Tag Archives: tula ng pagibig

kung bumagyo, bumaha ng mga ala-ala

kung bumabagyo ng mga gunita
gunitang kay tamis at kay pakla,
hayaang lunurin ako ng kanilang pagbaha
lunuring tuluyan ng kanilang pagbaha…

kung bumaha sa isip ng mga larawan mo
larawang tila malaking tukso sa isip at puso
hayaang malunod ako ng mga gunita mo
ng mga gunita mo, hahayaan kong malunod ako.

sapagkat mahirap ang paglimot, oo, kayhirap
laluna’t nakaugat nang malalim sa isip at damdam
parang punongkahoy na nakadipa’t nangangarap
mabuwal man, nabubuhay pa rin basta’t ugat, sa lupa ay lapat…

Kung ang Puso’y Isang Ibon

Kung ang puso’y isang ibon
Saan pa ito hahapon?
Kundi sa ‘yong punongkahoy
Doon ito paroroon.

Sapagkat wala nang iba
Lunang masusulingan pa
Kundi pugad ng pagsinta
Sa dibdib mo na kayganda.

Kahit pa nga kasalanan
Kandungan mo’y pamugaran
Parusa ng kalangitan
Hahayaan nang lumatay!

Kung puso’y isang ibon
Saan pa ito hahapon?
Doon sa ‘yong punongkahoy
Doon nga po paroroon…

Tula para sa isang dating pagibig*

Narinig kong muli ang tinig mo
Hindi pa rin siya nagbabago,
Tulad pa rin siya ng dati
Nang huling magniig ating mga kaluluwa:
Malamyos pa rin, walang ‘sing tamis
Tulad ng banayad na ihip ng hangin
Sa dalampasigan, tulad ng tunog ng alon
Tuwing nakikipagniig sa pampang…

Agad kong naisip ang mga mata mo
Anaki’y bituin sa payapang kalangitan.
Sa malamig, malungkot, maligayang
Mga gabi ng buwan ng Disyembre
Mga matang madalas kong titigan noon;
Mga matang nagtatago ng lihim
Na pagkaminsa’y hindi ko mawari, matunton
Kahima’t bukas na aklat ang buhay mo.

Bakit nga kaya? Kahit na lumipas na
Ang libong sandali, tila mga kasasay
Na babalik sa pugad tuwing dapithapon
Ang mga alaala mong madalas nagpapakirot
Sa puso kong halos ayaw nang tumibok—
Parang mga larawang nagsabit sa dingding
Ang mga gunitang nakapagpapamanhid
sa kaluluwa at sa espiritung ayaw manahimik
Dahil laging ibig maglimayon,
Libutin ang dating mga likmuang
Lihim nating tagpuan noon
Subalit mga libingan ngayon
Ng mga naunsiyaming pangarap
At niluoy na pagtatangi at mga pagsamba.

Datapwa’t naroroon pa rin
Ang pag-asang muli’y lingunin,
Tapunan ang sulyap ang mga anino;
Kandiliin sa bisig ang hapay,
Langong diwang naglalakbay
Patungo sa dating likmuan:
Na malayang nahahaplos ang iyong pisngi,
Nahahagkan ang matamis, kimi mong ngiti,
Napapahid ng may pagsuyo ang luhang naglalandas,
Nagbubuhat sa mga mata mong salamin ng mga pangarap,
Naidadaiti ang palad sa iyong magandang balat
Samantalang hindi naman madama ang sarili—
Na malayang nasasabi ang mga salitang

Lagi na lamang kubli tuwing may liwanag
Samantalang naibubulong naman kung gabi;
Kung saan ang katotohanan ang mga ilusyon
At bahagi ng hindi matinag na reyalidad ang mga panaginip.

Upang minsan pa’y malasap ang lasa ng sariling luha
At kandilihin kahit paano ang sariling tuwa;
Namnaming muli ang tamis at pakla ng pag-asang
Pagbibigyan mong muling maihilig ka sa aking balikat
At maampong muli sa aking kandungan, gaya nang dati.
Tulad noong panahong pinaniwala ang sariling
Nasuklian ang mga salita bagaman naroon ang pananahimik:

Tatagpuin muli kita, minsan, isang hapon
Upang suyuin muli puso mong
Singganda ng panginoring pinapula
silahis ng papalubog na araw:
Doon sa likmuang bagaman sumasagi
Sa alaala’y alam kong nalimot na
Dahil ang puso’y siphayo’t narahuyo
Sa kulay ng kalungkutan at impit na pagluha…

* Naisulat noong 2004, muling tinipa at isinaayos ngayong ika-24 ng Hunyo, 2012

Babae sa aking Panaginip

Niyayapos kita sa aking panaginip
Sinisiil ng matatamis, basambasang halik
Ginugunita kita, rito sa aking isip
Sa tuwing hihimlay, sa tuwing iidlip.

At tuwing dumadalaw ka sa aking likmuan
Sa tagong sulok niyaring aking isipan—
Mga halakhak mo ang siyang pumupukaw
Sa sigla ng pusong nahirati sa panglaw.

Ngunit tuwing gumigising at ako’y bumabangon
Ang abang panaginip ay hindi nililingon
Sa aking sapantaha, talaga nga yatang ganoon
Sa panaginip lamang kita aking pinopoon…!

Hunyo 12, 2011; Lungsod ng Antipolo

Sakaling Hindi Magtagpo ang Bawat Yapos

Kung hindi magtatagpo
ang bisig sa palibot ng iyong baywang
ni sa guhit man lamang ng iyong leeg
…huwag mong isiping sumpa ang bawat sandali
kundi usal ng dalangin:
Harinawang magbalik
ang mga panahong nagpapanagpo
ang bawat haplos at titig.

Sakali mang ang sa pagitan natin
ay dapyo ng hanging nakapangingiki sa lamig
ay huwag pasisindak sa awit na tahimik
na ayaw isayaw ng mga dahon at siit
hayaan lamang dumaan ang pagkatulig
at saka pakinggan ang kabog
ng naghuhumiyaw na dibdib.

Sapagkat ang pagibig ay kapwa pait at tamis
ligaya at dusa, gabi at araw, lamig at init
panapanahong ang asukal sa lalagyan ay mapapanis
samantalang ang alak na matamis
ay magiging sukang ayaw matikman ng bibig.
gayunman, sakaling ang mga katawan ay hindi magkaniig
ni magkatagpo ang papayapos na bisig:
huwag malulumbay sapagkat maaaring magtagpong muli
ang mga dibdib kahit sa kahibangang mundo
ng walang hanggang pangangarap, at hindi natutupad na mga panaginip.

Lungsod ng Antipolo, Disyembre 9, Alas-10:59 n.g.)

Mga Lumang Tula

Minsang naghahalungkat ako ng mga lumang CD nang makita ko ang isang burned CD na kinalalamnan ng aking mga lumang tula.

Naisulat ang karamihan ng mga tulang ito noong 1995, magki-kinse anyos lamang ang makatang ito. Mga taon ng haiskul. Panahong bubot pa ang pananaw sa pagtula at mababaw pa ang hagap sa mga bagay-bagay hinggil sa buhay. Pag-ibig, kung hindi man kalibugan, ang nasa isip.

***

Napakasarap balikan ang mga taon na una akong tumula. Ito kasi ang mga panahon, gaya nang nabanggit na, bubot pa ang kaisipan at nasa tangway pa tayo ng kawalang malay at pagkakamalay.

Aaminin natin na karamihan sa tulang matutunghayan sa ibaba, alay sa mga babaing ninais na mahalin at makapiling. Balita natin, may asawa na rin ang ilan sa kanila. May mga anak na rin. Ang iba, hindi na rin natin nabalitaan kung saan napadpad.

***

Taglay ng tula ang halumigmig at alimuom ng batang damdamin. Katawa-tawa para ilan, pero para sa isang batang natututong yumakap at yumapos, humalik at kumuyumos, at dumama at humaplos sa kakaibang sensasyon at katauhan ng pag-ibig: ang tulang nalilikha dahil sa salitang pag-ibig ay tunay na kasiya-siya at pinakamahusay na tulang maisusulat mo. Hanggang sa mabatid mo, sa panahong nagkakaedad ang puso at isip mo, mayroon palang mga bagay na higit pang katula-tula kaysa sa pag-iiba’t sabi nga ng makatang si Alexander Martin S. Remollino, ang paghuhugpong ng titi at puke.

***

Muling inihahandog sa inyo, giliw kong mga tagasubaybay o mambabasa ang mga tulang naisulat, 15 taon na nakararaan. Ibigin ninyo o kamuhian, tanggapin o itakuwil, kayo na po ang bahala. Maligaya at makabuluhang pagbabasa!

***

Awit

Sa saliw ng gitarang lubhang mataginting,
Bayaang damhin ang bawat damdamin…
Damdaming nakapaloob sa bawat awitin,
Awiting nagmula sa tunay kong saloobin.

Pagibig na tapat ang siyang isinasaliw,
Sa himig ng gitara at mga awitin,
Na alay sa iyo nang buong paggiliw,
Taos sa puso’t bukal sa damdamin.

Sa bawat titik ng awit at dalit,
Na taos sa pusong winiwika’t sinasambit,
Dinggin nawa ang bawat kong hibik,
Hibik ng taos at wagas kong pagibig.

Bayaang iparinig sa buong magdamag,
Ang mga awitin ng puso kong tapat.
Ang mga kundiman ng pag-ibig kong wagas
Na siyang sasambitin hanggang sa wakas!

(Mayo 8, 1995; Malabon, Metro Manila)

***

Bulaklak

Sa buong kapanahunan, bibihirang bumukal,
Ang mumunting talulot na hiyas sa parang,
Madaling maluoy ‘pag hinipo ng araw,
Tila dilag na mahinhini na ayaw matanawan.

Sumayaw sa bawat hampas ng hangin,
Sa mata ng madla’y nakakaaliw,
Sa puso ng namimintuho’t nagpapakitang-giliw,
Ay tuwang walang kupas, ligayang walang maliw.

Alay sa Birheng idinadambana,
Sa harap ng altar ay ipinamamanata,
Ligaya at aliw sa bawat makakita,
Pagkat kabanala’y mahihinuha.

Ngunit hindi malirip ang tanang hiwaga,
Na kung bakit miminsan lamang mahinuha,
Ang halimuyak mo’t ganda ay minsan lamang makita,
Dala ba ito ng iyong pagiging mahinhin mo’t ganda?

Ngunit dalangin ko sa tuwina,
Ay muli’t muli kang makasama,
Sa bawat oras na kita’y makita,
O, bulaklak sa huling hininga!

(Mayo 5, 1995; Malabon Metro Manila)

***

Calatagan

Pagibig na tunay ang siyang natagpuan,
Sa mumunting bayan nitong Calatagan,
Tamis ng pagsuyo’t tunay na pagmamahal,
Ang siyang iniaalay sa mga pusong pagal.

Munti mang kapagura’y hindi alintana,
Kapag mukha ng dalaga’y iyong mahinuha.
Sa hinhin, sa bini, ay walang kapara,
Yaring kagandaha’y tala ang hinuha.

Aliw sa puso, tuwa sa damdamin,
Mga alaalang kayhirap limutin,
Sa munting bayan kung iyong lilimiin,
Ang Calatagan ay lunan ng aliw!

Hindi lamang tuwa ang hain sa hapag,
Kundi pagibig, pagliyag na tapat,
Dulot ng mga dalagang walang katulad,
Sa mga anak ni Eva, walang katapat!

Kung kaya dalangin, sa Poong Maykapal,
Yaring bayang munti ay pakaiingatan…
Bayang sa puso’y tunay na kaaliwan,
Ligaya sa dibdib, bisig ng Calatagan!

(Mayo 5, 1995)

***

Dalit

Dinggin ang puso kong umaawit,
ng mga imno ng gintong pagibig,
Na siyang sumasaliw sa sasal na dibdib,
na ang tanging sigaw ay tunay na pagibig.

Dinggin mo nawa sa gitna ng gabi,
Yaring aking puso’y pakinggang maiigi.
Ang mga haranang banggit ng labi,
Dinggin mo nawa nang buong pagkasi.

Bayaang ihayag ang mga damdamin,
Sa saliw na gintong himig ng biyulin,
Sa aking gitara’t mga awitin,
Madama nawa ang tapat kong paggiliw.

Sa tinig kong garalgal, maunawaang lahat,
Yaring mga damdaming sa puso’y namugad,
Sa tapat na pagibig, lahat nag-ugat—
Dinggin nawa ang dalit ng pagibig kong tapat!

(Mayo 6, 1995; Malabon, Metro Manila)

***

Harana

Dinggin mo o, giliw ang aking tinig,
Buong tamis, sa iyo umaawit,
Dulot kaaliwan sa puso’t dibdib,
Aliw mula sa pusong umiibig…

Nawa’y sulyapan, kahit sasandali,
At dinggin ang aking nilulunggati,
Bigyan ng pansin, kahit kakaunti
Itong puso ko, tapunan ng ngiti.

Sa himig na likha ng aking gitara,
Bayaang aliwin, pusong nagdurusa…
Bayaan o giliw na awitan kita,
Nang ang puso mo ay bahagyang sumaya.

Kung hagyang maidlip, bayaang gisingin,
Nitong harana, puso mong nahihimbing…
At sa hatinggabi’y maaaliw na rin,
Yaring aking pusong labis ang panimdim.

Bayaang awitin ang himig ng puso
At nang mahayag ang lihim na pagsuyo…
Bayaan na dalhin sa pinakahulo
Masayang alaalang bitbit ng puso.

At kung maaari ay iyong sabayan,
Itong aking tinig, ng himig mo mahal…
Puso’y haplusin ng iyong pagmamahal,
At nang magdamag ay lumigaya naman.

Bayaan ang mga nilumang kundiman,
Ang siyang sumaliw sa sumpang salaysay,
Nitong pag-irog, tapat na pagmamahal,
Na hindi magmamaliw kailanpaman.

At sa pagsapit nitong bukangliwayway,
Bayaang sa awit ako magpaalam…
Hanggang sa susunod, aking minamahal,
Dinggin nawang muli ang haranang mahal!

(Disyembre 27, 1995; muling tinipa at isinaayos, Mayo 11, 2005)

***

Harana 1

Sa bahaw na tinig niyaring aking gitara,
Bayaang katukin ang puso mo nang harana,
Bayaang buong magdamag ay awitan kita,
Hanggang sa bukangliwayway ay sumapit na.

Tunghayan nawa’t matamang pakinggan,
Ang mga hinaing at mga panambitan,
Ng puso kong sawi at uhaw na uhaw
Sa kakaunting patak ng tapat mong pagmamahal.

Dinggin nawa, o hirang, ang bawat kong awit,
Ang himig ng gitarang puno ng pagibig,
Ang mga kundimang puno ng hibik,
Hibik ng puso kong tapat na umiibig.

At sa pagsapit ng umaga, bilang pahimakas—
Ay bayaang ang luha sa lupa’y pumatak…
Kasabay ng awitin kong buong tamis at timyas
Mapakita sa iyong pagibig ko ay tapat!

(Mayo 8, 1995)

***

Sa Paglubog ng Araw

Idako ang mata sa dakong Silangan,
Tanawin ang araw na handang mamaalam…
Ang lambong sa puso’t abang kalagayan,
Ang ipagsaya mo ng luhang nakahihilam.

Ingiti ang labi, kahit na mapait,
Halakhak at tuwa’y iyong iparinig…
Kahit ang mga ito’y huwad at pilit,
Iyong ipakita sa kanya’y ipamasid.

Kahit na maantak ang sugat sa puso,
Ay iyong ingiti nang buong pagsuyo…
Kahti ang pintig ng diwa at pulso,
Ay tumigil sa gitna ng ikot ng mundo.

Bayaang dayain kahit na pasumandali,
Ang puso’t damdamin, ang diwa mong iwi;
Bayaang tawaging sinungaling ang sarili,
Kung kahapisa’y hindi makandili…

Sa paglubog ng araw, iyong pagbilinan—
Dalhin ang kaluluwa, kasama sa hukay…
Nang yaring pagdurusa’t libong kahapisan,
Ay kahit bahagya’y mapalis, maparam!

(walang petsa)

***

Tala

Hayun! Aking namamalas—
Ang kaniyang kagandahang lubhang matimyas,
Kumikinang-kinang nang buong busilak,
Handog sa mata’y tuwang walang katulad.

Hayun! Aking naaaninag—
Sa kaniyang mukha ang ligayang walang katulad,
Naririnig ko ang bawat halakhak
Na sumasabay sa kaniyang pagkislap.

Ngunit sabi nga ng iba—
Ikaw daw ay mapandaya sa mata…
Ang aliw sa puso’y pansamantala,
Pagkat tuwing bukangliwayway ay mamamaalam na…

Ngunit kahit ganoon ang siyang palad,
Hindi rin kabiguan itong matatawag…
Pagkat paglipas nang buong magdamag,
Ay muli kang makikita’t puso ko’y hawak.

(Mayo 5, 1995; Malabon, Metro-Manila)

Isang Gabing Naglalaro ang mga Salita

1

Minsan isang gabing
Sa langit, tulala’y nganga:
Sa isang kisap-mata,
Gumuhit, liwanag
Na kukurap-kurap—
Nahuhulog ang isang bituin!
Nakalas man din sa pagkakabitin
Sa kalangitang tulad ng lampas-balikat
Mong buhok na lubhang kay-itim;
Gaya ng kislap ng mga mata mong
Ang misteryo, kaylalim
Tulad ng karagatan—kayhirap sisirin…

2

Habang siya’t nalalaglag
Nakanganga ang lupa.
Gaya ng sinapupunan
ng isang dalaga—
Siyam na siklo ng Inang Buwan
Guhit na tanda’y laging duguan.
Kapag ang punlang makilas
Nagtagpo, naghilahan—
Uha ng libong populasyon
Sasama sa amihan.

3

Paghalik sa lupa ng abang bituin,
Nilamon ng guwang, labi’y nagtiim.
Agad na dinilig, ng luha ng ulan—
Ilang saglit nag-ugat, nagsupling
Umabot sa tiyan ng Daigdig
Na lumuha’t humalakhak
Dahil sa kiliti ng alaalang sumagi
Sa isipang kumibo’t dili.

4

Habang ang hagikhik
Pumupuno sa isang himbing
Na bahagi nitong kamalayan—
Yaring butong bituin,
Lupa’y hinagkan, niyapos,
Salikop-ang-kamay.

5

Lupa’y naging kasiping,

Kaulayaw, gabi’t araw;
Kahalikan ang ulan
At hanging malamig sa damdam.
Alimuom ang siyang kasayaw.
Halumigmig ang siyang kahuntahan.
Ilang panahon pa’t
Ang dating buko’y
Ngayon, buong yabang
Paghahantad sa kanyang dahon
Sa silahis ng buwang ngiti’y
Luminaw, lumamlam.
Nakikipagharutan ang sibol
Sa tuktok ng halaman
Sa nangingiming uod at
Mahiyaing uwang.

6

Ilang tiktak pa ng Matandang Orasan
Ang bituing bumagsak
Nagbuko man di’t ilan pang
Kandirit ng liwanag at dilim—
Buko’y bumuka at agad nahantad—
Isang pula-puti-dilaw na bulaklak.
Ilang sandali pa, kasabay
Ng pananata ng Inang Buwan
Sa kanyang kagamapanan,
Pumuno sa hangin, halimuyak
Kay bango, kay bini, kay inam!

7

Ilang laglag pa ng dahon
Ng kalendaryong nakabitin
Sa ulilang dingding—
Talulot ng bulaklak
Sa isang iglap, agad na naluoy
Nawala ang ganda,
At ang kanyang bango—
Wala na roon…

8

Nakalulungkot ang mga pangitain
Nang makitang talulot, unti-unti
Parang luhang sumama sa hangin
Itinaboy sa kung saan, subalit
Sa langit, hindi man lamang ikinanti—
Kahit sasandali, ihalik sa puti-maputim
Na ulap na ilang saglit pa’y
Luluha dahil sa bigat ng kanyang
Dibdib. Ng kanyang pusong
Ibig na sumabog, mawasak.
Dahil sa pagkasiphayo, sa labis
Na pangingimbulo, salakhati.

9

Datapwa, sa isang iglap
Sa sangang ang talulot
Kanina’y luoy, tuyo,
Wala ni hagyang buhay
Tulad ng isang Anak ng Lupa:
Agad na pumalit, bilog
Luntian, makinis na bunga.
Bungang sa isang kisap
Agad ding nahinog,
Ilang sandali pa’y tinuka
Ng mayang munti—
Nabiyak ang balat
At ilang sandali pa’y
Buto’y nangalalaglag—
Pawang mumunting bituing
Sa langit nangalalaglag
Tulad noong gabing
Salita’y kumandirit
Palabas ng aking utak.

10

Bituing buto’y sumama sa hangin
Muling ibinalik ang sarili
Sa pagkakabitin sa saya ng langit
Na bughaw, puti, itim.
Subalit ang tanong ng sariling diwa
Sa akin: Hanggang kailan ang
Mga gabing salitang iaabsang
Ng mga labi’y hanggang laro lamang?
Kailan nga kaya, biro’y
Katotohanan? Kailan?
Ibig kasi ng puso’y hindi na biruan…

Mayo 12, 2005
Sta. Mesa, Maynila

N. B. Sa tulang ito nabighani sa akin ang aking asawa. May nauna pa rito. Ipapaskil ko ‘pag nagkaroon ng pagkakataon. Napapangiti ako habang inaalala ko ito.

Isang tula ng pag-ibig

Paglubog ng araw sa Look ng Maynila (Larawan mula sa sulit.com.ph)

patakan ng luha ang tuyong pagsuyo
muling panariwain, bitakang puso.
ngunit ‘wag abahin ng mga pangako
bagkus pakawalan sa pagkakasilo.

lingapin ng palad itong damdamin
para bang halaman, iyong pagpalain
ipahalik sa araw, ulan at hangin
nang mamukadkad nga at magbunga man din.

bagaman may bagyo, buhawi at dilim
huwag na pabayaang magmaliw man din
ang pagibig, pag-irog, pagsinta natin
mahirap nang mabuhay pusong nalibing!

tulad nang naturan, pangako ay silo
kaya sa labis ay huwag parahuyo
hindi sa salita, tunay na pagsuyo
kundi bawat pintig ng kuro at puso!

kaya nga bago lusungin at sisirin
dagat ng pagibig na napakalalim
hayaang manimbang at pakukuruhin
nang hindi maanod sa pusod ng dimdim!

Unang nalathala sa Facebook, Enero 31, 2010.