Category Archives: poem

panukat

Ancient of Days (God as an Architect) by William Blake

Araw-araw, dinadangkal
ang bawat pulgada
ng ating maikling buhay.

Tinatakal, tinitimbang
ang ating kahulugan
sa mundong ibabaw.

Sinusukat, pinikpik
Ang bawat gawa,
at hininga ng puso’t isip.

Dahil sa isang saglit
sa huling paghigit –
Sasapit tayo sa araw
ng Dakilang Pagsusulit…

Nalathala sa Facebook bilang “Pagdangkal ng Araw,” Hulyo 11, 2010.

sigaw

Silence of the Storm by angelreich

sumigaw ako
at gumanti ang alingawngaw
at nakita ko ang sarili
na ang tanging yapos
ay ang nakabibinging katahimikan

muli kong tiningnan
ang kuwadrong nakasabit sa dingding
subalit ang tanging naapuhap
ay ang mukha, ang anino
sa basag nitong salamin

napabuntunghininga ako
ibinulong sa hangin ang pangalan mo
at muling sumigaw,
ang umalingawngaw
sa pandinig ng puso’y
nakabibinging katahimikan
at ang yumapos sa kalul’wa
ang malamig na hanging amihan…

Facebook, Hulyo 2, 2010.

Itanong mo sa palay, sa lupa

Sa iyo, sa iyo na itinuturing
ang sarili na salbador ng bayan
Dinggin mo ang sigaw
ng bawat uhay ng palay

Damhin ang bawat pintig
ng kayumangging lupang
sa iyo ay nanawagan;
At kuruhin ang kanilang
mga lihim na kasaysayan.

Ikaw, ikaw na ang turing
ay tagapagdala ng katuwiran –
Itanong mo sa kanila
ang mga pangalan
niyong nagpapala
sa kanila nang tunay.

Kung kaninong hininga
ang sa kanila’y bumubuhay
at kung kaninong mga mata
ang sa kanila’y tumatanglaw…

Kung kaninong pawis at luha
ang sa kanila’y dumidilig;
At kung kaninong panangis
ang sa parang ay maririnig
sa tuwing inaani’y
isang sakong binlid
at bigkis-bigkis
na tubóng kay asim o walang tamis.

Ikaw, na turing sa sarili’y pag-asa
Napagtatanto mo ba ang maging tunay na aba?
O nabigyang ginhawa ang magsasaka
sa sarili mong asyenda?
Nabigyan mo ba at ng iyong ina ng katarungan
ang dugong tumapon sa Luisita’t Mendiola?

Kung tunay ngang pag-asa
at katarungan ang iyong dala:
Bumaba ka sa lupa—
At muling itanong sa kanya
ang tunay niyang ninanasa…

Kung kanino siya papanig
At kung sino ang ibig
na gabi at araw makaniig:

Sa mga nakatira sa batong mansiyon
o sa nagtitiis sa kubong pawid?
Sa mga hindi nagpapatulo ng pawis
O doon sa nakatangan sa karit?

Ulan

sa pagluha ng langit
nitong nagdaang
mga gabi at araw

namumula nang muli
at nagdadahon
ang punong kabalyero

namumunga na rin unti-unti
ang kalapit na puno
ng malunggay at abokado

ang talahib na tinabas
ay muling tumataas
at nagdadahon

ang saging na sinibak
ayon, at mayroon
na ring bagong sibol

kaysarap na makitang
muling naglulunti
ang paligid na tinuyo ng El Niño

subalit ibang ulan
ang ibig nitong
natutuyong puso’t isip ko

ibig ko ay ang ulan
ang bagyo, ang ipu-ipo
ng panlipunang pagbabago

na magpapanariwa
sa natigang
na bayan ko.

kailan kaya darating
ang pinakaasam
na pagpatak at pagbayo?

Makikipista ba kami?

naghahanda ka na raw
ikaw na bagong luluklok
sa trono doon sa Malakanyang

isang bonggang piyesta
ang ihahanda sa Luneta
para sa mga alipuris at mga alaga

isang pakiusap:
sana ay huwag gawing
peryahan itong bayan
at ang pamamahala’y
gawing isang malaking karnabal:

huwag kang maghihirang
ng hukom na sa pula-sa puti
ang hustisyang alam.

huwag ka ring magtatalaga
ng sekretaryo’t sekretarya
na ang tanging alam ay maglamyerda.

huwag ka ring maglalagay
ng mga embahador at konsul
na nagpapalaki rin lamang ng tiyan.

turuan mo ang mga sundalo
ng paggalang sa karapatang pantao
at hindi maging utak beto-beto.

huwag kang tutulog-tulog
kagaya ng Perlas na Bilog
ni Manang Bola sa Batibot

bagkus igala mo ang iyong mga mata,
o, ikaw na bagong uupo
sa pinaglalawayang trono

sa halip ay makipagtitigan ka
sa nagdudumilat na mga katotohanan
sa iyong bayang matagal nang inaba:

mga humpak na pisngi
mga kumpis na tiyan
mga katawang butuhan
mga bisig na ugatan
mga ulong walang silong
mga bulsang walang laman ni piso
mga puring sampu isang kilo sa mga kanto at ibayo
mga pinanawan ng bait dahil sa pagkadukha
mga pusong puno ng takot at di mapayapa dahil sa karahasan at inhustisya
mga balo at mga ulila dahil sa mga utak pasista
at marami pang iba
at marami pang iba

huwag ka sanang
manatili at mabihag
ng malaking piging mo
sa Luneta

bagkus ay makiramay ka
sa paghihikahos ng iyong bayan
at huwag sanang ang pangako
ay hanggang bibig lamang.

Nalathala rin sa bilang isang note sa Facebook.

Anong Kalayaan?

Kalayaan nga ba itong matatawag
Wagayway nga itong sariling watawat
Dayuhan pa rin ang sariling dalumat
Lupang dayo pa rin ang pinapangarap?

Mayroon nga tayong sarili na wika
Sinasamba pa rin ay wikang banyaga?
Labis-labis nga ang ating paghanga
Sa tunog at himig ng Ingles na wika.

Maging ang isip ay hinubog, hinulma
Sa katuruang nagmula sa banyaga;
Kaya kapag nag-isip na’t nagsalita
Dayuhan pa rin ang hinga nitong diwa.

Maging sa paraan ng pamamahala
Ay nakapadron doon sa ibang bansa.
Aktang likha sa Senado at Kamara
Nasasalig pa rin sa Imperyalista.

Itong Palasyo ay isang ekstensiyon
Ng Puting Bahay, nandoon sa Washington;
Kaya ang bawat galaw ng naroroon
Ay dikta niyaong Puting mga poon!

Maging itong ating ikinakalakal
Ay dikta pa rin nitong mga dayuhan.
Maging ang pag-alipin sa kababayan
Ay utos pa rin nitong mga dayuhan!

Kung tutuusin at pakaiisipin
Ay wala talagang pakikibanabangin
Ito ngang minamahal na bayan natin
Sa pagtalima sa dayuhang naisin.

Subalit itong pulitiko ngang lintik
Sa dayuha’y talagang bilib na bilib
Ay! Kaya naman pala itong limatik
Malaki ang ganansiya sa pagkasipsip!

Dahil hindi nga naman ang kawawa
Kundi ang masang api at maralita;
Kaya ang bentador nitong demokrasya
Sa dayong amo’y sipsip-buto talaga!

(Pero, hindi na nga nakapagtataka
Ang pag-iisip niyaring mga punga
Dahil uri nila’y mapagsamantala
Kaya kasuwabe ng Imperyalista!)

Lalong nagpalubha sa pagkakawawa
Ay nang tayo’y pabulag sa yaman nila
Akala’y uunlad ‘pag tayo’y gumaya
Kaya nakumunoy sa hirap at dusa.

Pagbulay-bulayan ating kapalaran;
Muling balikan, ating kasaysayan
Salaminin doon ang katotohanan
Hinggil nga sa aba nating kalagayan.

Doon makikita’t doon matatanto
Ang kasamaan ng pagpaparahuyo
Sa kaisipang alipi’t diwang dayo,
Bansag doon ay neokolonyalismo!

Upang maging tunay itong kalayaan
Gumising na’t magbangon, aking kabayan!
Tanganan itong abanteng kaisipan,
Ihanda ang sarili sa ‘sang digmaan.

Digmaan itong dudurog at wawasak
Sa Imperyalista’t mga kasapakat!
Matapos ang digma, doon lang sisikat
Ang tunay na kalayaa’t gintong bukas!

Walang malalagot, kundi tanikala
Walang mawawala, kundi pagkaaba
Obrero ng mundo, tayo’y magkaisa
Palayain natin ang lahat ng bansa!

Buhay-Migrante

I.

Hindi tao kung ikaw nga ay ituring
Kundi isang bagay na kakakalakin.

Isang panindang maganda nga ang yari
Kumbaga sa ginto, maganda ang uri.

Gayunman kung presyuhan nito ngang amo
Higit pa sa bargeyn, tunay na barato.

Dahil sa bansa ay kulang ang trabaho
Napipilitan ngang ikaw ay mandayo.

II.

Guro kang mahusay ang pinag-aralan
Pagdating sa HK ay tsimay ka lamang.

Duktor na tagapagpagaling ng sakit
Sa Amerika’y tagahugas ng puwit.

Nars pa rin naman kung pumunta sa UK
Subalit ang tingi’y mumurahing 10 K.

Magaling na inhinyero’t arkitekto
Ay alipin doon sa bansang Arabo.

Babaing iniingatan ng magulang
Puta nga roon sa Korea at Japan.

III.

Kayod-kalabaw, hingal kang kabayo
Sobra ka sa gawa, kulang sa suweldo.

Upang lumaki-laki ang iyong kita
Hahanap ng ibang pagpapaguran pa.

Titiisin ang pagod, sakit kung minsan
Para lumaki ang iyo ngang remittance.

Dahil ‘pag padala’y kinapos, kinulang
Higit ang sakit ng iyong kalooban!

IV.

Kay hirap ng buhay ng isang migrante
Kasiping ay lungkot sa tuwing gagabi.

Tanging ligaya ng puso’t kaluluwa
Mensahe ng iyong anak at asawa.

Subalit araw-araw man ang tawagan
Hindi pa rin mapalis ang kalungkutan.

Ipinagdaramot pa nga ito minsan
Niyong among mahigpit at sukaban.

(Suwerte ka kung mabait ang iyong amo
Mayroong bakasyon, ayos ang suweldo.)

V.

Masakit kung minsan, tadhana ay magbiro
Tunay nga namang makadurog ng puso.

Sulat ng magulang at mga anak mo:
Ang asawang giliw ay may kalaguyo!

Dahil sa malamig nga ang mga gabi
Minsa’y naghahanap na rin ng katabi.

Ang pagpapagal, may mapait na sukli
Pagkawasak ng pamilyang iyong iwi.

VI.

Pero kung demonyo nga ang maging amo—
Bugbog-sarado, wala ka pang suweldo!

Kapag tumakas, ikaw ay kakasuhan
Ipakakalaboso ng ilang buwan.

Hirap sa loob na iyo ngang malaman
Walang makain ang pamilyang naiwan!

Dagdag pa sa paghihirap ng loob mo
Ay kawalang tulong ng gagong gobyerno!

VII.

Hanggang kailan, ikaw nga ay kalakal?
Kailan sauli ang nawalang dangal?

Kailan ang oras na hindi iiwan
Ang bayang lupain ng ligaya’t lumbay?
Kailan ba sasapit iyong gintong araw—
Wala na ang pamatok ng kahirapan?

At wala nang alipin sa ibang bayan
Wala nang anak at asawang iiwan?

VIII.

Migranteng bayani, ikaw ay mag-isip
Muling bisitahin ang diwa at bait.

Aralin, kasaysayan ng bayang giliw
Sanhi ng kaabaha’y iyong ugatin!

Tingnan ang tungkulin sa pagpapasapit
Niyaon ngang gintong araw na marikit.

Araw na ikaw at iba pang kalahi
Ay mayroong dangal at di na aglahi!

Migranteng Pilipino, ngayo’y magbigkis!
Baya’y palayain mula sa limatik!

Mayo 29, 2010 | Lungsod ng Antipolo