Tag Archives: Bulaklak

Nang mag-ocho-ocho at nag-ispageti ang musikang Pilipino (Isang Kritika sa musikang novelty sa Pilipinas)

Sex Bomb Dancers: Representasyon nga ba ng dekadenteng kultura? (Larawan kuha mula sa internet)

SASALA ANG sandok sa palayo kung hindi mo alam ang lyrics ng kantang “Bulaklak” ng sikat na grupong Viva Hotbabes; o kung hindi man, tiyak na may isa kang anak na magaling mag-”Ocho-ocho” samantalang ang isa mo namang anak ay magaling na mag-spaghetti at nais nang maging isa sa mga Sex Bomb Dancers o kaya Sex Bomb Singers na pinangungunahan ni Rochelle (Pangilinan) at mga kasama nitong sina Jopay, atbp.

O dili naman kaya, may koleksiyon ka ng ‘rap’ o tulang pakanta ni Andrew E at ng Salbakutah. Kung mayroon ka ng mga ganito, hindi rin maitatangging isa ka rin sa nabihag ng musikang masasabing “novetly.”

Kunsabagay, likas na sa mga Pilipino ang pagkahilig sa musika. Bahagi ng pagkatao ng Lahing Kayumanggi ang musika—mula sa mga Ifugao at Igorot sa bundok sa Norte, hanggang sa mga Maranaw at Tausug sa dulong Mindanaw.

Hindi pa man dumarating ang mga Espanyol, mayaman na sa tradisyong musikal ang mga Pilipino. Katulad mo, mahilig din ang ating mga ninuno sa musika. Ayon sa mga naunang historyador o tagapagtala ng kasaysayan, may mayamang kultura ang mga Pilipino bago pa man dumating ang mga mananakop. Kasama na nga rito, gaya nang nasabi na, ang musikang tradisyon na naipasa sa kasalukuyang henerasyon.

Sabi nga ng iba, Filipinos are singers by heart (ang mga Pilipino ay mang-aawit sa puso). Kaya, masasabi nating natural na sumikat ang iba’t ibang grupo at indibiduwal na may kani-kanyang estilo sa pag-awit.

Bayani Agbayani

Mula nang maimbento ang modernong pagrerekord ng musika, hindi maikakailang naging napakabilis ng naging paglaganap ng mga musikang may tema ng pagibig, rock and roll, at maging ang kinagigiliwan nating novelty songs o iyong mga kantang may dobleng kahulugan (double meaning). Kaya’t hindi kataka-taka kung bakit magpahanggang ngayon, mainit ang pagtanggap ng mga Pilipino sa iba’t ibang uri ng musika at palabas.

Naging laman at tagatangkilik ng mga sinehan at istadyum ang mga Pilipino. Handang bumili ng tiket, ng VCDs at DVDs ng mga palabas, casettes at CDs ng mga kanta, at makipagsiksikan/makipagbalyahan para makita lamang na magtanghal ang kanilang iniidolong mga mang-aawit at artista.

Pagsulyap sa musika bilang bagay na kultural

Lakip ng musika ang patente o “tatak” ng isang lahi—o kultura sa madaling salita. Napapaloob kasi sa musika ang pahapyaw (o maaaring ang kabuuan) na paglalarawan ng sistema ng paniniwala, pilosopiya, pulitika at ekonomiya ng isang bansa o henerasyon. Isang hindi maitatatuwang marka, kumbaga sa produkto, ay tatak na siyang pagkakakilanlan ng isang tiyak (distinct) na grupo o mga grupo ng tao.

Binigyang-kahulugan ng mga eksperto ang kultura bilang “sistema ng paniniwala, kaugalian, pagpapahalaga (values), pag-uugali at mga bagay na pinagsasalu-saluhan ng isang partikular na grupo upang makaagapay sa kanilang kapaligiran o daigdig, at naipapasa sa henerasyon sa henerasyon sa pamamagitan ng pagkatuto.”

Ibig sabihin, napapaloob dito ang kabuuang takbo ng pamumuhay o social norms ng isang lahi. Ito ang siyang pinakabatayan ng pagkilos, pag-iisip, at pagdedesisyon ng isang tao na napapaloob sa lahing iyon. Dito rin nababatay ang kabuuan ng gawaing panlipunan tulad ng pagtatrabaho, paglilibang at pag-aaral o edukasyon.

Noong unang panahon, kakabit sa pang-araw-araw na gawain ng ating mga ninuno ang bawat himig at titik ng musika. May partikular na mga awit ang ating mga ninuno para sa pagtatanim, pangangaso, pakikidigma, pagdarasal, mga kasal, at maging sa paglilibing sa patay at pagluluksa.

Nakasentro ang musika at awiting ng mga katutubo, kagaya ng mga nasa Kordilyera sa kanilang buhay panlipunan. (Bulatlat.com)

Kung babalikan ang kasaysayan (na nananatiling buhay pa rin sa tradisyon ng mga katutubo o nabibilang sa Pambansang Minorya sa Pilipinas), makikitang hindi nahihiwalay ang musika sa mismong tao—ang tagalikha nito. Ibig sabihin, nakapaloob sa musika ang buong kaisipan (thought) at damdamin ng indibiduwal o grupong lumilikha nito.

Bagaman payak o simple lamang, naroron ang isang buhay na tatak o representasyon ng isang lipunang may sarling talino o intelektuwal na kalinangan.

Epiko, dalit, at mga oyayi ang pinakapartikular na mga halimbawa ng nabanggit na nosyon sa itaas. Ang Biag ti Lam-ang ng mga Ilokano at agn Kudaman ng mga Palawanon ay mga awit-salaysay na naglalarawan ng kung ano at paano nabuhay ang mga Pilipino sa pre-Hispanikong panahoo na malinaw na nasasaad ang sistemang panlipunan ng mga naninirahan sa Pilipinas.

Musika bilang representasyon ng talino (wisyo/wit) ng lipunan

Sabi nga ng ilan sa mga antropolog, ang wisyong bayan (folklore) ang siyang pinakabatayan ng sinsabing intelektuwalismo noon. Kalakip nito ang isang mahilab na tradisyong musikal ng mga katutubo.

Wisyong bayan ang tawag sa kaisipan o sistema ng pilosopiya na nakapaloob sa isang partikular na lipunan o bayan. Isang magandang halimbawa nito ang mga tradisyunal na kasabihan, bugtong, at mga salawikain na siyang manipestasyon ng talinong umiiral sa isang lahi. Gaya ng nabanggit sa itaas, nakapaloob sa mga piyesang musikal na ito ang nasa isip at puso ng mga tao—na nakasentro naman sa payak na gawaing panlipunan na umiinog o umiikot sa gawaing pulitikal (pamamahala), ekonomiko (paghahanapbuhay) o kabuhayan, at ugnayang pantao (tribu sa tribu, pag-aasawa, paglilibing, kapistahan at iba pa).

Dahil nakasentro sa gawaing pantao (human activity), ang musikang ito ay naglilingkod sa kalakhan ng populasyong siyang bumubuo sa lipunang nakikipag-ugnayan nama sa mas malawak ng lipunan; sa madaling salita, sa iba pang mga grupong nakapalibot sa kanila.

Naganap ang pangyayaring ito sa kasaysayan sa unang pakikipag-ugnayan o sa pag-unlad ng kalakalan ng sinaunang mga Pilipino sa ibang mga lahi gaya ng Arabe, Bumbay (Indiano), Tsino at Hapon. Dahil dito, nagkaroon ng salasalabat ding impluwensiya, sa larangan ng musika, ang nasabing pakikipag-ugnayan. Gayunman, hindi rin masasabing gayong kalawak ang impluwensiyang ito dahil ang nagaganap lamang noon ay ang pakikipagpalitang-kalakal at hindi ng tradisyong kultural. Kung mayroon mang nagaganap na palitang kultural, hindi ito nakasentro sa gawaing kultural na ang layunin, dominahan o supilin ang umiiral na kultura at palitan ito nang mas dominanteng kultura ng dayuhan.

Subalit ang gayong ugnayan ay nabago nang magpalawak ng mga teritoryo ang mga imperyalistang bansa (Espanya, Gran Britanya, Portugal at Pransiya) dahil sa layuning makapalawak, hindi lamang ng kayamanan at kapangyarihan, kundi maipalaganap din ang kanilang sariling dominanteng kultura.

Musika sa tungki ng kasayasayan ng pananakop

Buhat ng sakupin ng mga Espanyol ang bansa, nagbaro rin ang pagtingin at pagtanggap ng mga katutubo sa musika. Napalitan ang kanilang tradisyunal na musika ng bagong himig na dala ng mga dayuhan. Dito nagsimula ang sinasabing “pagbabagong-anyo” o metamorphosis ng ating musika.

Inuna ng mga mananakop ang pagpapakilala sa kanilang relihiyon at kapangyarihan sa mga katutubo na nagbigay-daan sa iba pang sistemang kultural na bitbit nila. Halimbawa, ang dating mga dalit sa kanilang mga diyos at mga diyosa na sinasamba, napalitan ng mga imno o awitin na parangal sa mga santo at santa ng mga Espanyol.

Kaya nga, sa pagdaan ng mga panahon (mula sa pagiging sentro ng gawaing pantao at maging ang sinasabi ngang wisyong bayan), unti-unting napalitan ng sinasabing ‘habi ng makadayuhang kultura,” ang tradisyon at paniniwala ng mga katutubo. Ipinadron o isinunod sa maka-Kanluraning habi (Western fabric) ang mga awitin at iba pang paglilibang at, itinuring ito na mas maganda at mas mainam kaysa sa sariling mga awitin at mga paglilibang.

Noong una, bagaman masasabing ang metamorposis o pagpapalit-anyo ng musika—mula sa pagiging sentro ng wisyong bayan o masasabing nakaugnay (ang musika) sa gawain ng mga mamamayan, naging isa na lamang itong bahagi ng paglilibang o pag-aaliw.

Kaya naman, hind kataka-takang ang patuloy na pagpapalit-anyo, metamorposis o ebolusyon ng musika at awiting Pilipino ay tila isang kabit-kabit na serye ng ‘adaptasyon’ at/o ‘asimilasyon’ ng sinasabing “pandaigdig” o trans-nasyunal na kultura o kulturang nakasandig, hindi sa dating wisyong bayan kundi sa impluwensiya ng mga mananakop o mga dayuhan.

Lalong tumindi ito nang ang imperyalismong Amerikano na ang “mamahala” sa bansa. Dito na naipakilala ang iba pang tradisyong hindi kailanman nagmula sa kalagitnaan ng sosyal na istruktura ng mga katutubo.

Musika bilang pagpapakilala ng sosyal na istrata

Kung sisiyasating maigi, tulad ng iba pang produkto o wisyong kultural (tradisyong nakapaloob sa kalinangan o cultural intelligentsia), naipakikitang ang dating anyong komunal ng musika, nahati ito gnayon sa ispesipikong sosyal na istrata o kalagayang panlipunan. Hindi na ito naglilingkod o sumasakop sa kabuuan ng ng kalakawan (the whole of the majority) ng bumubuo ng lipunan, alalaong baga, ng ordinaryong mga tao (o popular na tinawag na masa), kundi nahati na ito sa iba’t ibang uri na may iba’t ibang pagtanggap din, batay sa kanilang intelektuwal at ekonomikong kapasidad at/o paniniwala.

Dahil sa paghahati-hating ito, nagkaroon din ng ispesipikong hilig o kakilingan (inclination) sa musika ang mga tao. Ibig sabihin, may kani-kaniyang awdyens o tagapakinig ang musika at may mga grupong sikat sa isa at hindi naman sa isa.

May limang uring nakapaloob sa ating lipunan sa ngayon: burgesya komprador at mga panginoong maylupa; pambansang burgesya; mga petiburges o mga intelektuwal (propesyonal, estudyante, mga nakapag-aral at may naipundar); mga manggagawa; at mga magsasaka—na ang huli ay ang pinakamarami sa bilang at bumubuo sa 75% ng kabuuang populasyong Pilipino.

Sa punto ng pampulitikang ekonomiya, nailalago ito sa dalawa at may diyalektikal o nagtutunggaliang ugnayan sa isa’t isa—kapitalista at proletaryo.

Sa mataas na uri ng lipunan (mga panginoong maylupa, burgesyang komprador at mga kasapi ng pambansang burgesya o yaong may negosyong hindi naman kasing laki ng kina Lucio Tan, Henry Sy, John Gokongwei, Jaime Zobel de Ayala, atbp.), hindi maaaring ipakilala ang kanta ng Sex Bomb bilang musikang intelektuwal o may-uri (class) at nagtataglay ng isang mataas na uri ng kultura. Kikilalanin nila ito bilang cheap o walang kuwenta.

Ibabato nila ito sa petiburges (petty bourgeoisie) na, dahil sa pamilyarisasyon o kaalaman sa umiiral na kalakarang kultural, tatanggapin ito bilang isang simpleng komposisyon o isang bunga ng talino ng isang tao (intelectual labor). Hindi rin nila agad ito matatanggap bilang kanila kung kaya, ibabato nila ito sa ibaba—sa masa.

Masa ang nagsisilibing “tagasambot” o tagasalo ng itinapong mga produktong kultural na hindi tinanggap ng mga uring nasa itaas ng “tatsulok” o saray ng lipunan, tulad ng nasa uring mayayaman o burgis.

Sabi nga ng rebolusyonaryong lider at pilosopong si Mao Zedong (Mao Tse Tung), ang sining at panitikan ay may ispesipikong uring pinaglilingkuran. Dahil ang musika ay naglilingkod sa nasabing uri, dapat mabatid at masuri nang mabuti kung tama ba o hindi ang pagkakilala hinggil sa naturang “kultura ng masa” at “wisyo ng masa”.

Totoo ito dahil nga sa kinalakhan at nasa katutunan (learning) ng isa (na nababatay naman sa kanyang uring kinabibilangan o class origin) ang pagkaunwa at pagtanggap sa musikang tulad ng novelty songs. Sa novelty songs, pilit na ipinapaloob ang sinasabing talino ng masa na kinakatawan naman nina Bayani Agbayani, Sex Bomb, at Viva Hotbabes.

Nang ipakilala ang Ispageti kay Juan

Hindi naman maitatatwang bunga rin ng sinasabing artistic labor [na bahagi ng kabuuang industriyang intelektuwal o intellectual industry] ang paglikha ng musika at maging ang pagpapalaganap nito. Pinagbuhusan din kasi ang mga ito ng panahon at lakas ng pag-iisip upang mabuo. Kaya nga, sinasabing isa itong porma ng paggawa.

Bukod dito, pakikipag-ugnayan din ang musika. Katunayan, kinikilala ang musika bilang isang porma ng komunikasyon.

Subalit ang tanong na kung paano ipinapasa o kung ano ang mensahe (tulad ng tipikal na pakikipagtalastasan) at kung ano ang paratekstuwal (ibig pakahulugan na labas sa literal na teksto) at kontekstuwal na ibig ipahatid ng titik o liriko ang siyang dudulo sa sala-salabat nang suliranin hinggil sa pagkilala ng kultura at talinong pang-masa.

Kontekstuwal ang kahulugang nasa pagitan ng bawat salita o parirala. Ito ang siyang nagbibigay nang mas malalim na kabuluhan sa sinasabing “orihinal na mensahe ng awit.” Karaniwang ginagamit ito bilang stimulators o mga tagapukaw ng tagong kamalayan ng tao (subconscious). Wika nga nila, sikolohikal o pag-iisip, ang atake ng musika.

Halimbawa, ang galaw at himig ng kantahing “Ispageti”, unang tinatanggap ito bilang simpleng awit na walang anumang kahulugan kundi ang himukin na sumayaw o umindak ang mga tao. Gayunman, sa mas malalim na pagsusuri, mayroon itong iminumungkahing kaisipan na nalilingid sa “bungad” ng isip o diwa ng nakikinig.

Bilang isang kognitibong karanasan o nakatanim sa isipan, madaling tanggapin ng isa ang anumang ibig ipatanggap na mensahe ng musika.

Wisyo ng masa sa bunganga ng kulturang popular

Makamasa o pampubliko (jologs, sa salitang kanto) ang sinasabing anyo ng musikang ipinaririnig at ibinabahagi ng Sex Bomb at maging ng Masculados at iba pang novelty singers.

Makamasa dahil ang pangunahing tagapakinig at tagapagtangkilik nito ay ang sinasabing uring C, D at E—o sinasabing low-income families. Totoo naman ito dahil walang ibang gustong makinig ng gayong “kasayang” musika kundi iyong hindi nakaiintindi sa lengguwahe ng orkestra at opera.

Sa isang banda, totoo bang naglalarawan ng isang mahusay na kulturang masa ang awitin ng Viva Hotbabes at Sex Bomb singers? Masasabing hindi at masasabing oo. Pero, mas malamang ang sagot na “hindi.”

Hindi, sapagkat hindi naman nangangahulugan na dahil tanggap ng “masa” ang ganitong uri ng musika, maituturing na itong wisyong masa (wisdom of the masses). Malamang pa, bilang pagsakay sa “alam” ng masa ang pinalabok at pinalabo ang tunay na kahulugan ng “karumaldumal” na kulturang popular.

Katulad ng bold na pelikula na ginagamit ang libog, gayundin ang ginawang manipulasyon ng kumukontrol sa kultura—ang mga kapitalista—sa industriya at produksiyon ng musika. Dahil nga ang naghaharing-uri ang may hawak ng industriya, sila ang nagpapasya nang kung ano ang “makamasa” at kung ano ang hindi.

Dahil sa malaking bahagi ng ating populasyon ang siyang magiging tagatangkilik ng ganitong uri ng musika, at dahil karamihan ay hindi nakakuha ng sapat na edukasyon, ipinakilala bilang pangkiliting produkto ang novelty songs tulad ng Ispageti at Bulaklak bilang “musikang masa.” Gaya nang nasabi na noong una, agad na ginamit ang alam ng tao (masa) upang maibentang madali ang uri ng musika (tinutukoy natin ang libog at iba pang persepsiyon at sensasyong kauri nito).

Buhat noon, sinasabi nang bahagi na ng “wisyong masa” o talino nila ang bilasang sistema ng seks bilang bahagi ng kanilang musika kagaya ng “Bulaklak” ng Viva Hotbabes.

Sa kantang ito, mababasa ang ganitong liriko:

Ang bangu-bango,

Ang bangu-bango ng bulaklak,

‘Pag inaamoy, ‘pag inaamoy

anong sarap!

Ang bangu-bango ng bulaklak.

Hindi man aminin ng kompositor, ari o puke (vagina) ng babae ang pinatutungkulan nito, lalo pa nang dugtungan ng mga sumusunod na linya:

Mayroong makapal,

mayroong manipi

na bulaklak…

Malinaw na indikasyon ng sinasabing pagiging likas na bastos ng wisyong masa ang mga nabanggit na linya sa itaas at naigigiit ito dahil katanggap-tanggap ito sa kanila.

Sa Ispageti naman:

Apir tayo

Sumakit ang dibdib ko

Sex bomb, sex bomb,

sex bomb…

Makikita sa sipi ng lyrics ng Ispageti ng Sex Bomb sa itaas, ang aktuwalisasyon ng pangingiliti sa isip ng masa ang tungkol sa seks. Dahil nga mabenta ang seks sa lahat, napakadaling maipatanggap ito sa masa bilang sarili niyang kultura na magasapang at walang taste o bakya sa panlasa, gaya nang nabanggit na.

Dahil sa at para sa tubo

Sa puntong ito, makikita ang sinasabing malawakang paggamit ng sinasabing “alam ng masa” para maipakita ang sinasabing ‘bakyang panlasa’ niya sa musika. Samakatuwid, isa itong uri ng pagbibigay ng mababang marka o kalidad sa sinasabing wisyo ng masa. Mauugat ang ganitong uri ng paghamak sa wisyo ng masa sa imbing layon ng kapitalismo—ang tubo o supertubo (profit/super profit).

Multimilyong piso ang industriya ng rekording. Kaya hindi maikakailang ang manipulasyong ito ay para sa tubo—at tanging sa tubo lamang.

Manipulasyong intelektuwal: wisyo kontra wisyo

Dahil na rin sa kawalang-kaalaman ng masa sa umiiral na kalakaran at kalagayan niya sa lipunan, madali ang naging pagbebenta sa kaniya ng ganitong uri ng kulturang nakasakay sa maindayog na musikang nakakiling sa tubo at kapitalismo.

Kaya nga, madaling naipasa sa kaniya ang isang matatawag na “magaspang na uri ng kultura” na masasabi na ring mapang-alipin. Mapang-alipin ito dahil ginagawa nitong “bobo” o mangmang ang masa at isinasalaksak sa kaniyang kaisipan na mahusay na gawi o kaugalian o pag-iisip ang pagiging sobrang liberal o ang walang pagtatasang (assessment o scrutiny) pagtanggap sa musikang may langkap na pormula ng seks o may temang kabastusan at, wala siyang karapatan na maging tagatangkilik at tagapakinig nang mas makinis na uri ng musika tulad ng opera at classical jazz.

Bilang pag-uulit, dahil nga may kalawakan ang alam ng masa ukol sa sex (na siyang pinalulutang ng mga kantang Bulaklak, Ispaget, Otso-Otso, at iba pa, kahit pa bigyan pang isang literal na pagpapakahulugan), at maituturing itong isang likas na sangkap ng pagkatao (human nature), madaling nababato sa masa ang kung anumang “masalado” o masasabing “nakapandidiring” kultura.

Ang papel ng midya sa pagmamalasado ng wisyong masa

Malaki ang naging papel ng midya upang tuluy-tuloy na masalaula at maipaampon sa masa ang tinaguriang malasadong kultura at kaisipang hatid ng “Bulaklak” at “Otso-Otso.”

Ang mga sinehan, telebisyon, radyo at iba pang anyo ng midya ang siyang nagsilbing instrumento ng tuluy-tuloy na istimulasyon o pagpukaw hinggil sa usaping kultural. Sa direktang sabi, may kinalaman ang mas midya sa pagpapauso at pagpapasuso ng ganitong uri ng kultura.

Dahil sa paulit-ulit na pagpapakilala sa masa na ito ang kaniyang kultura, naging napakadulas o napakadali sa kapitalista na bentahan ang masa ng kung anumang alok nila—kahit pa nakasasagka o nakahahadlang ito sa kanilang intelektuwal at kultural na pag-unlad.

Ang ganitong uri ng kalakaran, sa tahasang sabi, ay isang uri ng hegemonikong relasyon (hegemonic relationship) o pakikipag-ugnayang pumapatay sa mas mahina o mas inperyor (inferior) na kaisipan o kalagayan. Sa mas simpleng paglalarawan, relasyon itong superyor vs. Imperyor; kapitalista (may pinino at may hawak ng kapangyaring pang-ekonomiya, pampulitika at kultura) vs. Masa (minalasadong kultura). Sa mayayaman lamang ang musika tulad ng opera samantalang ang nakasakay-sa-kalibugan-at-pagiging-dekadente ang para sa masa.

Pagpapabukadkad ng bulaklak ng tunay na wisyong masa

Sa ginawang pagbubulgar, masasabi nating dapat kumilos ang masa upang mapanauli ang isang uri ng kulturang maituturing na kanya; hindi kulturang dikta ng kapital, kundi katulad noong una: isang kolektibong kaisipan at pandamang tanda ng kaniyang pagiging malaya.

Hindi wasto, bagkus isang kapanyayaan, ang manatili lamang sa sabi nang naghaharing-uri na ito ang iyong kultura, samantalang ang katotohanan, siya ang nagpakilala at nagpalunok nito sa kanya. Bunga nito, nananatiling atrasado pagdating sa kaisipan ang kalakhan ng masa.

Kaya nga, ang hamon sa ngayon: Dapat na pahalimuyakin sa pamamagitan ng isang mulat na pagsusulong ng tunay na kulturang masa—na isang kulturang rebolusyonaryo o nakapagpapabago at nakapagpapalaya.

Paano gagawin ito? Pag-aralan ang lipunan at kumilos para baguhin ang mapaminsalang kulturang ito.

(Nailathala sa Datos, Tomo 20 Blg. 1, Hunyo 2004 isang magasing pang-manggagawang inilalathala nang dalawang beses, isang taon ng Ecumenical Institute for Labor Education and Research (Eiler), Inc. (http://www.eiler.ph) pp. 22 – 27.1)

—————————————————

Paunawa: Hindi na makita ang electronic copy ng sanaysay na ito kung kaya, wala itong sanggunian. Magaspang ang pagkakasulat nito dahil hindi pa ganoong kasanay ang manunulat sa kritismo at panunuring panlipunan. Pagdamutan na po ninyo. Bukas din po ito sa kritisismo o mga puna para mapagbuti pa ang pagtatasang isinasagawa. – NSB