindi mo hahanapin ang tunay na kahulugan
Ng salitang kapayapaan.

Ngunit kung bubuksan mo ang iyong pakinig,
Kung ididilat mo ang iyong mga mata,
At palalambutin mo ang iyong pusong pinatigas
Ng kaunting kaalwanan ng iyong kalagayan
Ay doon mo malalasap at makikita
Doon ka lamang mauuhaw at magugutom
Sa tunay na kahulugan at katuturan
Ng salitang KA-PAYAPA-AN.

Setyembre 9, 2010
Lungsod ng Antipolo