Ang mundo raw ay isang malaking gubat; at para mapanatili kang buhay, kailangan mo ng mga pamamaraan para makaangkop sa matitinding pagbabago sa loob ng environment na ito. Survival of the fittest, wika nga ng kontrobersiyal na biologist at naturalist na si Charles Darwin.
Sa madaling salita, tungalian o kontradiksiyon ang naghuhubog at nagpapagalaw sa daigdig na ito. Ayon nga kay J. V. Stalin ng Rusya,
“…internal contradictions are inherent in all things and phenomena of nature, for they all have their negative and positive sides, a past and a future, something dying away and something developing; and that the struggle between these opposites, the struggle between the old and the new, between that which is dying away and that which is being born, between that which is disappearing and that which is developing, constitutes the internal content of the process of development, the internal content of the transformation of quantitative changes into qualitative changes.”
Dialectical and Historical Materialism, J. V. Stalin
…
Pinamagatang “Pagtahak sa Aspaltong Gubat,” ang bagong antolohiyang binubuo ng bago ring umuusbong na organisasyong pangkultura at pansining na Karitong Literary and Arts Collective, dahil sa dalawang bagay: (1) maglalaman ito ng mga karanasan ng mga tunggalian sa buhay ng mga artista’t manunulat na makikisangkot sa pagbubuo ng aklat; at (2) magpapatunay ito sa kasabihang sa pamamagitan ng kontradiksiyon, umuusbong ang kinakailangang mga pagbabago na maaaring makabuti sa isang tao at sa kanyang lipunan.
Inaasahang lalamanin ng Pagtahak… ang mga akdang pampanitikan – tula at maiikling katha’t sanaysay – na bunga ng mga kontradiksiyong naoobserbahan ng mga alagad ng sining na ito sa pang-araw-araw nilang pakikihamok sa malawak na gubat ng daigdig, para mabuhay at manatiling umiiral.
…
Tinatangka ng antolohiyang ito na arukin, sa pamamagitan ng mga talata’t taludtod, ang mga kaisipang kalakip ng mga karanasang ito ng mga manunulat, dibuhista at makata na kaugnay naman ng karanasan at kaisipan ng mga kapwa nila manlalakbay sa mundong ito.
Habang sinisilip ang kanilang karanasan, tinatangka rin nitong arukin kung paano tinatanggap ng kanilang pag-iisip ang mga karanasang ito. Kung paano ang diyalektika ng mga bagay-bagay ay gumagana sa mapanlikhang kaisipan ng mga manunulat at makatang ito.
Sa madali’t sabi naniniwal tayong sa pagtahak nila sa aspaltong gubat, pinatitibay sila – hindi lamang ng mga karanasan kundi ng mga aral na kalakip ng mga karanasang ito, na nagbibigay naman sa kanila ng panibagong husay at talas sa kanilang pagsusulat o pagsasalaysay.
…
Gayunman, nililinaw ng mga may-akda o mga nagsipag-ambag (liban kay Prof. Rogelio L. Ordoñez na isa nang batikang manunulat, manunudling, kolumnista’t patnugot), na ang katipunang ito ay isang pagtatangka kung kaya, maituturing na hilaw na maaaring mapait o mapakla o maasim sa panlasa ng iba.
Subalit gaya ng mga tumatahak sa gubat, ang mahalaga’y malamnan ang tiyan at makapagpatuloy sa paglalakad. Datapuwa’t inaasahan namang kahit paano’y ang mga akda’y masasabi rin namang mayroong matayog na kaisipa’t pagtanaw. Gaya ng mga punongkahoy na nagsisilbing buhay at pananggalang ng manlalakbay sa gubat na iyon.
…
PAANYAYA:
Makata ka? Kuwentista? Mag0ambag na sa pinakabago at kauna-unahang antolohiya ng Kariton, ang “Pagtahak sa Aspaltong Gubat.”
Sa tula, limang tula ang hinihingi namin na may kinalaman sa karanasan ng makata sa pakikibaka niya sa lipunang kanyang ginagalawan. Dahil may pagkarealista ang ating antolohiya, inaasahan nating mayroong kinalaman sa panlipunang karanasan o obserbasyon ang kanilang akda. Gayundin ang sa maikling kuwento.
Ano nga ba ang mga kahingian?
