Pait at tamis sa 2011, pag-asa at pag-asam sa 2012

SA PAGTATAPOS ng taong 2011, maraming Pilipino ang umaasa  pa rin  sa isang maganda, masagana, at mapayapang 2012—sa kabila ng kabi-kabilang trahedya at tila kamalasang sinapit ng ating bansa.

Habang isinusulat ang sanaysay o lathalaing ito, patuloy ang pagtaas ng bilang ng patay sa Iligan at Cagayan de Oro—mga lugar na lubhang naapektuhan ng pagbaha dulot ng bagyong si Sendong. Libu-libo pa rin ang nawawala, samantalang nagsisiksikan parang sardinas sa mga lugar ng paglilikas ang marami nating mga kababayan.

“Magpa-Pasko pa naman,” sabi ng ilan, sabay pakawala ng buntung-hininga. Subalit, sa mukha ng trahedya ay mababanaagan ang mukha ng pag-asa. Sino ang makapagsasabing maging ang Partido Komunista ng Pilipinas, isang organisasyong sinasabing marahas at walang Diyos ay mag-aalok ng tulong sa mga nasalanta? Sabi ni Jorge “Ka Oris” Madlos, magbibigay ang kasapian ng CPP ng humigit-kumulang P4 milyong halaga ng tulong—salapi, pagkain, gamot, damit, at iba pang pangangailangan ng mga nasalanta.

Bagaman masakit, masasabing nakapagbukas ng mga mata natin ang naganap sa Cagayan de Oro at Iligan, at maging ang iba pang trahedyang may kaugnayan sa bagyo at pagbabago ng panahon upang muling repasuhin ang umiiral na mga patakaran at pagtrato natin sa kalikasan.

Sabi nga ng Kalikasan People’s Network for the Environment (KPNE), hindi ang iligal na pagpuputol ng mga puno at maliliit na pagmimina sa kabundukan ang nagpapatindi sa mga pagbaha at pagguho ng lupa sa bansa, kundi ang patuloy at walang habas na pagdukal ng mga kumpanyang multinasyunal at transnasyunal.

Bukod sa mga pagbaha at pagguho ng lupang sumasalanta sa multibilyong pisong kabuhayan at lumalamon sa libu-libong buhay ng ating mga kababayan, ang taong 2011 ay panahon din ng karamdaman. Sa taong ito, napatala ang mataas na bilang ng mga nagkasakit ng nakahahawang human immune-deficiency virus (HIV) at maging ang perenyal na suliranin ukol sa dengue, tuberkulosis (TB) at kakapusan sa nutrisyon at makakain.

Subalit ang taon ding ito ang panahon ng pagtuklas para tuluy-tuloy na matamasa, kahit maralita, ang kalusugan at kawalang sakit. Nakatuklas ang mga siyentista natin at maging ilang ordinaryong tao ng pamamaraan para masugpo ang pagdami ng lamok na nagdudulot ng dengue, gayundin ang ilang alternatibong pamamaraan para matulungan ang taong may dengue na mabilis na makabangon sa banig ng karamdaman. Sino ang makapagsasabing ang damong tawa-tawa at ang dahon ng papaya ay maaaring makatulong (bagaman hindi pa kinikilala ng mga awtoridad) para mapataas ang platelet count ng maysakit, na mahalaga para makaligtas ang na-dengue sa tiyak na kamatayan?

Sa Cuba, natuklasan na rin diumano ang bakunang maaaring makapagligtas sa isa sa isa sa pinakanakamamatay na kanser sa baga? Ilan lamang ito sa natuklasan sa siyensiya at teknolohiya at marami ang umaasang mas marami pang matutuklasan sa pagdating ng taong 2012.

Sa punto ng kagutuman at karalitaan, maraming sumulpot na panukala para tuluyang magamot ang kronikong sakit na ito ng lipuna at bansa. Mungkahi ng Foundation for Sustainable Society (FSSI), Inc., dapat na palakasin ang tinatawag ng social enterprises para tuluyang makaahon ang mga komunidad sa gapos ng kahirapan. Naghahanda na ang FSSI at iba pang mga grupo para isulong sa Kamara at Senado ang panukalang batas na makapagpapatatag sa mga negosyong may puso, at hindi lamang nakatali sa kalansing piso o ng tubò.

Hindi naman lahat ay malungkot sa taong 2011. Marami ring pagkakataong nagdiwang at nagsaya, kahit sasandaling panahon, ang sambayanang Pilipino na laging aligaga sa paghahanap ng butil ng kaning maisusubo. Ang dangal na hatid ng pagkapanalo ni Manny Pacquiao kontra Juan Manuel Marquez, ni Shamcey Gurrea Supsup ng 3rd Runner Up sa Ms. Universe, ni Czarina Gatbonton sa Ms. Humanity International, at Gwendoline Ruais na nagkamit naman ng ikalawang puwesto sa Ms. World.

Sino ang makapagsasabing mapatatala sa mundo ang pinakamahabang underground river sa Puerto Princesa City, Palawan sa hanay ng pinakamagaganda at pinakamamanghang gawa ng kalikasan? Katunayan, may pag-asang ito ang ituring na pinakabagong “Wonder of Nature” sa darating na taon.

Sa larangan ng pulitika, maituturing na kontrobersiyal ang pagkakasampa ng kaso at kagyat na paglalabas ng kautusan para dakpin ang dating pangulo at kinatawan ngayon ng ikalawang distrito ng Pampanga na si Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa kaso ng pagsabotahe sa eleksiyon noong 2007. Nauna rito, ang “pagsuway” ng Department of Justice (DOJ) sa kautusan ng Korte Suprema hinggil sa pagpapahinto sa hold-departure order na inisyu ng huli laban kay Arroyo, ay nagbunga rin ng tensiyon at alingasngas sa mundo ng pulitika sa bansa. Sino rin ang makapagsasabi na sa isang gabi ng sesyon ng Kongreso, maipapasa naman ang kasong impeachment laban kay Chief Justice Renato Corona dahil sa diumano’y pagkatig o lubos na pagpabor nito sa mga Arroyo? Nobyembre 18 nang itaas sa kapulungan ng Senado ang naturang kaso. Nagkataon nga lang ba na ang kaso’y lumabas pagtapos ng desisyong pabor sa manggagawang bukid sa Asyenda Luisita na si Corona mismo ay pumirma?

Ngunit sa kabila ng mga kontrobersiya at alingasngas sa pulitika, nananatiling mataas ng tiwala ng sambayanan sa kasalukuyang administrasyon ni Aquino na nangako noong eleksiyong 2010 ng isang ‘tuwid na daan.’

Katulad ng nagdaang mga taon, pait at tamis ang magkahalong ala-ala sa kahon ng diwa ng mga Pilipino. Ngunit dahil sa matibay at hindi basta-basta mauuga ang sambayanan ng mga pagsubok at suliranin sa buhay, nananatili ang mataas na antas ng pag-asa sa puso ng mga Pilipino na ang taong 2012 ay makapagdudulot ng panibagong sigla sa kanilang nanlulupaypay na puso at kaluluwa, at ang 2012, kagaya ng sikat na awiting pamasko’y, inaasahang makapagdudulot sa lahat ng bagong buhay at bagong danas na makapagbubunsod naman sa pagpapanday ng higit pang matatag at magandang pagkatao sa Pilipino bilang isang sambayanan.

31

I am writing this note, a few minutes before my 31st birth anniversary.

In my 31 years of existence, I do realize that there lots of things that I have done that need rectification, modification, or I must not done at all. These are the grave mistakes in my career as a writer, as a citizen, and as a person as a whole. But, there’s no room for self-pity. Experiences, good or bad, are excellent teachers. They devise theories that are totally applicable to our daily lives; their results either caution us not to do same things, or to make improvement on aspects that need some tuning or overhauling.

They say that if a man or a woman approaches their midlife, they are suffering in a dilemma. Are they too old for the world? Have they done enough to make their lives and other lives better? I believe that I do have still much time to do whatever the LORD wants me to do; what the society needs me to do; and to do the things I want to do.

Although my life is a little bit crowded with worries, uncertainties and other negativity, there is still room for development, improvement, and progress. THERE IS HOPE IN LIVING notwithstanding the fact that WE ARE ALL DYING. Death and life are sisters — and they are twin. For us to have a better life, we need to die a little — you know, those little pains, sacrifices, humiliation, uncertainty, mistakes. If we have pass through it successfully, then we will enter rebirth, a new life. On the other hand, if we want to have a beautiful death (I do believe in one), you need to perfect the art of living. The art of living for me is to do the best that you can, to do big acts of kindness (if you would do random acts of kindness, make it sure that it would really make an impact on the lives of other people and that it would pave way to positive changes into your life), and to realize that everyday is worth living (and dying) for.

Now, it’s 12:05 A.M. (I have started this blog entry, six minutes ago), I am officially 31. I thank the LORD for giving things and making me experience things that would make my personality complete. HAPPY BIRTHDAY TO ME. Amen.

Mga mukha ng Pasko

Larawan mula sa http://listentogrammie.blogspot.com

NANLILIMAHID pagkaminsan ang mukha ng Pasko. Marurusing na palad na nakalahad at naghihintay ng kalansing ng piso para kahit paano, may mailaman sa hungkag na tiyan at mabuhay nang kaunti ang aandap-andap na pag-asa ng isang Maligayang Pasko.

Ayon sa pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations hinggil sa karalitaan at kagutuman, umabot mahigit 10 milyong pamilya ang sinasalat sa kabuhayan at 31.1 porsiyento ng populasyong Pilipino ang nakararanas ng gutom.

Katulad ng mag-asawang Jose at Maria noong gabi ng panganganak kay Jesus, gayundin naman ang milyun-milyon nating kababayang nagdiriwang ng kanilang Kapaskuhan na wala man lamang bubong sa kanilang ulunan. Ayon sa Urban Poor Associates, 3.1 milyon ang itinuturing na mga iskwater, o nakikisilong sa ilalim ng mga tulay, sa gilid ng estero, sa ilaim ng flyover, at nakikitirik sa lupaing hindi naman nila pag-aari. Ang niyuping mga lata, kahon ng prutas, tagpi-tagping sako, at inaanay na mga kahoy ang nagsisilbing suhay, atip at dingding ng kanilang tahanan. Sa marurusing na kubakob na ito, binubuo nila ang kanilang mga pangarap—para sa sarili at para sa kanilang mga anak na kadalasan, winasak ng pangamba at karahasang dulot ng demolisyon.

Ulila ang mukha ng Pasko. Sila ang mag-isang inaalagaan ang kanilang mga sarili dahil ang nagmamahal sa kanila’y malayo o hindi matagpuan, gaya ng mga desaparcedos o yaong biktima ng puwersahang pagkawala. Sila ang nangamatayan ng mga anak, magulang, kamag-anak, kakilala’t kaibigan dahil sa nagdaang mga sakuna at kapahamakan. Sila ang mga bilanggong walang dalaw o nalimutan na ng lipunan. Sila ang mga distiyero dahil sa sariling kagustuhan o sa kagagawan ng ilan. Sila ang mga nagpasyang tumawid ng dagat at liparin ang himpapawid para maghanapbuhay sa banyagang mga lupain—kaya masasabing dayuhan din ang mukha ng Pasko.

Maraming pagkakataong magatla at kulubot din pagkaminsan ang mukha ng Pasko. Sila ang matatandang nangangailangan ng ating kalinga, mga babaing balong naghahangad ng paglingap mula sa kanilang mga anak na tila nalimutan na ang kanilang inukol na panahon at lakas, pagmamahal at pagkalinga, noong sila’y mga musmos pa. Sila rin ang mga nangungulilang matanda sa mga tahanang paalagaan ng maygulang na inabandona o kusang ipinaampon ng kanilang mga anak dahil pabigat lamang ang tingin sa kanila.

Madalas ding bata ang mukha ng Pasko—mga bagong silang na sanggol, na dulot ay katuwaan sa kanilang mga magulang; mga batang nasa lansangan at namamalimos, nagpupumilit na aliwin sa disintunadong awit ang kanilang manlilimos; sila ang mga batang nasadlak sa maruruming gawain at inilagay sa limot ng isip ng lipunang sa kanila’y doon nagluklok.
Piso ang mukha ng Pasko. Kapuna-puna ang pagkalunod ng mga tao sa magagara at magagarbong regalo’t palamuting pampasko, mga damit na uso, at mamahaling mga pabango, mga kolorete at mga alahas na kumikinang, subalit dumuduro sa mga mata ng puso at isip ng maraming walang laman ang bulsa at tiyan.

Subalit ano nga bang talaga ang dapat na maging mukha ng Pasko? Mukhang nagmamahal at kumakalinga, mukha ng mga palad na handang gagapin ang isa pang palad na lipakin, magaspang at sugatan dahil sa karalitaan, mukhang may mga labing nakaguhit ang ngiting matamis at tunay para bigyang kasiyahan ang nalulungkot at nalulumbay, mukhang may mga bisig na handang alalayan ang mga nanghihina, nawawalan ng pag-asa at nanglulupaypay. Sa madaling salita, pagibig, pagmamahal, pagkalinga, pagdamay ang dapat na maging mga mukha ng Pasko. Bakit? Dahil ay kahulugan mismo ng Pasko ay wagas na pag-ibig… [Isinulat para sa PINAS Global Newspaper]

sa sinapupunan ng digma

sa sinapupunan ng digma
ipinanganganak ang payapa
maaliwalas na bukas
ngunit di lang ito pagpapalitan ng putok
pagdanak ng dugo
pagkapangos ng buto
pagsabog ng utak
paghalik sa alabok ng lupang katawan
digmaan ito ng prinsipyo
ng mamamayan at Estado
ng nagsasamantala’t inaapi
ng tunay at huwad
digmaan itong tatapos sa limbas
kikitil sa paghahari ng bayawak at uwak
iluluwal nito payapang bukas
para sa inyo at inyong mga anak…