Baha, layak at mga alaala

TUWING bumubuhos ang ulan, parang lalamumang nakanganga ang mga imburnal at kanal sa tapat at gilid ng bahay namin. Parang uhaw na uhaw na lalagukin ang bawat patak ng luha ng langit. Hanggang hindi makayanan. Isusuka mula sa sinapupunan ang sari-saring dumi at layak na matagal nang hindi nailalabas.

***

Lumaki ako sa bayan na bahagi na ng buhay ng mga tao ang baha. Malabon. Kapag sinabi mong Malabon, bukod sa pansit na nakabilao, agad na sasaisip ng sinumang makakausap mo ang bahang hanggang bubong na hindi lamang sumisira sa kabuhayan kundi pumapatay. Marami na rin kasing naaksidente at nalunod dahil sa baha.

***

Kuwento ng nanay ko, dekada ’80 nang magsimulang magbaha ang Malabon at Navotas at ilang bahagi ng Maynila.

“Kasalanan ni Imelda [Marcos] dahil tinabunan niya ang palaisdaang sana ay sasalo ng tubig. Maging ang Manila Bay, pinatambakan,” sabi ni Mommy habang galit na galit sa kandidatong pagkapresidente na nagsasabing naliligo siya sa dagat ng basura at nagpapasko siya sa gitna ng kalsada.

Dahil sa pagkabanidoso ng isa, marami ang nagdurusa. Hindi lamang kasi galis at sakit ang dulot ng baha. Kamatayan din, literal at sa pagpapakahulugan ang bawat pagbulwak ng mga kanal, imburnal, poso negro, at mga ilog na hindi naman dumadaloy. Parang lalamunang nabubulunan ng plema o kalagara.

***

Patuloy na umiiyak ang Langit. Marahil, nahihilam na siya sa labis na usok na ibinubuga sa kanya ng mga sasakyan sa halos lahat ng kalye sa Pilipinas at maging ng mga pabrika’t empresang mistulang ataul at libingan ng humihingang mga bangkay—ang mga obrero.

Por Dios por santo naman! Sino ba naman ang mabubuhay sa karampot na suweldo buwan-buwan, e sa araw-araw na ginawa ng Diyos, sumisirit pataas ang presyo ng lahat: mula bigas hanggang sa pamasahe? Sa Kamaynilaan, nasa P382 ang sahod na minimum (Salamat 1). Sa Timog Katagalugan, nasa P182 ang sahod, araw-araw, ng isang manggagawang nasa agrikultura (Wikipedia).

Araw-araw, namumrublema ang mga manggagawa kung saan sila kukuha ng ikabubuhay. Sapin-sapin man ang trabaho at sideline, sisinghap-singhap pa rin ang bulsa. Ni hindi sila makabili ng pagkaing masustansiya para makapagtrabahong muli.

***

Sabi nga nila, bumabaha ang kamalasan sa buhay ng mga mangagawa at ng kapatid nilang mga magbubukid sa kanayunan. Samantalang ang suwerte, parang ilog na patuloy ang pagdaloy sa bulsa at buhay ng mga nag-aalmusal, nananghalian, at naghahapunan ng mga imported na karne, mamahaling isda, at mga putaheng ni hindi mo kayang banggitin at ispelingin ang mga pangalan.

***

Maraming klaseng ‘baha’ ang nananalasa at sumasalanta sa Pilipinas. Nangunguna na riyan ang pagbaha ng kahirapan at kagutuman sa bansa.

Sabi nga ni Mahar Mangahas (1), hepe ng Social Weather Stations (SWS), bagaman sinasabing bumaba sa 43 porsiyento ang bilang ng pamilyang Pilipinong nagsasabing naghihirap sila (self-rated poverty), marami namang pamilyang Pilipino ang dumaranas ng gutom (hunger).

Hindi naman ito kataka-taka, sabi ni Mangahas.

“Maaaring magsabay ang persepsiyon na hindi naghihirap ang mga tao, samantalang nagugutom sila… nagbabago kasi ang persepsiyon o pakahulugan ng pagiging mahirap sa pagdaan ng panahon,” humigit-kumulang ang sabi ni Mangahas (1) sa kaniyang analisis.

Sa pagtaya ng SWS nasa 8.1 milyong pamilya ang naghihirap samantalang ang nagugutom naman, nasa apat na milyon. Kung palalawigin natin ang mga datos, at kukuwentahin sa average family members na lima, bawat pamilya, ang nasabing mga numero, lalabas na nasa 40.5 milyong katao ang naghihirap sa Pilipinas o halos nasa 50 porsiyento ng 92 milyong Pinoy ngayon, at nasa 20 milyon naman ang nagugutom (ginawa ng may-akdapagtatantos).

Pagpapalawig pa ng popular na demographer, 2.6 milyon mula sa 8.1 milyong pamilyang maralita sa bansa ang kapuwa dumaranas ng karalitaan at kagutuman; 1.4 milyon naman ng pamilyang Pilipino ang nagsasabing dumanas sila ng gutom pero hindi naman sila maralita (Ang sabi ni Mangahas, hindi maaaring balewalain ang bilang na ito dahil ito ang kumakatawan sa 13 porsiyento ng 10.7 milyong pamilyang nagugutom subalit hindi naman naghihirap.); at 5.5 milyon naman ang nagsasabing mahirap sila subalit hindi naman sila nagugutom (Mangahas 2).

***

Siyempre kapag nagugutom ang populasyon, parang baha ring sumasargo, papasok sa mga tarangkahan ng mga bahay sa Malabon, Navotas at iba pang lugar sa Kamaynilaan ang antas ng mga mamamayang dumaranas ng malnutrisyon — na nagsasanga sa iba pang mga problema kagaya ng kamatayan ng ina at ng kaniyang sanggol dahil sa kumplikasyong dulot ng pagbubuntis, paglilihi at panganganak.

***

Sa pinakahuling datos ng Health Alliance for Democracy (HEAD), lumilitaw na napakataas ng maternal mortality rate ng Pilipinas, kung ikukumpara sa ating mga karatig bayan sa Timog Silangang Asya.

Paliwanag ni Dr. Darby Santiago, pangulo ng HEAD, sa bawat 1,000 batang ipinapanganak, 170 mga nanay ang namamatay; samantalang 44 lamang ng mga ina sa Thailand ang namamatay sa kada 1,000 sanggol na ipinanganganak; at 41 lamang sa Malaysia. Pagdating naman sa infant mortality rate: 29 na sanggol, mula sa 1,000 ipinanganganak ang namamatay kumpara sa 24 lamang sa Thailand, at walo (8) naman sa Malaysia.

***

Sa liham pastoral na nilagdaan ni Arsobispo Gaudencio B. Cardinal Rosales ng Arkdiyosesis ng Maynila para sa paggunita ng Miyerkoles ng Abo noong Pebrero 17, sinabi ng mataas na opisyal ng Simbahang Katoliko—pagsipi sa ika-7 National Nutrition Survey ng 2008, sinabi niya at sisipiin natin, en toto:

In the last 5 years, the pernicious problem of hunger and malnutrition persists in the Philippines. Initial results of 7th National Nutrition Survey conducted in 2008 show that three out of ten Filipino children are hungry and malnourished! They are underweight and underheight, stunted in their growth. Worse, the acute or severe cases of malnutrition are increasing. We now have more than 8 million Filipino children who are underweight and under height. According to the WHO, malnutrition prevalence rate of 5% is considered of public health significance. The rate in the Philippines is about 30% (CBCP News.com).

Sabi nga ni Papa Benedict XVI, ang kagutuman ang pinakamalupit at pinakakongkretong senyal ng karalitaan (sinipi ni Rosales, CBCPNews.com).

***

Patunay rin ng tumitinding kahirapan sa ating bayan ay ang patuloy na pagbaha ng bilang overseas Filipino workers. Araw-araw, ayon sa Migrante International, nasa 3,000 Pilipino at Pilipina ang umaalis ng bansa para makipagsapalaran doon at maghanapbuhay, umaasang bubuti ang kanilang kalagayan at kabuhayan ng kanilang mga pamilya.

Hindi lahat sinusuwerte. Karamihan pa nga minamalas. At kapag bumaha ang malas, talagang baha—kayang anurin ang lahat mong pag-asa. Gaya nang nangyari kay Rahima Jamal, 19-anyos na nagpaalila sa United Arab Emirates (Tingnan ang tula ni G. Rogelio L. Ordoñez at ng inyong lingkod dito at dito).

***

Kapag bumulwak at sumargo ang tubig-baha, inaanod nito ang mga layak na nasa sinapupunan ng lungsod at kabukiran. Kumbaga sa isang pagbubunyag ng lihim: walang ikinukubli—lahat ng basura at baho ng pagkatao ay nabubunyag.

Ang datos sa itaas, kumbaga sa antas ng baha, hanggang tuhod pa lamang. Ang duming naiahon mula sa mga imburnal, kanal at mga poso negro, kakaunti pa lamang. Pero ipinakikita nitong palpak ang patakarang ipinatutupad ng gobyerno.

Tiyak sa puntong ito, babaha rin ang mga reaksiyon. Bakit isisisi na naman sa gobyerno? Simple ang sagot: Bunga ng palpak at maka-mayaman at makadayuhang patakaran ng gobyerno ang ugat ng lahat ng suliranin ng lipunang Pilipino. Kaya nating patunayan ‘yan sa agos ng kasaysayan ng ating lipunan at pagka-mamamayan. Kaya lamang, baka malunod tayo sa datos. Kaya unti-unti nating pababahain ang mga iyan sa susunod nating mga sanaysay.

***

Bukod sa nagpapaala sa akin ng suliranin ng bayan ang makutim o pagkaminsan, malinaw na tubig-baha (kapag purong ulan, ‘ika nga), bumabaha rin ang mga alaala ng ilang mahal sa buhay.

Naalala ko noon ang Lolo ko, si Florencio V. Sales at maging ang daddy ko na si Abelardo na pinapasan ako, papuntang eskuwelahan (Concepcion Elementary School) para lamang makapasok.

Hindi ko malilimutan ang tawa ng lola ko, ni Catalina, nang tumabusaw ako sa baha. Walang ngipin si Lola at paborito niyang suotin ang daster niyang kulay ube. Tawa. Tawa. Tawa. Kahit bungi si Lola. Halos nalunod ang apat o limang taon na si Noel noon.

Parang mga layak na dala ng baha, gayundin ang daloy ng mga gunita ukol sa pururot na pag-ibig at pagsinta. Maraming pangalan, babaha ng pangalan, sakaling magsimula tayong magbanggit. Pangalang nakauumay sa tamis na parang kendi at tsokolate na pagkaminsan, kulay ng baha dahil sa paghalo ng putik-bundok dito sa Antipolo.

Opo, bagaman nasa mataas na lugar na kami, naroroon pa rin ang baha. Parang alaalang hindi mapaknit sa magulong isipan.

Bitbit din ng baha ang kalungkutan at panghihinayang. Dahil kapag bumabaha, parang paralisado ang lahat. Hindi ka makakilos at makagalaw. Kagaya nang yapos ng malulungkot na alaala ng mga pumanaw, naunsiyaming pangarap at nabigong pag-ibig.

Mukhang makulimlim na naman. Mukhang uulan na naman. Mukhang babaha na naman at muling magsasaya ang mga palaka at kabkab sa patak ng ulan. Muling huhugos sa isip ang buntun-buntong alaala, gaya ng kung anumang bagay na ibig anurin ng baha—maganda man o pangit, mabango o masangsang, ibig mang pulutin o itapon…

Talasanggunian:

Cardinal Rosales, D.D. Gaudencio B. “A Pastoral Letter: Ash Wednesday 2010”, CBCPNews.com. Web.

Mangahas, Mahar. “Hunger and poverty are different” (column for the Philippine Daily Inquirer). SWS Online, 2010. PDF.

Migrante International. Various press releases (2009-2010).

Rivera, M.D. Geneve and Santiago, M.D. Darby. “Wanted: Presidential Aspirant with Real Health Agenda,” Bulatlat.com. Press Release. Web.

Salamat, Marya. “Labor in 2009: Joblessness, Rights Violations, Violence Confronted Filipino Workers.” Bulatlat.com. Web.

Wikipedia contributors. “List of minimum wages by country.” Wikipedia, The Free Encyclopedia. Wikipedia, The Free Encyclopedia, 1 May. 2010. Web. 4 May. 2010.