Ang FIESTA COLORADA

BUNGAD SABI. HINDI pa man nakapagmumumog ni nakapag-aalmusal, hinarap ko na agad ang computer para isulat ang munting pagmumuni-muning ito. Baka tulad ng madulas na dalag, hindi mo agad masalakab at matalabusab ka pa sa putik sa linang.

Muling nagkarambola ang sambayanan sa kakaibang pistang eleksiyon o halalan ang pangalan. Ilang buwan ding kumulili sa tainga at nagpahilam sa mata ang iba’t ibang kulay ng banderitas na nakadamit sa mga payaso. Ang eksaktong petsa ng pista: a-diyes ng Mayo.

Larawan mula sa realshowtime.com

BAGO ANG TALAGANG ARAW NG PISTA DE PATARANTA. Naku! Kay ingay! Kay saya! Sa trompang nakakabit sa ibabaw ng trak, van o dyip maririnig mong paulit-ulit ang mga awiting nagsasambit ng pangalan ng pulitikong iyo nga bang ibig?

Naku! Nakakatuwa! Pati siguro ang Diyos ay napapahanga! Para kasing dasal at nobena sa patron ang mga awitin iniaalay sa lupang poon.

Sa buong paghahanda sa pista, kukuliliin ang tainga mo ng tunog at dagundong ng tambol ng nagmamartsang musikong bumbong:

“Ay, lapit! Lapit! Walastik!

Dapat nga ninyong makita

Itong aming mga gimik!

Mata ninyo ay luluwa

Ay, sa hitang makikinis!

Ligaya ay walang mintis”

Sa gitna ng parada, bukod sa bitbit na mga artista, mayroon ding libreng pamigay: mumurahing pulseras, pamaypay, sombrero at ang pinakaaabangan ng lahat: ang kendi na ang pabalat ay mukha ng nagmamagaling na pulitiko.

***

Banal banayod, sa ilalim ang kayod... (Larawan mula sa papalbusters.blogspot.com)

ARAW-ARAW ANG MISA KANTATA AT PADASAL. Gayunman, hindi si Santa Marta, San Pedro o San Juan na Apostol ang patron na sentro ng pagdiriwang: kundi ang iba’t ibang lords: drug lord, gambling lord, war lord at kung anu-ano pang lord.

Wala man sila sa langit ngunit may kakayahan naman silang magmilagro at makapangyarihan nga silang totoo.  Dahil sa isang salita lamang ng mga “poong” ito, lahat ng bagay ay nagkakatotoo:

“Magkaroon ng mall sa gitna ng bundok que se jodang mamatay ang mga Igorot!” at nagkaroon nga. At nakita ng lord na mabuti—mabuti sa kaniyang mga aleporis, kamag-anak, at kulasisi.”

Kaya sabi pa ng makapangyarihang panginoong walang sinag sa noo at tuktok: “Magkaroon ng putahan, pasugalan, at mariringal na pook para sa aking kabig at kapanalig!” at nagkaroon nga. Ang saya ng lahat, samantalang patuloy namang umiiyak sa gutom ang mga ina, ama at sanggol dahil sa kawalang hanapbuhay na magbibigay sa kanila ng malalamon.

Iyon ang milagrong hindi kayang gawin ng mga diyus-diyusang buhong: ang gawing maalwan ang buhay ng bayan kong lubog sa kumunoy.

***

Pangakong napapako, rumerepeke hanggang hating-gabi! (larawan mula sa madah.com)

DINAIG PA ang tunay na nobena sa talagang santo at santa, ang pagpapaariba ng mga bolada sa panahon ng eleksiyon. Maparadyo, peryodiko at telebisyon ang “nagdarasal” na pulitiko ay naroroon—paulit-ulit ang pagigigiit na sila ay sugo ng Poon at sila ang sa bansa, na lugmok sa dusa, ay mag-aahon.

Ay tunay ngang kay saya-saya! Lahat ng patalastas sa telebisyon ay kinabog na nila. Minuminuto ang boses nilang soprano at alto ang maririnig mo. Maging sa panaginip at bangungot mo, naku! Pihado! Kapiling mo na rin ang manliligaw na mga pulitiko!

Pero sandali! Mayroon pang isang pangitaing nakawiwili: Hindi baga ninyo napapansin na magkakamukha sila at iisa ang kanilang ngisi? Ayon! Kaya naman pala! Magkakamag-anak, mag-iina at magkakaibigan kasi!

***

Ahahay! Ahahay! Akala mo'y tunay. Puwit ng baso pala ang siyang kapantay! (larawan mula sa internet)

UNANG DALOY NG PRUSISYON DE PANG-ULOL. Patuloy ang pag-usok ng insenso ng mga boladas at pakitang-taong kabaitan sa balana nitong mga payasong nakadamit ng bahaghari. Upang “mapatotohanan” ang kanilang pagiging serbidor publiko’t pagiging santo, naririyan ang mga tulay, kalsada at munisipyong ipinagawang nakabandera ang pangalan at mukha ng demonyo, este, ng anghel na pulitiko.

Kaya nga kaniyang pakiusap sa mga boboto (na may halong kindat pa ang loko):

“Oh, iboto ninyo ako

Tunay akong lingkod ninyo

Tingnan ninyo, tingnan ninyo!

Mga gusaling ipinagawa ko

O, kaygagandang totoo!

Nakapinta, pangalan ko!”

Kaya nga, maiisip natin na dapat nga siyang iboto.

Pero, teka, teka, mga katoto… naisip na ba ninyo na ang pera natin—ang buwis natin sapilitang sinisingil ng Estado ang ipinagpagawa ng mga tulay, kalsada’t munisipyong nabanggit. Hmn… bigla ka tuloy mapapaisip.

***

kawawang madla, mata ay pinaluluwa sa ilusyong hatid ng diputadong "dakila" (larawan mula sa http://rws-blog.rhapsody.com/)

ARAW AT GABI BAGO ANG BISPERAS NG FIESTA COLORADA DE PATARANTA. Puno ang mga plasa at mga bulwagan dahil sa libreng palabas na bitbit ng mga sirkerong hunghang.

Sa entablado, patuloy na humaharibat ang mga balakang at umaalog ang suso ng kababaihang nagsasayaw sa ibabaw ng tanghalan. Kaalinsabay ng mahaharot na tugtog, pumapakakak naman ang sari-saring pangako at pagsuyo para masungkit ang pagsang-ayon ng masang “iniirog.”

Parang kabaret ang bawat sortie sa bayan-bayan na biglang magkakaroon ng kuryente dahil sa generator na inupahan ng mga pulitiko at mga limatik na nakadikit sa kanilang mga pundilyo. Hindi plataporma-de-gobyerno ang pangunahing atraksiyon sa mga pagbisitang ito ng “kagalang-galang” na mga pulitiko kundi ang kababaihang mananayaw na halos nakahubo na sa ibabaw ng entablado.

Upang hindi naman magselos ang mga nobya at asawa ng mga lalaking tulo-laway sa senaryong nakikita, agad namang pasisilbatuhin sa ibabaw ng tanghalan ang bayarang mga mang-aawit at gayundin ang sari-saring “queen”—beauty queen, drama queen at aringking-queen para tulungang bolahin ang mga nanay na halos magkandakuba rin sa pagtatrabaho sa kusina, sa labahan at maging sa ibabaw ng bubong kung minsan.

Sila kasi, kapag wala ang mga asawa, ang nagsisilbing panday ng bubungan, kisame at maging ng mga lababo at inidoro ng tahanan.

***

PERYAHAN. Dahil pista nga, naririyan ang beto-beto at ang larong sa-pula, sa-puti. Pero ang pustahan ay hindi naman ganoong kadali. Dahil ang kinabukasan mo ang siyang nakahatag sa mesa ng saklaan at ràmí.

Tutrumpeta na ang mga chuwari-wariwap, mga himod-pundilyong kantanod ng mga santong walang sinag ang noo at tuktok. Kapwa mahirap ang siyang bibiktimahin ng mga hindot. Bibigyan ng limandaan at t-shirt na isusuot. Kukumbinsihing ang itiman na bilog: katapat ang pangalan ng pulitikong mabantot. (Puwera siyempre ang ilang progresibong kandidatong nakikiamot ng botong limos… Ilan lamang talaga sila… iilan lamang).

Hindi mo ba naiisip na napakamura ng halaga ng iyong kinabukasa’t kaluluwa? O kahit sabihin pang milyones ang ipusta—sino ba ang lugi: ikaw o sila?

***

Ilusyon lamang ang pangakong bahaghari. Walang gusi ng ginto sa dulo ng pisi. (larawan mula sa http://standeyo.com/)

IBA PANG MAKULAY NA LAHOK: LARO SA APOY AT SAYAW SA BUBOG. Siyempre isang atraksiyon din sa pista ang paputok at makulay na fireworks display. May pula at may dilaw na sumasabog na kulay sa ere ang matutunghayan. Mga ilusyon at pangarap na kapag nahipan ng hanging habagat at amihan, mawawala’t sukat at ang maiiwan ang kinabukasan mong nakalutang.

Mayroon pang ibang klaseng paputok na tampok sa piyesta ng mga timang: pero hindi kuwitis at makulay na fireworks ang mapapanood.

Sa pagrepeke ng machine gun, armalite at granada ng mga upahang militar at maton: makikita sa balita, naghuhumiyaw ang headline: Sumabog na utak ng kampanyador! Tadtad ng bala na katawan ng pulitikong kaalit ang bumabandera sa boob tube. Masaker! Masaker! Masaker! Gulo! Gulo! Gulo! Lahat ay dahil lamang sa naising makaupo sa puwesto. Pero ang tunay na biktima rito: ang inosenteng mga tao, ang walang malay na miron ng pista ng mga demonyo.

***

Makabago man ang salamangkero, iisa pa rin ang mahiyang taglay nito. (larawan mula sa http://www.odmrobots.com)

SA BULWAGAN SA TABI AT GITNA NG PERYAHAN. Salamangkero ba ay mawawala sa entablado ng ulol? Siyempre hindi, madyikero’y naroon. Pero dahil “techie” na ang eleksiyon, madyikero’y techie rin ang alam na ilusyon.

Pagpasok ng balotang may taglay na itim ang hugis itlog: paglabas ng resulta: ka-boom! Ang inaamalang manok ay itlog na pala! At ang nang itlog ay mapisa: Putris! Pindehong kuneho pala! (Tabi-tabi po, baka po manuno. Ayaw ko pong magturo… kayo na po ang magkuro!)

***

ARAW NG PIYESTA. Ay, nakababaliw! Totoong nakakaliw! Minsan lamang maganap ang ganitong uri ng piyesta at piging subalit ang kalat at basura’y habambuhay na nating kapiling.

Sa inyo, na tulad kong dadalo bukas sa piging, ito ang aking habilin bago sa litsong hain ng pulitiko ay matusing:

Kaya, nga giliw mag-isip ka

Sa kanila ba’y pabobola?

Sa kuwarta ay padadala?

Oh, huwag, huwag naman sana

Sapagkat sa mali mong tira

Buhay mo nga ang nakataya!

***

HABOL SABI. Gayunman, sa abang palagay, hindi tayo dapat patali sa sinturera ng huwad na ‘demokratikong’ gawi. HINDI na pistang kung tawagin ay halalan ang magliligtas sa bayan nating sawi.

Dinggin nga ninyo, ang martsa at dagundong sa may dakong Silangan ang gawi. Naririyan na ang tunay na tagapaghatid ng balitang anong buti: Alipin ay timawa na’t hindi na muling aalipinin!

Kung kailan ang takdang petsa? Kayong masang sambayanan at ang inyong taliba ang siyang magpapasya.