kung malimutan ko nang
sumulat ng tula’t salaysay–
alalahanin kita sa aking gunita
doon ko na lamang itititik
pangamba’t panaginip
na pinagsaluhan natin
noong marunong pang
humabol sa buwan at mga bituin
sa araw, sa mga kometa’t mga buntala
sa kalawakan ng papel at computer screen.
kung malimutan ko nang bumaybay
sa makitid na tulay ng katotohana’t imahinasyon
hahaplusin kita sa dako pa roon
sa pagitan ng tibok at tigil ng puso
sa bawat sargo at daloy ng dugo
sa bawat kinig ng laman at litid
sa bawat paghigop, pagbuga ng maikling hininga.
kung malimutan ko na ang panitik,
pakikipaghabulan sa titik na bulisik –
ilalapida ko sa aking kaluluwa
mga salitang maaaring tuluyang malimutan na –
pagmamahal, pagkatakot, pagsuyo
pangamba, pagkabasag, pagkabuo
nitong buong pagkatao.
sa lapidang iyon isusulat, pangalan mo
ang pinakamagandang akdang
nabasa ng puso’t kaluluwa ko…
