Awit sa Amihan (o kung paano ibinabalik ng hanging malamig ang iyong mga ala-ala)

sa tuwing hahagkan mo
bulaklak ng damong ligaw
nababatid namin
muli, magbabalik mga alaala
na aming iniligaw
sa gubat ng aming isipan.
gayon naman talaga
babalik multo ng nakaraan
kakatok sa pinto ng isipan
kakalampag sa bintana ng puso
kukutkot sa haligi ng damdamin.

ano nga ba, nasa likod ng lamig?
bakit kayang buksan
pusong nakapinid?
padadaluyin ilug-ilogang
mula mata hanggang pisngi
pakikirutin inaamalang
nagtikom na mga sugat
nitong hapong kalulwa…

gayumpaman
pababayaan ka
hindi pipigilang umiihip
at hagkan ng malamig
mong mga labi
nangangaligkig
na dahon niyaring puso’t isip…

Kung hahagkan kita

kung hahagkan kita
hahagkan ko lang
mga lábî ng anino mo
malamig, manhid
katugon ng damdamin ko
ngayon
manhid
subalit
nananalanging muli
muling makaramdam
kahit kaunti
kahit katiting
sapagkat nasaid na
hamog ng pag-ibig
sa talulot ng puso
ang bukid ng dama’y
isang sakahang tuyo
bitak ay singlawak
ng dagat, kalmadong asul
pinipintahan ng pula,
kahel ng papalubog na araw.

kung hahagkan kita
hahalikan ko yapak mo
hakbang mong papalayo
sa piling ko
sa bisig ko
sa puso ko
hindi ko hahalikan
para sundan ka
kundi upang ihatid
ang labi ng mga alaala
sa pantiyon
sa musoleo
ng mga gunita
doon ay tatanglawan
ng aandap-andap
mabuhay-diling kandila
upang kahit paano
muling maipinta
iyong mukha.

kung hahagkan kita
hindi init ng katawan
hahanapin ko
kundi ang lamig
ng dapyo ng mga anino
lalasapin pagkasiphayo
muling ipipikit antatao
upang burahin ng dilim
ang gunita ng mga halik mo…

Antipolo Rizal, 09/25/11

Ilang talang ligáw mula sa isang estudyante ng Row 4

Enrollment

Naisangla na ang kaisa-isang
Kalakiang katulong sa bukid.
Kasama ang titulo ng lupang ni
Minana pa kay lolo at lola.

Bilin ni Inang sa akin:
Magpakabait ka anak
Malupit ang lungsod…
Iuwi mo rito anak
Ang dangal na putong
Sa aming ulong ubanin…

Ilang libong piso
Ang lulustayin sa libro
Bayaring hindi yata
Matapus-tapos
Para lamang makapasok
sa kolehiyo’t unibersidad
Na ang gusali’y
Parang singtanda na rin
Ng dinayong lungsod…

Unibersidad

Dunong daw ang dinudukal
Sa apat na sulok ng
Silid aralang ilang utak
Na rin ang tinuruan
Ng katutunang mapang-alipin.

Laboratoryong di magamit
Kasilyas na impiyerno ang amoy.
Gurong singtanda na ni Mahoma.
Kausap lagi ang berdeng pisara.
Librong kinopya rin
Sa gawa ng iba.

Mabuti na lang
May nag-akay
At malawak ang landas
Patungong Mendiola
At sa Plaza Miranda.

Thesis

Ideyang pinagdikitdikit

Ilang libro ang binuklat
Ilang butil ng pawis
Sa noo ang pumatak
Ilang gabing mata’y
Namamaga sa puyat.
Madalas ang reklamo
Ang bulsa ay butas.

Matapos ipasa at
Ipagtanggol lahat—
Ay lintik! Ideyang
Pinagpaguran, nanakawin
lang lahat?

Singko

Kinatatakutan
Ang munting markang pula
Sa dilaw o berde o asul
Kartong lalagdaan
Ng gurong kumakalam din
Ang tiyan…
Abu’t abot ang dasal—
Singko, huwag naman!

Graduation

Entabladong hinintay makita
Mapapanhik na ng dalawang paa.
Subalit ang tanong sa sarili’t
Sa iba—pagkatapos nito,
Buhay ko’y ano na?

Diploma

Kapirasong papel
Anting-anting (daw)
Kontra kahirapan
Subalit ano ang saysay
Kung walang mapasukan?

Tunay na pagkatuto

Nang nag-aral ako ng gredwan
Isa lang ang aking alam—
Kailangang mag-aral para
Hindi maging mangmang.

Nang ako ay magtapos
Sa elementari skul
Isa lang ang dasal—
Makita ko ang haiskul.

Nang magtapos ako ng haiskul
Mapalad na nakatuntong
Sa kolehiyong bilang sa daliri
Ang totoong nakaturol.

Nang nasa kolehiyo na
Napagtanto kong wala
Sa apat na sulok ng silid
Na pinintahan ng puti
O kulay krema ang pagkatuto
Dahil marunong ding
Magsinungaling ang titik ng libro.
Marunong ding magligaw
Ang mga numero gayundin
Ang teoryang pinakakabisado.

Wala sa loob ng tarangkahan
Ang karunungang nakauunawa—

Nasa kabila ng dambuhalang gate
Nasa malapad na lansangan
Na madalas matigmak ng dugo
Dahil sa bangis ng galamay
Niyaong nasa puwesto.

Nasa bukiring ayaw mamunga
Nasa gatla sa noo ng mga magsasaka
Na lagi’t lagi na lamang
Inaagawan ng karapatan
Sa bukid na iniwing buong buhay.

Nasa loob ng pabrikang nagkokoro
Sa pag-ubo ang yayat na manggagawa
Na kulang pa ang limos sa palad
Para ipambili ng parasetamol
Pampawi sa lagnat ng tuberkulosis.

Nasa gitna ng dagat, nasa paraw
Nasa sirang lambat, nasa baling sagwan
Nasa bulok na isdang nakahain
Sa gitna ng hapag-kainan.

Nasa kabundukan, nasa kaparangan
Nasa gitna ng sambayanang
Lagi’t lagi na lamang gahasa
Handusay, kulang-palad
Binabaliw, dinadapurak
Ang kaunting dangal sa sarili.

May aral sa kasaysayan
May aral sa tunggalian
May aral sa tungki ng digmang-bayan.

Hindi lang unibersidad
ang may monopolyo ng pagkatuto.
Dahil ang tunay na talino:
Nasa lipunan. Nasa paglaban.

PAMAHIIN

Larawan mula sa http://fantasyknuckleheads.com/lucky-number-13-three-late-round-receivers-you-must-target/

KUNG mapamahiin ako, hinding-hindi ako gagamit ng PC station na ito. PC number 13. Ang numero 13 para sa mga naniniwala sa Feng Shui ay malas. Si Erap (Joseph Estrada), kaya minalas dahil siya ang ika-13 presidente ng Republika de Lata, este Republika ng Pilipinas pala.

Sa pana-panahon, gusto kong maniwala sa pamahiin. Sa kamalasan ng tumatawid na pusang itim, na madalas nasasagasaan dahil hindi siya nakikita sa dilim, at natutulala siya kapag natatamaan nang matinding liwanag. Sa basag na salamin dahil ipinakikita nito ang pangit na repleksyon ng iyong pagkatao—pirapiraso at iba-iba ang laki at hugis; at kapag natibo ka ng basag na salamin, matagal gumaling dahil sa asoge (mercury) na nakahalo rito. Impeksiyon sa dugo ang maaaring ikamatay mo. Sa mga aswang at sa mga maligno, dahil marami niyan dito. At karamihan sa kanila, nagkukunwaring tao. Karamihan nga sa kanila nasa matataas na puwesto ng gobyerno at negosyo.

***

Kamakailan lamang, tinawagan ako ng isa kong pinagtatrabahuhan at sinabing kailangang ayusin ang “gusot” na ginawa ko. Baka kasi “malugi” ang kanilang “negosyo”. Isa silang non-governmental organization na nakikipaglaban para sa kapakanan ng inaaping manggagwa. Iyon lang, takot silang mabulgar na kontra-katiwalian sila. Kasi nga naman, sa isang kibot at isang kibo, maaring matalo ang kanilang inilalabang mga kaso. Nauuwaan ko ito. Mahirap nga namang makipaglaban at makipagbuno sa naghaharing sistema laluna’t kailangan mong umayon pansamantala sa sistema dahil kapag hindi, lagot ka! Patay kang bata ka dahil ang mga kasong ilalaban mo sa hudikatura, tiyak na sa basura lang mapupunta.

Minsan, parang gusto kong maniwalang sa kasabihang ang matatapang ay hindi naman talagang matapang; may itinatago rin silang karuwagan. Maging ako, marami akong itinatagong karuwagan sa pagkatao ko. Pero ipinaglalaban ko pa rin ang anumang dapat ipaglaban dahil naniniwala akong wala nang ibang gagawa nito para sa akin. Ang buntot ko ay hila ko, ang sungay ko ay sunong ko, at walang ibang maghihila ng buntot ko at ng sungay ko maliban sa akin.

Naisip ko, may siyentipikong paliwanag din siguro ang pamahiin. Dahil nagkatotoo ang mga ito sa maraming pagkakataon. Nakita ko nang maaaring mangyari ito. Ang pagsalunga sa kabalintunaan ng buhay. Ang matatapang ay hindi naman talaga matatapang laluna’t mayroon din silang interes na pinangangalagaan.

Marahil, magtatanong kayo kung ano itong tinutukoy ko? Ayaw ko nang magsalita. Naniniwala kasi ako sa pamahiin na kapag nag-ingay ka sa araw ng Lunes, maaaring maging maingay ang buong buhay mo sa buong linggo. Ayaw ko nang ingay. Gusto ko ng katahimikan din naman. :)

Same shit, different day

Photo from http://www.easyvectors.com/browse/other/paper-boy-clip-art

The life of a journalist can be shitty sometimes. Nararanasan ko ito, madalas laluna kapag hapit na hapit ang deadlines. Marami kasi akong pinagsusulatan at karamihan sa kanila, shitty rin kung magbayad—either too late or never. 

Masayang malungkot, mabangong mabantot ang buhay ng isang peryodista. Masaya dahil marami kang matututunan sa araw-araw na ginawa ng Diyos: bagong mga termino o jargons, bagong mga tuklas sa agham at teknolohiya, at siyempre pa, bagong mga intriga (na may katotohanan) hinggil sa buhay ng mga artisa at pulitiko.  Continue reading

Tao sa una

Tao raw ako sa una. Treinta años lamang ako subalit ang hilig ko sa tugtugi’y yaong luma at halos hindi na malasahan o magustuhan ng mga kabataan ngayon.

Kundiman. Nakahiligan ko ito noong ako ay magsa-sampung taong gulang. Kasalanan ng aking inang. Mahilig kasing makinig ng mga tugtuging uso noong kaniyang kasibulan (62 anyos na ang nanay-nanayan kong si Aling Virgin, magsi-63 sa darating ng Disyembre 12). Isa si Larry Miranda sa nauna kong hinangaan pagdating sa kantahan. Isa ito sa mga aking naibigang awitin niya na naisaplaka noong Dekada ’50. Batay sa nasaliksik ko, 1962 nang manaw sa mundo si Larry Miranda.

Halina’t pakinggan ninyo ang kanyang awiting Ang Liwayway.

Weirdo

Kay Grace…. Maraming salamat, nakatalimatam kita…—NSB

Minsang isang tanghaling tapat
Ako ay napagtiplag…
Kumiriring ang teleponong
Halos isang linggo nang walang
Pagpaparamdam.

Dinampot ang awditibo,
Walang ganang ibinuka ang labi
At waring ikinibot lamang
Ang salitang hello?
Walang narinig sa kabilang linya
Kundi mahabang toooooooooooooooot!

Saka siya nag-busy tone.

Nakakadismaya.
Nakakairita.
Nakapagtataka.
Ang weird, no?

Matapos iyon
Dumiretso sa banyo.
(Nasabi ko bang
Katatayo ko lang
Buhat sa kama ko?)

Nang buksan ang dutsa
Para maligo—
Laking dismaya:
Walang tulo!
Saka ko naalalang
Sira nga pala ang tubo
Ng aming gripo.

Muli akong nagbihis
Nang kung ano ang suot kanina.
Hawak ang liyabe-tubo
Patalilis akong pumunta sa hardin.
Sa isang dahon, nagbitin-bitin
Isang sutlang bahay…

Napatingin ako…
May butas na kasi
Akala ko’y paruparo
Ang lilipad mula sa butas—
Hindi pala!
Kundi mabulong
Gamugamo…

Ang weird no?

Tinungo ko na
Ang kinalalagyan ng tubo.
Matapos higpitan
Ang turnilyo
Muling pumunta ng banyo.
Habang nagsasabon
Narinig ko ang kuriring
Ng mahiwagang telepono.

Huminto.
Nag-anlaw ako.
Paglabas ng banyo
Kumiriring muli ang telepono.
Pag-angat ng awditibo
Sabay banat ng hello?
Muli kong narinig ang tooooooot!
Saka ang busy tone…

Ang weird no?

Walang pamagat

Kabiyak mo ang hirap
Samantalang kalaguyo
Ang ‘sang kahong alaalang
Inaagiw sa sulok ng utak:

Samu’t sari
Subalit iisa ang kulay…
Makutim na puting
May bahid ng dugo.

Luha.
Pawis.
Latak ang siyang
Nalabi sa dangal.

Bakit kailangang danasin
Ang di-matapus-tapos
Via Crucis tila.

Marahil,
Parusa.
Gagad ng isip.

Subalit tutol
Ang tibok ng iyong puso.

Dasal sa gabi at araw—
Nawa’y pawiin ang sakit
Na nararamdaman.
Ialis sa pagkabusabos
Sa kamay ng Patriyarkal,
Poon ng sangkalupaan.

Tahan.
Tangan na ang balaraw.
Hahatol ang timbangan.
Ikaw at ang busabos
Ang papanigan.

(Marso, 2005)

Sa Iyo, Kasama

Minsan pa, kahit puyat—
Ginising ang ulirat mo
ng alarma ng relo.

Kailangang tumiplag
Kahit namimigat sa antok
Ang iyong mga mata.

Pilit na inapuhap
Ang diwang kumalat
Sa nakaraang idlip.

Sa usok ng kape,
Kaunting subo ng pan de sal
Inihanda ang sarili
Sa isang mahabang araw.

Halos hindi sumayad
Sa tuyong balat
Ang tubig at sabon.
Agad na nag-banlaw.
Baka mahuli—
isip-isip mo—
Sa pupuntahan.

Pagdating sa bulwagan
Agad kang nakipagsiksikan.
Matiyagang pinakinggan
Ang tinig ng mga dignitaryo’t
Nagmamagaling na diputado.

Sa gitna ng mga talumpati
ng paggiit, pagtanggi—
Dinig mo ang bulung-bulungan
Nilang katulad mong
Sa isyu at balita nabubuhay.

Tapos na ang sesyon.
Salimbayan ang mga paang
Nag-uunahan sa dulo ng bulwagan.

Agad na hinarap ang kompiyuter.
Simbilis ng kitig ng ugat
Sa halos bumigay nang utak
Ang tipa ng daliri.

Kailangang matapos
Bago mag-alas dos.
O panibagong memo ni Boss?

Matapos ang ilang subo ng papel
Sa fax machine at ilang
Kuriring ng telepono,
Nakahinga ka rin.

Kakain ng tanghalian,
Ilang minuto, ilang saglit
na pahinga sa mesang pinaggawaan
ng istorya.

Ilang saglit pa—
May ngiti sa labing
Nagpaalam ka sa kanila.

Halos hindi pansin
Ang pagkaway mo.
Subsob ang kanilang ulo,
Tutok ang mata sa iskrin.

Ilang segundo lang.
Paglabas sa bulwagan,
Sa gitna ng katahimikan
At tirik na sikat ng araw
Ilang putok ang umalingawngaw.

Kanina lang binubuno ang balita.
Ngayon, ikaw ang ibinabalita.
Nagsusumigaw ang ulo sa diyaryo.

Mayo 16, 2005

Sta. Mesa Maynila

Letra

Madalas, nakikipaghabulan ang isang manunulat sa mga titik at mga salita...

MADALAS, kaysa hindi, nakikipaghabulan at nakikipag-asaran ako sa mga letra. Mapa-balita, mapa-sanaysay, mapa-tula. Para kasing kayhirap nilang hulihin at kapag nahuli mo na’y kayhirap namang pagdugtung-dugtungin, parang maninipis na lastiko na sa kaunting higit-lubay, mapuputol. At kung ibubuhol mo naman para magdugtong, parang nakaaasiwa naman dahil hindi siya buo at laging mapapansin ang dugtong.  Continue reading