*

Alexander Martin Cartesiano Remollino (Agosto 6, 1977 - Setyembre 3, 2010)

Mahirap ibalibag ang isang mabigat na ala-ala palabas ng utak mo at hayaang mabulok kung saan mang tabi ito mapatapon.

***

Setyembre 3, nang umalis kang walang paalam. Walang pasintabi. Walang tulang binasa bilang huling pahimakas sa pagtakas mo sa sangmaliwanag. Subalit naririto pa rin ang mga alaala ng mo — ang samyo at sangsang ng iyong iniwang bakas sa bula ng beer, sa sebo ng tainga at isol, lalo’t higit sa dulas at bagsik ng mga salitang nag-uunahang pumatak sa papel, parang luhang nag-uumagos ngayon sa magkabilang antatao ko. Parang ulan sa tuwing panahon ng bagyo, umaalimpuyo at wumawasak ang pagdaloy ng mga alaala.

***

Naging magkaibigan tayo, Alex, sa tula at sa iba pa. Hilaw akong makata noon at ikaw ay hinog na. Katunayan, isa kang binhing tumubo sa matabang lupa’t naging punong-kahoy na nagbibigay lilim sa mga naglalakbay sa daigdig ng tula. Hinangaan kita, lihim at hayag, sa bawat pulgada ng iyong pagkatao — bilang mamamahayag, bilang makata, bilang rebolusyonaryo.

Naiinggit ako sa iyo sapagkat saklaw mo ang lahat — parang langit na pumapayong sa kaparangang nilalakaran mo sa panapanahon para suriin ang lagay ng lipunan at lapatan ng karampatang solusyon ang sugat nito. Mahusay kang peryodista sa Tagalog at Ingles. Mahusay kang kuwentista. Mahusay kang istoryador sapagkat kahit sangkaterbang beer ang nainom mo ay hindi mo malilimutan ang petsa ng mga naganap na rebolusyon sa ating Bayang Magiliw; sa pagtataksil sa bayan ng mga taong itinuturing na bayani ngayon; at lalo’t higit sa lahat, sa petsa at oras kung kailan nagaganap, naganap at magaganap ang pakikibaka ng sambayanan.

***

Mahirap itapon ang ginto sa pusali. Katulad ng mga alaala mo. Sana’y narito ka pa. Pero talagang wala ka na. At ang tanging naiwan sa amin ay ang tula mo at sandamukal na mga alaala. Alex, kumusta na? Maupo ka sa hapag ng aking gunita’t magkuwentuhan kita. Kumusta na?

senswal

niyakap mo ako nang mahigpit
parang apoy na kumapit sa siit
ang bawat haplos at halik
nakadadarang, nakapagpaparikit
ng damdaming dati’y malamig.

sa gitna ng halik at ulaol
sa suso, sa labi, sa puson
sa bawat sulok at kalyehon
ay parang paglalakbay, paghahabol
sa rumaragasang tiktak ng panahon.

sa bawat suksok at hugot
ay bumubulwak ang pangako’t bangungot
paano kung ang pagniniig ay matapos –
maalala mo pa kaya ako kapag ikaw at ako
ay maluwalhating nakaraos?
o katulad ng bugso ng init
matapos ang lahat, lahat ay muling manlalamig?

alaala na naman kita

naiisip kita
sa tuwing panahon
ng aking pag-iisa.
sa tuwing hinahaplos
ng hangin ang kalamnan
sa tuwing tinutusok
ang mga mata ng araw
sa tuwing bumubulong
ang hamog sa damuhan.
naalala kita
kahit ibig kong limutin na
ang guhit at gatlang
ng bawat alaala.
marahil nga
ang pilat sa puso’y
hindi madaling mawala.

Nagtataka ka pa???

nagtataka kang
walang nakatatapos
sa eskuwela?
walang pera
walang trabaho
lalong butas ang bulsa
dahil badyet sa edukasyon
at ibang serbisyong panlipunan
sa halip dagdagan
patuloy pang binabawasan.
at nagtataka ka pa?

Juan Tamad nga ba ang mga Pilipino?

Tamad nga bang talaga ang mga Pilipino?

HINDI man aminin ng ilang nasa gobyerno, patuloy na dumarausdos ang kabuhayan ng milyun-milyong Pinoy. Bagaman sinasabi ng pinakahuling sarbey ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba nang halos dalawang puntos ang tantos ng mahihirap sa bansa—mula 51 porsiyento ng pamilyang Pinoy (mga 10.4 milyon) noong 2010, patungong 49 porsiyento (o katumbas ng 9.8 milyong pamilya) ngayong 2011—hindi maitatatwang hindi pa rin ganoong kabuti ang lagay ng marami nating kababayan. Continue reading

brutal

Larawan mula sa http://kingdommotivated.blogspot.com/

pagkaminsan
salitang akala’y malamig
ay nag-aapoy na balaraw
sa gitna ng dibdib
sumusupok sa kaluluwa’t isip.
may pagkakataon
na kahit na umambon
ang salitang idinaluyong –
sa pampang
ay hindi na maiurong!

* Kay D. na aking kaibigan at kaututang-dila lagi…

pahinga (kay Jane… isang kakilala)

Alam kong pagod ka na at ibig mo nang mamahinga sapagkat sa puso mo ay parang wala nang mahahanap na pagsinta. Ang diwa’y lito at batbat ng problema maging ang katawan ay pagod sa maghapong paggawa. Minsan hindi natin nababatid na napapagod tayo sa mga bagay na hindi naman dapat talagang pagpaguran. Oo, kailangang kumayod para malamnan ang bulsa at tiyan subalit atin yatang nalilimutan:

…ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? (Cf. Mat. 6:25)

Naghahanap tayo ng katugong karnal na pag-ibig subalit napagtanto na ba natin na walang hihigit kaysa sa banal na pagibig ng Diyos? Sabi nga niya:

Yamang ikaw ay naging mahalaga sa aking paningin, at kagalanggalang, at aking inibig ka; kaya’t magbibigay ako ng mga tao na pinakatubos sa iyo, at ng mga bayan na pinakatubos sa iyong buhay. (Isa. 43: 4, ang Dating Biblia)

Sa ngayon, bakit ka mangangamba, kapatid kong marikit at maganda?