Lathalain

Ano ba ang lathalain? Ano ang ipinagkaiba nito sa balita?

Binigyang depinisyon ng Econnect communication ang lathalain bilang “pinakatampok na artikulo sa isang peryodiko o magasin.” Ang intensiyon o layunin nito ang nagpaiba rito sa ordinaryong balita.  Continue reading

Kayo ang magdala ng makakain…*

SABI NG ISANG MATANDANG kasabihang Hindi, “Mahalaga ang pagkain sa pagkatutong espirituwal.” Paano nga ba makapananalangin nang husto ang isang bata kung ang iniisip niya ay isang tasang kanin, isang pritong tuyo at isang tumpok na mga gulay? Kasama sa paghihimala ng Panginoong Hesu-Kristo noong nasa daigdig pa Siya, ay ang pagpapakain sa mga nagugutom (Cf. Mt. 14:13-21; Mk. 6:31-44; Lk. 9:10-17; Jn. 6:5-15;  Mk 8:1-9; at Mt. 15:32-39).
Sa Pilipinas, marami ang batang kulang sa nutrisyon. Hindi tayo kulang sa pagkain. Hindi totoo ang patalastas sa radyo at telebisyon na kapos ang daigdig sa pagkain. Dahil kung gayon, magsasara ang McDo, Jollibee, at Chowking dahil wala na silang sangkap na mailuluto at maipagbibili. Ang suliranin ng napakaraming pamilya, ang salaping pambili ng pagkain. Kapos sa salaping pambili ng pagkain ang ating mga kababayan dahil wala silang trabaho o kung may trabaho man, kapos ang kanilang mga sahod at sweldo para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

Sabi ng pinakabagong Social Weather Station survey, tumaas ang antas ng walang hanapbuhay sa bansa—13.8 milyon, kontra sa 9.7 milyon noong Disyembre 2011.

Pahayag ni Santiago Apostol, “Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, dalawin ang mga ulila at mga babaing bao sa kanilang kapighatian, at pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan” (Cf. Santiago 1: 27).

Ang pagkalinga sa mga nangangailangan ang tunay na batayan ng relihiyon. At bahagi ng pagkalingang ito ay ang pagtiyak na ang bawat isa ay nakababahagi sa biyaya ng Diyos, gaya ng pagkain at iba pang pangangailangan. Dagdag ni San Pablo, ang pagibig sa kapwa ang pinakamatining sa lahat. Aanhin mo ang himala, ang kapangyarihan, ang ibang wika kung bato naman ang puso mo? (1 Corinto 13)
Hindi naman nangangahulugan na dapat maglimos ka araw-araw para makakain nang husto ang mga bata. Pero maganda rin ito dahil sabi nga sa Ecclesiastes 11:1 “Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan: sapagka’t iyong masusumpungan pagkaraan ng maraming araw.” Ang ibig nating sabihin, bigyan nawa ang mga magulang nila ng sapat na pagkakabuhayan. Kung mayroon silang trabahong sapat ang kita, mayroon pa kayang batang magugutom at magkukulang sa nutrisyon?

(Nalathala sa quarterly newsletter ng Akap Bata Partylist, Abril – Hunyo, 2012)

___

*Juan 6:5-15

Juan Tamad nga ba ang mga Pilipino?

Tamad nga bang talaga ang mga Pilipino?

HINDI man aminin ng ilang nasa gobyerno, patuloy na dumarausdos ang kabuhayan ng milyun-milyong Pinoy. Bagaman sinasabi ng pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba nang halos dalawang puntos ang tantos ng mahihirap sa bansa—mula 51 porsiyento ng pamilyang Pinoy (mga 10.4 milyon) noong 2010, patungong 49 porsiyento (o katumbas ng 9.8 milyong pamilya) ngayong 2011—hindi maitatatwang hindi pa rin ganoong kabuti ang lagay ng marami nating kababayan. Continue reading

sahod-ulan

tigang pagkaminsan ang bukid ng isipan...

Siyam-siyam ang ulan. Subalit minsan, ang patak ng ulan sa atip ng isipan ay napakadalang. Parang paghihintay sa pagpatak ng ulan sa alinmang maumidong araw sa buwan ng Marso.

***

Kagaya ng pinitak sa tuwing sasapit ang tagtuyot, bitak-bitak na dumarating na mga kaisipan. Waring mababasag ang bawat piraso kapag pilit na pinaghugpong at walang silbing pagpatubuan ng anuman. Malibang may nakaantabay na ipong tubig sa balon o malaking katingan at pagtiyagaang pawiin ang bawat bitak sa pamamagitan ng pagpapadaloy ng sariwang tubig sa sugatang kaisipan.

***

Pagkaminsan, tila bagyo naman ang dating ng mga kaisipan — humahagunot, bumabayo. Napakahirap paamuin, napakahirap na pigilin. At sa ganitong panahon — para-parang ibig na mapagod ang isip at ipanalangin ang kagyat na paghinto sapagkat ang naunang naipunlang magagandang pangitain ay unti-unting nababalaho, naglalaho: tinangay na ng malakas na hangin at linunod ng ulang pabugsu-bugso.

***

Sinasahod ng isip ko ngayon ang ambon. Uhaw siya sa bagong mga kaisipan — banal at karnal. Nauuhaw siya at agad niyang isinasahod ang kanyang dila sa ambong hindi man lamang makabasa ng kanyang barong suot. Subalit maghihintay siya at hindi maaampat ang kanyang pananabik. Kapag lumakas ang ulan, isasahod niya ang basag-ang-bibigang tapayan para roon ipunin ang ilang matamis at mapaklang patak ng ulan.

Kung lumakas man ang turbunada, magsiyam-siyam man ang ulan ay walang takot siyang lalabas at sasalunga sa alimpuyo ng hangin at agos. Bakit? Dahil uhaw siyang katulad ng bukid na ilang ulit na pinagkaitan ng patak ng ulan. Kaya, kahit na umapaw pa’t hindi niya kayang tanganan — hahayaan lamang niyang dumaloy at umapaw ang lahat ng ideya… at saka naman niya pababayaang lunurin ng mga salita ang blangkong papel na nasa harap niya…

Calatagan, Batangas: Muling Pagsulyap

BATA PA AKO nang una akong makarating sa probinsiya ng tiyahin ko: Calatagan, Batangas. Apat na oras na biyahe mula terminal saPasay, apat na oras ding pagsasawa ng tingin sa berdeng-berdeng pinitak na natatamnan, kundi man ng pinya (sa bahagi ng Lungsod ng Tagaytay sa Kabite), ay palay o mais. Panaka-naka, makikita mo sa kahabaan ng lansangan ang nanginginaing mga baka at kalabaw, mga dayong ibong matiyagang naghihintay nang masisila sa bagong katutubig na mga palayan, mga magsasakang nagsusuyod o nag-aararo ng bukid. Para sa akin, ang Calatagan ay isang bunton ng hindi malilimutang mga alaala.  Continue reading

Sa aking mga mambabasa

Sa ika-17 ng Hulyo, magdadalawang taon nang lumalangoy sa kalawakan ng birtuwal na reyalidad ang blog na ito. Sa loob ng dalawang taon, mahigit 40 libong katao na ang tumingin at nag-usisa sa kung anumang kabaliwang nasusulat dito: mga tula ng protesta; nakaririmarim at pagkaminsa’y malibog na kuwentong buhay; mga sanaysay na naglalaman ng kuru-kuro; at mga larawang hinalbot sa kung saang website at inilagay rito. Continue reading

KM2: Bugtong ng Pagibig

Kagaya rin kaya ng lason ng dikya ang pagibig ng isang manananggal? O katulad ng peklat sa kuyukot na hindi matanggal? Hindi natin alam. Basta’t ang alam natin, ang pagibig ay katulad ng maharlika na iginagalang dahil banal. Subalit ano nga ba ang pakahulugan ng pagibig? Isang damdaming hugot mula sa dibdib. Isa itong tinig na umaalingawngaw mula sa yungib na kung tawagin—puso. Continue reading

Mula Tula Hanggang Dula, Mula Tradisyon Hanggang Sa Bulok Na Sistema: Ang Panitikang Mapanghimagsik Sa Panitikang Pilipino*

Mark Joseph Rafal

“Napopoot tayo pagkat nagmamahal: pagkat tayo’y saksi sa pangangalawang…

Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal; nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.”

Bahagi lamang ang nasabing mga linya ng isang tula ni Romulo Sandoval, isang rebolusyunaryong makata at isa sa mga makatang naging tinig ng mga uring-anakpawis nuong panahon ng dekada ‘70, ang dekadang ipinunla ang pagkakaroon ng Batas Militar sa bansa. Pagkat Tayo’y Nagmamahal ang pamagat ng nasabing tula na tumatalakay at nagpapakita sa kondisyon ng mga obrero’t magsasaka sa panahon kung saan namamayani ang ligalig at takot sa paligid. Kung papansining mabuti, ang tinig sa tula’y iniuusal ng isang obrero o magsasaka na lubos na nagmamahal—hindi ang malagkit na pagmamahal sa isang sinisinta—kundi ang pagmamahal sa kalayaan nilang makawala sa kadena ng mga nang-aapi sa kanilang uri. Halimbawa ang tulang ito ni Mulong ng isang tula ng paghihimagsik laban sa mga uring sumisipsip lamang ng dugo sa mga tulad nilang pinapatay na halos ng pagod na ang kapalit ay tila limos pa nilang hinihingi. Sapagka’t mayruong iba’t ibang antas at iba’t ibang uri ng paghihimagsik, ang tulang ito ni Mulong ay isang magandang halimbawa ng paghihimagsik laban sa pang-aalipin at pananamantala. Ang mga ganitong akda ay pagpapatunay lamang na ang Panitikang Mapanghimagsik ay patuloy na umiiral sa anumang panahon, saan mang larangan at sa iisang katotohanan na ang paghihimagsik ay bahagi ng lipunan na ating ginagalawan. Continue reading

Ipuipo sa Piging at pagaspas ng ilang mga alaala

Pabalat ng Ipuipo sa Piging (Idinisenyo ni Randy Valiente)

MULI kong sinulyapan ang mga pahina ng Ipuipo sa Piging, ang kalipunan ng mga akdang nasusulat sa Filipino na nailathala at naipamudmo sa tulong nina Fermin S. Salvador, Abet Umil (na nagsilbing editor) at Randy Valiente (na naglapat ng teksto at nagdisenyo ng pabalat). Inilunsad ito sa panahong humahaginit ang ulan at nagpapatuloy ang isang mahaba at masalimuot na hostage crisis sa Luneta na ikinamatay ng walong katao, kasama na ang naghuramentadong pulis na si Senior Police Inspector Rolando Mendoza.

Sa 328-aklat, natipon ang 32 makata’t manunulat na mula sa iba’t ibang panahon, kabilang na ang pinarangalan kamaikailan na Makata ng Bayan na si Alexander Martin C. Remollino na namatay noong Setyembre 3 dahil sa tindi ng komplikasyon ng diabetes. Noon palang malamig at maulang gabing iyon ng Agosto 23, ang huling pagkikita at pagkakatalamitamang diwa namin ni Alex.

***

HINDI KO MAIWASANG mamangha at maluha sa mga teksto ng nasabing aklat, na kinabibilangan ko rin dahil bukod sa damdamin, kakikitaan mo ng talas at talim ng pangmasid sa lipunan ang mga nagsipag-ambag, na kabataan ang karamihan at ilan-ilan ang sinasabing muhon na ng panitikang nasusulat sa Filipino (Rogelio L. Ordoñez, Gellacio Guillermo, Reuel M. Aguila, Jimmy Domingo, Fermin Salvador; at ang ilang may kabataan pa rin naman na sina Abet Umil, Ed Nelson Labao, Danny Diaz, German V. Gervacio, at iba pa).

Pagsulat ni Fermin S. Salvador:

“NI HINDI PAPANSININ, lalong ‘di seseryosohin, kapag may naglatag ng premisa na kasingdilim ng lupaing may makapal na lambong ng maitim an ulap ang senaryo ng kultura at literatura sa Pilipinas sa kasalukuyang panahon. Tatawanan lang ang pahayag na ito ng mga namumunini sa istatusko. Hahatulang bahaw na boses natanging sa gma nagugutom sa pansin ng umiiral na dispensasyong pangkultura at pangliteratura magmumula.” (p.8)

Hindi ito simpleng deklarasyon na bunga ng pantasya at kahibangan ng isang nahanginang tuktok. Napatutunayan ang pahayag na ito ni Ka Fermin ng kasalukuyang kalakarang umiiral sa mga pasulatan—sa palimbagan man ng batayang aklat na ginagamit sa elementarya, haiskul, at kolehiyo, sa mga peryodiko’t magasin, at maging sa palimbagan ng mga nobela at aklat na nasusulat kapwa sa Filipino at Ingles: lahat ng mga empresang ito ay nagluluwal ng panitikang naglalangoy sa ilusyon nang di-pumapait na pag-ibig, ng mga kalibugan at iba pang kabaliwan.

Sabi nga ni Rogelio L. Ordoñez na nag-ambag din sa IsP,

namamayani pa rin sa ating bansa, lalo na sa komersiyal na mga babasahin sa sariling wika, gayundin sa mga pelikula at programa sa telebisyon, ang literatura ng kababalaghan at kahangalan na nagbabandila ng kagulatgulat na pakikipagsapalaran ng mga may agimat, ng mga kalabaw at kabayong nagsasalita’t lumilipad, ng mga bibing nangingitlog ng ginto, ng mga biyenang engkantada at mga nobyong mamaw, habang nagtatampisaw sa nagahasa nang tema ng mautog na paglalambingan at pag-iibigan, upang patuloy na aliwin at lunurin sa balon ng mga pangarap ang busabos na sambayanan sa ilalim ng isang sistemang mapang-alipin at mapanikil para makalimutan ng mga ito ang kanilang gutom at mga dahilan ng kanilang pagkabusabos nang, sa gayon, di sila mamulat at maghimagsik (mula Literatura ng Uring Anakpawis, na nailathala sa blog ni Ordoñez).

***

SA PAGBABALIK-TANAW ko sa mga pahina ng IsP, hindi maaaring hindi mo maramdaman ang marahas subalit napakasarap na dapyo ng nag-aalimpuyong hangin ng ipuipo ng pananaw at mga damdamin, kagaya ng pagmamahal at damdamin ng pumanaw kong kaibigang si Alex.

Hindi siya romantiko at pinatunayan ito ng pahayag ni Bb. Rebecca Lawson, ang kanyang katipan at nakatakda sanang maging kabiyak sa darating na Pebrero 2011: hindi siya nagawan ni Alex ni isa mang tula ng pag-ibig.

Magkaibang-magkaiba kami ni Alex. Nakilala ako sa mga tula ko noong araw, noong wala pa ako sa kilusang nagsusulong ng pambansa demokratikong mga layunin sa mga tagulaylay at tula ng pag-ibig na ayaw na ayaw niyang isulat.

Sabi nga niya sa kanyang tula, kaabay lamang ng pagpapakilala sa kanya sa aklat na nilagdaan niya ng isang dedikasyon para sa akin (Ka Noel, Alang-alang sa lahat ng pinagsamahan at pagsasamahan pa sa mahabang pakikibakang ito! Lgd. Alex Remollino):

Hindi na lamang ako tutula
kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin
ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,
o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.
Hindi lang iyan ang katula-tula—
lalo na sa mga panahong ito
ng pamamayagpag ng mga kuto’t lintang
nagbabalatkayo bilang mararangal na tao

(Hindi na Lamang ako Tutula, p. 241).

Huwag sanang ipagkakamaling hindi marunong umibig si Alex. Marahil ay hindi lamang siya naniniwalang sa pagbibigay ng bulaklak at regalo at pagtula ng pag-ibig maipakikita ang pagmamahal. At nasa ibang antas ang uri ng pagmamahal na bumabalong sa kanyang dibdib, gaya nang ipinakikita sa kanyang huling piyesang nailathala sa IsP:

Parang mga punyal ang ating mga panulat,
Tayo’y humahawak ng mga punyal
sapagkat minamahal natin
ang kinakalawang na mga bisig na nagpapaikot
sa mga gulong ng mga makina sa mga pabrika
at sa nagpapaandar sa makinarya ng ating kabuhayan;
sa gma parang at sa buong sambayanan
na ang sariling mga buhay
ay lagi’t laging saklot ng tagtuyot.
Minamahal natin sila
sapagkat tayo’y mayroong mga puso.
Kaya’t parang mga punyal ang ating mga panulat. (p. 247)

***

MAPAIT at masaklap na mawalan ng kaibigan at kasama. Kagaya nang nasabi, pitong taon kaming nagkasama ni Alex—sa mga tulaan, kainan at mga rali at demonstrasyon. Pareho kaming naniniwalang tanging sa pakikipagtagis sa kapangyarihang naghahari sa kasalukuyan, at paggapi roon sa pamamagitan ng marahas at mapangahas na uri ng pakikibaka, mapalalaya ang lipunan at mapalalaya rin ang mga artista’t manunulat mula sa kawing ng bulok na uri ng panitikang inilalako ng mga monopolyong nagmamay-ari ng imprenta at naghahari-harian sa lipunang ito.

Pero higit na mapait ang katotohanang ipakikita ng mga tulang isinulat ng kababaihang makata sa katauhan ni Diana Galaura Cabote:

Tulog na aking bunso,
Ang ina ay pansamantalang lalayo.
Alipin ng makina ang ina mong aba,
Sa loob ng walong oras o higit pa.
(Uyayi ng isang Manggagawang Ina, p. 28)

Ni Andang Juan,

Ako ay kinalma
ng natatarantang mga kamay (ng kahera)
at itinapat sa tagusang salaming
pinaglalagusan ng isang pulang ilaw.

At mula rito, nalaman kong
ako’y may halaga.

(General Merchandise, p. 36)

Ni Ma. Ellia Fatima A. Isaac:

Pag-ibig nasan ka?
Bakit hindi ka matamasa
Sa samotsaring palitan
Ng lawa at pawis.
Mula sa hubad na katauhan
Na ang tingin sa babae’y isang laruan
Pinagugulong at pinaiikot
Sa sandamakmak na kasinungalingan
Para sa sandaling kalibugan.
Hindi ba’t isang kahungkagan?

(Tulang Walang Pamagat, p. 19)

At ni Pia Montalban:

Kinilatis
mo na ba ang sarili mong kutis?
At ang pagsusuri’y anong kinis?

Si Haring Bulawan ang siyang naghandog
Ng ginintuang baluti na siyang katutubong alindog.
Ngunit tampalasang likas ang tao
‘di nila magawa ang siyang makuntento.

Papaya, pipino, hydroquinone
Quesehodang bulsa’y tamaan ng sipon.

(Skin White, p. 39)

Gayundin naman sa mga pahayag nina Rowan Canlas Velonta:

Nakikita mo sila sa iba’t ibang hugis
Lumilitaw silang paisa-isa o sabay-sabay
Nagpapasalin-salin sa mga labi, sa mga pisngi
Dumadampi sa mga guhit ng palad sa kamay
Dumdagan sa dibdib sa yakap na mahigpit…

(Maraming Pangalan ang Kalungkutan, p. 47)

O ni Ed Nelson Labao, na isa ring bagong tagpong kaibigan:

Inilipad ng hangin, mabigat
na damdamin
habang ginugunita, huwad na kasarinlan:

pinay, humalik sa paalis
na sakang
luha sa kinse-anyos
na dalagita’y nangilid
tutungo sa baang
lapad ang sisikatan…

(Takas sa Hunyo, p. 51)

O ni Jimmy Domingo,

kayurin ng buldoser ang mga palayan
gawing golf course para sa mga dayuhan

pagsapit ng matinding kagutuman
mag-import ng bigas, may kita pa diyan…

(Putahe 2000, p. 77)

***

HIGIT PA SA aklat-kalipunan ng mga tula’t sanaysay o kuwento ang IsP. Isa itong malakas na bigwas sa inaagiw, inaamag at nabubulok na sistema ng panitikang Pilipinong pilit na binabago ng mga manunulat at makatang katulad ni Alex at ng marami pang iba.

Hindi ito panitikan na lipos ng pag-ibig na punumpuno ng romansa at kalibugan, na iniluluwal ng mga pusong bulag, kiti ng puson, at mga larawang likha lamang ng purong imahinasyon.

***

Marahil, pagagalitan ako ni Alex kung malalaman niyang nagsusulat ako ngayon ng ilang akdang hindi niya magugustuhan dahil sa tema—pag-ibig, kababalaghan, katatakutan, at ilang kalibugan. O kung katuwaan man niya ay pupurihin niya ang estilo, ang gamit ng mga salita, subalit aaglahiin niya ang nilalaman. At matutuwa naman ako sa ganoon dahil nagmula ang pagpuna sa isang iginagalang kong makata’t manunulat, kaibigan at kasama sa isang mahabang pakikibaka laban sa inhustisya’t kabusabusan, para sa isang maalwan at masaganang bukas para sa mga uring anakpawis, mga kakaning-itik o mga taong nasa laylayan lagi ng mapagbalatkayo at mapag-aglahing lipunan.

Pero hindi ko na nga makakasama si Alex sa mga lakaran, tanging sa mga pahina na lamang ng aking inaagiw na mga alaala.

Kaya nga, hindi ko maiwasang mapaluha nang mapagawi ang aking tingin sa mga pahina ng IsP. Bumubukal sa aking dibdib ang malungkot na mga alaala na hatid ng hangin at malakas na ulan nang panahong ilunsad ang aklat, mga alaala ni Alex.

Subalit alam kong hindi naman siya nawala. Naririyan lamang siya at buháy—buháy na buháy sa kanyang mga akdang nalimbag, hindi laman sa IsP kundi sa utak at isip ng masang kanyang pinaglingkuran. At kahit ako’y sumusulat ng tula ng pagibig at pagsisintahan, iyo’y salaysay na ng pagibig at pagmamahal sa sambayanang higit na nangangailangan ngayon ng ginto at dalisay na aral na dulot ng panitikang makatotohanan at makabuluhan, gaya nang isinusulat ni Alex at ng iba pang manunulat sa IsP.

Lungsod ng Antipolo, ika-21 ng Setyembre 2010
Ari ang lahat ng karapatan | © 2010

tagulaylay ng isang makata’t manunulat

HINDI NA ako magpapaliguy-ligoy pa. Ang pagiging manunulat dito sa atin ay isang pagpapagutom, kung hindi man, ay tuwirang pagpapatiwakal sapagkat binabarat, o manapa’y hindi binabayaran, ang bawat salita at pananda, ang bawat pangungusap, parirala at talata, ang bawat taludtod at saknong.

Napakasakit na isipin na hindi mo ikabubuhay sa Pilipinas ang pagiging makata at manunulat; at ang tanging kasiyahan mo na lamang ay ang mabasa ang iyong pangalan sa isang lathalain o tula o sanaysay o balitang iyong isinulat.

Iyan ang mapait na reyalidad na kinahaharap ngayon ng mga tulad kong inibig ang pluma at napaasawa sa mga salita at talinghaga. Isang mapait na pagkaing kailangan mong lulunin sapagkat iyon na ang nakagisnang kalakaran.

***

Upang kumita ng kaunting salapi, kailangan mong manlimos sa mga pasulatan, gaya nang madalas kong nararanasan. Para kang asong naglalaway sa inilalawit na buto ng kapitalista (na nagkataong lider-relihiyoso pa) na pagkalapat sa iyong sikmura’y parang hangin lamang – nakakapagpakabag.

Hindi, hindi talaga makabubuhay ang pagsusulat dito sa Pilipinas.

***

Ang pagdaralita bilang manunulat, laluna kung ang tula at sanaysay, mga balita’t kuwento, ay alay sa sambayanan ay hindi naman totoo sa ipinagpuputa o ipinangangalakal ang kasagraduhan ng sining ng pagsusulat.

Ibig mong kumita nang malaki? Mag-PR ka para sa isang politikong nagpapasasa sa kinurakot na yaman mula sa mga manggagawa’t magsasaka, mga maralitang tagalungsod at intelektuwal na nagpapakakuba sa pagtatrabaho. O kaya naman ay languin ang utak at puso ng masa sa mga sulating nakapanggigilalas at hindi kapanipaniwala, nakalilibog o nakapagpapatirik ng kanilang ulirat. Subalit sa ilang “mulat” at nakaaalam ng tunay na ugat ng anti-intelektuwalisasyon ng mga Pinoy at Pinay, ay hindi makasisikmura ng ganoon.

Magpapakagutom na lamang sila, magdidildil ng asin, at titiisin ang pag-alimura ng pamilya, kaanak at kakilala, basta hindi lamang malahiran ng masamang laway – mabagsik at maasido – ang titik ng kanilang pagsusulat.

***

Sabi ng isang pilosopo at progresibong-mag-isip na Aleman, “Ang tao’y dapat naghahanapbuhay at nabubuhay para makapagsulat; subalit hindi dapat na ipaghanapbuhay ang pagsusulat.”

Nagtatalo ngayon ang isip ko: Paano ko gagawing hindi hanapbuhay ang aking pagsusulat gayong iyon lamang ang alam ko? Makirot ang katotohanan. Subalit kailangang tanggapin. Ngunit kailanman, hindi ko iiwanan ang pagsusulat. At hindi ko ito ipagpuputa, kagaya ng iba. Hindi.