Tag Archives: sanaysay para sa isang kaibigan

Liham para kay Alex

Mahal kong Alex,

Pasensiya ka na’t hindi na ako pupunta sa iba pang mga parangal mo at gayundin, sa libing mo. Siguro naman maiintindihan mong hindi ko kayang makita kang nakaataul.

Ilang gabi na rin at araw akong umiiyak, bagay na kung tutuusin, sasabihin ng ilan, ay hindi bagay sa isang lalaking tulad ko. Pero hindi ko mapigilan ang mapaluha sa pag-alaala sa pitong mabuti at mabungang pagsasama natin bilang magkaibigan, magkamakata, magkasama sa iisang kilusang nagsusulong ng kapakanan at karapatan ng malawak na sambayanang maluwat nang pinagsasamantalaha, inaabuso’t inaapi.

Masakit sa loob ko na hindi man lamang kita nakausap nang matagal sa lunsad-aklat ng Ipuipo. Naging abala ako sa pag-estima sa ilang kaibigan at hindi kita nakahuntahan bagaman nakapagpapirma ako sa iyo ng libro. Nakangiti ka pa subalit ngiting matamlay at kulang sa tamis, sa lasa ko. Pero hindi ko iyon pinansin. Batid ko kasing lagi kang pagod sa dami ng gawain para sa masa – magsulat, magpunta sa mga demonstrasyon at piket, makipag-ugnayan sa mga kakaning-itik sa mga pabrika’t empresa, sa mga bukirin at pantalan, sa mga lugar na nalimot na ng ating magaling at kagalang-galang na gobyerno.

Masama ang loob ko Alex, dahil lumisan kang hindi ka man lamang nagpaalam nang maayos. Pero naiintindihan ko. Marahil, ayaw mo ring makita ang mapapait naming ngiti. Pero tumatarak sa puso ang bawat sandaling nababatid kong hindi na kita makakasama sa pagmemeryenda, sa mga umpukan ng makata at manunulat, sa bagong pahayagang itinayo namin na tiyak, ikatutuwa mo ang pangalan dahil makabayan ka.

Alex, bakit nga ba napakasakit na yugto ang bawat pamamaalam? Bakit dumuduro sa puso’t kaluluwa ang malamig na hangin sa pagsapit ng gabi at naalala kong nakalagak ang mga labi mo sa isang kapilyang protestante sa Cubao? Ay, Alex, kung nalalaman mo lamang ang kapaitang nararamdaman ko at maging ng iba pa…

Pero alam, mo Alex, marami akong napagtanto nang mamaalam ka.

Napagtanto ko na kailangan kong tanggapin na lahat ng bagay ay may katapusan – bawat buhay ay mayroong kamatayan. Kagaya ng tula, mapaepiko man o rengga, kailangang tuldukan at tapusin… pansamantala.

Na kailangan naming dugtungan ang nasimulan mo. Nangako ang grupo na ipagpapatuloy namin ang pagtula na may talim at hihiwa sa pinakakalamnan sa pinakaloob ng konsiyensiya at puso ng masa.

Na kailangan naming matatag para sa iyo at sa iyong pamilya, at siyempre pa – para sa masa.

Pare, hindi ko man nasaasabi sa iyo, isa ka sa pinakaespesyal kong kaibigan. Marami akong natutunan sa iyo. At ngayon ngang namaalam ka, sinasabi ko sa iyo, hinding-hindi ka maglalaho sa puso’t isip ko, namin… Mahal na mahal ka namin, Alex… mahal na mahal…

May luhang lakip
ang mga katagang
magsasara sa liham na ito -
liham ng pamamaalam
sa isang dakilang rebolusyonaryo,
malapit na kaibiga’t kasama.
Mapait at matamis ang bawat patak
Mapait – gawa ng pamamalaam
Matamis – dahil sa alaala ng iyong
mabunga at makabuluhang buhay.
hanggang sa muling pagkikita.

STP! STR!

Noel Sales Barcelona
KM 64
Lunsod ng Antipolo, ika-7 ng Set. 2010