Category Archives: social realism

Ang ‘Ipuipo sa Piging’ at ang mga agiw sa aklatan

Mahigit na apat na dekada na ang nakali­lipas nang mailathala ang unang kalipunan ng mga akdang masasabi nating nakapagpabago sa mukha ng panitikang nasusulat sa wikang pambansa—ang “Mga Agos sa Disyerto” nina Efren R. Abueg, Dominador B. Mirasol (RIP), Rogelio L. Ordoñez, Edgardo M. Reyes at Rogelio Sikat (RIP).

Ngayon, muling binulabog ang tila natutulog na mundo ng panitik nang ilunsad kamakailan lang ang isang ­aklat-kalipunan ng mga tula at sanaysay na binubuo ng 32 makata’t manunulat na nabi­bilang sa iba’t ibang henerasyon ng panitikang Pilipino: ang “Ipuipo sa Piging (IsP).”

Mapangahas, kung hindi man talagang radikal ang na­ging layunin ng pagtitipon, paglalathala at pamamahagi ng “IsP.” Sabi nga ng publisador nitong si Atty. Fermin S. Salvador na nakabase nga­yon sa Estados Unidos, “Ang ‘Ipuipo sa Piging’ ay isang pagtatangkang makapaghatid ng pag-asa sa sambaya­nan. May iba pang tinig para sa lahing Pilipino. May iba pang hanay ng mga manunulat.

Naniniwala si Salvador na ang “IsP” ang maaaring magbigay-daan o maglinis ng daan para sa isang maaliwalas na bukas ng panitikang Pilipinong patuloy na inilalako bilang mapagkakikitaang kalakal lamang at hindi bahagi ng paglilinang ng isang makabago at makabayang kaisipan.

Higit sa alimpuyo ng damdamin ang mga akdang kinipil sa 328-pahinang aklat na “IsP”—tulad ng mga tula ng iba’t ibang uri ng babae’t ina, ang katipunan ng tula ni Diana Galaura Cabote na napa­sama sa kalipunan (“Walang Duda”, pp. 24–34), kagaya rin ng tulang kalipunang isinumite sa akda ni Andang Juan (“Instant”, pp. 36–37).

Matalas na komentaryong panlipunan ang birada sa mga tula nina Pia Montalban (“Bertud at Iba Pang Berso Rojo”, pp. 39–42); “Salu­ngat sa Agos” ni Ed Nelson R. Labao (pp. 51–70); “Ikaw na Inilubog sa Anestisya” ni Dennis Espada (pp. 116–135); “Tulong” (Tulang Bugtong) ni Danny Diaz; “Sunny Side Up” ni German Gervacio (pp. 151–158); samantalang lasap at ramdam mo ang mapapait na obserbasyon sa lipunan ni Kris­toffer Berse sa kanyang “Mga Marka ng Bahala.”

Ilan lamang ang mga nabanggit sa wasiwas ng hanging nakapaloob sa mga pahina ng “IsP.” At marami ngang umaasa, na kahit ang ibang kawing ng hangin-ng-buhawi’y parang mahinang tampal lamang sa sistema, na ang dumi sa lansangan ng panitikan ay tuluyang mapawid at maiwala ng hampas ng “Ipuipo sa Piging.”*

*Nalathala sa PINAS: The Filipino’s Global Newspaper. Maraming-maraming salamat sa aking mga editor, partikular kay Sel Barlam-Bautista at kay Manny de la Cruz sa paglalathala ng munting libro-repasong ito.

Media at ang Pambansang Kaunlaran

[N. B.: Naisulat ito bilang lecture sa hindi natuloy na panayam sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) College of Communication noong bandang 2004. May binagong bahagya para sa paglilimbag na ito. - N. S. B.]

Introduksiyon

Ang media ang itinuturing na pinakamalakas na institusyong sosyal na nagtataglay ng kapangyarihang lumikha ng isang opinyong makapagpapabago sa kasaysayan ng bansa. Noong panahon ng Unang Kilusang Propaganda, bago ang Rebolusyong 1896 ni Bonifacio, nakalikha na ng isang malaking pitak sa kasaysayan ang media, sa anyo ng mga diyaryong limbag kapwa sa Pilipinas at sa Espanya na nagbunsod ng isang di-mapipigilang rebolusyong sosyal.

Sa kasalukuyang panahon, ang papel ng media sa pagsusulong ng isang pambansang pagbabago sa pamamagitan ng paghuhubog ng isang esensiyal na opinyon publiko, at maging ng pagbabagong hubog sa umiiral na pilosopiya at sikolohiyang panlipuna ay hindi na maitatatwa lalo pa’t naging ugat ang eskalasyon ng kampanyang pagpapatalsik sa dalawang itinuring na mga kontrobersiyal na pangulong Ferdinand Edralin Marcos noong 1986 at Jose Ejercito (Joseph Ejercito Estrada) noong 2001 na nagluklok sa dalawang babaing lider na naging impluwensiyal, kapwa sa pagsusulong umano ng pambansang demokrasya at kalayaang sibil sa Pilipinas—Corazon Cojuangco Aquino noong 1986, at Gloria Macapagal-Arroyo noong 2001 at ngayong 2004.

Media ang naging instrumento ng mga nasabing makasaysayang pangyayari sa bayang Pilipinas at, sa ganang palagay, Media rin ang siyang makapagsusulong (sana) ng isang makabuluhang pagbabago sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang makapagtaguyod ng isang demokratikong sistema ng pangmasang edukasyon at pagpapalaganap ng impormasyon: Na magiging batong-tuntungan naman ng iba pang sangay ng gobyerno upang lumikha ng polisiyang papabor sa kalakhan ng mamamayan.

Media: Isang Depinisyon

Media ang kolektibong katawagan sa mga entidad o institusyong tagapagbalita: radyo, telebisyon at diyaryo na nadagdagan ng dalawa pang anyo, ang pelikula at Internet. Tri-Media ang pinakapopular na katawagan sa kasalukuyang porma ng Media: telebisyon, radyo at diyaryo. At ang tatlong ito ang siyang sinasabing pinakamakapangyarihang institusyon pagdating sa pagtuturo, pagpapaalam at paghuhubog ng isang kamalayang panlipunan.

Sa literal na pakahulugan, ang Media ang nagsisilbing tagapamagitan ng dalawang ibayong entidad pulitikal na partikular sa bansa: Burukrasya at ang kalakhan ng mamamayang siya namang nagsisilbing paunang tapagtaguyod ng anumang produktong iniaalok ng Media, partikular na ang impormasyon sa porma ng balita, patalastas at paglilibang.

Media bilang isang industriyang kumikita

Isang industriyang nilikha ang Media upang kumita. Ang isang negosyanteng tulad ng mga Lopez, Gokongwei, Gozon at iba pa, sa larangan ng brodkasting ay nagtayo ng mga pasilidad ng pagbabalita upang kumita.

Hindi maitatatwang sa Pilipinas, ang malalaking estasyon ng radyo, telebisyon at maging ang mga ahensiyang wires at on-line news broadcasting na nauuso sa kasaluyan ay pag-aari ng mga kilalang Media tycoons: Lopez para sa ABS-CBN Holdings, Inc.; Tony Cojuangco para sa ABC-5; Gozon para sa GMA 7.

Sa kabilang banda, pag-aari naman ng iilang tao rin, partikular ng mga mayayamang negosyanteng Intsik ang mga pahayagan: Robina Gokongwei-Sy ng Summit Publishing; Dante Francis Ang ng The Manila Times at ng Sunday Times Magazine, kabilang na dito ang tabloid na Kabayan; Teodoro Locsin, Jr. ng Today. Maibibilang na rin dito ang mga Lopez dahil sa kanilang ABS-CBN Publishing na itinuturing na ikalawa ngayong nangungunang tagapaglathala ng magasing panlibangan tulad ng Chalk na ang pangunahing target ay mga kabataan; Metro Magazine; at iba pa.

Bagaman may mga entidad na maituturing na pag-aari ng Estado, unti-unti na rin itong ginagawang empresa (enterprise) upang kumita ang gobyerno. Ang National Broadcasting Company (NBN 4), ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13), ang Radio Philippines Network (RPN-9), at ang  Philippine News Agency (PNA) na humahawak naman ng mga Philippine wires; at iba pang estasyon ng radyo na pag-aari ng Estado ay pawang mga institusyon ng pagbabalitang nilikha upang pagkunan ng kita at gayundin, upang maging sangay propaganda ng pamahalaan.

Ngayon, unti-unti ang nabanggit—gaya ng NBN 4, RPN 9 at IBC 13—ay unti-unti nang isinasapribado dahil sa kawalan nang kumita ng mga ito, para sa gobyerno.

Ayon sa isang primer na ipinalabas ng National Peoples’ Media and Press Center of the Philippines, Inc. (NCPM), nananatili ang mga institusyon ng mas Media sa kamay ng iilang mga mayayaman o may kakayanang makabili ng prangkisa o pahintulot buhat sa gobyerno at makabili ng mga kagamitan tulad ng mga computers para sa layout at online broadcast, papel, makinang pang-imprenta at iba pa. Ibig sabihin isang kumikitang industriya ang Media.

Multibilyong piso kung tutuusin ang industriya ng Media. Dito masasabing may napakalaking potensiyal na mamuhunan ang isang tao upang kumita. Datapwa, dahil na rin sa monopolistikong kalakaran sa ganitong uri ng empresa, marami rin ang pahayagang nagsasara at mga estasyong nalulugi at tuluyan nang hindi nakapag-eere.

Nariyan ang dating Philippine Post, Manila Shining Star, at ang Metro Sun Star na dati’y nakikipagsabayan sa malalaking diyaryo tulad ng Philippine Daily Inquirer, Manila Bulletin at Philippine Star.

Media bilang panlipunang institusyon

Bagaman masasabing ganoon ang kalakaran, nananatili pa rin ang impresyon na ang Media ay siyang sentro ng serbisyo publiko at isang institusyong sosyal o panlipunan dahil nakapokus ang kalakhang bahagi nito sa pag-alam at pagpapakilos ng tao.

Kung susuriin, naging isang bahagi ng sosyal na gawain ng tao ang Media dahil ang lahat ng mamamayan ay umaasa sa impormasyong hatid ng Media at ang mga impormasyong ito ang siyang nagagamit ng tao para sa kanyang pang-araw-araw na gawain.

Sa mga magsasaka halimbawa, ang programa hinggil sa wastong pag-aalaga ng baboy, pagpapalago ng palay at pagpapanatili ng isang palaisdaan ay magiging malaking tulong para sa sariling ekonomiya o kabuhayan.

Nakalilikha din ang midya ng isang malayang pagpasok ng mga impormasyong kailangan para maipakilala ang isang batas na babago sa takbo ng buhay ng mga mamamayan. Kung titingnan, obligado ang Lehislaturang magpatalastas sa diyaryo na may pambansang sirkulasyon bago maipatupad ang batas.

Media Bilang Pampulitikang Insitusyon

Hindi maihihiwalay ang Media sa pulitika. Ito ang siyang tinaguriang ikaapat na bahagi ng estado (fourth estate of the state) na siyang lumilikha naman ng di-nasusulat na batas panlipunan.

Nagaganap ito sa pamamagitan ng ahitasyon na isinasagawa ng Media sa panahon na kailangan ng isang pagkilos. Halimbawa, ang kaso ni dating Pangulong Joseph Estrada na ang Media ang siyang naging sanhi ng pagpapakilos na malaking bilang masa para mapatalsik ang dating pangulo sa poder at mailuklok ang kanyang bise-presidente, si Gng. Macapagal-Arroyo.

Kung titingnan, may kapangyarihang pansarili ang Media tulad ng hindi magagawa ng gobyernong pilitin ang sinumang Media practitioner na ibunyag ang kanyang pinagkunan ng impormasyon.

Gayundin naman, sa kabilang banda, ang Media ang siyang pinakamainam na instrumento ng propagandang pampulitika lalo na sa panahon ng eleksiyon. Ito rin ang siyang nagsisilbing daluyan ng ilang pampulitikang gawain tulad ng mga paglilitis na dapat makita ng madla, ang pagaanunsiyo ng bagong mga batas at maging ang ulat ng mga ahensiya ng gobyerno sa bayan.

Media at Edukasyong Panlipunan

Tatlo ang batayang katungkulan ng Media sa lipunan: tagapagmulat o agitator, tagapagpangkat o organizer at tagapagpakilos o mobilizer. Nagaganap ang tatlong nabanggit sa pamamagitan ng paghuhubog ng isang opinyon publiko.

Ang opinyon publiko ang itinuturing na isa sa pinakamalakas na kapangyarihan ng mamamayan bukod sa pagluklok ng isang pinuno ng pamahalaan. Naiaanyo lamang ito sa pamamagitan ng Media: Ang impormasyon o edukasyong natatanggap ng isa sa Media ang siyang nagiging batayan ng kanyang pagsusuri at kanyang pagkilos lalo na sa mga napapanahong isyu.

Ayon kay Ma. D’Jay D. Lazaro, executive director ng NCPM at isa sa mga desk editor ng Remate Tonight, may ginagampanang mahalagang papel ang Media sa pagpapakilos ng mamamayan upang tumugon sa isyu.

Noong panahon ng kampanya kontra-Marcos (1986) malaki an g naitulong ng Media upang maganap ang unang Rebolusyong Edsa na sinundan, matapos ang 15 taon ng Ikalawang Rebolusyong Edsa (Edsa II) na siya namang nagpatalsik si dating Pangulong Estrada.

Nitong nakaraan, ang pagkakahantad sa Media ng kalagayan ni Angelo dela Cruz ang siyang nagpakilos sa mamamayan upang puwersahin ang administrasyong Macapagal-Arroyo upang makipagnegosasyon, paalisin ang tropang Pilipino sa Iraq at iwaksi nang pansamantala ang ugnayang Pilipinas at Estados Unidos upang mailigtas ang buhay ng binihag ng Overseas Filipino Workers (OFW).

Hindi na bago ito sa usapin ng pagpapakilos ng masa sa pamamagitan ng ahitasyon (agitation) ng Media o dyornalismo. Bago ang Rebolusyong 1896 at bago ang proklamasyon ng Rebolusyonaryong Gobyerno noong 1898, naging daluyan ng impormasyon at edukasyong pangmasa ang mga diyaryong La Solidaridad at Diyaryong Tagalog ng Kiluasang Propaganda at Katipunan na siya namang nakahikayat sa kalakhan ng mamamayan upang humingi ng panlipunang pagbabago: pulitikal, ekonomikal at edukasyonal.

Kaya nga, nakasentro pa rin sa isang di-maitatangging gawaing sosyal ang Media: ang tinatawag na serbisyo publiko sa anyo ng pagpapaalam sa masa kung ano ang nasa likod ng mga pangyayari at pagpapaliwanag sa kanila ng ugat ng tunay na pangyayari.

Ito naman ang siyang huhubog sa isang polisiyang kapaki-pakinabang (kung sakali) sa buong sambayanan.

Kabalintunaan sa kasalukuyang kalakarang Media sa Pilipinas

Hindi maiiwasang dahil nga sa pribadong industriya ang Media, nasasagkaan nito ang gawain ng Media bilang instrumento ng pambansang pagbabago. Madalas na nasasala ang mga balita at impormasyong nakararating sa tao.

Patalastas o anunsiyo ang siyang bumubuhay sa mga institusyon ng Media. Humigit-kumulang sa tatlo at kapat (¾) o higit pa ng kinikita ng Media ay mula sa kanilang patron o mga advertisers.

Naririyan ang kompanya nina Eduardo Cojuangco, ang San Miguel Group of Companies, na siyang pinakamalakas na tagapagpasta ng anunsiyo sa mga diyaryo at telebisyon maging sa radyo. Nariyan ang minu-minutong anunsiyo ng kanyang produktong serbesa, karne, at iba pang produktong buhat sa kanyang kompanya at mga subsidaryo.

Dahil sa utang na loob ng mga may-ari ng kompanya ng Media sa isang tulad ni Danding, nasasagkaan ang ilang mga impormasyong dapat na malaman ng publiko.

Nang isinusulat ito, mayroong nagaganap na malawakang welga ngayon sa San Miguel Beer warehouses sa Kalookan, Pureza sa Sta. Mesa, Maynila, Makati at Cubao na may malaking implikasyon sa kabuhayan ng nakararami dahil humigit-kumulang sa 10,000 o higit pa ang mawawalan ng hanapbuhay at madaragdag sa 13.7% ng kawalang trabaho.

Noong nakaraang eleksiyong 2004, hindi nabunyag sa kahit saanmang estasyon ang lihim na kasunduang Arroyo at Cojuangco sa kontrobersiyal na Coco Levy Fund. Ilan lamang sa mga Media entities ang kumagat sa balita at sa dakong huli, namatay ang isyu. Nanalo pa rin si Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa kabila ng eskandalo.

Dahil naman sa pag-aari ng mga Lopez ang Meralco, Maynilad at iba pang industriyang may kinalaman sa konstruksiyon, telekomunikasyon o samakatuwid, utilidad (utilities), napagtatakpan ang ilang balita ng pagsasamantala ng mga ito sa sambayanan.

Mahigit sa P19 na bilyon ang sobrang singil ng Maynilad Water Services na nakapailalim sa Benpres, Inc., ang grupo ng kompanya ng mga Lopez ang hindi naiulat sa Media. Hindi ito ibinalita sa mismong ABS-CBN at lumabas lamang sa mga kalabang estasyon sa pagpupursigi ng ilang grupong cause-oriented. Gayunman, mayroong dahilan ang kabilang estasyon kung bakit nito “kinagat” o ibinalita ang isyu: ang kita mula sa mga advertisers dahil sa buyability ng istorya at siyempre pa, pambala nila ito laban sa kalabang istasyon.

Ibig sabihin, ang pagkagat ng GMA-7 ng mga Gozon at Duavit ay bahagi lamang ng kanilang “corporate scheme” at hindi talaga pagkiling o pakikinig at pagpapalaganap ng isyu ng masa.

Ang napipintong di-makatarungang pagtaas ng singil sa NLEX (North Luzon Expressway) na hinawakan ng Benpres Holdings Inc. na ipinagkasundo sa gobyerno. Hindi ito nailabas kahit saan mang diyaryo maliban sa ilang mga alternative Media entities tulad ng Pinoy Weekly, Bulatlat.com, at Southern Tagalog Exposure.

Bilang isang ideolohikal na aparato kapwa ng Estado at ng Masa

Dahil sa napakalakas na impluwensiya ng Media, isa itong maituturing na aparatong ideolohikal o tagahubog ng kaisipang pambayan. Nakapaloob dito ang pagpapalaganap ng isang popular na kultura, popular na demokrasya at iba pang ideolohiyang nakakawing sa sinasabing pilosopiya ng nakaaangat.

Sabi nga ni Louis Althusser, sa kanyang diskursong “Ideology and Ideological State Apparatuses: Notes Toward Investigation” (1969), ibinilang niya ang Media bilang isa sa mga aparatong represibong ideolohikal ng estado. Ibig sabihin, tuwiran man o hindi, may tiyak na kontrol ang Estado (na ngayon ay pinamumunuan ng mga burgis at naghaharing-uri) sa mga entidad sa Media at ito naman ang siyang humuhubog sa kaisipan ng masa.

Ang kaisipan namang ito ang siyang humuhubog sa opinyon ng taumbayan hinggil sa mga isyu:

  • sa sosyoekonimiko at sosyopulitikong relasyon ng mga nasa lipunan

Nahahati ang Pilipinas sa limang espisipikong uri (class) ang lipunang Pilipino:

  • 1% ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang mga itinuturing na panginoong maylupa at burgesyang komprador. Sila ang karaniwang nagmamay-ari ng kalakhang yaman ng bansa, kasama na ang pangunahing industriya: kuryente, tubig, Media at mga empresa.
  • 1% ang nabibilang sa pambansang burgesya: sila ang saray (strata) ng burgesya na nasa gitna ng malakibg burgesyang komprador at petiburgesya. Mga negosyante silang nagnanais ng makabansang industriyalisasyon at saklaw ng kanilang interes ang maliliit na pagawaan, pangingisda, maliitang manupaktura, katamtamang pangangalakal (medium trade) at negosyo sa transportasyon, at intermedyang industriya.
  • 8% ang mga itinuturing na petiburges: kabilang dito ang mga guro, estudyante, mga propesyunal na maliit ang kita, empleyado at mababang opisyal ng gobyerno o burukrasya, gitnang magsasaka (middle peasant o nagmamay-ari ng di-gaanong kalakihang lupang sinasaka), ekspertong tagayaring kamay, karpintero-kontratista, mangingisdang may sariling bangkang de-motor at kagamitan, at bihasang manggagawang may mataas-taas na sahod.
  • 15% ang mga manggagawa
  • 75% ang mga magsasaka o tagapagbungkal ng lupa.

Hindi madalas na naipakikita ang ganitong pagkakahati-hati sa lipunan, bagaman may ilang nagsasabing malayo ang agwat ng pamumuhay ng mga mayayaman at mga mahihirap, kapwa sa kalungsuran at kanayunan.

Sa pagitan ng mayaman at mahirap, ang mga mayayaman ang lumilitaw na tagalikha dahil sila ang may kakayanang makapagmay-ari ng mga industriya. Subalit, kung titingnan, ang mga manggagawa at magsasaka kasama ang iba pang nasa 99% na porsiyento ng populasyon ang siyang may kakayahang makalikha ng masasabing kabuhayan ng bansa.

Madalas na hindi ito naipakikita sa Media. Ngunit, madalas na ipinakikita ang malaking agwat ng kabuhayan ng mga mayayaman at mahihirap sa mga pelikula, palabas at mga dokumentaryo.

  • ang konsyumerismo at ang pagpapalaganap ng kulturang popular (na mapaminsala)

Ipinalalaganap ng popular Media ang isang kulturang nakabatay sa pagbili (consumerism). Dahil sa may kakayanan ang mga petiburges at mga nasa bahaging “nakaaangat” na bumili, patuloy ang pagpapalaganap o pagpopopularisa ng mga bagong produkto (mga kosmetiko halimbawa) upang hikayatin ang masa na bumili.

Gayundin naman, pinalulutang ng Media ang isang uri ng malabsang kulturang ipinaampon sa masa bilang kanyang sariling kultura. Nariyan ang mga pelikulang porno, mga nakasasakit na gag shows at iba pa.

  • popular na demokrasya

Nasa mukha rin ng Media ang balintunang relasyong pampulitika tulad ng mga huwad na repormang ipinapalaganap ng gobyerno.

Binubusog ang tao ng mga pangako buhat sa mga pulitiko sa pamamagitan ng pag-eere nito sa Media. Bagaman mayroong mga kongkretong proyekto, hindi ipinalalabas ng Media dahil sa sensura ng gobyerno ang kapalpakan ng mga proyekto. Hal. Ang mapaminsalang polisiya ng globalisasyon at pribatisasyon.

Bagaman may sinasabing may kalayaan sa pamamahayag, maraming mga mamamahayag ang sinasagkaan ng karapatan sa pamamahayag.

Ang unos sa industriya ng Media

Bagaman may kabalintunaan, hindi rin maiiwasang binabayo rin ang sinasabing demokratikong identidad at gawain ng Media.

  • Sensura at sariling-sensura (self-censorship)

May ilang mga pahayag at mga balitang hindi naipalalabas dahil hindi pinapayagan ng editor o ng tagapaglathala na mailabas.

Malaganap ang ganitong kaso sa mga diyaryong kinakandili ng mga maimpluwensiya. Bilang utang na loob, maraming mga impormasyon ang nananatili na lamang nakatago at hindi nailalathala.

Marami ring kasong “minamasahe” ang mensahe dahil na rin sa “utang na loob”. Ang dapat malathala’t hindi nailalathala.

  • Korupsiyon at pang-ekonomikong suliranin

Marami na ring mga taong Media ang napipilitang “ikalakal” ang sarili upang masapatan ang kita. Maraming mga korespondent sa probinsiya maging sa kalungsuran ang nagiging PR na lamang ng mga pulitiko at mga korporasyon. Gayundin, pinipiling ipagbili ang prinsipyo upang magkaroon ng sapat na salaping panustos sa sarili at sa pamilya.

Marami kasing mga Media practitioners sa mga lalawigan ang kumikita lamang ng P1,500 isang buwan o mas mababa pa.

  • Pagsupil sa karapatang mag-unyon

Tulad ng iba pang empresa, may ilang mga pahayagan at mga estasyon ng telebisyon at radyo ang nagtatayo ng unyon: gaya rin ng ibang unyon ng mga manggagawa, bawal ang welga, dinadaya ang CBA (Collective Bargaining Agreement) at sinusupil ang karapatang mag-unyon.

Ayon sa ulat ng Bulatlat.com, kasalukuyang nagtatanggalang ngayong 2010 ng mga empleyado ang ABS-CBN Internal Job Market. Ang puntirya nila: mga opisyal at kasapi ng unyon.

Ginagawa nila ito para tuluyang maisakatuparan ang balak ng ABS-CBN na tuluy-tuloy na kontraktuwalisasyon sa hanay ng kanilang manggagawa, nang sa gayon, ay kaunti lamang ang kanilang “gagastusin” kung pag-uusapan ang pagbabayad sa benepisyo at sahod ng kanilang mga manggagawa.

  • Hindi makatarungang mga batas

Sa panig ng pamamahayag pangkampus, ang Campus Journalism Act of 1991 (Republic Act 7079) na nagdulot ng pagsasara ng mga publikasyong pangkampus tulad ng Ang Pamantasan.

Kasama rin din dito ang pagpapaigting o pagpapabuti sa batas sa libelo at paninirang-puri (slander) na karaniwang ginagamit upang masensura ang karamihan sa mga mamamahayag.

  • Karahasan

Mula 1986, sa panahon ng pananauli diumano ng demokrasya, 55 mamamahayag na ang pinaslang (may nagsabing umaabot na raw sa 137; hindi pa kabilang ang di-nauulat.

Ang Media, ang pambansang pagmumulat at ang kaunlaran

Kung mahahamig, maaring magamit ang Media, gaya nang nasabi bilang isang progresibong instrumento ng pagbabago.

Dito papasok ang sinasabing “alternative Media” o mga entidad na kontra popular na Media na naghahantad ng tunay na kalagayan ng lipunan at naghuhubog ng isang esensiyal na opinyon publiko.

Dahil sa lakas ng Media na makahubog ng isip ng madla, maaring gamitin ito upang tuwirin ang kabaluktutang ipinalaganap sa pamamagitan din ng Media.

Narito ang mga halimbawa:

  1. Ang isang balita halimbawa tungkol sa pag-aalsa ng magbubukid sa Timog Katagalugan ay maaring tanggapin bilang isang balitang pangkaraniwan. Subalit ang pag-ugat nito bilang isang suliraning panlipunan, alalalong baga ang relasyon ng kapangyarihan sa pagitan ng mga magbubukid at panginoong maylupa ay higit na magbibigay linaw sa manonood o mambabasa upang maunawaang ang balitang nabasa, napanood o napakinggan ay isang malinaw na indikasyon ng umiiral na hindi patas na relasyong pangkapangyarihan sa kasalukuyang lipunang Pilipino.

Ang pag-aalsa ng mga magbubukid ay malinaw na tatanggapin bilang tugon sa isang di-makatarungang patakaran hinggil sa pag-aari ng lupa. Dito, mapakikilos ang nakararami upang ipagtanggol at ipaglaban ang tunay na repormang agraryo. Mapupuwersa ng gayong mga pagkilos ang gobyerno upang baguhin ang bulok na sistema sa paghahati-hati ng lupain at pagpapaunlad ng buhay-bukid.

  1. Sa pamamagitan ng isang dokumentaryo ng paghahantad sa paglabag sa karapatang pantao, tulad ng nagaganap sa Timog Katagalugan, agad na maaksiyunan ang kasong tulad ng kina Eden Marcellana at Eddie Gumanoy na pinaslang ng mga militar.

Ang paghahantad ng korupsiyon sa gobyerno at pagsisilbi ng isang entidad ng Media sa sambayanan ang makapagpapabago sa gobyerno. Pinakamagandang halimbawa nito ang pagpapatalsik sa diktadurang Marcos at ang pagpapanauli ng demokrasya.

Kongklusyon

  • Pahapyaw lamang ang nabanggit sa itaas. Kung itotodo ang potensiyal ng Media bilang instrumento ng edukasyon at paglilinaw, makalilikha ang kasalukuyang lipunan ng mga pagbabagong esensiyal at progresibo para sa pangkalahatan.
  • Sa tunay na Media ng masa magmumula ang mga mabubuting panukalang pangkabuhayan sa pamamagitan ng paghahantad ng kontra-mamamayang polisiya sa kabuhayan, na isasagawa naman ng tunay na demokratikong gobyerno na hindi naman malabong maabot ng Pilipinas at ipapatupad nang walang pag-aalinlangan;
  • Ang mapanuring Media ang siyang susugpo sa korupsiyon ng gobyerno at siya namang magtuturo sa mamamayan kung paano kumilos bilang paglaban sa kabalintunaang ito;
  • Ang Media bilang institusyon o edipisyo ng demokrasya ang siyang magpapalaganap ng tunay na kahulugan ng demokrasya at magsusulong nito; at
  • Ang tunay na Media ang siyang magiging katulong ng tunay na demokratikong pamahalaan sa pagsusulong ng isang maayang bukas na may malayang impormasyon at isang edukasyong masang nakapagpapamulat at nakapagpapalaya.

Talasanggunian:

Althusser, L. (1966). “Ideology and Ideological State Apparatuses,” Lenin and other Essays.

Iba’t ibang balita sa peryodiko, telebisyon at internet

National People’s Media and Press Center of the Philippines, Inc. (2002) Primer on Media.

Maliban nang makita mo ang digma’y hindi mo hahanapin ang katuturan ng kapayapaan

Malibang malasahan mo
Ang angi ng pulbura
At dumalok sa iyong mata
Ang usok na dulot ng
Ng sumabog na bomba
At pinaputok na kanyon—
Ay hindi mo kasasabikan
Ang kapayapaan.

Sapagkat ang puso’y
Pinatutulog, pinahihimbing
Ng kawalang-malay
Samantalang patuloy
Namang ipinaghehele ng ilusyon
Ng pag-ibig at kagandahang loob
Ng nagbabalat-kayong pilantropo’t pilosopo
Ang ating mga malay at bait
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos.

Maliban na makita mo
Ang sumabog na bungo
At kumalat na dugo ng mga walang malay
Sa sahig ng Luson, Bisaya at Mindanaw
Ay mananatili kang walang kibo’t hindi nanghihilakbot
sa mga nagaganap sa iyong bayan
At baka sabihin pa sa sarili na
Ang lahat ng nangyayari’y pangkaraiwan.

Totoo.

Dahil sa bawat paraan ay patuloy
Tayong nililinlang na
Ang hinahabol na banal
Ay mga kriminal:

Mga paring naghangad ng lupa para sa magsasaka
Mga manggagawang pangkulturang nagnais na lumaya
Mga lumad na nagtatanggol sa kanilang lupang ninuno
Mga kabataang naghangad ng mabuting buhay para sa sarili’t para sa iba
Mga babaing nagtanggol sa puri at dangal nila
Mga magbubukid na umaamot lamang nang makaratungang hati sa kanilang saka
Mga mamamahayag na naghantad ng kabulukan ng umiiral na sistema
At marami pang iba…

Kagaya sila ni Kristo
Nang tangkain niyang baguhin
Ang kalooban at diwa ng tao
Ipinako sa krus ng mga lilo.
Inalimura. Sinaktan. Hinubdan ng dangal.

Malibang masaksihan mo ang mga pulasan
Ng mga lumad, Kristiyano at Muslim
Sa winawasak ng digmang Mindanaw—
Ay hindi mo hahanapin ang kapayapaan.
At mananatili ka lamang sa iyong sariling mundo
Sa malamig na silid ng iyong opisina
O sa pag-aturga sa kumakalam na sikmura ng iyong bunso at asawa

Malibang makita ng sariling mata
Ang dinaranas na karalitaan ng iyong mga kababayan
At kabusabusan ng iyong Inang Bayan
Na nagsilbing pataba sa sumisiklab ngayong mga Digmaan—
Ay hindi mo hahanapin ang tunay na kahulugan
Ng salitang kapayapaan.

Ngunit kung bubuksan mo ang iyong pakinig,
Kung ididilat mo ang iyong mga mata,
At palalambutin mo ang iyong pusong pinatigas
Ng kaunting kaalwanan ng iyong kalagayan
Ay doon mo malalasap at makikita
Doon ka lamang mauuhaw at magugutom
Sa tunay na kahulugan at katuturan
Ng salitang KA-PAYAPA-AN.

Setyembre 9, 2010
Lungsod ng Antipolo

tagulaylay ng isang makata’t manunulat

HINDI NA ako magpapaliguy-ligoy pa. Ang pagiging manunulat dito sa atin ay isang pagpapagutom, kung hindi man, ay tuwirang pagpapatiwakal sapagkat binabarat, o manapa’y hindi binabayaran, ang bawat salita at pananda, ang bawat pangungusap, parirala at talata, ang bawat taludtod at saknong.

Napakasakit na isipin na hindi mo ikabubuhay sa Pilipinas ang pagiging makata at manunulat; at ang tanging kasiyahan mo na lamang ay ang mabasa ang iyong pangalan sa isang lathalain o tula o sanaysay o balitang iyong isinulat.

Iyan ang mapait na reyalidad na kinahaharap ngayon ng mga tulad kong inibig ang pluma at napaasawa sa mga salita at talinghaga. Isang mapait na pagkaing kailangan mong lulunin sapagkat iyon na ang nakagisnang kalakaran.

***

Upang kumita ng kaunting salapi, kailangan mong manlimos sa mga pasulatan, gaya nang madalas kong nararanasan. Para kang asong naglalaway sa inilalawit na buto ng kapitalista (na nagkataong lider-relihiyoso pa) na pagkalapat sa iyong sikmura’y parang hangin lamang – nakakapagpakabag.

Hindi, hindi talaga makabubuhay ang pagsusulat dito sa Pilipinas.

***

Ang pagdaralita bilang manunulat, laluna kung ang tula at sanaysay, mga balita’t kuwento, ay alay sa sambayanan ay hindi naman totoo sa ipinagpuputa o ipinangangalakal ang kasagraduhan ng sining ng pagsusulat.

Ibig mong kumita nang malaki? Mag-PR ka para sa isang politikong nagpapasasa sa kinurakot na yaman mula sa mga manggagawa’t magsasaka, mga maralitang tagalungsod at intelektuwal na nagpapakakuba sa pagtatrabaho. O kaya naman ay languin ang utak at puso ng masa sa mga sulating nakapanggigilalas at hindi kapanipaniwala, nakalilibog o nakapagpapatirik ng kanilang ulirat. Subalit sa ilang “mulat” at nakaaalam ng tunay na ugat ng anti-intelektuwalisasyon ng mga Pinoy at Pinay, ay hindi makasisikmura ng ganoon.

Magpapakagutom na lamang sila, magdidildil ng asin, at titiisin ang pag-alimura ng pamilya, kaanak at kakilala, basta hindi lamang malahiran ng masamang laway – mabagsik at maasido – ang titik ng kanilang pagsusulat.

***

Sabi ng isang pilosopo at progresibong-mag-isip na Aleman, “Ang tao’y dapat naghahanapbuhay at nabubuhay para makapagsulat; subalit hindi dapat na ipaghanapbuhay ang pagsusulat.”

Nagtatalo ngayon ang isip ko: Paano ko gagawing hindi hanapbuhay ang aking pagsusulat gayong iyon lamang ang alam ko? Makirot ang katotohanan. Subalit kailangang tanggapin. Ngunit kailanman, hindi ko iiwanan ang pagsusulat. At hindi ko ito ipagpuputa, kagaya ng iba. Hindi.

Kundiman: higit pa sa awit ng pag-ibig

HINDI LAMANG awiting lipos ng pag-ibig, may ginampanang mahalagang papel sa himagsikang Pilipino noong 1896 ang kundiman (cundiman sa lumang baybay).

Nagmula sa lalawigan ng Batangas, ang kundiman ay isang uri ng awitin ng pag-ibig na ipinakikilala ng malamyos, maaliw-iw, at mabanayad na himig.

Sabi nga ng mananalaysay na si Teodoro Agoncillo (1912 – 1985), katutubo sa Pilipinas ang kundiman at walang bahid ni isang hibla ng kulturang Espanyol dahil bago pa man lumunsad ang mananakop ng Krus at Espada sa baybaying Pilipino, ay naririyan na ang mga awiting iyan, gaya nang nasusulat sa ibaba:

Hayo na’t dimugin ang bato mong puso
Sa pait ng aking luhang tumutulo,
Nang ang mailap mong awa’y nang umamo
Sa walang hangganang tapat kong pagsuyo.

Mula sa History of the Filipino People (1990), p. 57

Sa panahon ng paghihimagsik laban sa mga Espanyol, at bago pa ito maging parang apoy na lumaganap sa iba’t ibang bahagi ng lupain, ang matatamis na liriko ng kundiman ay tila naging isang kumot na nagkubli sa nag-aalab na damdamin ng inaaping mga indio.

Si José P. Rizal, na siya nating pambansang bayani’y sumulat ng isa sa pinakamagagandang kundiman sa panahon ng nagaapoy na pingkian sa pagitan ng mananakop at nang sinasakop, na sa dakong huli’y nagsimula nang pumiglas:

Tunay ngayong umid yaring diwa at puso
Ang bayan palibhasa’y api, lupig at sumuko.
Sa kapabayaan ng nagturong puno
Paglaya’y nawala, ligaya’y naglaho!

Datapuwa’t muling sisikat ang maligayang araw
Pilit na maliligtas ang inaping bayan
Magbabalik man din at laging sisikat
Ang ngalang Tagalog sa sandaigdigan!

Ibubuhos namin ang dugo’y ibabaha
Ng matubos lamang ang sa Amang Lupa!
Hanggang ‘di sumapit ang panahong tadhana
Sinta ay tatahimik, tutuloy ang nasa!
Sinta ay tatahimik at tutuloy ang nasa!
O Bayan kong mahal
Sintang Filipinas!

Nalathala sa isang kabanata ng Noli Me Tangere

Sinasabi rin sa kasaysayan na sa panahong nagpupulong ang mga katipunero, sina Melchora Aquino at mga kasama’y umaawit ng mga kundiman at awiting bayan para hindi mapagtanto ng mga Espanyol ang tunay na nagaganap sa loob ng tahanan.

Ang naging pinakakilalang kundiman sa panahon ng Himagsikang Katipunero ay ang Jocelynang Baliwag, na inialay kay Josefa ‘Pepita’ Tiongson y Lara, na taga-Baliwag, Bulakan—ang pinakasagisag ng Bayang Pilipinas, na bagaman matamis magmahal ay labis ang lumbay:

P- Pinopoong sinta, niring calolowa
Nacacawangis mo’y mabangong sampaga
Dalisay sa linis, dakila sa ganda
Matimyas na bucal ng madlang ligaya.

E- Edeng maligayang kinaloclocan
Ng galak at tuwang catamis-tamisan
Hada cang maningning na ang matunghaya’y
Masamyong bulaclac agad sumisical.

P- Pinananaligan niring aking dibdib
Na sa paglalayag sa dagat ng sakit
‘Di mo babayaang malunod sa hapis
Sa pagcabagabag co’y icaw ang sasagip.

I- Icaw na nga ang lunas sa aking dalita
Tanging magliligtas sa niluha-luha
Bunying binibining sinucuang cusa
Niring catawohang nangayupapa.

T- Tanggapin ang aking wagas na pag-ibig
Marubdob na ningas na taglay sa dibdib
Sa buhay na ito’y walang nilalangit
Cung hindi ikaw lamang, ilaw niring isip.

A- At sa cawacasa’y ang kapamanhikan
Tumbasan mo yaring pagsintang dalisay
Alalahanin mong cung ‘di cahabagan
Iyong lalasunin ang aba cong buhay.

Liriko mula sa Wikipedia, 2010

Kaya nga, hindi maitatatwang hindi lamang humihiwa sa puso ang kundiman, kundi nagpapaalab ito ng kakaibang pagmamahal, alalaong baga’y ang pagmamahal sa Inang Bayan, na kumbaga kay Jose Corazon de Jesus ay bayang sakdal dilag (Mula sa Bayan Ko, 1929).

Kuwintas ng mga Salita: Isang sulyap sa sining ng tula

Write in such a way as that you can be readily understood by both the young and the old, by men as well as women, even by children…

- Ho Chi Minh[1]

BUNGAD-SABI. Minsan, nasabi ng isang batang makata na ibig niyang maniwalang ang tula ay hindi para sa nakararami, alalalong baga ay para sa malawak na masang sambayanan, dahil sa tayog ng diwang bitbit ng pinagkabit-kabit na salita na iniayos sa mga taludtod at saknong.

Marahil, totoo ito sa isang banda, sapagkat nakararaming Pilipino pa rin ang salat na salat sa kaalamang pang-akademya bunga na rin ng kawalang kakayahang makatuntong man lamang, o makatapos ng haiskul.[2] Malaking bahagi kasi ng populasyong Pilipino’y lublub na lublob pa rin sa karalitaan.[3]

Higit pang nakadagdag sa pasanin o hirap ng mga mambabasa para maunawaan ang lasa at anyo ng tula ang mga katuturan (meaning) na ibinigay ng mga talatinigan o diksiyunaryo at maging ng ilang encyclopædia sa sining na ito:

1. a composition in verse, especially one characterized by the use of heightened language and rhythm.[4]

2. A metrical composition; a composition in verse written in certain measures, whether in blank verse or in rhyme, and characterized by imagination and poetic diction; contradistinguished from prose; as, the poems of Homer or of Milton.[5]

3. a form of literary art in which language is used for its aesthetic and evocative qualities in addition to, or in lieu of, its apparent meaning.[6]

“Pinatayog na mga salita”, “komposisyong metrikal o mayroong sukat”, “tugma”, at kung anu-ano pang makukulay na salitang pilit idinamit sa tula: ang mga ito ang lalo pang nagbigay ng hiwaga o misteryo sa sining na ito, kung marami ang “takot” o “nangingilag” sa sining ng pagtula.

Kagagawan na rin marahil ng “pagmamataas” ng ilang makata kung kaya ang tula ay nananatili sa kamay ng iilan—hindi sa kamay ng masa na dapat sana ay patuloy na nagpapayaman sa mga ito dahil sa kanila naman talaga ito nagsimula.

♦♦♦

MAIKLING KASAYSAYAN NG PANULAANG PILIPINO. Sabi ng makata at dakilang lider obrerong si Gat. Amado V. Hernandez (Setyembre 13, 1903 – Marso 24, 1970), bahagi ng katutubong kultura ng mga Pilipino ang pagtula, hindi pa man lumulunsad ang dayuhang mananakop sa dalampasigan ng Pilipinas.[7]

Hindi malinaw kung kailan at kung paano nagsimulang tumula ang mga Pilipino. Basta’t ang pagkakasalaysay ng mga istoryador gaya ni Teodoro A. Agoncillo, halos lahat gawaing pampanitikan sa bansang Pilipinas, bago dumaong dito ang mga Kastila ay mayroong langkap na tula, partikular ang sa mga Tagalóg. Ang kanilang mga sabi, sawikain, bugtóng, suliranin, indulanin, talindaw, diyuna, kumintáng, dalít at umbay, tagumpáy, balikungkong, dupayanin at hiliraw, uyayi at hele, ihiman, tagulaylay, tigpasin, at kutang-kutang ay pawang tulang paawit kung bigkasin.[8] Mayroon na rin ang mga sinaunang Pilipino ng tulang relihiyoso o pang-relihiyon, na nababatay sa kanilang pamahii’t pananampalataya.[9] Bukod sa pasalitang panitikan (oral literature), mayroon din ang sinaunang mga Pilipino na nasusulat na panitikan, kabilang dito ang kanilang mga epiko at awit, na pawang mga tulang sinaliwan ng tugtugin.[10]

♦♦♦

PINAKA-“INA” NG SINING NG PANITIK. Dahil dito, maaaring sabihin na ang panulaan ang pinaka-ina ng panitikan, hindi lamang ng Pilipinas kundi maging ng ibang mga bansa. Gaya ng sabi ng dalubgurong Amerikanong si Michael Meyer,

Although no one can point to the precise origins of poetry, it is one of the most ancient of the arts, because it has existed ever since human beings discovered pleasure in language (Bagaman walang makatuturol sa tiyak na pinagmulan ng panulaan, [masasabing] isa ito sa pinakamatandang [uri o anyo] ng sining, dahil umiral na ito sa pagkakatuklas ng mga tao sa kasiyahang hatid ng wika).[11]

Ayon pa sa libreng encylopædia na Wikipedia, kung sining ng pagtula ang pag-uusapan, nauna pa ito kaysa sa kakayahan ng mga tao na magsulat at magbasa (literacy), [12] dahil karamihan ng tulay pasalaysay o epiko, ay pawang binibigkas lamang, at hindi nasusulat, gaya nang sa Pilipinas.[13]

♦♦♦

KOMUNAL, HINDI INDIBIDUWAL. Hindi gaya ng pagkakaunawa ng ilan, ang panulaang Pilipino at maging ang iba pang anyong pampanitikan sa Pilipinas, ay walang katangiang “mapag-isa” o indibiduwalista.

Sabi nga nina Panganiban, et al.,

Ang panitikang Pilipino ay pahayag na pasalita o pasulat na mga damdaming Pilipino hinggil sa pamumuhay, pag-uugaling panlipunan, paniniwalang pampulitika, at pananampalatayang niyakap ng mga Pilipino. (ang pahilig ay inilagay ng awtor.)[14]

Sa madali’t sabi,  nagpapakita ng kolektibong damdamin, kaisipan at katutubong karunungan (folk wisdom of the race), ang mga kantahin at salaysaying Pilipino, na siyang pinakakatawan ng panulaang Pilipino, noong unang panahon.[15]

Paliwanag nga ni Meyer,

Thus, from its very beginnings, poetry has been associated with what has mattered most to people (Kung gayon, mula pa nang kanyang pasimula, iniuugnay na ang panulaan sa mga bagay na mahalaga sa mga tao o mamamayan.)[16]

Katulad din ng pagbibigay-diin ni Alberto S. Florentino sa kanyang sanaysay na nalathala noong 1964:

Literature is a social institution: It is created by the writer, who is a member of society. Its medium is language, which is social creation. It represents life, which is social reality. It is addressed to men who form a social body. It is centrally conditioned by social and other forces and it, in turn, exerts social influence. (Isang panlipunang insitusyon ang panitikan: Nilikha ito ng manunulat na kasapi ng lipunan. Ang gamit nitong padaluyan (medium) ay ang wika, na likha ng lipunan. Inihahain nito ang nagaganap sa buhay na siyang reyalidad ng lipunan. Hinubog ito, partikular, ng panlipunan at iba pang mga puwersa, na sa bandang huli, ang panitikan naman ay magbibigay ng kanyang impluwensiya sa lipunang kanyang pinagmulan.). (Isinuplay ng awtor ang italiko.)[17]

♦♦♦

ANG PAGDATAL NG INDIBIDUWALISTANG PANANAW SA PANULAAN AT SA PANITIKAN, SA KABUUAN. Walang malinaw na kasaysayan kung kailan nagsimula ang kaisipang indibiduwalista sa panitikan o maging sa sining sa kabuuan; subalit malinaw na naglalagos sa bawat aspeto ng buhay ng bawat tao ang anyong ito ng sinasabing “awtonomiya,” o pagsasarili.

Ang indibiduwalistang pananaw ay ang isa sa pinakamatingkad na reyalidad na nananalasa ngayon sa mundo ng sining at panitikan. Pag-amin ng anarkista at bohemyong manunulat na si Oscar Wilde,

“Art is individualism, and individualism is a disturbing and disintegrating force. There lies its immense value. For what it seeks is to disturb monotony of type, slavery of custom, tyranny of habit, and the reduction of man to the level of a machine.”[18]

Gayunman, malinaw na mayroong kinalaman ang kapital o ang pag-unlad sa gamit at moda ng produksiyon kung bakit nagkakaroon ng “pagkakahati-hati” sa kaisipan ng mga mamamayan na dati naman ay nag-iisip nang kolektibo.

Sabi ng Encyclopedia of Marxism,

The growth of individualism in the 18th century played a crucial role in further bolstering the development of bourgeois society upon which it had been founded, and the thorough breakdown of feudalism… In Tribal Society, individual consciousness is absent, and only begins to develop on the basis of a social division of labour and in particular, the emergence of private property… (Ang paglago ng indibiduwalismo sa ika-18 siglo ay mayroong mahalagang papel na ginampanan sa pagpapaunlad ng burgis na lipunan, na siyang pinag-ugatan nito at maging ng tuluyang pagbagsak ng piyudalismo… Sa Lipunang Tribo, hindi maaapuhap ang kaisipang indibiduwalista, at nagsimula lamang itong umunlad sa batayan ng dibisyong sosyal ng paggawa at sa partikular, sa pag-usbong ng pribadong pag-aari…) – sa awtor ang pagdiriin.[19]

♦♦♦

TULA AT LIPUNAN. Dahil ang indibiduwalismo ay kontra sa kagalingang panlahat, hindi ito ang dapat manaig sa utak at puso ng manunulat, bagaman ang gawaing pagsusulat ay isang gawaing suhetibo o nakadepende lamang sa indibiduwal na pag-iisip at damdamin.[20]

Ani Jose Ma. Sison, rebolusyonaryong makata at isa sa pinakamahahalagang Marxista sa daigdig, na bagaman mahalagang sangkap, na angat sa lahat, ang pagsusulat o panitikan,  dapat na mabatid ng mga manunulat hindi ito hiwalay sa pulitika at pulitika, na bahagi naman ng kabuuang hibla ng lipunan.[21]

Kung kaya nga, sabi ni Amado V. Hernandez sa kanyang pambungad na sanaysay sa katipunan ng kanyang mga tula na pinamagatang, “Isang Dipang Langit,”

“Ang tula ay hindi pulos pangarap at salamisim. Di-pawang halimuyak, silahis, aliw-iw, taginting at alingayngay. May kagandahan din sa kapangitan, kung paanong ang brilyante’y nabuo sa sinapupunan ng maitim na karbon.”[22]

Pagbibigay-kahulugan ng makatang si Noel Sales Barcelona sa tinuran na ito ni Hernandez na,

…ang tula ay nararapat na tumalakay hindi lamang sa tamis ng pagmamahalan, kagandahan ng kalikasan, kirot ng kabiguan sa pag-ibig kundi dapat din nitong lamanin ang mapapait na karanasan ng mga tao sa isang lipunan.[23]

Pagpapalawig pa ni Barcelona,

Lahat ng sumikat na akda ay panlipunan, hindi pag-ibig sa pag-ibig lamang. Halos lahat ng tulang nakintal sa isip ng mga mambabasa, noon at ngayon ay hindi naman tula ng pag-ibig, pagsinta, takot—kundi mga tulang mabagsik na tumatalakay sa mga katotohanang umiiral sa lipunang Pilipino at nagpapaalaala sa mga pagpapahalagang unti-unti nating nalilimot dahil na rin sa ating pagkalulong sa kaisipang makadayuhan.[24]

Bagaman pinipilit ng ilan na ang tula ay dapat magtaglay lamang ng magagandang bagay, ng paglalambinga’t pag-iibigan, hindi ito ang minamarapat ngayon ng panahon. Ang tunay na halaga ng pagtula ay kaiba sa pagpapaalab lamang ng pag-ibig at paglibog kundi kung paano nakatutulay ang bawat taludtod at saknong sa malawak na sambayanang dating pinagmulan nito. Sabi nga ni Alexander Martin S. Remollino, progresibong makata at peryodista mula sa Laguna, Pilipinas,

Hindi na lamang ako tutula

kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin

ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,

o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.

Hindi lang iyan ang katula-tula,

marami pa ang higit na katula-tula –

lalo na sa mga panahong ito

ng pamamayagpag ng mga kuto’t lintang

nagbabalatkayo bilang mararangal na tao.

At ayaw kong itong aking panulat

ay maging isang baril na walang bala,

kaya’t hindi na lamang ako tutula

kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin

ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,

o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.[25]

Ano nga ba ang halaga ng tula? Sabi nga ng rebolusyonaryo at kritikong si Gelacio Guillermo,

Ano ba ang halaga ng tula sa lipunan? Ipinaliwanag na ito nina Lenin, Mao Zedong at ng makatang Aprikanong Aime Cesaire, at nitong huli’y ng Latinong Amerikanong manunulat na Eduardo Galeano, na nagwika: “Ang sabihing mababago ang realidad sa pamamagitan lamang ng panitikan ay isang kabaliwan o paghahambog.  Sa palagay ko, isa ring kalokohan na itatwang nakakatulong ito sa pagbabago.”[26]

♦♦♦

PAGTULA: PAANO NGA BA MAGSISIMULA? Matapos ang pagtalakay na teoretikal hinggil sa kasaysayan ng tula at ang “gamit ng tula,” panahon naman pagtuunan ng pansin kung paano mo magagawa ang iyong piyesa.

Sa totoo lamang, walang madali o mahirap na paraan kung paano isulat ang isang tula. Walang eksaktong pormula o gabay kung paano mo ito sisimulan. Ang mahalaga, magsimula kang magsulat.

Paksa. Maraming maaaring paksain ang isang tula. Subalit gaya nang nabanggit na, hindi lamang ang pag-ibig at pagsinta, kalibugan at kagandahan ang karapat-dapat na pagtuunan ng pansin sa pagtula. Dahil kung gayon, sabi nga ni Jesus Manuel Santiago,

Kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita,

nanaisin ko pang ako’y bigyan

ng isang taling kangkong

dili kaya’y isang bungkos

ng mga talbos ng kamote

na pinupol sa kung aling pusalian

o inumit sa bilao

ng kung sinong maggugulay,

pagkat ako’y nagugutom

at ang bituka’y walang ilong,

walang mata.

Malaon nang pinamanhid

ng dalita ang panlasa

kaya huwag,

mga pinagpipitaganang makata

ng bayan ko,

huwag ninyo akong alukin

ng mga taludtod

kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita.[27]

Ibig sabihin, dapat ang paksain ng tula o anumang gawang pampanitikan o maging pang-sining man, ang tunggalian sa lipunang Pilipino.

Kagaya ng banggit ni Sison sa kanyang talumpati para sa pagtitipon ng U.P. Writer’s Club noong 1983:

Ang pinakamahalagang usapin at tunggalian sa lipunan ay nananawagang matukoy, mailahad, at malutas sa mga akdang pampanitikan. Ang sambayanan ay pinahihirapan ng mapaniil na pasismo—na mapait na bunga naman ng pyudalismo at dominasyon ng dayuhan—sa mabilis na lumalalang krisis pampulitika at pang-ekonomiya; at magiting silang nagbabalikwas upang igiit ang kanilang pambansa-demokratikong karapatan at ipaglaban ang kanilang kalayaan.[28]

Ibig sabihin, ang panawanga para sa mga makata ngayon ay ang isulat pakikibaka ng masang sambayanan, ang kanilang kaapiha’t tagumpay, habang patuloy namang inihahantad at nilalansag ang gawain ng mga nang-aapi, alalaong baga ang pangunahing mga kalaban ng sambayanan: ang mga burgesyang komprador (may-ari nang naglalakihang negosyong monopolyo), panginoong maylupa at ang Imperyalismong US na nagsisilbing “amo” nila.

Dapat ding mabatid ng isang nagbabalak na maging makata na ang tanging ang lipunan lamang at ang nakikibakang sambayanan ang tanging hindi mauubos na bukal ng mga ideya at insipirasyon sa pagkatha:

The life of the people (the masses) is always a mine of the raw materials that are crude, but most vital, rich and fundamental; they make all literature and art seem pallid by comparison; they provide literature and art with an inexhaustible source, their only source. They are the only source, for there can be no other.[29]

Tula ko’y para kanino – usapin ng ‘audience.’ Baka naman malito ka, at sabihin mong sino ang sambayanan o sino ang masa? Paliwanag ni Sison:

Kapag binabanggit ko ang sambayanan, ang tinutukoy ko ay ang masang anakpawis na manggagawa, magsasaka at iba pang demokratikong pwersa tulad ng petiburgesyang lungsod at pambansang burgesya.[30]

Sila, ang bumubuo sa 99 porsiyento ng populasyong Pilipinong pinagsasamantalahan ng mapagsamantalang uri—ang mga burgesyang komprador at panginoong maylupa, kasapakat ang imperyalistang amo nila.[31]

Para sa masa at hindi para sa sarili. Sabi nga ni Nadine Gordimer, pagsipi sa kanya ng makata, manunudling, peryodista at makabayang gurong si Rogelio L. Ordoñez,

“Hindi puwedeng sabihin kong ako’y isang manunulat lamang… at mga paksang tungkol lamang sa manunulat ang tatalakayin ko. Isa rin akong tao at kung basta na lamang inaagawan ng karapatan ang isang tao, basta na lamang ikinukulong, binibimbin sa kulungan nang walang kaukulang paglilitis at hindi pinalalaya ni ipinagsasakdal, dapat na mahigpit na tutulan ng sinuman ang bagay na ito.”[32]

Ibig sabihin, dapat nang iwaksi ang kaisipang indibiduwalista sa panitik at marapat napag-aralang isapi ang sarili sa malawak na pakikibaka ng aping sambayanan. Gaya nga ng pahayag ni V. I. Lenin, ang lider-rebolusyonaryo ng Rusya:

Literature cannot be a means of enriching individuals or groups: it cannot, in fact, be an individual undertaking, independent of the common cause of the proletariat…Literature must become part of the common cause of the proletariat, “a cog and a screw” of one single great Social-Democratic mechanism set in motion by the entire politically-conscious vanguard of the entire working class. Literature must become a component of organised, planned and integrated Social-Democratic Party work.[33]

♦♦♦

MAHALAGA ANG PAKIKISANGKOT. Gayunman, ang mahusay na pagsusulat ng tula o anumang akdang pampanitikan ay hindi lamang nasasalalay sa “pagkaalam” lamang sa paksa o “kumuha”lamang ng inspirasyon buhat sa sambayanan. Mahalaga ang tahasang pakikisangkot sa pakikibaka ng sambayanan, ang pakikimuhay sa masang anakpawis, at patuloy na pagsusuri sa kongkretong mga kalagayan ng lipunang Pilipino at maging sa pakikibalita sa nagaganap na pakikibaka ng iba pang inaaping mga mamamayan sa ibayong-dagat o sa buong mundo. Sa pamamagitan ng paglubog sa “batis ng inspirasyon ng makata,” hindi magtatagal ay magiging kaisa na siya ng batis na iyon at magiging madali ang pagdaloy ng tinta mula sa kanyang pluma—para sa sambayanan.[34]

♦♦♦

LUMA O BAGO? Sa usapin ng kung paano magsusulat, sinabi ni Mao Zedong, na maaaring sinaunang anyo ng panitikan para mapaglingkuran ang sambayanan. Paliwanag niya:

We should take over the rich legacy and the good traditions in literature and art that have been handed down from past ages in China and foreign countries, but the aim still to serve the masses of the people.[35]

Kaya, maaari nating gamitin ang tradisyunal o makabagong anyo ng panulaan para ilahad ang katotohanan tungkol sa nagaganap sa lipunan at sambayanang Pilipino, sa kasalukuyang naghaharing sistema. Maaari nating hubugin o bigyan ng bagong anyo ang iba’t ibang anyo ng tula (oda, awit, korido, atbp.) upang maging instrumentong pansining ng pagmumulat at paglilingkod sa masa.[36]

Katunayan, magandang hakbang ito upang madaling mapopularisa ang isang akda o gawang sining. Gayunman, dapat din namang isaalang-alang ang “pagtataas” ng kamalayan ng ating mambabasa—bilang pagbabalik ng pabor sa ating batis na iniinuman para matighaw ang ating pagkauhaw sa paglikha ng mga akda.[37] Pero, maaari rin namang gamitin ang makabagong mga anyo ng panulaan (free verse, atbp.).

Sa kabilang banda, pinakamahalagang sangkap pa rin, para makalikha ng magagandang akdang pampanitikan, ang malawak at makulay na imahinasyon. Sabi nga ni Sison:

Ngunit isang bagay lamang ang magkaroon ng wasto at progresibong kaisipan at pampulitikang pananaw. Ibang bagay din naman ang paglikha ng pinakamahusay na akdang pampanitikan. Ang husay sa pagsulat ay nangangailangan ng masining na imahinasyon. Napapaloob dito, hindi lamang ang isip, kundi ang natatanging kaisahan sa isip at damdamin; ang laman at anyo; ng paksa at estilo, at iba pa.[38]

FILIPINO O INGLES? Nagtatalo rin sa isip ng isang makata at manunulat kung saang wika dapat isulat ang kanyang akda. Mayroong payo si Sison ukol diyan:

Ang paggamit ng pambansang wika ay may mapagpasyang papel sa pagpapasigla kapwa sa paglikha ng proletaryadong panitikan at sa interes ng masa sa proletaryong akdang pampanitikan. Ito rin ang maghihiwalay sa sagad-sagaring maka-imperyalistang liberal at iba pang reaksiyunaryong malikhaing manunulat na nais magpanatili ng kanilang teoryang pampanitikan at panlasa na mula sa reaksyunaryong burges na mga aklat sa Ingles dulot na rin ng pangingibabaw ng kulturang US.[39]

Subalit huwag isipin ng mga nagsusulat sa Ingles na “binabalewala” ang kanilang kakayahan sa pagsulat o minamalasado ang kanilang pagiging makabayan. Sa kongkretong kalagayan ngayon ng panitikan at sa katangian din namang internasyunalista ng rebolusyonaryo o progresibong panitikan at sining, hindi isinasantabi ang pagsusulat sa Ingles—alang-alang sa mambabasang dayuhang hindi nakaiintindi ng Filipino. Datapwa, higit na dapat mahalagahin ang wikang sarili dahil ito ang siyang bigkis nating lahat tungo sa pagkakaisa.

♦♦♦

HULING TALA. Masalimuot, masakit at mahabang proseso ang paghuhubog ng akdang pampanitikan na mayroong panlipunang halaga. Gayunman, kapag ang iyong mga akda ay naisanib sa apoy ng dagat ng kaisipang bayan, isa iyong karangalang higit pa sa bigay ng Palanca, SEAWrite at Pulitzers.

♦♦♦

Hakbang-hakbang na pamamaraan sa pagsulat ng inyong unang akda:

  1. Magbulay-bulay o maglimi (meditate) sa paksang ibig ninyong sulatin. (Hal. Extrajudicial killings, repormang agraryo, etc.). Kasama sa prosesong ito ang pag-alam sa mga tiyak na datos o impormasyon hinggil sa paksa (estadistika, mga pangalan, eksaktong tala ng pangyayari, salaysay, atbp.)
  2. Sa daloy ng kaisipan, isulat ang tula. Hayaan munang bumukal sa isip ang diwa ng tula at ipasa ito sa papel.
  3. Basahing muli ang isinulat. Limiin kung tama ba ang ginamit na mga salita, talinghaga o paghahalintulad. Ang tula ay gaya nang tubig; dapat itong dumaloy nang walang sagka, malaya at madulas para na rin sa kapakanan ng mambabasa.
  4. Sundin ang payo ni Ho Chi Minh at Mao Zedong sa pagtula—pagaangin ang mabibigat na paksa; gamitin ang wika ng masa; subalit huwag silang gawing hangal, katawa-tawa, imoral o napakababa. Itaas ang kanilang kamalayan habang ikaw rin naman, bilang makata, ay nagpapatayog at nagpapanday ng iyong sining para sa kanila.
  5. Huwag kang matakot sa puna. Kung paanong ang malulubhang sakit ay kailangan ng pagbubusbos (surgery) gayundin ang akdang pampanitikan.
  6. Gumawa ng sariling estilo, sa malaon.
  7. Gawing kasiya-siya ang pagsusulat sa pamamagitan ng laging paghugot ng inspirasyon mula sa batis ng mga inspirasyon: ang masa.

TALASANGGUNIAN:

______________. “Paano makikilala an bumubuo sa sambayanang Pilipino?” Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, (Luzon: Palimbagang Sentral), 2000.

“Poem,” Accurate & Reliable Dictionary, A free English-English Online Dictionary (2010). http://ardictionary.com/Poem/8230 (accessed August 22, 2010).

Agoncillo, Teodoro A. History of the Filipino People, 8th Ed., Quezon City: GaroTech Books, Inc., 1990.

Alliance of Concerned Teachers. “Ang Kasalukuyang Krisis sa Edukasyon at ang Ating Kampanya,” April 22, 2007. http://www.actphils.com/2007//educsit; (accessed August 22, 2010)

Barcelona, Noel S. Ngayong National Poetry Month: Ang Tula at Lipunan, (Electronic Version) PINAS: The Filipino’s Newspaper, Pasig City: Swara Sug Media Corp., March 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/. (Accessed August 22, 2010)

Florentino, Alberto S.,“Social Comment in Theater,” in  Literature and Society: A Symposium on the Relation of Literature to Social Change Manila: Alberto S. Florentino, publisher, 1964

Gordimer, Nadine. As cited by Rogelio L. Ordoñez, in Noel Sales Barcelona’s essay, “Ngayong National Poetry Month: Ang Tula at Lipunan,” published in PINAS: The Filipino’s Global Newspaper, Marso 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/ (accessed August 22, 2010)

Guillermo, Gelacio. “Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon,” a paper read  in “Asintado: Ang Makata sa Panahon ng Krisis” Bulwagang Rizal, U.P. Faculty Center, on November 18, 2005. Bulatlat Newsweekly Magazine, Vol. V No. 44, (Quezon City: Alipato Publishing, Inc.); http://bulatlat.com/news/5-44/5-44-paksa.htm (accessed August 22, 2010)

Hernandez, Amado V. Isang Dipang Langit: Katipunan ng mga tula ni Amado V. Hernandez. Quezon City: Ken, Inc., 1996.

Ho Chi Minh. Ho Chi Minh Quotes, BrainyMedia.com (2010), http://www.brainyquote.com/quotes/quotes/h/hochiminh162586.html (accessed August 22, 2010).

Lenin, V. I., Party Organisation and Party Literature (1905), Marxists Internet Archive Edition, 2001. http://www.marxists.org/archive/lenin/works/1905/nov/13.htm (accessed, August 22, 2010)

Mao Zedong, “Talks at the Yenan Forum on Literature and Art,” from the Selected Works of Mao Tse-tung (Peking (Beijing): Foreign Languages Press), 1967*

Meyer, Michael S. The Bedford Introducation to Literature, Boston, MA: Bedford Books of St. Martin’s Press, 1990.

Panganiban, Jose Villa, Consuelo Torres Panganiban & Genoveva Edroza-Matute. Panitikan ng Pilipinas (Quezon City: Bede’s Publishing House, Inc.), 1982.

Remollino, Alexander Martin S. “Hindi na Lamang Ako Tutula,” Kilometer 64 Multiply Site, December 10, 2008. http://kilometer64.multiply.com/journal/item/68/Hindi_Na_Lamang_Ako_Tutula (accessed August 22, 2010)

Santiago, Jesus Manuel, “Kung ang Tula ay Isa Lamang,” 1976; as cited by Alexander Martin S. Remollino, in his essay titled “ANG DIYALEKTIKANG HINDI NAMAN DIYALEKTIKA NG ANYO AT NILALAMAN SA PANULAAN”,   November 13, 2009, http://ourthoughtsarefree.blogspot.com/2004/09/ang-diyalektikang-hindi-naman.html. (accessed August 22, 2010)

Sison, Jose Ma. S. “Panitikan at Paninindigan,” Ulos, August 1999 (ARMAS).

Wikipedia contributors, “Poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=Poetry&oldid=380062918 (accessed August 22, 2010).

Wikipedia contributors, “History of poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=History_of_poetry&oldid=361170098 (accessed August 22, 2010).

Wilde, Oscar. “The Soul of Man under Socialism,” (libcom.org, 2007), http://libcom.org/library/soul-of-man-under-socialism-oscar-wilde (Accessed August 22, 2010)


[1] “Ho Chi Minh Quotes,” BrainyMedia.com (2010), http://www.brainyquote.com/quotes/quotes/h/hochiminh162586.html (accessed August 22, 2010)

[2] Batay sa datos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) – Philippines, na ibinatay rin sa impormasyong nakalap mula sa Department of Education (DepEd), sa 100 batang Pilipinong papasok sa unang baitang sa elementarya: 66 ang magtatapos ng Grade 6; 58 ang tutuloy sa high school;  43 ang magtatapos ng high school; 23 ang tutuloy sa kolehiyo; 14 ang magtatapos ng kolehiyo. (“Ang Kasalukuyang Krisis sa Edukasyon at ang Ating Kampanya,” ng Alliance of Concerned Teachers, Abril 22, 2007; http://www.actphils.com/2007//educsit; accessed August 22, 2010)

[3] Inulat ng Ibon Foundation, Inc. – isang indipendiyenteng ahensiyang pampananaliksik na 66 porsiyento ng populasyong Pilipino ay maralita. (Mula sa Vital Signs – Poverty, 2010) http://ibon.org/ibon_vitalsigns.php?page=poverty; accessed August 22, 2010)

[4] Random House Webster’s Dictionary, 4th (Edition. New York: Ballantine Books, 2001), p. 553

[5] “Poem,” Accurate & Reliable Dictionary, A free English-English Online Dictionary (2010). http://ardictionary.com/Poem/8230 (accessed August 22, 2010)

[6] “Poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=Poetry&oldid=380062918 (accessed August 22, 2010).

[7] Amadon V. Hernandez. “Ilang Sariling Palagay,” mula sa Isang Dipang Langit: Katipunan ng mga tula ni Amado V. Hernandez (Quezon City: Ken Incorporated, 1996), p. ii.

[8] Teodoro A. Agoncillo, The History of the Filipino People, (Quezon City: GaroTech Books, Inc., 1990), p.

[9] J. Villa Panganiban, C. T. Panganiban & G. E. Matute, Panitikan ng Pilipinas (Quezon City: Bede’s Publishing House, Inc., 1982), pp. 9 – 10

[10] Amado Guerrero, Philippine Society and Revoluion, 4th ed. (Oakland, CA: International Association of Filipino Patriots, 1979), p. 5; Agoncillo, 57.

[11] Michael Meyer, “The Pleasure of Words,” from The Bedford Introduction to Literature, 2nd ed. (Boston, MA: Bedford Books of St. Martin’s Press, 1990), p. 496

[12] Wikipedia contributors, “History of poetry,” Wikipedia, The Free Encyclopedia, http://en.wikipedia.org/w/index.php?title=History_of_poetry&oldid=361170098 (accessed August 22, 2010).

[13] Agoncillo, p. 57

[14] Panganiban, et al., p. 3

[15] Agoncillo, p. 58

[16] Michael Meyer, p. 497

[17] Alberto S. Florentino, “Social Comment in Theater,” in Literature and Society: A Symposium on the Relation of Literature to Social Change (Manila: Alberto S. Florentino, publisher, 1964), pp. 55 – 56

[18] Oscar Wilde, “The Soul of Man under Socialism,” (libcom.org, 2007), http://libcom.org/library/soul-of-man-under-socialism-oscar-wilde (Accessed August 22, 2010)

[19] “Indvidualism,” Glossary of Terms, Encyclopedia of Marxism (1999, revised 2008), http://www.marxists.org/glossary/terms/i/n.htm (accessed August 22, 2010)

[20] Jose Ma. Sison, “Panitikan at Paninindigan,” Ulos (Artista at Manunulat para sa Sambayanan (ARMAS), Agosto 1999), Philippines, p. 80

[21] Ibid.

[22] Hernandez, p. ii.

[23] Noel S. Barcelona, Ngayong National Poetry Month: Ang Tula at Lipunan, (Electronic Version) PINAS: The Filipino’s Newspaper, Pasig City: Swara Sug Media Corp., March 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/.  (Accessed August 22, 2010)

[24] Ibid.

[25] Alexander Martin S. Remollino, “Hindi na Lamang Ako Tutula,” Kilometer 64 Multiply Site, December 10, 2008. http://kilometer64.multiply.com/journal/item/68/Hindi_Na_Lamang_Ako_Tutula (accessed August 22, 2010)

[26] Gelacio Guillermo, Ibahin ang Paksa? Ang Kasalukuyang Panulaang Makabayan sa Panahon ng Krisis at Rebolusyon (Binasa noong 18 Nobyembre 2005 sa “Asintado: Ang Makata sa Panahon ng Krisis” sa Bulwagang Rizal, U.P. Faculty Center.  Inisponsor ang simposyum ng KM64), Bulatlat Online Newsweekly Magazine Vol. 5, No. 44, Quezon City: Alipato Publications, Inc.; http://bulatlat.com/news/5-44/5-44-paksa.htm. (accessed August 22, 2010)

[27] Jesus Manuel Santiago, “Kung ang Tula ay Isa Lamang,” 1976; sinipi ni Remollino, sa kanyang sanaysay na “ANG DIYALEKTIKANG HINDI NAMAN DIYALEKTIKA NG ANYO AT NILALAMAN SA PANULAAN”,   Nob. 13, 2009, http://ourthoughtsarefree.blogspot.com/2004/09/ang-diyalektikang-hindi-naman.html. (accessed August 22, 2010)

[28] Sison, p. 78

[29] Mao, p. 13

[30] Sison, p. 78.

[31] “Paano makikilala an bumubuo sa sambayanang Pilipino?” mula sa Maikling Kurso sa Lipunan at Rebolusyong Pilipino, (Luzon: Palimbagang Sentral, 2000) pp. 108 – 109

[32] Nadine Gordimer, pagsipi ni Barcelona kay Ordoñez, sa kanyang sanaysay na lumabas sa PINAS: The Filipino’s Global Newspaper, Marso 29, 2010. http://www.pinasglobal.com/2/2010/03/lathalain/ngayong-%E2%80%98national-poetry-month%E2%80%99-ang-tula-at-lipunan/. (accessed August 22, 2010)

[33] V. I. Lenin, Party Organisation and Party Literature (1905), Marxists Internet Archive Edition, 2001. http://www.marxists.org/archive/lenin/works/1905/nov/13.htm (accessed, August 22, 2010)

[34] Ibid., p. 11.

[35] Mao Zedong, “Talks at the Yenan Forum on Literature and Art,” May 2, 1942, p. 9

[36] Ibid.

[37] Ibid.

[38] Sison, p. 79

[39] Ibid., 82


* The copy that the author has is an undated copy and no publication info. For safety, the author had included in the Bibliography the English Translation of Mao’s Collected Works, published by the Foreign Language Press in Peking, now Beijing, China.

Sila sa isang sulok ng baryo

Sa hirap ng buhay, maging ang kanayunang dati-rati’y tila hindi nahihipo ng anumang “dumi” ng lungsod, naroon sila at nabubuhay—parang mga ibon, nakahawla subalit nangangarap na makaalpas at guminhawa ang kanilang buhay nang hindi kinakalakal ang mga sarili.

Calatagan, Batangas—Kasing kayumanggi ng lupaing iyon ang kanilang balat, bagama’t bahagyang pumusyaw ang isa. Kakulay ng lupaing kakabit-pusod ng mga magbubukid na ang isang kahig, isang tuka. Subalit, kadalasan kahit anong kahig, wala pa ring matuka.

Sa lupaing iyon na nagtataasan ang mga tanim na tubo sa nag-iisang asyendang pag-aari ng maimpluwensiyang angkan at lahi ng mga pulitiko, nakita namin silang nagpupumilit na mabuhay bilang mga babae.

Sa lupaing iyon nakausap namin sila at naisalaysay nila sa amin ang ilang kubling bahagi ng kanilang buhay na hindi namin alam kung talagang kubli pa. Kung tutuusin, napaka-ordinaryo ng kanilang kuwento. Ngunit sa kabilang banda, masasabi mong paulit-ulit mo itong maikukuwento.

Hindi dahil maganda ang kanilang kuwento kundi naroroon ang isang pilas ng katotohanan ng buhay—may mga dambuhalang lumalapa sa mga maliliit at may mga maliliit na kumakapit sa mga dambuhala, kahit pa sabihin na nating ikasawi nila.

Sina Julie Anne at Lovely

Nagpakilala siya bilang si Julie Anne. Lovely naman ang ibinigay na pangalan ng isa na napiling teybulan ang kasama ko.

Agad siyang humingi ng dispensa dahil nagbabalat daw ang kanyang mukha.

“Dahil sa astringent,” ang sabi niya. Tinanggap ko naman ang dispensa niya samantalang narinig kong humingi rin ng dispensa si Lovely. Iyon naman, dahil sa kanyang hitsura. Puyat na puyat daw sila kagabi dahil sa dami ng kostumer. Alas-kuwatro [ng madaling-araw], anila, nang dalawin sila ng antok.

Umorder sila ng beer at sumabay sa amin sa pag-inom. Doon nagsimula silang magsalaysay ng kanilang mga buhay.

Anak ng magsasaka mula sa Lucena, Quezon si Julie Anne.

Kadidisiotso pa lamang niya noong Hulyo, bida niya sa akin at dalawang linggo pa lamang siyang nananatili sa lugar na iyon.

“Napakahirap ang buhay namin doon. Wala naman kaming sariling bukid na sinasaka. Nakikisaka lamang kami at iyong bunga ng maisan ng kapitbahay namin ang ipinagbibili ng mga magulang ko para may makain kami,” kuwento niya sabay lagok ng serbesang nagsisilbi na ring lady’s drink.

“Sa bawat sakong naipagbibili namin, kumikita kami ng kaunti. Mura lamang kasi ang isang sako. Kapag naipagbili na naming lahat, kumikita lamang kami ng P250 na hindi pa magkasya sa amin,” aniya.

“Kaya napagpasyahan kong umalis na lamang at maghanap ng trabaho. Noong una, napasok akong yaya. Nagkayayaan kami ng kaibigan kong namamasukan din at nabalitaan naming malaki rin ang kita sa ganitong trabaho kaya dumayo kami rito sa probinsya dahil walang kumpetensiya,” aniya.

Iba naman ang kuwento ni Lovely. Aniya, maalwan naman ang kanilang pamilya subalit hindi niya matiis ang ugali ng kanyang amain—ang bagong asawa ng kanyang ina—kaya naglayas siya at natagpuan ang sarili sa lugar na iyon.

“Seaman ang tatay ko. Lumayas ako sa amin dahil hindi ko makasundo ang stepfather ko,” sabi naman ni Lovely. “Tapos, gaya rin ni Julie, pinasok ko ang trabahong ito kasi malaki nga ang kita kaysa sa iba[ng trabaho],” sabi pa niya.

“Payag kaming mag-all the way (puwedeng makipagtalik) sa halagang P1,500. O kahit P1,000 ayos na iyon. Pero hindi lahat ‘yon, napupunta sa amin,” sabi ni Julie Anne.

Kalakhan nito, sabi naman ni Lovely, napupunta sa bar bukod pa sa bayad sa bar fine kapag inilalabas sila. Tanging P700 lamang ang napupunta sa kanila gabi-gabi, mula sa P1,500 na bayad na iyon. At para kumita ng malaki, kailangan nilang “makarami” sa bawat gabi gayundin sa lady’s drink na ilang piso lamang (P130 ang kada bote) ang napupunta sa kanila.

“O kung gusto nila, diyan na lamang kami sa mga kuwarto namin. P130 lang,” ani Julie Anne.

Kung titingnan, mas malaki nga naman kaysa sa karaniwang kita ng isang pamilyang magsasaka na katulad ng kanya (pamilya ni Julie Anne) ang kanyang kinikita sa pagbebenta ng laman. Gayundin, si Lovely na aniya’y “hindi na niya kailangan pang umasa sa kaninuman dahil sa kinikita niya, marami na siyang mabibili.”

Pagbebenta ng laman sa kanayunan

Dalawa lamang sila kung tutuusin sa dumaraming bilang ng mga kababaihan mula sa kanayunan na isinasangkot ang sarili sa pagbebenta ng laman.

Sa estadistikang ipinalabas ng Amihan, ang Pambansang Pederasyon ng Kababaihang Magbubukid ng Pilipinas, nasa 800,000 kababaihan ang nasa ganitong uri ng trabaho; 200,000 nito ang nasa kanayunan. Isang magaspang na pagtaya (rough estimate) pa lamang ang bilang na ito, ayon sa Amihan.

“May ilan sa mga kababaihang ito ang tumatanggap ng de-lata at ilang kilong bigas bilang kapalit ng pakikipagtalik nila sa kanilang mga parukyano,” anang Amihan sa isang pahayag.

Nakumpirma ito ng ilang nakausap namin sa Calatagan. Anila, may ilang pumapayag nang makipagtalik sa isang kustomer kapalit ang ilang kilong bigas—may maisaing lamang at mapakain ang kanilang mga anak.

“May isang bahay nga riyan,” anang nakausap namin, “na karga ang anak tapos kapag may tumuktok sa pinto’t makilalang kustomer agad na sisigaw ‘Hawakan mo ireng bata at maliligo lamang ako. May kustomer.’”

Sa pahayag na ito, lumilitaw na pikit-mata ring tinanggap ng kanilang asawa (at nakikisangkot pa) ang kanilang itinuturing na hanapbuhay dahil na rin sa matinding kahirapan at kawalang oportunidad.

Sinabi naman ng ulat ng National Commission on the Role of the Filipino Women (NCRFW), na nailathala sa Report on the State of Filipino Women 2001-2003, na kahit na marami sa mga kababaihan ang nakikisangkot sa produksiyon (agrikultura), nananatili pa rin ang kahirapan sa kanilang hanay dahil na rin sa hindi patas na pagtingin sa kanila, bukod pa sa wala rin silang lupang sinasaka.

Ito ay sa kabila ng isinasaad ng batas Republic Act No. 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law, na dapat ay pantay ang karapatan sa pagmamay-ari ng lupa ang kapwa babae at lalaking magbubukid.

Isinisi rin ng NCRFW sa “hindi balanseng pagpapaunlad ng mga lugar, ang pagtuon lamang sa lugar na urban (o kalungsuran) ang ganitong paghihirap ng mga nasa kanayunan” na kalauna’y bumibiktima sa kababaihang tulad ni Julie Anne.

Bukod dito, nakakatakot ding isipin na sa kanayunan, kung saan hindi masyadong malaganap ang kaalaman tungkol sa sakit na dulot ng pakikipagtalik, gaya ng HIV (human immuno-deficiency virus) at AIDS (acquired immune-deficiency syndrome), malaki rin ang posibilidad na magkaroon sila ng ganitong uri ng karamdaman.

Sa estadistikang ipinalabas ng Department of Health noong 2001, lumilitaw na napakaraming Pilipino, partikular sa mga kanayunan ang walang kaalaman tungkol sa AIDS.

Mababa ng halos 4% (74.9%) kumpara sa 78.8% ng mga kalalakihang nasa lungsod, ang mga kalalakihang nasa kanayunan na nakakaalam na ang paggamit ng condom ay pamamaraan para makaiwas sa HIV at AIDS; samantalang nasa 84.8% ng mga kababaihang nasa kanayunan, gaya ni Julie Anne, ang nakakaalam na maaring maiwasan ang AIDS at anumang sakit na nakukuha sa pakikipagtalik. Mababa ito kumpara sa 90.8% ng mga babaing nasa kalungsuran (urban).

“Gusto rin naman naming umalis dito pero hindi namin alam kung paano. Wala naman kasing mahanap na trabaho,” ani Julie Anne at Lovely.

Nakakalungkot isipin na dahil sa kawalang oportunidad, maraming kababaihan—kabataang kababaihan—tulad nila ang nasasadlak sa ganitong uri ng kabuhayan.

Kung magkakaroon lamang sana ng patas ng pang-ekonomikong patakaran para sa babae at lalaki ang gobyerno at gayundin, pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad ng kanayunan, marahil mawawala na sina Julie Anne at Lovely sa mga kubling sulok, hindi lamang ng mga baryo kundi ng buong kapuluan.

* Ang artikulong ito ay finalist sa ika-14 Lopez Jaena Journalism Workshop na ginanap noong Oktubre 23-29 sa College of Mass Communications, Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, Quezon City. Unang nalathala sa Pinoy Weekly Vol. 4 No. 42, Nobyembre 9 -15, 2005.

Mga Anak-Lupa*

Larawan mula sa http://moonkissd.com

Iisa lamang ang ibig nila: lupa. Wala na silang pakialam kung gaano ito kalaki at kalawak. Ang gusto lamang nila, maangkin nila ang karapat-dapat sa kanila matapos ang ilang dekadang pagbibilad sa araw para lamang bungkalin at pagyamanin ang lupa. Gusto nila ng lupa para mapakain nila ang kanilang mga anak.

Hindi nila gusto ang milyon dolyar na pahapunan sa New York dahil ang pakbet, para sa kanila’y ulam nang pamista. Hindi sila nangangarap na magkaroon ng mansiyon sa Times Street; ang ibig lamang nila, matibay na kubong kayang makipagtagalan sa panahon. Kung maysakit, sa palibot ng kubo’y maghahanap ng kung anong mailalagang ugat, dahon, sanga o bulaklak; sapagkat hindi nila kayang mamasahe papuntang Hong Kong para lamang gumaling. Sa ganitong lagay, maaari silang mamatay dahil sa karamdamang dumapo sa pagal nilang mga katawan.

Lupang mabubungkal lamang ang gusto nila, na mapagtatamnan nila ng sari-saring halamang mapakikinabangan na maipakakain nila sa kanilang mga supling. Dahil naniniwala silang kung mapakakain nila nang wasto ang kanilang mga anak, lalaki silang malusog at hindi sakitin.

Mayroon din silang pangarap na mapag-aral ang kanilang mga anak sa kolehiyo para huwag silang maging mangmang at magkaroon sila ng maganda-gandang kinabukasan. Pero parang suntok sa buwan ang pangarap na iyon. Kaya, ang pinapangarap na lamang nila ay yaon abot-kamay lamang nila—ang mapakain ang kanilang mga supling, walang labis, walang kulang. Maaaring napagkasya na nila ang kanilang sarili sa sahod na limos subalit gusto nilang magkaroon nga ng sariling lupang mapagtatamnan ng pang-agdong buhay.

Minumura nila ang masamang lagay ng panahon dahil maaaring masira ang kanilang mga pananim. At kung umaaraw-araw na naman, babalik sila sa lupa para muling bungkalin ito at tamnan para malamnan ang tiyan ng kanilang mga anak. Pero ang inaasam nilang lupa’y bawal nilang makamtan—pagmamay-ari kasi ng mga diyus-diyosan sa lupa. Kaya nga, namamalas nilang nagugutom ang kanilang mga anak. Dahil dito, kaya natuto silang lumaban.

Sinubukan nilang makipag-usap dahil wala silang alam na ibang paraan para makuha ang lupang pinakaasam. Pero mas matalino ang mga diyos kaysa sa mga pinaghaharian nito. Mangyari’y nag-aral sa de-kalibreng eskuwelahan dito sa Pilipinas. Nagdemanda sila subalit hindi nila nababatid kung ano ang isinasaad ng mga batas; at paano nga sila magtatagumpay kung mismong ang mga diyos ang nagpapatakbo sa sistema ng hustisya sa bansang ito?

Naalala nila ang kanilang nagugutom na mga anak sa kanilang munting kubo at ang kinabukasan nilang aawing-awing; sa sulok ng isip nila’y napagtanto nilang walang mawawala kung itutuloy nila ang pakikipambuno sa mga diyos, alang-alang sa lupang magbibigay sa kanila ng buhay. Sa isiping iyon, napagtanto rin nilang marami sila kumpara sa bilang ng mga diyos na kinakanlong ng mansiyon. Kaya nga, nagkubol sila, nagtipon at nagwelga. Subalit ang kanilang pagkakaisa’y binistay ng mga bala at ang dugo nila’y dumilig sa lupang gusto nilang bungkalin, tamnan at mapagkunan ng pagkain ng kanilang mga anak.

Sa naganap, inisip ng mga diyos na nanahimik na ang mga pinitak.

Subalit ang hindi nila nalalaman, nagbabalik nang muli ang mga anak ng lupa—nagbubungkal na may hawak na karit sa kaliwa, at baril sa kanan nilang kamay.

Original text:

Sons of the Loam | NICA CASTILLO

They want one thing: land. It maybe does not matter to them how far and wide. They just want their own rightful piece after decades of tilling the land under scorching summer heat. They want their land so they can feed their children.

They don’t want a million dollar dinner in New York for having to feed themselves with pinakbet is already lavish. They don’t dream of a stylish house in times street they just want a sturdy hut that will withstand the tests of nature. If sick, they might look around and look for herbal plants because they can’t even go to Hong Kong to have their illnesses cured. They Might as well they might die out of their illnesses.

But they just want their own rightful piece of land to till, grow crops and feed their starving children. Maybe if they feed their children right, they might grow healthy and far from the threats of illnesses.

They have dreams of sending their children in college too to have them educated and have better future. But that dream may be too farfetched. So they dream something feasible and basic – they just want to feed them. They may opt to content themselves with meager and unjust wages but they want to have their own piece of land to till, grow crops so they can feed their children.

They curse the bad weather because their crops maybe destroyed. Come sunny weather and they will return to till the land, to grow crops so they can feed their starving children. But the very land that they hope would feed their children is forbidden. The land is owned by a certain god of some sort. Thus, they have troubles feeding their children. So they opt to fight because their children are starving.

They tried a dialogue because they know no other means. But gods are always smarter than slaves. They are educated in the best school the country has to offer. They filed a lawsuit but what do they know about laws when the god has other fellow gods controlling the justice system?

They remembered their starving children and their future that they realize they have nothing to lose. So they remembered they are far greater in number. So they set-up a tent, gathered their ranks and held a strike. But their unity was met with bullets and blood came spilling the very land that they want to till, grow crops and feed their children.

Then the gods thought that rice fields are silent and empty.

Little did they know, they are back to tilling again with sickles in the left and guns on their right.

###

This is a ten minute, out-of-anger essay. Pardon [for] whatever incorrect grammar and misspelling that I may have overlooked. Also, pardon the very chummy original title: Tales of the tillers. I cannot think of any.

*Final title credit goes out to Mr. Noel Sales Barcelona

ASUKAL*

Strikers dispersed at Luisita; 7 dead
Cory brother says ralliers are not part of work force
Jo Clemente and Ronald Dizon
PDI Central Luzon Desk

HACIENDA LUISITA, Tarlac City—In a dispersal remniscent of a
bloody Mendiola rally in 1987, at least seven people died when police
and military dismantled barricades set up by workers of a sugar mill
owned by the family of former President Corazon Aquino. Ms. Aquino
was just 11 months in Malacañang when government forces killed 13
farmers on Mendiola Bridge during dispersal on Jan. 22, 1987. The
farmers were demanding “genuine” land reform, including the
distribution to workers and farmers of the 6,000-hectar Hacienda
Luisita, which is owned by the family of the former President. As of 8
last night, four fatalities in the dispersal here had been identified as Jesus
Lasa of Concepcion, Tarlac; John David of Barangay Cutcut, Tarlac
City; Juancho Sanchez of Barangay Balete, Tarlac City, and Jimmy
Pastidio of La Paz, Tarlac…

The Philippine Daily Inquirer
Front page, Wednesday, November 17, 2004

Welga sa Asyenda Luisita humantong sa MASAKER
Angel L. Tesorero/Mau Hermitanio

PINAPUTUKAN ng mga teargas at pinagbabaril ng mga sundalo ng
69th IB (Infantry Battalion) ang taumbayang Tarlakenyong
sumusuporta sa mga welgista sa Asyenda Luisita. Inilagay sa kontrol
ng militar ang buong Asyenda Luisita. Ipinairal din ang news blackout.
Gayunman, nagbalita rin ang DZRH at ANC News bandang hapon.
Isang cameraman ng ABS-CBN ang naiulat na nabaril…

Pinoy Weekly
Ulong Balita, Vol. 3 Blg. 43 Nobyembre 17-23, 2004

I.

Ah! Kaysarap, kaytamis
ng asukal: primera, segunda,
tercera — humahalimuyak
Samantalang pinaglalasa
Sa isang tasang umuusok na kape.
Katipan ng kape: tustadong pandesal
Para sa isang masarap na almusal.
Ipapahid ni Utoy ang mantekilya,
Sabay budbod ng asukal.
Manamis-namis ang lasa.
Kaysarap lantakan kasabay
Ng kung anumang inuming
Nasa tangang baso o tasa.
Kaysarap mag-almusal!
Kaysarap higupin ng kapeng
Pinatamis ng asukal.
Ano ang lasa ng kape
Kung walang asukal?
Ano ang lasa ng tinapay
Na hindi inasukalan?
Masisiyahan ka ba sa kalamay
Na wala ni bahid ng asukal?

II.

Balat nila: sunog sa araw.
Lipakin ang palad, magaspang.
Ang mga paa, sugat-sugat
Dahil sa pagbaon ng siit
ng tùbong pang-agdong buhay.
Mahapdi ang sikat ng araw.
Sa butil-butil na pawis sa noo,
Makilas ang kamay
Hinahawan ang linang
Upang ang tamis ng kape
Ay maisilbi sa almusal.

Tiis… Tiis… Tiis…!
Ang sabi sa sarili.
Busabos kang inilihi
ng iyong inang nabaon na rin
sa lupang nag-iiwi sa tubuhan…
Nabaon na ni isang ligaya,
Wala siyang natikman…
Yaong tubuhang saksi
sa tila pagmamaramot
sa iyo’t sa kanila
ng imbing kapalaran…

III.

Dinadalahit ng ubo si ama —
Dahil araw-gabi, sa pugon
Kaharap ang di-matambayang init
Isinusubo ang gatong
Sunog na rin ang baga
Dahil sa tuberkulosis.
Bunga ng init at lamig
Ng mga gabing kailangang
Gilingin, pakuluin, katasin
Ang mga tubo para tamis
Ng buhay ay lumasa sa dila…
Doon, sa kabyawang
Laging kaulayaw
ng lipaking kamay
at bisig na ugatan…
Gapos ng hirap —
Kakabit ng puso
at kaluluwa:
Lupang mataba
sa Hacienda Luisita.

Doon, sa mga lupaing
Pawis nila ang nagpapataba
Sa lupang kakabit na ng buhay:
Doon binuo, winasak
Ang tinipong mga pangarap.

IV.

Ilang putok ng garand
Ang umalingawngaw,
Amoy ng pulbura at dugo,
Sumama sa hanging amihan.

Tinugis sila! Tinugis silang
Parang mga hayop sa ilang —
Gaano man kabilis ang paa
Agad din naabutan ng
Punglong babaon sa laman!
Ah! Parang hayop sa katayan
Samantalang dugo sa ugat nila
Ang tamis ng asukal na
Nagpapayaman sa kanilang
Ganid sa kawalanghiyaan!

Jesus, Jesus! Hindi na mayayakap
Ang init ng katawan mo ng
Iyong asawa’t supling!

Jaime, Jaime! Hindi mo na maririnig
Ang tinig ng iyong sinisintang
Kaanak, kaibigan at kadugo!

Jhaivie, Jhaivie! Sa hukay
Na lamang ihahandog
Ang katibayan ng iyong pagtatapos!

Sino na ang kalaro
Ng iba pang paslit,
Gayong inagaw
Na ang buhay ninyo?
Mababasa pa ba’t
Maisisigaw ng munting bibig
Ang taginting ng Abakada?

Labing-apat na katawang
Singlamig ng hatinggabi
Ang tinanglawan ng
Kandila — nakakahon.

Laza, Pastidio,
Pascual, Basilio,
Valdez, Sanchez,
David, Caballero —
Labing-apat na busabos
Kinitlan ng buhay
Dahil sa karapatan!

V.

Dito sa aming mga dibdib,
Nakalimbag ang inyong mga pangalan.
Sa aming isip, sa diwa naming
Hindi kayang palamlamin
ng anino ng nagtataasang tubo —
alingawngaw ng paghihimagsik
ang naririnig, nagsusumiksik…

Sumpa namin sa harap ng inyong libing,
Sa puso nami’y hindi magmamaliw,
Ang galit, poot, himagsik
Laban sa kanilang tuso at ganid!
Walang pag-uulik-ulik,
Sa madaling-araw ng himagsik,
Dugo ninyong pinatigis,
Niyaong bayakang mababangis
Na sa tubo’y pampatamis —
Sa pagtudlang sakdal init
Singasing sa dibdib na mabalasik,
Araw ng paniningil ay sasapit
Uutasin, silang mga ganid!
Pagpula ng silangan
Tunay na tamis
Wala na sa tubuhan —
Kundi yayapusin,
Sa timyas ng kalayaan!

*Nalathala sa Kabyawan, Chapbook # 6 ng KM 64, pp. 21 – 26; © 2004