Mula Tula Hanggang Dula, Mula Tradisyon Hanggang Sa Bulok Na Sistema: Ang Panitikang Mapanghimagsik Sa Panitikang Pilipino*

Mark Joseph Rafal

“Napopoot tayo pagkat nagmamahal: pagkat tayo’y saksi sa pangangalawang…

Napopoot tayo pagkat tayo’y nagmamahal; nagmamahal kaya’t braso’y humahataw.”

Bahagi lamang ang nasabing mga linya ng isang tula ni Romulo Sandoval, isang rebolusyunaryong makata at isa sa mga makatang naging tinig ng mga uring-anakpawis nuong panahon ng dekada ‘70, ang dekadang ipinunla ang pagkakaroon ng Batas Militar sa bansa. Pagkat Tayo’y Nagmamahal ang pamagat ng nasabing tula na tumatalakay at nagpapakita sa kondisyon ng mga obrero’t magsasaka sa panahon kung saan namamayani ang ligalig at takot sa paligid. Kung papansining mabuti, ang tinig sa tula’y iniuusal ng isang obrero o magsasaka na lubos na nagmamahal—hindi ang malagkit na pagmamahal sa isang sinisinta—kundi ang pagmamahal sa kalayaan nilang makawala sa kadena ng mga nang-aapi sa kanilang uri. Halimbawa ang tulang ito ni Mulong ng isang tula ng paghihimagsik laban sa mga uring sumisipsip lamang ng dugo sa mga tulad nilang pinapatay na halos ng pagod na ang kapalit ay tila limos pa nilang hinihingi. Sapagka’t mayruong iba’t ibang antas at iba’t ibang uri ng paghihimagsik, ang tulang ito ni Mulong ay isang magandang halimbawa ng paghihimagsik laban sa pang-aalipin at pananamantala. Ang mga ganitong akda ay pagpapatunay lamang na ang Panitikang Mapanghimagsik ay patuloy na umiiral sa anumang panahon, saan mang larangan at sa iisang katotohanan na ang paghihimagsik ay bahagi ng lipunan na ating ginagalawan.

Mga Prayle at mga Propagandista at Ang Himagsik sa Kolonya

Nuon pa man, marami nang mga manunulat ang naghimagsik at lumikha ng mga akdang sumusubok, nanghahamon at tumutuligsa sa lipunan na kanilang kinabibilangan. Isang matibay na halimbawa ng akdang mapanghimagsik ang mga katha nina Marcelo H. Del Pilar, Graciano Lopez Jaena at ni Gat. Jose Rizal. Ilan sila sa mga kinikilalang propagandista ng kanilang panahon na nagsiwalat ng mga kabulukan sa panahon ng pananakop ng mga Espanyol at ang patuloy na pananamantala ng mga Prayle sa mga Indio.

Sa isang akda ni Del Pilar, ang Dasalan at Tocsohan, gamit ng mga popular na dasal sa pamamaraang kakatwa o satirical ay ipinakita niya ang mga ‘di makataong asal at pamumuhay ng mga Prayleng Espanyol at kung paano sinasamantala ng mga ito ang mga Pilipino:

Amain naming sumasakumbento ka, sumpain ang ngalan mo, malayo sa amin ang kasakiman mo, kitlin ang leeg mo dito sa lupa para nang sa langit. Saulan mo kami ngayon nang aming kaning iyon inaraw-araw at patawanin mo kami sa iyong pag-ungal para nang pag papatawa mo kung kami nakukuwaltahan; at huwag mo kaming ipahintulot sa iyong manunukso at iadya mo kami sa masama mong dila.

Sa kuwentong Fray Botod naman ni Gracianao Lopez Jaena, na isa ring kilalang propagandista sa panahon ng kolonyang Espanyol, gamit ang pamamaraang lampoon, isiniwalat niya ang kaululan, kasibaan at ang pangangamal ng kuwarta ng mga prayleng Espanyol. Isinalarawan ng kuwentong Fray Botod ang isang prayleng may malaking tiyan na resulta ng katakawan, mahilig sa babae at ang imoral nitong pamumuhay sa kabila ng pangangaral niya ng mga banal na salita umano ng diyos.

Isinulat naman ni Gat. Jose Rizal ang dalawang dakilang nobela na nagpakita ng tunay na kalagayan ng lipunang Pilipino nuong panahon ng kolonyang Espanyol. Ito ang Noli Me Tangere at ang El Filibusterismo na sinasabing siya ngang nagpasiklab at nagpaalab sa damdaming makabayan o nasyonalismo ng mga Pilipino na humantong sa rebolusyunaryong paghihimagsik ng mga uring sinasamantala. Malaki ang naiambag ng dalawang nobela sa pagpapayabong ng paghihimagsik ng mga Pilipino laban sa kolonyang Espanya at hanggang sa kasalukuyan ay tinitingala ang Noli at Fili bilang pinakatatanging akdang Pilipino na naghimagsik at patuloy na naghihimagsik.

Pormalismo, Konserbatismo at Romantisismo: Himagsik Sa Kinagisnang Tradisyon

May iilang paghihimagsik ang nagbunga mula sa pagbaklas ng sarili sa pamantayang tinatanggap ng nakararami. Sa usapin ng Panitikang Pilipino, maraming akda ang tunay na naghimagsik sa nabubulok na pamantayan ng tradisyunalismo at konserbatismo, ang pagbatay ng akda sa porma at teknikalidad o maging ang usapin ng seks (sex) bilang isang taboo sa pamantayan ng panitikan.

Maraming manunulat ang sumubok na sumalunga—at nagtagumpay sila—sa  tradisyong ito ng lumang Panitikang Pilipino na mapahanggang ngayon ay tinatangkilik ng nakararaming tila ibinaon na ang sarili sa luma at nagbubukbok na pamantayang dapat ay lipas na—at hindi naman sinasabing ito’y walang latoy bagama’t ang iilan ay tinitingala ang porma kaysa sa esensiya ng mismong akda.

Sa tula, pinangunahan ni AGA o Alejandro G. Abadilla, kinikilala bilang Ama ng Makabagong Panulaang Pilipino, ang paghihimagsik sa lumang tradisyon. Sa kaniyang akda na Ako Ang Daigdig, ipinakita niya sa madla ang isang halimbawa ng tulang modernismo:

ako

ang daigdig

ako

ang tula

ako

ang daigdig

ng tula

ang tula

ng daigdig

ako

ang walang maliw na ako

ang walang kamatayang ako

ang tula ng daigdig

Sinubok ni AGA ang makabagong tula, at hindi siya nabigo sapagka’t maraming iba pang makata ang sumunod sa kaniyang yapak. Ito ang mga makata na naniniwala sa tula bilang isang malayang uri ng panitikan na hindi dapat ikulong sa pamantayan ng sukat at tugma lamang. Ang mga makatang umusbong nuong Dekada ’70 hanggang ’80 tulad nina Jose Lacaba, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Lamberto Antonio, Emmanuel Lacaba, Virgilio Almario, Bayani Abadilla at iba pa ay ilan lamang sa mga makata na naniniwala sa bisa ng malayang pananalinghaga sa paglikha ng isang makabuluhang tula.

Sa larangan ng kuwento hindi maitatatwang ang aklat na Mga Agos Sa Disyerto ang siyang nagpabago at lumikha ng panibagong yugtong sumalunga sa lumang tradisyon ng pagkukuwento. Sina Rogelio Ordoñez, Edgardo M. Reyes, Rogelio Sikat, Dominador Mirasol at Efren Abueg ang nagbigay ng bagong mukha sa larangang dati’y nilalanguyan ng mga kagila-gilalas na pagmamahalan, pag-iibigang malagkit at walang hanggan, at mga kuwentong lagpas sa katotohahan. Sinalunga nila ito. Naghimagsik sila sa makalumang tradisyon at lumikha ng pangalan sa Panitikang Pilipino.

Inilunsad nila ang realismo-naturalismo sa paglalahad ng kuwento. Sa tema ng mga akdang nakapaloob sa agos, mapapansin na ang kaganapan sa paligid ang kanilang inilalahad, ang reyalidad ng lipunan na ating ginagalawan na taliwas sa kanilang pinaghimagsikang panahon na nakakulong sa romantisismo at konserbatismo. Nagtagumpay din ang Agos na tibagin at paghimagsikan ang Ingles bilang midyium sa paglalahad ng kuwento. Ang kanilang paghihimagsik sa wikang Ingles, na lubhang namamayagpag at tinatangkilik sa kanilang panahon, ay pinagtibayan at kinilala ni Bienvenido Lumbera, isang kilalang kritikong pampanitikan. Ayon sa kaniya:

“Makakapa, samakatuwid sa mga akda sa koleksiyon ang paghahangad na patunayang kaya rin ng mga manunulat sa bernakular ang pag-eeksperimento sa lengguwahe ng mga manunulat sa Ingles. At higit sa lahat, pinatutunayan na sa kontemporaryong wika ng mga Tagalog, mas epektibo at kapani-paniwala ang pagbubuo ng salaysay mula sa mga paksain at tauhang hinango sa mga kontemporaryong pangyayari sa lipunang Pilipino.”

May ilan ding kuwentista ang naghimagsik sa kanilang panulat at sa tradisyong nagbubukbok na. Si Jun Cruz Reyes na nakilala sa paglalahad ng kuwento gamit ang pamamaraang conversational, at marahil, ay naghihimagsik sa mabulaklak na pananalita ng mga lumang Pilipino. Pansinin ang kaniyang kuwentong Utos Ng Hari:

[…] Ay, buhay estudyante. Makauno lang, kahit lulunin ang sariling dila. Kumontra sa kanila, singkong maliwanag. Tumango-tango ka naman para makauno, ibig sabihin noo’y sarili mo na ang kailangang lokohin. Pakisama lang talaga. Konting kompromiso, mundo ang diploma. Kung wala akong diploma, sino naman ang maniniwalang may kauubrahan nga ako. Sana’y di nauso ang grade, di sana’y hindi ako mahihiyang pumasok kahit Metro Manila Aide. Kung graduate naman ako, hingan ng experience sa pag-aaplayan ko, dedo rin. At kung tapos nga, nakakahiya naming pati trabahong pang mahirap ay pagtiyagaan ko. […]

Makikitang ginamit ni Jun Cruz Reyes ang Taglish bilang pagsabay na rin sa makabagong pananalita’t pamumuhay ng mga karaniwang Pilipino. Humiwalay rin siya sa pagpili ng mabibigat na paksain ng isusulat at sumandig sa mga karaniwang kalagayan at karanasan ng mamamayan. Ang kadalasang kuwento niya ay tumatalakay sa buhay ng isang estudyante o ng isang anak sa karaniwang pamilyang Pilipino o ang gawi ng pamumuhay ng mga tambay sa kanto o ng taga-looban o iskuwater.

Isa rin si Tony Perez sa mga manunulat na sumalunga at naghimagsik sa lumang tradisyon ng panitikan. Sa kaniyang kalipunan ng mga kuwento, ang Cubao Pagkagat Ng Dilim, at koleksiyon ng kaniyang mga akda, ang Eros, Thanathos, Cubao, ginamit ni Perez ang sikolohiya sa paglikha ng mga kuwentong sikolohikal at panlipunan na nuong mga nagdaang dekada ay tila iniiwasang tapakan at pag-eksperimentuhan ng mga manunulat.

Nariyan din si Wilfredo Virtusio na kinikilalang kuwentista ng buhay-bilangguan at buhay-bilanggo. Naghimagsik siya sa porma at paglalahad, sa mga paksa at sa pagpili ng mga tauhan. Sa kaniyang kuwentong Silang Mga Naiwan, tila ang paggamit ng point-of-view o punto de bista ang kaniyang pinaghihimagsikan. Maaring maguluhan ang mga mambabasa kung sino nga ba ang nagsasalita at marahil ay maligaw sa takbo ng kuwento bagama’t yaon ay bahagi lamang ng eksperimento at pagsalunga sa tradisyon ng pagkukuwento.

Sa pangkalahatan, si Ave Perez Jacob na marahil ang tunay na naghimagsik sa Panitikang Pilipino. Mulang estilo, hanggang sa paksa, sa mga bantas at mga tauhan ay sinalunga ni Jacob. Ang kaniyang mga akda ay kakikitaan ng iba’t-ibang antas ng paghihimagsik. Sa kaniyang aklat na Ang Pagdating Ni Elias Plaridel at Iba Pang Piling Mga Kuwento, makikita ng mga mambabasa ang husay at talas ng paghihimagsik ni Jacob. Sa kuwentong Lagablab Sa Utak Ni Damian Rosa, marahil ay mabibigla ang mga mambabasa sa porma at estilo bagama’t ito nga’y tanda ng tapang ni Jacob na salungain ang kinamihasnang pamantayan ng isang kuwento.

Sa larangan ng nobela, tunay ngang iilan lamang ang tunay na naghimagsik sa kinagawiang tradisyon ng Panitikang Pilipino. Lilitaw at lilitaw na ang akda ni Gat. Jose Rizal ang pangunahing nobelang mapanghimagsik nguni’t lilitaw din na ito’y nakasanib sa tradisyon ng romantisismo at ang pagmamahalang Ibarra’t Maria Clara ang lubhang mananalaytay sa kaisipan ng mga mambabasa kung sa mababaw na pagsusuri lamang mapag-uukulan. Nguni’t sa usapin ng paksain ng isang nobela, na mariin na ring tanda ng paghihimagsaik laban sa kinagawiang paksain ng pag-iibigan at pantasya, maraming nobela ang makasusunod sa pamantayan. Nariyan ang mga nobela nina Lazaro Francisco at Amado V. Hernandez. Ang nobela ni Rogelio Sikat na Dugo sa Bukang-Liwayway, ang kay Dominador Mirasol na Ginto Ang Kayumangging Lupa at ang kay Efren Abueg, ang Dilim sa Umaga at ang Mga Kaluluwa Sa Kumunoy na tumalakay sa usapin ng lupa at pakikibaka ng mga makabayang mamamayan.. Nariyan din ang Sibol Sa Mga Guho ni Ave Perez Jacob, ang Tutubi, Tutubi… Wag Kang Magpapahuli Sa Mamang Salbahe at Diwalwal: Bundok Ng Ginto at Sa Kagubatan Ng Lungsod ni Edgardo M. Reyes.

Ang iba’t ibang antas ng paghihimagsik sa iba’t ibang uri ng panitikan ay lubhang nanalaytay sa Panitikang Pilipino at ito’y nananatili hanggang sa kasalukuyang mga kabataang manunulat na sumusulat at sumusubok na lumikha ng mga akdang tunay ngang sumasanib sa tradisyon ng paghihimagsik sa dapat ay lipas nang pamantayan. Tanda ito ng umuunlad na panitikan at pagbabago ng lipunan.

Moral, Imoral at Katolisismo: Pagpapalaya’t Himagsik sa Wika at Libog ng Katawan

Ang libog, ayon kay Sigmund Freud ay bahagi ng katauhan ng isang nilalang at natural lamang na ito’y umusbong at hindi marapat pinipigilan. Sa punto ng paghihimagsik laban sa konsepto ng moralidad, ang Simbahang Katoliko ang higit na kalaban ng isang maghihimagsik. Sila na umano’y nagdidikta ng tama at moral ng isang lipunan. Nguni’t sa mga manunulat, ang pagpapalaya ng libog at sekswal na paglalahad ng mga bagay-bagay ay isang karapatan at pribilehiyo na marapat lamang ipabatid sa nakararami.

Sa ibang panig ng mundo, matagal nang napalaya ang isyu ng libog at sekswalidad sa larangan ng panitikan. Nariyan ang Justine at Julliete ni Marquis De Sade; Tropic of Cancer at Tropic of Capricorn at Tropic of Cancer  ni Henry Miller; Lady Chatterly’s Lover ni D.H. Lawrence at Lolita ni Vladimir Nabokov, mga akdang naghimagsik sa konserbatismo ng kani-kanilang lipunang ginalawan.

Dito sa bansa, mapahanggang ngayon ay may pangingimi pa ring talakayin sa mga akdang pampanitikan ang usaping ito na resulta na rin ng 333 taong pamamayagpag ng Espanya at ng Simbahang Katoliko sa lipunang Pilipino. Nguni’t may ilang nangahas na umigting at tinalakay pa rin ang mga ito sa kabila ng mapaniil na pangil ng Simbahan sa ganitong mga akdang pampanitikan.

Ang ilang akda ni Tony Perez ay tumalakay sa usapin ng libog at ang kalayaan sa pagpapahayag ng mga ito. Sa kanyang tula na Mga Ehersisyong Ponetiko (Na Di Ginamit Sa Mababang Paaralan Kailanman), tinalakay niya ang ilang salita na iwinawaksi sa mga mag-aaral bagama’t kasama ito sa wikang ating sinasalita. Pansinin ang tula:

1.      Punong salita: bata

Bata

Bate

Bati

Bato

Batu

2.      Punong salita: tao

Taa

Tae

Tai

Tao

Tau

6.     Punong salita: tita

Tita

Tite

Titi

Tito

Titu

Sa isa pa niyang akda, ang kuwentong Ang Pasko Ay Sumapit, pinasadahan ni Perez ang libog bilang isang sikolohikal na kaganapan sa isang indibidwal. Ito ay kuwento ng isang babaeng may kakaibang hilig sa seks at ang tago nitong pakiki-ulayaw sa ilang taong kakilala’t nakasasalamuha.

Sa mga tula naman ni Maelfatalis, na isang babaeng makata, sa antolohiyang Ipuipo Sa Piging, ay makikita ang ilang erotisismo. Ang mga tula ay halimbawa ng mga tulang binansagang erotika, na isang uri ng panitikang tumatalakay sa seks at ilang bagay na may kinalaman dito tulad ng ari, suso at iba pa. Sa Likido, ipinadadama niya ang init ng pagsisipingan ng dalawang nilalang:

Kamay

Na paikut-ikot

Naghahanap

At nagmememorya

Ng bawat balahibo-

Pumatong ako

Sayo

At umisa

Sayo

Nagpakawala

At kumalimot

Sa sandali-

Kuko

Na bumabaon

Sa likod mo

Ng dahil

Sa di maipaliwanag

Na ekstasi-

At lumabas

Ang impit na sigaw

May isang tula rin na tumuligsa sa pagkahumaling ng ilan nating kababayan sa banal umanong Santo Papa. Ito ang tula ni Rogelio Ordoñez na Ave, Ave, Pater Patrum! na akdang sinangkapan ng ilang salita, na sa pagkakabasa’y mahihinuhang mga salitang Latin na kadalasang gamit ng mga taong simbahan sa kanilang pagmimisa at pagpapakalat ng salita ng diyos. Isang tula ito na nalikha ni Ordoñez nuong taong 1970 sa pagbisita ng Papa Paulo VI sa Pilipinas at ang puspusang paghahandang isinagawa ng pamahalaan laan sa kataas-taasang sugo ng Simbahan. Pansinin ang tula:

Mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa, nang sa kanto’y magdaan ang Santo Papa ako po’y nasa kubeta… nagbebendita’t nagdaraos ng sariling misa. Ave, Ave, Pater Patrum! inodoro’y nagkumunyon, nangumpisal pa sa poon. Ave, Ave, Birheng Maria! ipanalangin ang anak mong nagkasala. Mea culpa, mea culpa, mea maxima culpa, ni hindi ko man lamang nakita ang tiara ng Santo Papa… nang magpunta siya sa Luneta at magmisa, ako po’y umiinom ng hinebra sa restawran ni San Da Wong sa Ermita. Diyos Ama, Diyos Anak, Diyosa Espiritu Santa! ako po’y huwag bulagin ng mga kalmen at estampita habang ang kandila’y bangkay na naagnas sa bawat kandelabra. Kahit ako po’y di lumuhod sa Santo Papa nakita ko naman ang kanyang anghel de la guwardiya sa bote ng La Tondena…

Makikita sa tula ang matalas na paghihimagsik ni Ordoñez sa kinamihasnang kultura ng mga Pilipino na pagsamba sa mga taong Simbahan. Kapansin-pansin din ang galit ng may-akda sa imoral na gawi ng simbahan at ang pananamantala nito sa naghihirap na mamamayan. May tula rin si Ordoñez, ang Hijo y Hija De Puta na tumalakay sa usapin ng double-standard na pamantayan ng Simbahan at ang baluktot na pagtingin nito sa paggamit ng contraceptives at ilang paraan ng pagkontrol sa populasyon.

Ang paghihimagsik na ito ni Ordoñez, ukol sa usaping sekswal at imoralidad ng Simbahan, ay ‘di lamang sa tula matutunghayan. Higit pang mabagsik ang pagtalakay ni Ordoñez sa mga usaping ito sa kaniyang mga sanaysay at editoryal. Basahin halimbawa ang kaniyang sanaysay na pinamagatang Alin ang Imoral? :

Sa aba naming palagay, higit na imoral ang karalitaan kaysa birth control at aborsiyon at kasalanang mortal ng mga basalyos ng Simbahan ang hadlangan ang bagay na ito. Sabagay, kahit lumaganap nang lumaganap pa ang karalitaan dahil sa pagdami ng populasyon, yayaman at yayaman naman ang Simbahan at, katunayan nga, mga isang trilyong dolyar na ang kabuuang yaman ngayon ng Vatican. […]

Alin nga aba ang imoral at kasalanang mortal: ang birth control a aborsiyon o ang pagsusulong sa karaliatan at pagpapayaman ng Simbahan sa pawis at dugo ng dayukdok na sambayanan?

Mayruon ding mga sanaysay at editoryal ang mapanghimagsik sa panlasa ng Simbahan. Ang Huwad na Kabanalan;  Imoral na Lipunan;  Parehong Mukhang Pera;  Dasal ang Solusyon, Anak ng Galunggong;  Simbahan ng Eskandalo  at Higit na Malaswa at Imoral ay ilan lamang sa mga sanaysay ni Ordoñez na tunay na naghihimagsik at sumasalunga sa manhid at tahimik na bibig ng ibang manunulat.

Sa nobela ni Edgardo M. Reyes, ang Ang Mundong Ito Ay Lupa, mabisa niyang nailahad ang mga bagay-bagay hinggil sa usapin ng kaputahan o ang malaganap na negosyo ng prostitusyon sa bansa. Pagsisiwalat ang nobela ng mga isyung panlipunan at ang tunay na estado ng seks at prostitusyon sa kontemporaryong panahon.

Ang Ritwal naman ni Levy Balgos Dela Cruz, isang maikling nobela, ay akdang hantad na nagpapakita ng kabulukan ng isang lipunang partiyarkal. Ang mga seksuwal na pangyayari sa maikling nobela, bagama’t tila lagpas daw sa katotohanan, ay ‘di maitatatwang nangyayari talaga maging sa kasalukuyang panahon. Sang-ayon nga sa synopsis ng kaniyang aklat, ang Mga Ritwal, Sumpa At Panata: Kalipunan Ng Tatlong Maikling Nobela:

Sa “Ritwal,” “Sumpa,” at “Panata,” gumigitaw ang kapangyarihan na parang uod mula sa nabubulok na laman. Karnal. Nakapaloob sa salitang ito ang binhi ng kapangyarihang tila damong sumusupling sa ilang…

Hindi metapora ang mga seksuwal na pangyayari sa librong ito. Sa halip, ito’y mga literal na pagbibigay kahulugan sa katotohanan sa pangingibabaw at pagsasamantala sa mga bata at kababaihan sa isang patriyarkal na kalakaran. Pagnanasa sa laman ng itinuturing na mahihina ang saligang manipestasyon ng pamamayagpag ng kapangyarihang ito.

Isang paghihimagsik rin ang Ritwal ni Balgos sa mapaniil na pangil ng Simbahang Katoliko sapagka’t sino nga ba ang tunay na nagpakilala’t nagpapalaganap ng patriyarkal na sistema ng lipunan? Sa pagsusuri, ang Simbahan ang nagdidikta ng umano’y tama at moral nguni’t sila rin ang pangunahing ehemplo ng imoralidad at maling pag-iisip hinggil sa seksuwalidad.

Sa larangan ng maikling kuwento, marahil ay may iisang pinakatatanging akdang malayang nagpahayag sa usaping sekswalidad bagama’t ika nga’y sa masusing pag-uugat sa akda, mapipiga na ito’y akdang hinabi sa pagdakila’t paglalantad sa kalagayan ng mga aping manggagawa. Ang akdang nabanggit ay isinulat ni Rogelio Ordoñez, may pamagat itong Ang Mundo Sa Paningin Ng Isang… at sa estilong paralelismo o parallelism inihalintulad o pinag-isa niya ang kuwento at kalagayan ng mga manggagawa at ang ari ng lalaki. Ang ari ng lalaki ang lantad na tauhan sa kuwento, inilalahad sa kuwento ang pag-usbong niya mula umpisa bilang isang wala pang kamuwangan hanggang sa kaganapan ng pagkatuklas sa tunay na kalagayan ng mga kauri niya. Magandang eksperimento ang kuwentong ito ni Ordoñez at magandang pampainit ng butsi ng nagbabanal-banalang Simbahan.

Magsasaka, Manggagawa, Maralitang Taga-lungsod: Himagsik Laban sa Pananamantala’t Kawalang Hustisya

Bagama’t may iba’t ibang uri ng paghihimagsik, higit pa ring nangingibabaw ang paghihimagsik laban sa bulok na sistema ng lipunan. Ang paghihimagsik na ito, na tanda ng pagpapahayag ng tao sa kaniyang kaganapan bilang indibidwal na may karapatang dapat pangalagaan, kalayaang dapat tahakin at saloobing dapat ipabatid sa iba, ang pagsukol sa ganitong esensiya ng tao’y magdudulot ng himagsik laan sa kung sinumang aagaw at yuyurak.

Kung susuriin ang kasaysayan, alin nga ba’ng mga pangyayari sa nakaraan ang tumatatak at nag-iiwan ng latay ng pagpapa-alaala kundi ang mga pangyayaring naghihimagsik, lumalaban at sumasalunga ang mga mamamayan. Ang mga rebolusyon sa kasaysayan, ang Rebolusyon sa Rusya, Pransiya at Tsina, at maging Rebolusyong 1896 dito sa Pilipinas, ay mga mukha ng paghihimagsik. At sinong ‘di maka-aalaala sa mga ito? Tunay ngang ang himagsik ay hindi naglalaho at habambuhay na umiigting.

At sa dagat ng panitikan, anong mga akda ang hanggang ngayon’y kinikilala at binabasa sa mga paaralan at akademya? War and Peace ni Leo Tolstoi; The Jungle ni Upton Sinclair; Mother ni Maxim Gorky; Grapes of Wrath ni John Steinbeck, at marami pang klasikong akda na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy na kinikilala sa mundo ng panitikan. Sabi nga ni Amado V. Hernandez mula sa introduksyon ng kaniyang aklat ng mga tula, ang Isang Dipang Langit:

Ang tula [akdang pampanitikan] ay hindi pulos pangarap at salamisim. Di-pawang halimuyak, silahis, aliw-iw, taginting at alingayngay. May kagandahan din sa kapangitan, kung paanong ang brilyante’y nabuo sa sinapupunan ng maitim na karbon.

At sang-ayon pa sa sinabi ng isa ring makabagong makata, si Noel Sales Barcelona:

Lahat ng sumikat na akda ay panlipunan, hindi pag-ibig sa pag-ibig lamang. Halos lahat ng tulang nakintal sa isip ng mga mambabasa, noon at ngayon ay hindi naman tula ng pag-ibig, pagsinta, takot—kundi mga tulang mabagsik na tumatalakay sa mga katotohanang umiiral sa lipunang Pilipino at nagpapaalaala sa mga pagpapahalagang unti-unti nating nalilimot dahil na rin sa ating pagkalulong sa kaisipang makadayuhan.

Sa Panitikang Pilipino, bagama’t nariyan ang mga akda ni Gat. Jose Rizal, ang Noli Me Tangere at El Filibusterimo, iilan pa rin ang mga manunulat na naniniwala sa panitikan bilang isang ganap na bahagi sa pagpapalaya at pagpapabuti sa kalagayang panlipunan ng bansa. Maraming manunulat ang hanggang ngayon ay nakasandig sa pamantayang ang sining o ang mismong panulat, sa kabuuan, ay isang astetikong gawain lamang at marapat lamang ay ilaan ito sa musa ng kagandahan at pagpapayabong ng porma at sining nito. Art’s for Art sake, ‘ika nga. At bagama’t talamak nga ang ganitong pagtingin sa panitikan, marami pa ring manunulat ang naniniwala at kumikilala sa panulat bilang isang matalim na balaraw na makasusugat sa manhid nating  lipunan.

Sa tula, nariyan ang mga Cesario Y. Torres at ang kaniyang tulang-epiko, ang Gulok, na tumalakay sa ebolusyon ng HUKBALAHAP patungong B.H.B o Bagong Hukbong Bayan. Nariyan din ang mga Amado V. Hernandez at ang kaniyang mga tula na kumikilala’t dumadakila sa buhay ng mga obrero. Sa kaniyang tula na Kung Tuyo na ang Luha Mo, nagbabadya si Ka Amado sa patutunguhan ng galit ng isang bayang pinagsasamantalahan:

May araw ding ang luha mo’y masasaid, matutuyo,

May araw ding di na luha sa mata mong namumugto

Ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,

Samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;

Sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo

At ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!

Nariyan din si Gelacio Guillermo, isang makabayang makata na nag-ugat sa panahon ng dekada ’70 at Batas Militar. Hanggang sa kasalukuyan ay nanatili siyang amain ng mga makatang lumilikha ng mga tulang naghihimagsik. Ika nya:

Noon lang ikalawang bahagi ng dekada sisenta natutunang itanong ng mga makata sa sarili sa paraang publiko: Ano ang silbi? Sino ang pagsisilbihan? Paano? Mainam ngayong ulitin ang tanong.

Naniniwala si Gelacio, o Ka Gelas sa ilang makata, na marapat na ang tulang-protesta o mga tulang naghihimagsik ay manatiling sumisibol sa anumang panahon. Kung kaya’t hanggang sa kasalukuyan ay ipinakikilala niya sa mga batang makata ang pagtula alay sa sambayanan.

Maging si Rogelio Ordoñez, na nakilala at kinikilala bilang isang bahagi ng Agos sa Panitikang Pilipino, ay nagsisilbi ring ama ng mga bagong usbong na makatang nais tumula. Ang mga tula niya ay naghihimagsik, at ang kaniyang mga kuwento ay nagpapakita ng paghihimagsik laban pang-aapi ng mga naghaharing-uri. Sa kaniyang mga aklat na Saan Papunta ang mga Putok? isang kalipunan ng kaniyang mga akda at ang Pluma at Papel: Sa Panahon ni Gloria na koleksiyon naman ng kaniyang mga sanaysay at editoryal, makikita at makikilala ang talas ng paghihimagsik ng isang Rogelio Ordoñez. Mayroon din siyang blog na kinatatampukan ng kaniyang mga bagong tula at sanaysay, ang plumaatpapel.wordpress.com.

Ang mga makata ring sina Jesus Manuel Santiago, Romulo Sandoval, Emmanuel Lacaba at Jose Maria Sison, kinikilalang pangunahing rebolusyunaryo ng bansa, ay lumikha rin ng mga tulang naghihimagsik at kumikilala sa kagalingan ng aping sambayanan. Naniniwala sila sa taludtod bilang isang armas ng pakikibaka. Pansinin ang isang tula ni Jesus Manuel Santiago, ang Kung ang Tula ay Isa Lamang, na nagpapaalaala kung saan nga ba marapat ilaan ang mga talinghaga:

Kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita,

nanaisin ko pang ako’y bigyan

ng isang taling kangkong

dili kaya’y isang bungkos

ng mga talbos ng kamote

na pinupol sa kung aling pusalian

o inumit sa bilao

ng kung sinong maggugulay,

pagkat ako’y nagugutom

at ang bituka’y walang ilong,

walang mata.

Malaon nang pinamanhid

ng dalita ang panlasa

kaya huwag,

mga pinagpipitaganang makata

ng bayan ko,

huwag ninyo akong alukin

ng mga taludtod

kung ang tula ay isa lamang

pumpon ng mga salita.

Sa mga makabagong makata, nariyan sina Alexander Martin Remollino, Pia Montalban, Arlan Camba, Stum Casia, Noel Sales Barcelona, Abet Umil, German Gervacio, Kislap Alitaptap at ilan pang umuusbong na makata na iniaalay ang kanilang mga taludtod upang isiwalat ang kalagayan ng kasalukuyang lipunang Pilipino. Nariyan din ang K.M. 64 Poetry Collective, isang samahan ng mga makata na naniniwala sa tula bilang elemento sa pagpapalaya ng sambayanan.

Kung babasahin ang mga akda ng mga nabanggit na makata, makikita’t madadama natin ang malawak na sambayanang kanilang tinutulaan. Mulang magsasaka hanggang sa maralitang taga-lunsod ay mayruon silang mga tulang nalilikha. Basahin ang isang tula ni Pia Montalban na pinamagatang Sino:

Nasisino

ng batang sumususo

ang dibdib ng Ina.

Sa maagang yugto

siya ay nangingilala. […]

Sino sa lipunan ang makapangyarihan

kung kaya edukasyong karapatan

ay sa iilan at hindi pangkalahatan?

Sino sa lipunan ang pinagpala—

Sino ang Diyos? Sino ang makasalanan? […]

Sino ang sanhi ng kahirapan:

Pyudalismo sa kanayunan.

Burukrata kapitalistang gahaman.

Imperyalismo ng demonyong si Sam.

Sino ang magpapalaya sa bayan?

Makikita sa tulang ito ang paghihimagsik ni Montalban sa bulok na sistema ng edukasyon na  epekto ng masasamang ismo ng lipunan, Piyudalismo, Burukrata-kapitalismo at Imperyalismo. Sa isa namang tula ni Arlan Camba, ang Sa Dibdib ng Lupa, ibinababala niya ang rebolusyong mangyayari kung magpapatuloy ang pang-aalipin sa mga naghihirap na magsasaka:

[…] Manghilakbot kayo panginoong may lupa;

walang sinasanto o dinidiyos

ang uring binubusabos;

matagal ng nakatundos

sa lupang binaog ang suhay

ng laksa-laksang pagkilos!

mangilabot kayo uring nagmalabis

sukdulan na ang aming pagtitiis,

sing dami ng butil ng pawis

sa aming katawan,

at kasing dami ng patak ng ulan

ang uusig sa kasumpa-sumpa

ninyong kahangalan!

Repormang agraryo…

parang tuyong ibinitin-bitin

sa katulad naming mga hingal-kabayo;

hindi kami tanga, hindi kami gago,

matagal nang kinukuba ang

aming gulugod ng inyong panggagantso!

hindi kami mangmang,

at mayroon ding alam;

malaon nang nagpipigil

ang palad ko’t mga bisig

sa puluhan ng itak kong

puputol sa iyong leeg!

Ang napipintong paghihimagsik: iyan ang itinutula ng ilang mga makatang naniniwala sa rebolusyong kahahantungan ng isang lipunang patuloy na pinahihirapan. Pansinin ang isang tula ni Noel Sales Barcelona, ang Sapagkat ang Dilim ay Hindi Kailanman Magiging Tanglaw na Liwanag:

[…] sindihan ang sulo ng kasaysayan

At apuhapin sa liwanag ang lunas

Sa mga sugat na nagnanaknak

na siyang puno at ugat

nitong Digmaang Nag-aalab.

Dahil sinasabi ko nga sa iyo,

ang dilim ay hindi kailanman magiging tanglaw

upang maliwanaga’t mapayapa ang naghihimagsik na isipan.

Maghihimagsik at patuloy na maghihimagsik ang mga makata ng bagong panahon. Hindi nauubos ang malaganap na ideya ng protesta upang kapusin ang mga makatang ito na lumikha ng hiyas ng pagpapalaya sa sambayanang inaalipin ng iilang naghaharing-uri. Sa isa ngang tula ng Makata ng Bayan, isang bansag na gawad at pagkilala sa buhay na inilaan niya sa pagmumulat sa sambayanan at pagmamahal dito, ibinubuod ni Alexander Martin Remollino kung ano at sino nga ba ang dapat tulaan. Pansinin ang Hindi na Lamang Ako Tutula:

Hindi na lamang ako tutula

kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin

ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,

o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.

Hindi lang iyan ang katula-tula,

marami pa ang higit na katula-tula –

lalo na sa mga panahong ito ng pamamayagpag ng mga kuto’t lintang

nagbabalatkayo bilang mararangal na tao.

At ayaw kong itong aking panulat

ay maging isang baril na walang bala,

kaya’t hindi na lamang ako tutula

kung ang ipatutula lamang ninyo sa akin

ay tungkol sa pagsasalubong ng mga titi at puki,

o tungkol sa tamis ng unang pagdadaupang-labi.

Sa larangan naman ng maikling kuwento, naririyan ang mga Levy Balgos Dela Cruz at ang kaniyang aklat ng mga kuwento, ang Bukal ng Tubig at Apoy at Mahabang-mahabang Paglalakbay Pauwi. Ang mga kuwento sa nabanggit na kalipunan ay mga kuwento ng pakikibaka sa kabundukan ng mga nilalang na naglulunsad ng Digmang Bayan laan sa pagpapalaya ng bayan.

Nariyan din ang antolohiyang Mga Agos sa Disyerto na kinapapalooban din ng mga kuwento tungkol sa mga mangagawa’t magsasaka na naghihimagsik sa pang-araw-araw nilang buhay bilang mga uring sinasamantala.  Ang mga kuwentong Mapanglaw ang Mukha ng Buwan ni Efren Abueg na kuwento ng trahedya ng isang mangingisdang napilitang gawin ang isang bagay na taliwas sa kaniyang kalooban upang masagip lamang ang asawang nilugmok ng malalang tuberkulosis; Mga Aso sa Lagarian ni Dominador Mirasol na kuwentong tumalakay sa buhay ng mga manggagawa sa lagarian at ang pananamantala sa kanila ng mga may-ari; Buhawi, Inuuuod na Bisig sa Tiyan ng Buwaya at Si Anto ni Rogelio Ordoñez na naglahad din ng buhay ng mga mangagawa’t magsasaka at ang dulot ng industriyalisasyon sa isang kanayunan; Daang-bakal ni Edgardo M. Reyes na laan naman sa mga manggagawa sa Perokaril o riles, at ang Tata Selo ni Rogelio Sikat na tila pagpapanibagong hubog ng tauhan ni Rizal sa kaniyang nobelang Noli Me Tangere, ay ilan lamang sa halimbawa ng mga kuwentong mapanghimagsik at naghihimagsik, mga kuwentong nagpapa-unawa sa kalagayan ng mga aping mamamayan.

Isang antolohiya rin na pinamagatang Sigwa, antolohiyang tinipon nina Romulo Sandoval, Ricky Lee, Ma. Milagros Carreon-Laurel at dalawang iba pa, ang kinatampukan ng mga kuwentong maalab na nakikihamok at naghihimagsik sa lipunang mapaniil nuong panahon ng First Quarter Storm. Isang antolohiya itong naglahad ng tunay na mukha ng lipunang nabubulok sa panahon ng paghahari ng mga Marcos. Makikita sa antolohiya ang mga kuwento nina Ricky Lee, E. San Juan, Jr., Jose Rey Munsayac, Wilfredo Virtusio, Fanny Garcia at ilan pang kilalang manunulat na lumikha ng mga kuwentong naghihimagsik laban sa diktaturya.

Ang mga kuwentong Masaya ang Alitaptap sa Labi ng Kabibi ni San Juan, Dapithapon ng Isang Mesiyas at Si Tatang, Si Freddie, Si Tandang Senyong at Iba pang mga Tauhan ng Aking Kuwento ni Lee, Sandaang Damit ni Garcia; Bilanggo ni Virtusio at Isang Araw sa Buhay ni Juan Lazaro ni Munsayac ay ilan lamang mga kuwentong nakapaloob sa antolohiyang Sigwa.

Sa dula, hindi rin maitatatwang mas naging maalab at direkta ang paghihimagsik sa larangang ito na iilan lamang ang sumusubok. Sapagka’t ang dula ay may direktang pagtanggap at pagharap mula sa mga manunuod, kinakailangang maayos na mailunsad at direkta ang paglalahad ng mga bagay na ipinararating. Maraming mga dulang mapanghimagsik ang umusbong mula pa nuong Panahon ng Unang Sigwa o First Quarter Storm hanggang sa kasalukuyang panahon.

Ang Kahapon, Ngayon at Bukas ni Aurelio Tolentino ay isang halimbawa ng dulang naghihimagsik. Ipinapakita ng makasaysayang dula ang ‘di pagsang-ayon sa Imperyalismong Amerikano at ang paghihikayat ng himagsikan laban sa mga nagbabantang mananakop. Ang dula naman ni Rogelio Ordoñez na Saan Papunta ang mga Putok? ay isang dula naman na nagpapakita ng pasismo ng mga militar at kung paano nila tratuhin ang mga makabayang legal na nakikibaka sa isang bulok na sistema.  Ang mga dula rin ni Ave Perez Jacob, ang Gising at Magbangon at Kailan Ka Huling Nakakita ng Alitaptap? ay mga halimbawa rin ng dulang naghihimagsik.

Sa Bangon, isang aklat-antolohiya ng mga dulang mapanghimagsik, makikita naman ang ilan pang dula na ganap at tunay na naghihimagsik. Ang mga dula sa antolohiyang ito ay tinipon nina Glecy C. Atienza, Bienvenido L. Lumbera at Galileo S. Zafra. May iba’t ibang katangian ang mga dulang mapanghimagsik ayon sa mga nagtipon. Sa kanilang introduksyon sa nabanggit na aklat, isinaad nila ang mga katangian:

Samu’t saring anyo at porma ng mga dula mula noong 1968 hanggang 1996 ang nagpamalas ng katangiang mapanghimagsik. Seryoso, nakakatawa, mapanudyo, realistiko, ekspresyonistiko, awitan, sayawan, nakasulat at hindi nakasulat—sa anumang anyo natagpuan ang mga dulang mapanghimagsik ay kakikitaan ng mga sumusunod;

  1. Ang mga dulang mapanghimagsik ay nagtataguyod ng halaga at kawastuhan ng armadong pakikibaka upang makamit ang kalayaan mula sa pananakop, pang-aapi at pagsasamantala;
  2. Ang mga dulang mapanghimasik ay tahasang bumabatikos sa suliranin ng imperyalismo, burukrata-kapitalismo, piyudalismo at pang-aabuso sa karapatang pantao at may pagtanaw sa pagtatayo ng isang alternatibong kayusan;
  3. Ang mga dulang mapanghimagsik ay mapanghikayat sa mamamayang makilahok sa armadong pakikibaka—mula sa panawagang makisangkot at humawak ng armas;
  4. Ang mga dulang mapanghimagsik ay gumagamit ng mga anyong madaling makauugnay ang masa upang mabisang mailinaw ang pagsusulong ng panawagang politikal ng armadong pakikibaka; at
  5. Ang mga dulang mapanghimagsik ay mahigpit na nakaugnay sa kilusang bayan na nagsusulong ng pagbabago sa kaayusang panlipunan.

Sa ganyang mga katangian, higit na naisakatuparan at naging konkreto ang pagsusulong ng isang antolohiyang tunay na kinapapalooban ng mga dulang mapanghimagsik. Tinipon rin nila, sang-ayon sa kronolohikal na pamamaraan, ang mga dula nang sa gayon ay makita ang pag-usbong at paglago ng naghihimagsik na anyong ito ng panitikan.

Sa dulang Tunggalian, itinampok ang pagtutunggali ng mga progresibong magsasaka at ng mga reaksiyunaryong uri na kadalasan ay kinakatawan ng mga uring nagsasamantala. Isinasabuhay din ng mga nasabing reaksiyonaryung uri ang masasamang ismo ng lipunan—ang piyudalismo, imperyalismo at burkrata-kapitalismo. Sa Masaker sa Araw ng Paggawa na isinulat ni Bonifacio Ilagan, isang kilalang makabayang mandudula, ipinapakita ang nakapanlulumong kalagayan ng mga manggawang taga-likha bagama’t patuloy na naghihirap at ang pagtawag ng kolektibang pakikibaka at pagsusulong ng malawakang pakikihamok sa mga uring nagsasamantala. Sa Sakada na sama-samang nilikha’t isinabuhay ng Negros Theater League sa pangunguna na rin nina Joel Albolario at Al Santos, ipinakita ang kahirapan ng buhay ng mga sakada sa bahaging Visayas at Mindanao at partikular sa probinsya ng Negros. Sa Sampung mga Daliri na sinulat ni Rizalina Valencia at Nanette Matilac noong 1978 at sinabuhay ng PETA, ipinararating sa mga manunuod ang malaking maiaambag ng kabataan sa pagbabago at pagsusulong ng isang malayang lipunang Pilipino.  Sa dula namang Macli-ing na isinulat ni Marilou Jacob, na isang residenteng mandudula ng PETA, matutunghayan ang buhay at pakikisangkot ni Macli-ing Dulag na isang pinuno ng tribong Igorot noong panahon ng Batas Militar na pinatay nuong Abril 24, 1980. Si Macli-ing ang nanguna sa pakikibaka ng mga Igorot sa laban sa ipinapanukalang pagtatayo ng Chico Dam sa rehiyon ng Kordilyera. At sa dula namang Kalbaryo ng Maralita ng Lungsod, na isinulat din ni Al Santos, itinampok ang buhay ng mga maralitang taga-lungsod at ang kanilang mga kinakaharap sa pang-araw-araw tulad ng kawalan ng trabaho, tirahan at edukasyon, ang mga pagbabanta ng demolisyon at pansamantalang relokasyon na dulot ng huwad at makasariling pag-unlad na isinusulong ng pamahalaan.

May ilan ring dula sa antolohiya na direktang tumalakay sa pamumuhay at karanasan ng mga kasapi ng Kilusang Lihim. Ang balagtasang Manahimik o Mag-aklas na isinulat ni Manuel Salva-Cruz na nagpapakita sa pagtatalo ng dalawang tauhan, si Juan Kimi at Juan Giting, hinggil sa ano nga ba ang marapat na gawin ng isang lipunang nasasadlak sa matinding kahirapan. Idinidiin ng nasabing dula na rebolusyon ang tunay na tunguhin ng isang lipunang sinisikil ng mga mapagsamantalang uri. Ang mga dulang Rekoberi, Ina ng Bagong Hukbong Bayan at Ang Atong PRG ay mga dula namang isinulat ng mga kasapi ng Kilusang Lihim at itinanghal sa ilang piling lugar ng bansa. Itinampok sa mga dula ang pamumuhay bilang isang kolektibang kilusan, ang mga karanasan sa engkuwentro at ang puspusang pakikihamok ng mga kasapi ng samahan upang isulong at makamit ang isang bayang may tunay at ganap na kalayaan. Ipinakita rin sa mga dula ang walang alinlangang paglalaan ng buhay ng mga martir ng ating lipunan.

Paghihimagsik Bilang Ugat ng Lahi

Sa anumang panahon, tunay ngang ang himagsik ay nasa laman at dugo ng mga akdang pampanitikan na sumasandig sa paniniwalang ang sining ay mula sa masa, para sa masa at tungo sa masa; na ang pagsalunga’y bahagi ng makabukuhang pagbabago’t ‘di pagsunod sa baluktot na agos at tradisyon ng lipunan; na ang pakikihamok ay magpapatuloy habang ang maling sistema, bulok na pamantayan at ang mga pananamantala’t pang-aapi ay nagpapatuloy. Ang doktrinang ito ang bumubuhay at patuloy na dadaloy sa kanilang mga ugat. Anupa’t ang masa ang musa ng mga manunulat na ito. At mababansagan bang bayani ang mga manunulat na ito, o ang sinupaman, na naglalaan ng buhay alay sa kagalingan ng sambayan at pagkakamit ng tunay na kalayaan? Paano nga ba ang maging bayani? Sasagutin tayo ng isang tula ni Jose Maria Sison, ang What Makes a Hero o Paano Maging Bayani, sa pagsasalin na rin ni Gelacio Guillermo:

Hindi ang paraan ng pagkamatay

Ang sukatan ng pagiging bayani

Ito ay ang kahulugang hinango

Sa mga pakikibaka sa kaaway.

Nandiyan ang bayaning namatay sa larangan ng digma

Nandiyan ang bayaning namatay sa gutom at sakit

Nandiyan ang bayaning namatay sa sakuna

Nandiyan ang bayaning namatay sa katandaan.

Anuman ang paraan ng pagkamatay

May nag-iisang pamantayan:

Pinaglilingkuran ng bayani ang mamamayan

Hanggang sa kahuli-hulihan niyang hininga.

*Inilathalang may pahintulot ng may-akda.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s